Chapter 3

1188 Words
“Stalker ka ba? Bakit ba sunod ka nang sunod?” tanong niya habang deretso lang siyang nakamasid sa kalsada.   Palinga-linga naman ako habang tinitingnan ang iba pang mga player na kagaya namin nitong kasama kong masungit. Masasabi kong halos lahat sila ay may kaalaman na sa paglalaro nitong game samantalang ako naman ay baguhan na nangangapa pa kagaya na lang din ng kasama kong masungit. Ang lugar ay parang kagaya lang din sa totoong mundo. May mga nagtataasan ding gusali. Ang kinaibahan lang ay ang mga monsters na nagkalat sa labas ng safe zone. Kagaya ng mga game na nalaro ko na noon, ang game na ito ay hindi naiiba. Ang tinatawag na safe zone ay isang lugar sa bawat particular na mapa kung saan mananatiling ligtas ang bawat player sa kahit na anong klase ng monster na nagkalat sa buong game.   “Hindi mo ba ako titigilan ng kasusunod?” tanong niya. Huminto na ito sa paglalakad at humarap sa akin.   “Hindi kita sinusundan,” sagot ko dahil iyon naman talaga ang totoo. Nagkataon kasi na doon ako itinuro ng assistant para sa kauna-unahang quest na lumabas mula sa screen ng suot kong contact lens.   Huminto ito sa tapat ng isang babae na may kulay orange na pangalan sa itaas ng ulo nito. Sa tingin ko ay isa itong NPC. Sakto rin na eto ang quest na kailangan kong gawin – ang kausapin ito. Nang matapos sa pakikipag-usap sa NPC ay kaagad itong nagbigay ng mga rewards gaya ng isang starter kit. Ang laman ng starter kit ay isang maliit na bag, starter sword, sampung potions at teleport crystal.   “Isang quest na naman?” Narinig ko pang reklamo ng masungit na nagsalita sa tabi ko at tama nga siya dahil panibagong quest na naman ang lumabas mula sa screen.   Kagaya ng una kong ginawa ay sinundan ko lang ang itinuturo ng mapa ngunit hindi ko maintindihan kung bakit pakiramdam yata ng masungit na babaeng ito ay kahahabol-habol siya at siya ang dahilan kung bakit ako magtutungo sa lugar na pupuntahan niya.   “Ano ba? Kanina pa ako naiirita sa’yo! Kailan mo ba titigilan ang kasusunod sa akin?” Huminto pa talaga ito sa paglalakad para lang sungitan ako. Itinuro pa nito ang hintuturo sa akin bilang isang babala. “Ikaw na unggoy ka!”   Ano raw? Unggoy ako?   At napatigil kami sa pagtatalo nang biglang may elite monster na naman ang siyang sumulpot sa aming harapan.   Rank 6 Elite Monster Lvl 5 Mantis HP 8,500   Kumpara sa unang Elite Monster na nakita naming ay mukhang mas mahina ito. Mula sa level nito at sa rank nito ay masasabi kong para lang ito sa mga baguhang player na gaya namin. Ang kinaiba lang ay hindi ito para sa amin na wala pang kahit na anong sandata sa game na ito maliban sa isang starter sword. Kahit na mababa lang ang rank nito at level ay nakatitiyak naman akong malakas pa rin ito para sa amin lalo pa at isa pa rin itong boss monster ngaunit kagaya ng unang nangyari. Nagbida na naman ang babaeng nasa harapan ko ay tinusok ang Mantis ng hawak nitong espada.   “Patay!” Napatapik na lang ako sa aking noo dahil sa kunsumisyon sa masungit na ito ngunit anong magagawa ko. Alangan namang pabayaan ko siyang mamatay rito sa mismong harapan ko kaya naman wala na akong nagawa kung hindi ang hawakan siya at gamitin ang teleport crystal na meron ako.   “Teleport!”   Tila nagulat naman ito nang bigla kaming mapadpad muli sa safe zone.   “Anong ginawa mo?!” Kaagad niya akong binulyawan kagaya ng inaasahan.   “Himbis na magpasalamat, ikaw pa ‘tong galit,” sabi ko.   “At bakit naman ako magpapasalamat sa’yo? Napatay ko na sana ang monster na ‘yon.” Inirapan pa ako ito at sinamaan ng tingin. “Bwisit ka talaga!”   “As if naman na mapapatay mo ‘yon. Hello! Baguhang player pa lang tayo rito. Wala pa nga tayong matinong weapon tapos nangangarap ka pang mapapatay mo ‘yong Mantis.” Sa totoo lang ay nagsisimula na rin akong mairita sa mga pinagsasabi ng babaeng ito. Hindi ko alam kung sadyang kumpyansa lang siya sa sarili niya o sadyang hindi lang siya nag-iisip.   “Hindi mo naiintindihan. Kailangan kong matapos ‘tong game! Hinihintay ako ng mama ko!” Nakita ko ang biglang pagbabago ng ekspresyon sa mukha nito. Nangilid ang mga luha sa kaniyang mga mata at kaagad na tumalikod sa akin. Maya-maya pa ay naririnig ko na ang bawat paghikbi nito. Ngayon ay naiintindihan ko na kahit paano ang pinanggagalingan ng tapang niyang harapin ang mga monsters na makakaharap niya.   “S-sorry,” sabi ko habang nag-iisip pa ng iba pang sasabihin. “Hindi lang naman ikaw ang nagnanais na matapos ang game na ‘to. Nakikita mo ba ang lahat ng narito? Malamang 90% sa mga iyan ay nagnanais ding matupad ang kanilang hiling pero hindi kagaya ng paraang kagaya ng naiisip mo. Walang short cut sa mga bagay-bagay.”   Humarap ito sa akin at humakbang naman ako palapit sa kaniya. Pinunasan ko ang kaniyang mga luha gamit ang aking hinlalaki at hindi ko alam kung bakit nakuha ko pa siyang titigan nang matagal.   “Ehem! Lovey dovey.”   Napatingin kami rito at doon lang naming napagtantong kami ang tinutukoy nito. Kaagad kaming pinamulahan ng mukha at mabilis pa sa alas-kwatrong itinulak ako ng masungit na babaeng ito palayo sa kaniya.   “Anong lovey dovey ka riyan?” At ayan nagsusungit na naman siya.   “Ang sweet n’yo kasing tingnan. Kanina ko pa kasi kayo tinitingnan,” sabi nito. “Ay! Oo nga pala, ako pala si Jin. Kumusta?”   Base sa suot nito at gamit nito ay mukhang marami na itong alam sa larong iyon. Malaki na rin ang bag na dala nito kumpara sa bag na mayroon kami. Ang sandata nito ay isang pana na tingin ko ay mukhang mamahalin.   “Grant.” Kaagad kong inilahad ang aking kamay at nakipagkamay rito.   Tumingin naman ito sa masungit na katabi ko. “Hindi mo man lang ba ‘ko ipakikilala sa girlfriend mo?”   “Hindi ko nga siya boyfriend!” singhal na naman ng babaeng ‘to.   “Ay pasensya na. Akala ko talaga kayong dalawa.” Tumawa pa ito at mukhang ito lang ang nasisiyahan. “So ano na ngang pangalan mo, magandang binibini?”   Magandang binibini raw? Tiningnan ko si sungit mula ulo hanggang paa at tama naman talaga ito. Masasabi kong maganda ang masungit na ito kung hindi lang talagang masungit.   “Bakit mo nga pala kami tinitingnan?” tanong ko rito.   “Mukhang mga baguhan kayo. Baka kasi matulungan ko kayo. May napili na ba kayong profession n’yo?”   “Profession?”   “Mukhang wala pa nga kayong alam sa larong pinasok ninyo.” Ngumiti ito at hindi ko aakalaing maririnig ang mga salitang iyon sa kaniya. “This is a life and death game. Kapag namatay ka sa larong ito ay katapusan na rin ng buhay mo sa totoong mundo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD