Chapter 20

1223 Words
All players who will take the Transcend Ritual, kindly proceed to Gaia.   “Good luck, Grant,” sabi ni Hatake at saka ngumiti.   Ngumiti rin ako pabalik sa kaniya. Nakakatuwa talaga siya.   +++   Mag-isa akong nagtungo sa Gaia kung saan ginaganap ang Transcend Ritual. Hindi kalakihan ang lugar. Para lang itong isang malaking kwarto kung saan tila ang lahat ng manlalaro ay nasa kalawakan. Abot kamay ang mga bituin sa kalangitan at napapalibutan ng madilim na kapaligiran. Nilibot ko ng aking paningin ang buong lugar at hindi ko akalaing iilang player lang ang matatagpuan ko roon. Ito rin ang unang pagkakataon na mararanasan ko ang ganitong pangyayari sa buhay player ko. Pero ano nga ba ang kailangan naming gawin sa Transcend? At bakit kakaunti lang ang mga player na naroon?   “Kinakabahan ako, ako na ang susunod,” sabi ng isa sa mga naroon.   Hindi na ako nagdalawang isip na tanungin siya tungkol sa Transcend Ritual.   “Excuse me…” Napalingon naman siya kaagad sa akin nang marinig ang boses ko. “Tungkol sa Transcend Ritual, ano ang kailangan nating gawin?”   Kumurap-kurap ito nang makailang ulit at nagulat na lang ako nang sumigaw ito.   “Grant! Ikaw nga si Grant!”   “Ah oo ako nga,” sabi ko habang hawak ang aking batok sa nararamdamang hiya.   “Ibig sabihin, ang dami mo nang napatay na boss monsters pero hindi ka pa nakakapag-transcend nang lagay na ‘yan?” tanong nito. “Ibang klase ka talaga. Kaya idol na idol kita e.”   Pangiti-ngiti lang ako dahil hindi ko talaga alam ang dapat kong sabihin sa kaniya. Ayoko namang isipin niya na mayabang ako kaya mas minabuti ko na lang na manahimik.   “Pero tungkol sa Transcend Ritual, ang totoo kasi niyan, base sa mga nakaranas na, hindi raw madali ang makapag-transcend. Marami raw ang namamatay sa Transcend Ritual kung kaya ang ibang player, mas pinipili na lang manatili sa kung anong estado sila kaysa isugal pa nila ang sarili nilang buhay.”   Dahil sa narinig ko mula sa kaniya ay nagkaroon ako ng pag-aagam-agam kung dapat ko pa bang kuhanin ang Transcend Ritual. Ngunit kung hindi, paano ako lalakas? Paano ko matatalo ang mas higher rank monster? Paano ko matatalo si Ryzen?   “Ano ba ang kailangang gawin?” tanong ko.   “Magpalista ka muna sa NPC (Non-player Character) na naroon.” Tinuro niya naman ang babaeng NPC na si Elise kaya naman hindi na ako nagdalawang-isip pa at lumapit doon.   Kung kinaya ni Unknown, sigurado akong kakayanin ko rin.   Kaagad kong ipinalista ang pangalan ko sa kaniya at naghintay na tawagin ang pangalan ko.   “Player Martin please proceed to door 5.”   “Ako na ‘yon.” Naglakad ang lalakeng napagtanungan ko patungo sa door 5 at pumasok sa loob. Ilang minuto pa lang ang lumilipas nang muling magsalita ang NPC na si Elise.   “Player Twist please proceed to door 5.”   Habang pinagmamasdan kong maglakas ang player na tinawag ay hindi ko naiwasang magtaka. Halos kapapasok lang ni Martin sa loob at hindi pa ito lumalabas. Bakit may tinawag na kaagad na kasunod niya?   “Hindi ‘to maaari. Si Martin,” sabi ng player na kasama ni Martin kanina lang.   Lumapit ako sa kaniya at hindi ko na naiwasang mag-usisa.   “Bakit anong nangyari?” tanong ko.   “Wala na si Martin,” tugon nito habang nakatakip ng palad ang kaniyang mga mata upang itago ang lungkot at luha.   Para akong naestatwa matapos marinig iyon. Ganito ba talaga kabrutal ang larong ito? Bakit kailangang may mamatay? Para lang sa iisang hiling? Ilang buhay pa ba ang kailangang masayang?   “Kapag may pumasok roon at hindi na lumabas, ibig sabihin ay hindi nito kinaya ang Transcend Ritual.”   Ganoon ba talaga kahirap ang Transcend Ritual?   “Player Grant please proceed to door 3.”                                                                                                         Door 3? Napaisip naman ako at nagobserba.   Tiningnan ko ang bawat pinto sa likuran ng NPC. Kada pinto ay ay numero at logo. Ang mga logo ay sumisimbolo sa profession na pinili namin. Ibig sabihin, si Martin at Twist ay parehas ng profession na pinili kung kaya doon sila pinapasok para sa Transcend Ritual.   Kaagad akong naglakad palapit sa door 3 at itinulak ang pinto. Inihakbang ko ang aking mga paa papasok sa loob at isang kawalan ang tumambad sa akin. Wala akong nakikitang kahit ano. Walang nararamdaman. Walang naririnig. Tanging ang notice na nagfa-flash sa screen mula sa built-in contact lense na suot ko lang ang siyang nakikita ko. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman lalo pa at pakiramdam ko ay unti-unting bumibigat ang dibdib ko sa labis na kaba. Kahit ang sarili kong paghinga ay hindi ko na maramdaman. Para akong napaparalisa ng sarili kong isipin at takot na dulot ng kadiliman at katahimikan ng paligid. Unti-unti ko na ring nararamdaman ang pangangapos ng aking hininga dahil sa tensyong bumabalot sa aking dibdib. Anong nangyayari sa akin?   “May tao ba riyan?” Sumigaw ako at nagbabakasakaling may makaririnig sa akin ngunit maging ako ay tila nabibingi sa katahimikan ng paligid. Maging sarili kong boses ay hindi ko marinig. Nakakaramdam na rin ako ng unti-unting panlalamig sa buong paligid. Kailangan kong mag-isip ngunit paano baa ko makakapag-isip nang matino kung ganitong pakiramdam ko ay wala nang patutunguhan ang lahat ng ipinaglalaban ko? Para akong isang kandila na unti-unting nauupos dahil sa nararamdaman kong takot. Unti-unting bumababa ang HP ko pati ang HP Regeneration ko. Epekto marahil ng takot na siyang unti-unting lumalamon sa kamalayan ko at buo kong pagkatao.   Napaluhod na lang ako at ipinikit ang aking mga mata bago ko tuluyang ibinagsak ang katawan ko sa sahig. Napansin ko ang biglang pagbagsak ng HP ko sa kalahati. Wala na akong nagawa. Niyakap ko na lang ang magkabila kong binti habang naghihintay ng himala hanggang sa isang tinig ang narinig ko.   “Grant…”   Napabalikwas ako ng bangon habang pilit hinahanap ang pinanggagalingan ng boses. “Sinong nariyan?”   Naramdaman ko ang pagdampi ng kaniyang palad sa aking pisngi. Mainit ito. Kay sarap sa pakiramdam.   “Naniniwala ako sa ‘yo.”   “Hannah…”   “Hihintayin kita, Grant.” Tuluyang naglaho ang kaniyang presensya at napalitan ito ng tiwala sa sarili at lakas ng loob upang magpatuloy sa labang ito.   Tama. Naghihintay sa akin si Hannah, at si Unknown. Alam kong naniniwala rin sa akin si Unknown kaya kakayanin ko ito kahit na anong mangyari. May kahilingan pa akong kailangan kong matupad kaya hindi ako maaaring mamamatay rito. Hindi ako maaaring sumuko at doon ko naisip na sa gitna ng kadiliman ay may liwanag ng pag-asang naghihintay sa lahat.   Sa madilim na kapaligiran iisa lang ang kailangan – liiwanag.   Unti-unting lumalakas ang enerhiyang bumabalot sa katawan ko. Nararamdaman ko na rin ang mabilis na pagdaloy ng kaalaman sa aking isipan.   “Luminiscence.”   Isang bilog na liwanag na animo’y magic circle ang siyang bumalot sa aking buong paligid. Kinaibahan lang nito sa Smattering na dagdag attributes at magical power, ang Luminiscence ay tila wall of light na kulay florescent blue na nagbibigay ng additional intelligence sa character.   Makalipas ang ilang minuto, wala namang kakaibang nangyayari hanggang sa tuluyang nagliwanag ang buong paligid.   “Player Grant passed the Transcend Ritual.”   At doon ko natutunan ang kahalagahan ng tapang at tiwala sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD