“Tsk!”
Iyon lang ang sinabi niya pero kahit ganoon nagkaroon ‘yon ng matinding impact sa akin. Hindi ako maaaring magkamali. Siya ang lalakeng minsan na ring nagligtas sa amin laban sa Salamander. Ibig sabihin ay siya pala ang tinutukoy nilang Legendary Hero.
Naglakad siya palapit sa amin at hindi nakaligtas sa akin ang pagsulyap niya kay Jane. Iyon lang ang ginawa niya bago siya tuluyang naglaho gamit ang teleport crystal.
“Jane! Grant! Ayos lang ba kayo?” tanong ni Jin habang humahangos palapit sa amin.
“Oo. Pero si Jane…” sabi ko habang nag-aalalang nakatingin kay Jane.
“Maraming mana ang nawala sa kaniya. Kaunting pahinga lang ang kailangan niya at babalik na sa normal ang lakas niya.”
Kaagad ko namang binuhat si Jane at bumalik na sa bayan ng Winston.
Pagkarating sa bayan ng Winston ay tahimik lang akong nakasunod kay Jin habang buhat-buhat si Jane. Doon ko lang din natitigan nang malapitan si Jane. Ang kinis pala ng mukha niya. Mahahaba rin ang kaniyang pilik mata at sakto lang ang tangos ng kaniyang ilong na bumagay sa oval na hugis ng kaniyang mukha. Nagawi ang tingin ko sa mapula niyang mga labi na tingin ko ay kay sarap hagkan. Napalunok naman ako dahil sa isiping iyon lalo pa at alam kong mali ang isipin ‘yon ngunit hindi ko maiwasan lalo pa at sadyang maganda ang babaeng nasa harapan ko ngayon.
“Ehem!”
Napalingon ako nang marinig ang pagtikhim ni Jin. Nakita ko kaagad ang makahulugang ngiti sa mukha nito na mukhang kanina pa pala kami pinagmamasdan.
“A-ano?’ Hindi ko naiwasang pamulahan ng pisngi. I am guilty. I can’t deny it.
“Nandito na tayo sa bahay ko. Pasok kayo,” sabi nito.
Pagkapasok namin sa loob ay kapansin-pansin kaagad ang liit nito. Tila isang maliit na kwarto lang ito na para lang sa isang tao.
“Bahay ba talaga ‘to?” Hindi ko naiwasang tanong.
“Alam ko maliit lang ito. Pero alam mo bang mayaman ka na kapag may bahay ka sa loob ng larong ‘to? Ito na ang pinakamura subalit pinakamaliit na klase ng bahay. Pang-isang tao lang kasi talaga ito at hindi tayo kakasyang tatlo rito. Pero sa ngayon maaari n’yo munang gamitin ang lahat dito habang busy ako sa mga quest. Ilang araw rin akong hindi makakabalik kaya hindi rin tayo magkikita sa mga panahong ‘yon. Kayo muna bahalang maglinis ng bahay ko.” Ngumiti ito nang may nakakalokong tingin. Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng kabahayan at masasabi kong napakakalat sa loob. May mga magazine rin doon na nagkalat at mga basura mula sa pinunit na papel at ginamitang kasangkapan sa pagkain.
“Teka tanong ko lang—”
Naputol ang sasabihin ko nang wala na pala roon si Jin. Tanging ako na lang ang naiwan doon at si Jane.
Maingat kong inilapag si Jane sa ibabaw ng kama. Wala pa rin siyang malay. Kumuha ako ng Blueberry Potion mula sa bag ko na alam kong kahit paano ay makakapagpabilis ng recovery ng kaniyang mana.
“Jane, inumin mo ‘to para mas mabilis kang makabawi ng lakas mo.”
Napakunot ang kaniyang noo senyales na naririnig niya ako. Mabuti naman at okay siya kahit paano. Itinapat ko sa kaniyang mga labi ang Blueberry Potion at ibinuhos ang laman noon sa loob ng kaniyang bibig. Nakita ko naman ang paggalaw sa kaniyang lalamunan. Mukhang sinunod naman niya ang sinabi kong inumin ang potion.
Nagsimula na akong tumayo upang magligpit ng kalat sa loob ng silid dahil kahit saan ako lumingon ay magulo. Dinampot ko isa-isa ang mga magazine na may mga larawan ng mga babaeng naka-swimsuit. Hindi ko naiwasang mapabuntong-hininga dahil sa nakikita ko. Pakiramdam ko nang mga oras na ‘yon ay nagkakasala ako kay Hannah. Bigla ko namang naalala ang bawat pagsulyap ko kay Jane kaya napalingon ako sa kaniya. Alam kong mali pero hindi ko maiwasang humanga sa kaniya. Ang katapangan niya, ang determinasyon niya, ang bawat pakikipagsapalaran niya sa larong ito, sino ba namang hindi hahanga sa isang katulad niya?
Muli kong itinuon ang atensyon ko sa paglilinis. Ilang oras din ang lumipas bago ako natapos. Sumalampak ako ng upo sa tabi ng kama at isinubsob ang aking mukha sa foam nito. Tiningnan ko ang status ng character ko at halos walang-wala pa sa kalingkingan ng kakayahang mayroon si Ryzen.
IGN: Grant
Profession: Elementalist
Level: 20
HP: 50,000
MP: 25,000
Doon ko lang napansin na kalahati rin pala sa mana ko ang nawala dahil sa Water Barrier skill kaya minabuti ko na lang na ipikit ang aking mga mata upang makapagpahinga hanggang sa hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.
+++
Kanina pa ako paikut-ikot sa buong Winston City ngunit kahit saan ako magpunta ay wala roon si Jane. Nagising akong wala na si Jane sa bahay ni Jin. Pinilit ko siyang kontakin ngunit hindi siya sumasagot sa mga tawag ko.
“Bakit ba ako nag-aalala? Baka naman kasi bumalik na siya sa totoong mundo hindi ba?” Para akong tanga na kinakausap ang sarili ko ngunit walang sumasagot.
Sinubukan kong magtanong-tanong ngunit walang nakakakita sa kaniya.
“Baka naman kasi may binili lang siya hindi ba?” Tinanong ko na naman ang sarili ko. Para kong nasisiraan ng bait. Pero nang magising akong wala siya sa tabi ko ay iba ang naging pakiramdam ko. Iba ang kaba ko kahit pinipilit kong isiping ayos lang siya. Hindi ko maipaliwanag pero kusa ko na lang naramdaman.
“Nasaan ka na, Jane?”
Sa huli ay sumuko na lang din ako at bumalik sa bahay ni Jin. Ngunit bago pa ako tuluyang makapasok sa loob ay napalingon kaagad ako sa nagsalita.
“Grant.”
“R-ryzen…”
Kaagad kong napagsino ang babaeng buhat-buhat niya. It’s Jane. Puro siya galos sa katawan at bumaba ng halos sa kalahati ang health points niya.
“Jane!” Akmang kukunin ko si Jane nang hindi ako pinansin ni Ryzen at nagdirediretso lang sa pagpasok sa loob ng bahay ni Jin. Sumunod na lang ako sa kanila habang nagngingitngit naman sa inis ang puso ko dahil sa naging asal niya. Inilapag niya si Jane sa kama at gamit ang isang high grade potion ang inilabas niya mula sa kaniyang bag.
Kaagad niya iyong tinungga at halos manigas ako sa kinatatayuan ko nang ilapat niya ang kaniyang mga labi sa labi ni Jane. A direct kiss. Nanlaki ang mga mata ko ngunit hindi ko alam kung paano ako magre-react. Nagulat ako nang sobra sa nakita ko. Kita ko rin ang pagsasalin niya ng potion mula sa kaniyang bibig patungo sa bibig ni Jane. Kitang-kita ko rin ang paglunok na ginawa ni Jane at nang magmulat ito ng mga mata ay malutong na sampal ang kaagad na sumalubong kay pisngi ni Ryzen.
HInawakan nito ang namumulang pisngi at ngumiti.
“Mukhang okay ka na. Nagawa mo na akong sampalin,” sabi pa nito. “But then your lips was the best lips that touched mine.”
Doon lang ako nagkaroon ng lakas at tapang na suntukin ito. Kaagad itong bumuwal sa sahig ngunit hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi nito dahilan para lalo akong mainis.
“Ganiyan ba talaga kayo tumrato sa mga taong ilang beses nang nagliligtas sa buhay n’yo?” mayabang na pagkakasabi nito.
“Hindi naming hiningi ang tulong mo!” gigil na tugon ko naman sa kaniya.
“Pero pagbali-baligtarin n’yo man ang mundo, kung hindi dahil sa akin malamang ay matagal na kayong wala sa mundong ‘to at sa totoong mundo.”
Natahimik naman ako dahil sa sinabi nito lalo pa at alam kong tama siya. Kung hindi dahil sa kaniya baka wala na kami ngayon. Baka hindi na rin namin nagawang abutin ang level na ‘to.
Tumayo ito at naupo sa tabi ni Jane.
“Sorry kung tingin n’yo napakabastos o kapangahasan ang ginawa ko ngunit ginawa ko lang ‘yon para maisalin ang ilan sa health points ko sa girlfriend mo,” sabi nito at pagtingin ko sa status niya ay tama nga siya. May nawalang 10,000 HP sa kaniya na siya namang pumuno sa buhay ni Jane. Pero teka, girlfriend?
“Hindi ko girlfriend si Jane.”
“Aba akalain mo ‘yon. Akala ko talaga ay may relasyon kayo dahil ganoon na lang kayo kung mag-alala sa isa’t isa.” Hindi ko alam kung anong nakakatawa at patuloy sa pagtawa ang isang ‘to. “Sorry, sorry. My fault. Kung ganoon pala ay pwedeng-pwede pala akong bumalik dito para bsisitahin si Jane.”
Ano raw? Bisitahin si Jane?
“Wala naman siyang sakit,” sabi ko ngunit hindi nito ‘yon pinansin bagkus ay mabilis lang nitong inilapat ang kaniyang labi sa noo ni Jane. Kita ko naman ang pagkagulat kay Jane ngunit hindi n anito nagawang magprotesta nang muling magsalita si Ryzen.
“Pa’no aalis na ‘ko. Marami pa akong kailangan gawin.”
Nagsimula itong maglakad palapit sa pinto ngunit bago pa ito lumabas ay nag-iwan ito nang mga salitang babago sa aming lahat.
“Jane, simula sa araw na ‘to, babantayan na kita palagi. Hinding-hindi ko hahayaang magalusan ka pang muli.”