Chapter 37

1492 Words
“Uy! Grant, kumusta? Buti naman napadalaw ka.” Sinalubong ako ni Jin habang pinapagpagan pa ang kaniyang kama. “Matagal-tagal na rin.”   Oo nga. Matagal na rin mula nang umalis ako sa bahay ni Jin. Mula rin nang araw na umalis si Jane at nagpasyang sumama kay Ryzen. Mula nang araw na ‘yon tinuon ko na lang ang sarili ko sa pagpapalakas. Marami-rami rin akong nasagupang players at ang ilan sa kanila ay masasabi kong malalakas talaga. Bawat isa sa amin sa larong ito ay may kaniya-kaniyang hiling na nais matupad ngunit sinong mag-aakalang dahil sa kagustuhan nilang makamit ang tuktok ng tagumpay ay mas pipiliin nilang pumaslang ng kapwa manlalaro. Ang Rank 1 Legendary Player position na napakahirap makamit. Buhay at kamatayan ang siyang kailangang pagpilian para lang makuha ang posisyong iyon. Paano ko ba maaabot iyon nang hindi kinakailangang pumatay? Hindi ko alam dahil sa larong ito, kami ang pinaglalaruan.   Noong araw na umalis ako rito sa bahay ni Jin ay sa Guild na ako tumuloy at naglagi. May sarili naman akong silid doon at mga kagamitang maaari kong magamit sa pagsasanay. Lumipas ang ilang araw ko roon at nagkaroon na rin ako kahit paano ng mga bagong kaibigan ngunit hindi lahat ay magugustuhan ka dahil lang malakas ka. Nagkaroon din ng mga inggit sa paligid na nais kang pabagsakin nang talikuran. Pinilit kong ilagay ang posisyon ko sa kinatatayuan nila, ang pakiramdam nila ay katulad lang ng inggit at galit na nararamdaman ko para kay Ryzen. Ang kinaibahan lang ay may pinanghuhugutan ang lahat ng inis ko sa mayabang na ‘yon bagay na kahit kailan ay hindi nila maiintindihan.   “May balita ka ba kay Jane?” tanong ni Jin matapos akong abutan ng mainit na tsaa.   “Wala,” matipid na tugon ko.   Balita? Sa totoo lang ay paminsan-minsan ko siyang nakikita sa tuwing magkukrus ang landas naming dalawa ni Ryzen ngunit kagaya ng lagi niyang ginagawa, patuloy lang siyang umiiwas. Patuloy niyang idinidistansya ang sarili niya sa akin. Siguro mas makabubuti rin ‘yon para sa aming dalawa.   “Mula nang umalis kasi siya rito ay hindi ko pa siya ulit nakikita. Masyado na ata siyang abala sa pagpapalakas ng character niya. Kunsabagay, kasama niya naman si Ryzen. Hindi imposibleng matapos niya ang game na ito,” sabi ni Jin. “Pero hanggang ngayon palaisipan pa rin sa akin kung paano ba tatapusin ang larong ito? Kailangan ba talagang makamit ng bawat manlalaro ang top 1 sa Rankings o kailangan lang tapusin ang buong kwento ng laro?”   Kwentong pumapaloob sa laro? Natigilan ako. Ngayon ko lang narinig ‘yon.   “Teka, anong kwento ng laro?” tanong ko sa kaniya.   “Story quest. Bawat lugar dito ay may story quest na tinatawag. Huwag mong sabihing hindi mo pa nasisimulan?” Kumunot ang noo nito.   Totoo namang hindi ko pa nasisimulan ang story quest dahil hindi ko alam na may ganoon pala sa mundong ito. Isang kwentong napapaloob sa mismong laro.   “Kung ako sa ‘yo sinisimulan ko na. Mahaba-habang pakikipagsapalaran ang pagdaraanan mo.” Tumayo ako at napatingin naman siya sa akin. “Teka aalis ka na kaagad? Hindi mo man lang ba hihintayin si Noob?”   “Hindi na. Sisimulan ko na ang story quest. Ikumusta mo na lang ako kay Noob,” sabi ko bago ako tuluyang nagpaalam sa kaniya at lumabas ng bahay.   Una akong nagpunta kay Penelope. Ito ang unang pagkakataon na sinilip ko ang handbook na ibinigay sa amin. Ayon dito ay sa NPC na si Penelope makukuha ang simula ng quest ng Winston City. Kaagad ko itong nahanap na nakaupo sa may fountain. Para lang itong isang manlalaro na gaya namin. Malungkot itong nakatanaw sa malayo. Lumapit ako sa kaniya at itinanong kung ano ang problema niya.   “Hinihintay ko si Xavier.”   “Bakit?”   “May usapan kasi kaming magkikita kami rito sa fountain area ng Winston City.”   “Sige, tutulungan kita.”   Nang sinabi kong tutulungan ko siya, iyon na rin ang simula ng story quest. Naglakbay ako upang maghanap ng mga palatandaan na magtuturo sa akin sa kinaroroonan ni Xavier at dinala ako nito sa Ager Fields. Natagpuan ko ang isang lalakeng animo’y isang prinsepeng nakatayo sa pinakadulong bahagi ng Ager Fields. Tila malalim ang iniisip nito at wala sa sarili. Base sa pangalan na nakasulat sa kaniya ay siya na marahil ang hinahanap ko.   “Xavier?”   “Sino ka?”   “Ako si Grant. Isang player. Nandito ako dahil sa isang request.”   “Si Penelope ba?”   Natigilan ako. Alam niya? Alam niyang hinahanap siya ni Penelope?   “Oo. Naghihintay siya sa ‘yo sa lugar na pinag-usapan n’yong dalawa,” sagot ko.   “Ilang manlalaro na rin ang nagpunta rito at nagsabi niyan. Ngunit kahit na kailan ay hinding-hindi na muling magtatagpo ang landas naming dalawa ni Penelope.”   Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng pagkirot sa aking dibdib. Napahawak ako nang mahigpit sa aking dibdib dahil pakiramdam ko ano mang oras ay sasabog ito sa sobrang sakit. Unti-unting nanlabo ang aking paningin ko bago ako tuluyang bumagsak sa sahig at nawalan ng malay.   “Xavier, hihintayin kita sa ating usapang tagpuan.”   “Pangako, bukas na bukas din ay aalis na tayo at magsasamang dalawa.”   Si Xavier at Penelope.   Nang makaalis si Xavier at umuwi sa palasyo ay hindi niya akalaing isang trahedya ang kaniyang daratnan. Nagkalat ang dugo sa sahig at puno ng bangkay sa buong paligid. Halos mabaliw siya habang pinagmamasdan ang sinapit ng lahat ng taong malalapit sa kaniya dahil sa isang pag-ibig na pilit nilang pinaglalaban kahit hindi tinadhana ng kalangitan.   “Anong ginawa n’yo sa pamilya ko?” KItang-kita ko ang nanlilisik na mga mata ni Xavier nang tumakbo ito palapit sa isang sundalong may dalang mga baril at sa isang iglap lang ay sunud-sunod na putok ng baril ang siyang bumalot sa buong lugar. “P-Penelope…”   Isinakay ang kaniyang katawang walang buhay sa isang karawahe at itinapon sa madamong lugar ng Ager. Sa pinakadulo kung saan walang sino man ang makakakita sa kaniya. Sa lugar na kahit na kailan ay hindi nanaising puntahan ng kahit na sino. Gamit ang isang sealing spell ay isinarado ang buong lugar at tanging mahika lang din ang makapaglalabas sa kaniya sa lugar na iyon.   Nang magmulat ako ng aking mga mata ay nababalutan na ng makapal na barrier ang buong lugar. Isang talisman ang nakadikit sa barrier at marka ng apoy ang siyang nakaguhit dito. Marahil ay isa itong hint na maglalabas kay Xavier sa lugar na ito.   “Flame Shot!”   Hindi iyon nagkaroon ng kahit anong epekto sa talisman bagkus ay mas lalo lamang nitong pinalakas ang barrier. Nagsimulang kumapal ang usok sa loob ng barrier dahil sa apoy na dulot ng Flame Shot skill dahilan para mahirapan kami sa paghinga.   Mali. Anong gagawin ko? Kailangan naming makalabas sa barrier na ito kung hindi ay mamamatay kaming dalawa. Nag-isip ako nang maigi. Apoy. Barrier. Bigla kong naalala ang weakness ng fire element. Susubukan ko.   Naghanap ako ng maaaring pagkunan ng tubig at sakto ang balong naroon. Puno ito ng tubig kaya naman dali-dali akong tumakbo papunta roon at tinukod ang aking staff sa ibabaw nito.   “Splash!”   Unti-unting yumanig ang lupa at tuluyang nasira ang balon. Lumabas doon ang mga tubig na naipon doon na siyang lumikha ng malakas na daluyong. Tuluyang naglaho ang makapal na usok ganoon din ang apoy na likha ng Flame Shot skill. Samantalang ang talisman ay tuluyan ring nalusaw at nawalan ng bisa dahilan para maglaho nan ang tuluyan ang barrier na nagkukulong sa aming dalawa.   “Nagawa mo, Grant!” masayang sabi ni Xavier.   “Ngayon naman ay dadalhin na kita kay Penelope. Magkikita na kayong muli.”   Tumango ito at kasunod ko lang ito. Kaagad akong gumamit ng teleport crystal na siyang nagdala sa amin patungo sa save point ng Winston City.   “Penelope!”   “X-Xavier?”   Unti-unting naglandas ang mga luha sa mata ni Penelope at ganoon din ang kay Xavier ngunit ang yakap na matagal nilang hinintay na maramdaman ay hinding-hindi na nila muling makakamtan nang tumagos lamang si Penelope kay Xavier.   “I’m sorry, Penelope, kung pinaghintay kita nang matagal. I’m sorry dahil hindi ko na matutupad ang pangako ko sa ‘yo.”   “Naiintindihan ko, Xavier,” nakangiting sabi ni Penelope.   “Mabuhay ka ng masaya. Hihintayin kita sa lugar kung saan maaari na tayong magsama ng maligaya.”   Sa mga huling salita ni Xavier ay ang unti-unting pagkawala ng katawan nito sa ibabaw ng lupa. Tuluyan na itong naglaho at naglakbay kasabay ng mga hanging umaakyat sa kalangitan. Nang tingnan ko si Penelope, sinong mag-aakalang ang mukhang kay tagal kong ninais na muling makita ang siyang makikita ko sa tabi nito. Puno ng lungkot habang nakatanaw sa kalangitan.   “Jane…”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD