“Monster Hunting Event?” Napatanong ako sa isip ko matapos mabasa ang bagong labas na event. Ayon sa description ng naturang event, ang goal is to kill boss monsters including elite monsters and legendary monsters and we will get double the loots. Meaning, kung may isang rare item na dina-drop ang isang boss monster, doble noon ang makukuha namin. Napakagandang event nito para sa mga gaya naming hindi pa gaanong malakas sa loob ng larong ito. Dahil dito malaking moneta ang maaari naming maipon gayundin ang mga rare items na makukuha namin ay maaari naming magamit sa pagpapalakas ng aming mga character.
“Magkano na ba ang moneta na meron ka?” tanong ni Unknown habang nakatuon ang atensyon sa pagbabasa ng event na nakapaskil sa bulletin board sa loob ng Traveler’s Hall. Pero bakit kaya niya tinatanong kung magkano na ang moneta na naipon ko?
“Mayroon na akong mahigit isang milyon dito,” tugon ko.
“Kailangan na nating ayusin paunti-unti ang gamit mo. Simulan natin sa weapon mo. Ang staff mo kasi parang pambata pa.”
Kung tutuusin ay tama siya. Ang staff na hawak ko ngayon at ginagamit sa pakikipaglaban ay nakuha ko pa sa noong kuhanin ko ang profession ko. Mas pinagtuunan ko kasi ng pansin ang mga armor ko at pagpapalakas ng magical attack para matalo ang mga ordinary monsters.
“Pati ang suot mo, kuya Grant. Kaya madali kang nauubusan ng HP dahil ang baby pa ng mga gamit mo.”
Minsan talaga hindi ko alam kung matutuwa ako sa sinasabi ni Unknown. Pero sa kabilang banda ay alam ko namang para sa ikauunlad ko rin naman ang panghahamak niya sa pagiging mahina kong player. Hindi naman kasi siya basta nanghahamak lang, tinuturuan niya rin naman ako sa mga dapat kong matutunan para maging isang magaling na player. Ngunit gaya ng sabi niya, pati raw ang suot ko pang baby pa? Mahal kaya ang bili ko sa mga ito. Ibig bang sabihin ay mali ang mga nabili kong gamit?
“Ang gamit mong armor, pang beginner lang ‘yan. Pero ngayong may ipon ka ng moneta, maaari na tayong mamili ng mga gamit po para hindi ka ganoon kadaling mapapatay ng mga monsters sa field,” sabi ni Unknown.
Napalingon ako sa kaniya nang hawakan niya ako at hilahin ang kamay ko patungo sa pamilihan ng Winston. Halos karamihan ng mga malalakas na player ay nagkukumpulan sa isang lugar sa kaliwang bahagi ng pamilihan. Dahil doon ay hindi ko na naiwasang magtanong sa kaniya.
“Bakit ang daming tao roon?” Tinuro ko ang nasabing lugar at kaagad naman niyang nilingon.
“Doon kasi maaaring ibenta ng mga players ang mga rare items sa nararapat na halaga. Kung sa iba mo kasi ibebenta ang rare items na makukuha mo, malaki ang tsansa na baratin ka lang din nila. Ang ending ibebenta lang din nila rito at sila ang makikinabang nang malaki n asana sa ‘yo mapupunta kung dito ka dumiretso,” paliwanag niya.
Kaya pala kahit malalakas na player ay naroon at nakikigulo pa rin sa kumpulang iyon.
“Magkano ang isang ito?”
Nahawi ang kumpulan nang biglang may magsalita mula sa likuran.
“Si Ryzen.”
“Si Lightning Strike.”
“Hindi ba siya ‘yong unang player na nakarating sa floor 100 ng Infinite Tower?”
“Siya rin ang unang player na nakapatay sa Lucid.”
Ilan lang ‘yon sa bulung-bulungan ng mga naroon. Napakalakas niyang talaga. Sinong mag-aakala na muli ko itong makikita sa lugar na ito?
Mabilis na nag-iba ang ihip ng hangin at nabaling naman ang atensyon ng lahat sa akin nang bigla itong magsalitang muli at nilingon ako.
“Grant…”
“Ryzen…” Seryoso lang ako habang nakatingin dito. Kailan nga ba kami huling nagkita? Gustuhin ko mang kalimutan ang araw na iyon ay hindi ko magawa lalo na at nakakaramdam ako ng inis sa tuwing makikita ko ang lalakeng ito.
“Magkakilala sila?”
“Ewan.”
Mga bulung-bulungan na mas nagbigay tensyon sa pagitan naming dalawa.
“Kumusta, Grant?” tanong nito.
“Mabuti,” matipid naman na tugon ko.
Ngumiti ito na kaliwang labi lang ang umangat na animo’y nang-aasar saka muling nagsalita.
“Alam mo bang masayang kasama si Jane. Mukhang nakalimutan ka na nga niya.”
“Ano namang kinalaman ko sa inyong dalawa?” Hindi ko naiwasang mainis sa klase ng pagsasalita nito. Pakiramdam ko ay sinasadya nito ‘yon para lalo akong bwisitin.
“Wala ba, Grant? Sa tono kasi ng boses mo ay parang ano mang oras ay gusto mo na akong paslangin.”
Naikuyom ko nang mariin ang aking kamao dahil sa labis na inis na kaagad din namang nawala nang hawakan ni Unknown ang kamay ko.
“Ryzen, kung iyong mamarapatin, maiwan ka na namin. Marami pa kaming kailangang gawin ni kuya Grant.” Ngumiti ito katulad ng isang bata ngunit may halong hamon sa mga ngiting iyon. Ang ngiting handing lumaban hanggang kamatayan.
“Si Unknown ang kilalang Draconic Wizard”
“Kuya raw? Close sila ng lalakeng ‘yon?”
“Oh… Walang problema, Unknown. Kinukumusta ko lang naman si Grant,” sabi nito.
Napaka-plastic talaga!
Nagsimula na kaming maglakad ni Unknown nang muli na namang magsalita ang hambog na si Ryzen.
“Magkita na lang tayo sa Battle Arena, Unknown. Huwag kang mawawala. Aasahan kong hindi mo ako bibiguin.”
“Tinatanggap ko ang hamon mo, Ryzen.”
Nagtitigan pa ang mga ito na siyang pinag-usapan pa lalo ng mga naroon. Battle Arena? Isang player versus player battle?
“Mukhang matinding laban ito.”
“Manunuod ako ng laban nila.”
“Sigurado namang si Ryzen pa rin ang magwawagi sa labang ‘yon.”
“Kay Unknown pa rin ang pusta ko.”
“Bukas. Pagsikat ng araw. Hihintayin kita.” Iyon lang ang huling sinabi ni Ryzen bago ito tumalikod at umalis sa lugar na iyon.
Naramdaman ko naman ang panginginig ng kamay ni Unknown kaya tiningnan ko ito.
“Unknown…”
Tara na, kuya Grant. Bayaran mo na itong mga pinamili ko para sa ‘yo. Tiyak kong mapapalakas ka na ng mga ito.” Napakamot na lang ako ng ulo dahil sa dami ng binili niya. Halos walang natira sa inipon ko. Paano na ako kakaen nito?
+++
Matapos maisuot ang mga gamit na pinamili namin, mula sa armor, helmet, boots, cape, at accessories, masasabi kong ang laki ng itinaas ng magical attack ko. From 5,000 to 7,000 really quick. Samantalang ang HP ko naman o health points ay umabot na sa 250,000 sa isang iglap lang.
“Oo nga pala, kuya Grant. Napansin mo bang halos pareho lang ang suot natin?”
Tiningnan ko ang suot niya at tama nga siya. Halos parehas nga. May mga kaunting pinagkaiba kagaya ng kulay, haba, laki ngunit kung titingnang mabuti ay parang iisang gamit lang sila.
“Oo nga no?”
“Parehas lang kasi ang suot ko sa suot mo. Ang kinaibahan lang ay ang enhancent level at refinement level ng gamit.”
“Enhancement level? Refinement level?” Ano raw?
“Mas mapapalakas kasi ang character kung alaga sa refine at enhance ang gamit. Ngunit sa kabilang banda, swertehan lang din kung mag-success ang refinement ng isang gamit. Bukod pa roon kailangan mong mag-offer ng gamit na kagaya ng gamit na ire-refine mo para mas malaki ang chance na mag-success ito. Kung ayaw mo naman mag-offer, pwede rin naman. Mas maliit nga lang ang chance na mag-success ito,” paliwanag niya.
“Teka saan ko naman ire-refine ang gamit ko?” tanong ko sa kaniya.
“Punta ka lang sa Pius City. Doon mo makikita ang Master of Forgery, si Granger.” Mukhang malayo-layo pa ang kailangan kong lakbayin lalo na at hindi ko pa nararating ang sinasabi niyang lugar.
Tumango-tango na lang ako bilang pagsang-ayon at binalot kaming dalawa ng katahimikan. Ilang minuto pa ang lumipas bago nito naisipang magsalitang muli.
“Kuya Grant,”
“Hhmm…”
“Bakit ka naglalaro nitong game?” Natahimik ako. Handa nga ba akong ikwento sa kaniya ang dahilan ng paglalaro ko? Handa nga ba akong pag-usapan namin ang mga bagay sa labas ng laro? “Ako kasi, naglalaro ako upang maging malakas. Sa totoong mundo, binu-bully ako ng mga kalaro at kaklase ko. Ang mga magulang ko, galit din sila sa akin dahil isa lamang daw akong palamunin. Puro sakit sa ulo lang daw ang ibinibigay ko sa kanila. Kuya ko lang ang siyang nakakaintindi sa akin, ngunit namatay siya nang dahil sa akin. Iniligtas niya ako sa kamatayan ngunit buhay naman niya ang naging kapalit. Kaya nandito ako ngayon para hilinging makasama siyang muli. Gusto kong hilinging mabuhay siyang muli at maglalaro kaming muli. Wala namang masamang naisin ko ang isang napakaimposibleng bagay lalo na at kaya namang tuparin ng larong ito ang lahat ng kahilingan hindi ba?”
Nanigas ako sa kinauupuan ko. Hindi ko akalaing may isang batang kagaya ni Unknown ang hihiling ng isang napakabigat na bagay. Noong una, akala ko, ako na ang mayroong pinakatatanging hiling sa lahat ngunit pinatunayan sa akin ngayon ni Unknown na nagkamali ako. Walanng-walang ang hiling ko kumpara sa kahilingang nais niyang matupad.
“Sa tuwing kasama kita, kuya Grant, parang kasama ko na rin si kuya ko.”
Napayuko ako at pinilit na pigilan ang mga luhang nagnanais na kumawala. Napakabuti niyang bata at kapatid.
“Tiyak kong ipinagmamalaki ka ng kuya mo, Unknown. Tiyak ko ring masaya siya ngayon na nakikita kang masaya.”
Ngumiti ako sa kaniya at ginulo ang buhok niya. Natawa naman ako sa naging reaksyon niya at nagpasya akong ibahin na lang ang usapan sa pagitan naming dalawa.
“Oo nga pala, Unknown. Paano naman ang weapon ko? Wala na akong moneta para pambili ng weapon,” sabi ko habang nakanguso sa harap ni Unknown.
“Akong bahala sa weapon mo. Libre ko na.”
“T-talaga?” Natuwa naman ako dahil sa sinabi niya. Sino ba namang ayaw ng libre?
“Oo nga, kuya Grant.”
“Salamat, Unknown. Hulog ka talaga ng langit Master.” Napayakap ako sa kaniya nang mahigpit dahil sa labis na tuwa.
Ngunit hindi sumagi sa isip kong iyon na pala ang huling araw na mayayakap ko siya ng mahigpit.