Mula nang araw na iyon ay palagi na kaming magkakasamang tatlo maliban na lang sa mga solo quest na hindi maaaring gawin ng party. Masasabi kong kahit paano ay nakakaipon kami ng sapat na halaga pantustos sa pang-araw-araw na buhay namin dito sa loob ng laro. Si Jane, simula nang nangyari sa amin sa Nepenthes, kahit paano masasabi kong bumait bait na siya sa akin. Hindi na siya ‘yong tipikal na masungit tuwing kakausapin ko siya. Hindi ko naiwasang mapatingin sa kaniya at mapangiti. Nasa ganoong punto ng paglalakbay ang utak ko nang biglang mukha ni Jin ang sumalubong sa paningin ko.
“Aba! Aba! Kanina pa ako nagpapaliwanag dito tapos ikaw naman ang layo pala ng tingin mo.” Umayos ito ng tindig at hinawakan ang kaniyang baba. “O baka naman sa malapit lang din nakatingin,” at kasabay noon ay ang pagkindat-kindat pa nito habang nakatingin sa akin.
Kaagad naman akong nag-iwas ng tingin dito at ipinagpatuloy ang paglalakad.
“Ayon nga, Grant. Makinig ka dahil importante ito. Bukod sa elite monsters ay mayroon ding mga Legendary Monsters na tinatawag dito sa larong ‘to. Sa katunayan walang-wala ang lakas ng elite monster sa lakas na taglay ng mga Legendary Monsters. Lubha silang mapanganib kaya naman kadalasan isang party ang pumapatay sa kanila para hindi ganoon kahirap,” paliwanag nito.
“Ikaw ba, Jin? Nakapatay ka na ba ng isa sa kanila?” tanong ni Jane kaya napalingon kaming dalawa ni Jin sa kaniya.
“Sa katunayan ay hindi pa.” Kakamut-kamot pa ang ulo na sabi nito. “Ni minsan ay hindi ko pa sinubukan. Masyado silang mapanganib at ayokong ibuwis ang buhay ko sa labang iyon.”
Natahimik kaming tatlo. Ganoon ba kahirap para sa mga kagaya namin ang matapos ang larong ito? Sa paningin naming ay malakas na si Jin pero ni minsan ay hindi niya pa nagawang makapatay ng isang legendary monster. Ibig bang sabihin ay may mas malalakas pang player kaysa sa kaniya?
“Si Ryzen, siya ang pinag-uusapan ng lahat kapag usaping boss hunting. Pangalan niya ang nangunguna sa pagpaslang sa kanila kaya hindi nakapagtatakang napakalakas niya,” sabi nito.
“Paano mo naman nalaman ‘yan?” tanong ni Jane.
“Bukod sa usap-usapan, lalabas din sa system kapag may isang legendary monster ang pumanaw at lalabas din kung sino ang nakapatay sa kanila.”
Kaagad kong pinidot ang screen na nag-appear sa braso ko na mistulang hologram at tama nga si Jin. Puro pangalan ni Ryzen ang nakalista sa Legendary Hero – ang mga player na nakakapatay sa Legendary Monsters.
Dahil doon ay hindi ko naiwasang ma-curious kung sino si Ryzen. Nagkaroon ako ng paghanga sa kung anong klaseng player siya at kung gaano siya kalakas. Gusto ko siyang makilala at gusto kong makaharap ang isang katulad niya.
+++
Sakto palubog ang araw nang makarating kami sa lugar kung saan nagre-respawn ang elite monster na Mantodea. May drop daw kasi itong gamit na maaari kong magamit para mas mapalakas ang armor na suot ko.
“Dapat nandito na ‘yon ngayon. Nasaan na kaya ‘yon?”
Kasalukuyan kaming nandito sa gitna ng matataas na talahiban ng Ager Iustum. Mabuti na lang din at talagang tinupad ni Jin ang sinabi niya sa aming tutulungan niya kami kung kaya heto kami ngayon, naghihintay ng tahimik sa pagsulpot ng Mantodea at hind inga kami binigo ng nasabing elite monster nang sumulpot ito sa aming harapan.
Rank 6 Elite Monster
Level 35 Mantodea
HP: 400,000
“Maging alisto kayo dahil maliksi ang pagkilos ng isang iyan,” paalala ni Jin.
Ang itsura nito ay isang Giant Praying Mantis. May mahahaba at matutulis na kamay na animo’y matatalim na espada na kayang-kayang pagpira-pirasuhin kami ng pinung-pino.
Sumigaw nang malakas ang Mantodea na animo’y babasag sa eardrums naming kung kaya napatakip kami ng mga tenga.
“Ayan na siya!”
Mabilis na bumulusok sa pag-atake ang Mantodea na mabilis lang din naming nailagan dahil na rin sa mga paalala ni Jin. Sa ngayon ay siya lang talaga ang kinakapitan namin lalo pa at hindi pa kami malakas kagaya niya.
“Sa likod mo, Jane!” Napalingon ako sa direksyon ni Jane nang marinig ang sigaw ni Jin. Nandoon ang Mantodea at handa na sa susunod nitong pag-atake kung kaya hindi na ako nagdalawang isip na gumamit ng sariling skill.
“Flame Shot!”
Sa tirang ‘yon ay parang wala man lang naging epekto sa Mantodea pero kahit paano ay nakuha ko ang atensyon nito dahilan para ako pagbuntunan ng galit nito at pag-atake.
Inilabas nito ang matatalim nitong kamay at ilang wasiwas ang ginawa nito habang lumilipad sa ere na siyang tumabas sa nagtataasang talahib. Palapit na ito nang palapit sa akin at ramdam kong susunod na ako sa mahahati nito sa dalawa nang isang malakas na pagsabog mula sa kalangitan ang tumama sa Mantodea.
Napatingin ako sa kalangitan at nanlaki ang aking mga mata sa kung ano ang naroon.
“Isang Legendary Monster,” bulalas ni Jin.
Napaupo ako sa damuhan habang pinagmamasdan ang itsura nito na animo’y ibong Phoenix. Nagbabaga ang buong katawan nito may mahabang buntot at malagong pakpak. Matatalim ang kuko at tuka nito. Ngunit ang mas nakakatakot dito ay ang pag-atake nito gamit ang kapangyarihan ng apoy. Kung ako ang tinamaan ng tira nitong iyon, tiyak kong hindi ko na magagawang tapusin ang larong ito.
Legendary Monster
Level 50 Blaze
HP: 1,000,000
Bumaba ito mula sa langit at naglakad palapit sa wala nang buhay na Mantodea. Ilang segundo pa ang lumipas bago tuluyang nawala ang katawan ng Mantodea. Dahan-dahan itong lumapit sa akin at ramdam ko ang takot at panginginig sa buo kong katawan nang biglang bumuka ang mga tuka nito. Nagliliwanag ang buong bunganga nito dahil sa apoy na nagmumula sa loob ng lalamunan nito at alam kong ano mang oras ay katapusan ko na.
Hannah… I’m sorry. Mukhang hanggang dito na lang ako. Hindi ko man lang matutupad ang pangako ko sa ‘yo.
“Grant!”
Narinig ko pa ang pagsigaw ni Jin sa pangalan ko. Alam kong kahit kumilos siya ay hindi na rin siya aabot. Kailangan na lang naming tanggapin na sa ganitong paraan lang ako mamamatay.
At sa pagbuga ng apoy mula sa bibig nito ay mariin ko na lang na ipinikit ang aking mga mata ngunit ilang segundo pa ang lumipas nang wala akong nararamdamang init mula sa nagbabaga nitong pag-atake kaya dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata at natagpuan si Jane na nakatayo roon. Hawak ang kaniyang sandata habang nababalutan ang aming buong paligid ng liwanag na tila isang barrier na pumoprotekta sa aming dalawa.
“Jane…”
“Ano bang ginagawa mo? Gumawa ka ng paraan, Grant! Isang minuto lang ang itatagal ng epekto ng skill na ‘to,” sabi niya.
Doon lang tila nagbalik ang katinuan ko. Tama siya. Ano bang ginagawa ko? Bakit napakadali kong sumuko? Nangako akong poprotektahan ko si Jane pero sa huli ay ako lagi ang pinagtatanggol niya. Bigla ko namang naalala ang isang skill na mayroon ako kagaya ng skill ni Jane. Tamang-tama para protektahan kaming dalawa.
“Water Barrier!”
Tila bula ang siyang bumalot sa aming dalawa na nagmistulang proteksyon para hindi makapasok ang apoy na ibinubuga ng Blaze. Unti-unti ring nawala ang epekto ng skill ni Jane at malaking mana ang nawala sa kaniya dahil sa skill na ‘yon dahilan para manghina siya at mapaupo na lang. Kaagad ko naman siyang sinalo upang hindi siya tuluyang bumagsak. Kita ko rin na malapit nang maubos ang oras na ilalagi ng Water Barrier kaya kailangan kong makaisip ng paraan ngunit ano? Paano naming tatalunin ang isang Legendary Monster kung kulang pa ang aming kakayahan. Halos ilang araw pa lang kaming nagsisimula sa game na ito. Pero kailangan kong makaisip ng paraan. Hindi maaaring pati si Jane ay madamay sa kapabayaan ko.
Nasa malalim akong pag-iisip nang isang nilalang mula sa langit ang malakas na bumagsak sa lupa. Nahati sa dalawa ang Legendary Monster at naglahong parang bula. Bumagsak ang iba’t ibang drop nito at gumulong pa ang isa sa aking paanan.
Obsidian
A naturally occurring volcanic glass formed when lava extruded from a volcano cools rapidly with minimal crystal growth.
Dahan-dahan akong nag-angat ng paningin at natagpuan ang player na usap-usapan ng lahat.
IGN: Ryzen
Profession: Swordsman
Level: 180
Hp: 10,000,000