Chapter 25

1112 Words
Hindi ko akalaing sa huli, si Jane pa rin ang siyang magliligtas sa akin. Nang magmulat ako ng mga mata at makita ang mga luhang bumabagsak mula sa kaniyang mga mata hindi ko naiwasang masaktan. Bakit niya kailangang umiyak nang dahil lang sa isang tulad ko?   Kagaya ng nangyari sa akin, ganoon din ang nangyari sa iba. Eto ang kapangyarihang taglay ng Lucid kaya naman marami ang hindi na nakakabalik sa RTS dahil sa pagnanais nilang mabuhay na lang sa panaginip na nilikha ng Lucid. Ang panaginip na halaw sa nais nilang mangyari sa totoong mundo.   Hindi pa nagtatagal nang magising ako ay nagising na rin si Noob. Nakakatuwa lang din dahil sa panaginip niya ay naroon pa rin si Pius at ginagabayan siya.   Ngayong balik na kaming lahat sa reyalidad, isa-isa naming inayos ang aming mga sarili upang harapin ang totoong laban. Unti-unting nagpakita ang totoong anyo ng Lucid. Para lamang itong isang dreamcatcher, maliit at kalmado.   Lumapit si Hatake rito at hindi namin naiwasang mabahala. Paano kung atakihin siya nito? Kaagad kaming pumusisyon kung sakali mang umatake ito ngunit laking gulat namin ng hawakan ito ni Hatake at unti-unting naglaho. Kasabay ng paglabas ng notice sa aming screen ay ang pagbagsak ng mga loots na bigay nito.   Hatake killed Lucid.   Ang Legendary Weapon.   Tiningnan ko ito bago dinampot.   Legendary Weapon Catalyst A legendary staff used by high-class shamans to summon beast and spiritual rituals. Profession: Shaman Attack: 1,050 Price: 10,000,000 ᶬ   Napansin ko rin ang isa pang rare item na isa sa drop ng Lucid.   Obsidian Rare item Description: An ancient crystal used for upgrading legendary weapons. Price: 1,005,000 ᶬ   Sapat na ito para mapalakas ang gamit ni Jane. Ang nakuha ko ay maaari kong ibigay sa kaniya o ibenta sa mas mataas na halaga. Sa ganoong paraan ay maaari kong mas mapalakas ang iba pang equips na suot ko.   “Wow! Jane, bagay na bagay sa ‘yo ang weapon,” sabi ni Jin.   Napasulyap ako sa kanila at kita ko ang ngiti sa mukha ni Jane. Ngunit sa kabilang banda ay hindi ko pa rin magawang maging masaya dahil sa huli ay mahina pa rin ako. Kinailangan ko pa rin ang tulong ni Jane para lang makaligtas ako at si Hannah, ang pagnanais ko na makasama siya ang pinakamagandang mangyayari sa buhay ko. Pero paano kung hindi ako nakabalik? Kahit na kailan ay hinding-hindi ko na makikita pang muli si Hannah. Maging ang pangako ko sa kaniya ay alam kong hindi ko na matutupad.   Nagpasya na kaming bumalik sa bahay ni Jin at doon magkaroon ng kasiyahan. Batid namin ang sikip ng kaniyang bahay kaya hindi maiwasan ng mga kasama namin ang magtalo.   “Jin, kailan mo ba balak bumili ng mas malaking bahay? Dumarami na tayo rito,” pagbibiro ni Jane.   “Aba, kayo kailan ninyo balak bumukod ni Grant?”   Kaagad na pinamulahan ng pisngi si Jane dahil sa sinabi ni Jin. Hindi ko naman naiwasang mapangiti habang pinagmamasdan sila. Naisipan ko na lang na lumabas at magpahangin dahil kahit na anong gawin ko ay binabagabag pa rin ako ng nangyari.   Naupo ako sa bakanteng upuan sa labas ng bahay ni Jin at tinanaw ang kalangitan. Iyon ang unang pagkakataon na napagmasdan ko ito. Maliwanag ang mga bituin at napakalaki ng buwan.   “Grant,”   Napalingon ako nang marinig ang pagtawag sa pangalan ko. Si Jane.   “Ikaw pala,”   “May problema ba?” tanong niya. Batid kong nag-aalala siya. “Kanina ka pa tahimik, tapos iniwan mo pa kami sa loob.”   Nagtatampo ba siya?   “Wala naman. Gusto ko lang ng preskong hangin.” Ngumiti ako sa kaniya at muling tumingala upang tanawin ang mga bituin ngunit nagulat ako nang muli siyang magsalita.   “Sino si Hannah?”   Nanlaki ang mga mata ko. Wala akong natatandaang nagbanggit ako ng tungkol kay Hannah.   “B-binanggit mo kasi ang pangalan niya kanina,” sabi niya. Kaya pala.   Ayoko mang pag-usapan ngunit alam ko ring mas magagalit siya sa akin kung hindi ko sasagutin ang tanong niya.   “She’s my fiancée.”   Parang may dumaang anghel nang mga oras na iyon. Kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin at lamig na tumatama sa aming balat ang katahimikang bumalot sa pagitan naming dalawa. Tiningnan ko siya at nakita ang lungkot sa kaniyang mga mata. May nasabi ba akong hindi niya nagustuhan?   “Jane…” Pambasag ko sa katahimikan.   “G-Grant…”   “Okay ka lang?” tanong ko.   “Si Hannah… Siya ba ang dahilan kaya ka naglalaro?” tanong niya pabalik.   “Oo. She’s in a coma.”   Sa hindi maipaliwanag na dahilan, bakit ba ako naiilang na pag-usapan ang tungkol kay Hannah? Sadya nga bang ayoko lang pag-usapan dahil mas gusto kong manatiling sikreto ang lahat ng tungkol sa akin o dahil hindi ko lang kayang harapin ang sakit sa tuwing maaalala ang babaeng dahilan kung bakit pinipilit ko pa ring mabuhay sa kasalukuyan.   “I see.”   Tinitigan ko si Jane at hindi ko maintindihan kung bakit ganoon ang itsura niya. Kita ko ang sakit sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ko siya at sa pagkakataong iyon bakit nararamdaman ko rin ang sakit na nararamdaman niya.   “Jane, gusto mong maglakad-lakad?” tanong ko. Sinusubukang baguhin ang atmosperang bumabalot sa paligid naming dalawa. Mabuti na lang din at tumango ito kaya naman tumayo na ako at inilahad ang aking kanang kamay. Sandali niya pa itong tinitigan bago nagpasyang abutin ito.    Sa paglalakad namin ay napadpad kami sa lugar kung saan kami unang nagkita at nagkakilala. Kagaya ng una naming pagtatagpo ay sumulpot doon ang elite monster na Salamander. Sa pagkakataong iyon ay mabilis na lang namin iyong napatay. Wala man kaming nakuhang rare items, masaya naman kasi na nakikita ang improvement sa character namin.   Sunod kaming nagtungo sa Blooming Garden kung saan tumatambay ang iba sa mga players upang manguha ng mga ingredients para sa paggawa ng mga potions ngunit mas nakaagaw ng pansin namin ang mga magkakapartner na naroon. Hindi namin naiwasang mailang sa isa’t isa dahil doon. Huminto kami sa ilalim ng isang puno at doon sumalampak ng upo. Magkatabi at sabay naming pinagmasdan ang mga bituin habang isa-isang pinapangalanan ang mga iyon.   “Mahilig ka rin pala sa mga bituin?” tanong niya.   “Oo. Parehas kami ni Hannah.”   Bigla na naman siyang tumahimik hanggang sa maramdaman ko ang pagbagsak ng kaniyang ulo sa aking balikat.   “Grant…”   “Hhmm…”   “Gusto kita.”   Napalingon ako sa kaniya at ang mga mata niya ang sumalubong sa mga mata kong nagtatanong kung ano ba ang dapat kong maramdaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD