Chapter 14

1190 Words
Binalot ng katahimikan ang buong arena. Maging si Jin ay nanlalaki ang mga mata habang hindi makapaniwala sa nangyari. Unti-unting naglaho ang siyang barrier na nagbubukod sa mga manunuod at manlalaro sa loob ng stage. Para kong lantang gulay na dahan-dahang naglakad patungo sa kinaroroonan ni Unknown. Napakalakas niya. Imposible siyang matalo. Paulit-ulit kong iniisip na panaginip lang ang lahat, na hindi totoo ang mga nakikita ko. Nakahandusay si Unknown sa sahig, duguan at hinang-hina.   Nang tuluyang makalapit ay kaagad kong hinawakan si Unknown sa kamay habang si Jin naman ay patakbong sinugod si Ryzen. Sinuntok niya ito nang malakas ngunit tinawanan lang siya ng huli. Narinig ko ang sigawan ng mga tao dahil sa labis na galit sa nangyari. Sinong makapagsasabing matatalo ang pinakamalakas na Elementalist na nakilala ko?   Parang unti-unting nawala ang aking pandinig habang pinagmamasdan si Unknown. Tanging ang aking mabigat na paghinga lang ang aking naririnig at ang unti-unting paghihingalo ng batang nasa harapan ko ngayon.   “Unknown…” Inangat ko siya at maingat na inihiga sa mga hita ko at doon unti-unti ko nang hinayaan ang mga luha kong maglandas sa aking pisngi. “Unknown, naririnig mo ba ako?” Kaagad kong naalala ang mga potion na nasa loob ng bag ko. Kinuha ko ito at binuksan ang isa upang ipainum ang isa ngunit tumanggi siya. “Huwag matigas ang ulo, Unknown.” Hihikbi-hikbi pa ako habang pinagmamasdan siyang nakangiti sa akin.   “Kuya Grant…” bulong niya ngunit abot sa pandinig ko. “Ingatan mo ‘to ha?” Muli itong ngumiti habang inaabot sa akin ang hawak niyang weapon – isang Legendary Weapon. “Sabi ko sa ‘yo ‘di ba, sagot ko na ang weapon mo?” Ibig bang sabihin nito ay alam niya nang mangyayari ang lahat ng ‘to? Ngunit bakit pa rin siya tumuloy?   “Huwag kang magsalita ng ganyan. Hindi ko matatanggap ang ibinibigay mo. Aanhin ko ‘to kung mawawala ka naman sa akin? Sino na ang tutulong sa akin para lumakas? Sino na ang makakasama ko sa pakikipaglaban? Hindi ko ‘to matatanggap. Hinding-hindi ko ‘to matatanggap!” Nakagat ko ang aking pang-ibabang labi at nalasahan ko ang dugong nagmumula roon.   “Kuya… Grant… hindi ko na kailangan… ng star.” Ngumiti ito na animo’y walang iniindang sakit. “Dahil makakasama ko na ulit ang kuya ko.”   Ang huling pangungusap na binitawan niya ang siyang tuluyang gumuho sa aking mundo. Bumagsak ang kaniyang kamay at tuluyang binawian ng buhay. Napayakap ako sa kaniya nang mahigpit habang pinipigilang isigaw ang sakit. Unti-unting bumuhos ang malakas na ulan kasabay ng malalakas na pagkulog at pagkidlat. Parang nararamdaman ng langit ang pagdadalamhati na nararamdaman ko nang mga oras na iyon. Sa sandalling nakasama ko si Unknown ay parang nakababatang kapatid na ang tingin ko sa kaniya. Napakabata niya pa para mapagdaanan ang pait ng buhay. Mga bagay na sana ay hindi nangyari sa kaniya. Kahit anong pilit ko man na isipin na magiging payapa na siya ay hindi ko magawa lalo na at galit ang nangingibabaw sa akin nang mga oras na iyon. Galit sa taong hindi man lang binigyan ng pagkakataon na mabuhay pa nang matagal ang isang batang kagaya ni Unknown.   Habang nasa mga bisig ko si Unknown ay unti-unting nagliwanag ang katawan niya bago tuluyang naglaho. Isang alert ang mabilis na lumabas sa aming mga screen na siyang hinding-hindi ko matatanggap kahit na kailan.   Player Unknown has fallen.   Nanikip ang dibdib ko sa sobra-sobrang galit. Kaagad akong tumayo at mabilis na sinugod si Ryzen. Ilang suntok din ang pinakawalan ko na tumama sa kaniyang mukha nang walang mintis. Kaagad siyang bumagsak sa sahig at pinaibabawan ko siya. Handa na akong ibigay ang isa pang suntok nang mapahinto ako dahil sa ngiti niyang kasusuklaman ko habang buhay.   Maging si Jin ay hindi na nagawang makapagsalita habang pinagmamasdan ang galit na malinaw na nakarehistro sa aking mukha. Pilit kong ikinalma ang aking sarili at tumayo. Kaagad akong tumalikod kay Ryzen at nilapitan si Jin. May hiling akong ninanais kong matupad at hindi iyon masasakatuparan kung mamamatay lang din ako kaagad dito. Mababalewala ang lahat ng nasimulan ko maging ang mga tinuro ni Unknown kung magpapadala ako sa bugso ng galit. Yumuko ako at dinampot ang Legendary Weapon na pagmamay-ari ni Unknown.   “Tara na, Jin.”   “Mabuti naman at natauhan ka,” sabi ni Ryzen kung kaya naikuyom ko ang aking kamao sa labis na galit.   “Sa ngayon ay mas malakas ka sa ‘kin, Ryzen. Pero sa oras na makapasok ako sa Rankings, sisiguraduhin ko sa ‘yong, ako mismo ang tatapos sa ‘yo.”    +++   “Grant…” Si Jin ngunit hindi ko siya pinansin.   Nang mga oras na iyon, pakiramdam ko, parang kalahati ng buhay ko ang nawala. Tahimik lang ako habang nakaupo sa loob ng bahay na tinitirhan ni Unknown. Tulala lang ako habang pinagmamasdan ang Infernum – ang Legendary Staff na pagmamay-ari ni Unknown. Ang sandatang ipinagkaloob niya sa akin. Ngunit paano ko magagawang gamitin ang sandatang kahit na kailan ay hindi na magagawang magbalik ng buhay ng isang batang minsan nang naging bahagi ng buhay ko. Hanggang nang mga oras na ‘yon ay hindi ko pa rin magawang tanggapin na wala na siya. Kung alam ko lang na iyon na ang huling yakap ko sa kaniya, sana hindi ko na siya binitawan pa. Kung alam ko lang na iyon na ang huling araw na makakasama ko siya, sana nakipagkulitan pa ako sa kaniya.   Dinampot ko ang Infernum at doon ko pinakawalan ang nararamdamang sakit. Hinayaan ko lang ang sarili kong umiyak ng umiyak habang nakayakap rito. Humagulgol ako ng humagulgol hanggang sa kusa na lang akong napagod at nakatulog.   Dahan-dahan akong nagmulat ng mga mata at natagpuan ang aking sarili na nakahiga sa sahig. Wala na rin si Jin. Malalim na rin ang gabi. Bumangon ako lumapit sa binatana. Pinagmasdan ang malawak na kalangitan. Tumila na pala ang ulan. Tanaw ko na ang liwanag ng buwan at ang mga kumukutitap na mga bituin. Mas masaya sana kung narito si Unknown ngayon ngunit wala na siya at kahit na kailan ay hinding-hindi ko na siya muling makikita pa.   Makalipas ang ilang oras na pagmumukmok ay nagpasya akong magtungo na sa banyo upang ayusin ang aking sarili. Nang matapos ay muli kong dinampot ang Infernum at kinausap ito na animo’y maiintindihan ako nito.   “Wala na ang master mo. Ako na ang bagong mag-aalaga sa ‘yo. Pero huwag kang mag-alala dahil aalagaan kita nang mabuti.” Tiningnan ko ang bawat sulok ng kabahayan at puro ala-ala ni Unknown ang naroon. Alam kong hindi ako makaka-move on sa pagkawala niya kung mananatili ako roon. “Sorry, Unknown. Hindi ko man lang nagawang sabihin sa ‘yo ang dahilan kung bakit ko pinasok ang mapanganib na larong ito. Pero sana masaya ka na ngayon kung nasaan ka man.”   Nagsimula akong maglakad palapit sa pintuan at lumabas. Narinig ko pa ang paglapat ng pinto at ang tuluyang pagsara noon kasabay ng pagsisimula ng bagong kabanata sa aking buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD