LAHAT ay nasa pamilya na nila, yaman, karangyaan. Lahat-lahat… Sa panlabas, perpekto ang lahat….Pero sa loob ni Criselda Villarin, puno ng pangamba, pagod, at tanong na walang sagot. Ilang taon na rin siyang tahimik. Ilang taon na rin siyang nagtitiis.
Dumarami ang kanyang hinala. Tumitindi ang kanyang kaba. Simula nang mamatay si Lyka, may mga tanong na pilit niyang mabigyan ng katanungan. Pero ngayong gabi, tila hindi na siya matahimik. Parang binubulabog siya ng multo ng katotohanan—na baka ang asawa niya, si Alejandro Villarin, ay may kinalaman sa pagkamatay ng babaeng naging bahagi ng buhay ng anak nilang si Angelo lalo na at alam niyang ayaw na ayaw nito kay Lyka na isang ulila. Natatakot siya na baka ang asawa ang dahilan kung bakit namatay si Lyka..
Pero bago pa man pumasok si Lyka sa kanilang mundo, matagal nang basag ang tiwala ni Criselda kay Alejandro. Bumalik tuloy ang nakaraan sa kanyang isipan.
Minsang hindi inaasahan ni Criselda, dumating siya nang mas maaga mula sa isang charity event sa Laguna. Tahimik siyang pumasok sa bahay, naglakad paakyat ng hagdan, hanggang sa mapansin niya na bukas ang pintuan ng guest room. Dahan-dahan siyang lumapit at doon niya nakita si Alejandro, nakikipaghalikan sa isang mas batang babae.
Hindi siya nakagalaw. Napako siya sa kinatatayuan, ang puso’y parang babagsak mula sa dibdib. Nang mapansin siya ng asawa, agad itong tumigil. Ang babae, halatang nagulat, at dali-daling lumabas. Si Alejandro naman, tila walang bahid ng pagsisisi.
“It’s not what you think,” malamig nitong tugon.
“Talaga ba? Kailangan ko pa bang isipin kung anong nakita ko, Alejandro?” sagot niyang nanginginig pero hindi siya nagwala. Hindi siya sumigaw. Hindi siya magpapakababa.
“She’s nothing. Hindi ko siya babae. Natukso lang ako.”
“Ilang beses ka bang natutukso? Kung hindi kita naabutan ngayon saan kaya kayo makakarating? Sigurado ako na maipapasok mo ang sayo sa babaeng yun!” sigaw niya pagkatapos isara ng –pinto.
“Tumigil ka nga! Halik lang yun. Huwag mong gawing big deal.”
“Wow ha? Sa tanda nating ito big deal talaga? Umayos ka nga Alejandro. May pera ka lang at yun lang ang habol sayo ng babae na yun.”
Nagulat pa si Criselda nang ibato nito ang vase malapit sa kanya kung kaya natigilan siya.
“Manahimik ka kung ayaw mo na pagpyistahan tayo ng mga bisita natin!” sigaw sa kanya ng asawa kung kaya hindi siya nakakibo. Ganito naman lagi. Kapag nasusukol niya ang asawa ay siya pa ang may kasalanan at mananahimik. Hindi lang isang beses niya ito nahuli na may babae kundi maraming beses.
Alam niya. Nakikita niya. Pero pinipikit niya ang mga mata.
Bakit?
Dahil si Alejandro ang haligi ng pamilya. Ang makapangyarihan...Ang utak ng kanilang negosyo. Ang responsable sa mga koneksyon nila sa gobyerno, sa mga pulis, sa mga negosyanteng kailangang "ayusin" sa tahimik na paraan. Siya ang nagpapatakbo ng mga illegal na transaksyon—kontrata, under-the-table deals, mga dummy corporations na gumagamit ng mga ghost employee at fake permits.
At kahit alam niyang madumi ang kanilang negosyo, nanatili siyang tahimik. Hindi dahil wala siyang pakialam, kundi dahil alam niyang sa sistema nilang ginagalawan, ang sinumang lumaban ay nawawala. Walang ligtas ang matapat.
KASALUKUYAN
Magkasama sila sa isang bubong, pero tila dalawang estranghero sa sariling bahay. Kung may usapan man, laging tungkol sa negosyo, sa pera, o kay Angelo. Wala ng tungkol sa kanilang pagiging mag-asawa.
Pero mula nang mabalita ang tungkol sa pagkamatay ni Lyka, napansin niya na mas madalas ang mga tagpong palihim si Alejandro. Lagi nitong hawak ang telepono, palihim kung makipag-usap. Lagi itong umaalis ng hindi nagpapaalam. Minsan, sa kalagitnaan ng gabi.
At kanina, nakita niyang may brown envelope na tinanggap ito mula sa isang lalaking mukhang ex-military. Nag-usap sila sa gilid ng bakuran, malayo sa mga kasambahay.
“Anong tinatago mo, Alejandro?” mahina niyang bulong sa sarili.
Bumalik sa isipan niya ang huling tanong ng anak nilang si Angelo.
“Ma, may alam ba si Papa tungkol kay Lyka?”
Hindi siya sumagot noon. Pero ngayong siya mismo’y hindi na matahimik, bumabalik sa kanya ang tanong na iyon. Masakit mang isipin, pero baka nga totoo.
Ang lalaking minahal niya… ang lalaking pinakasalan niya… baka siya ang dahilan ng pagkamatay ng babaeng minahal ng anak nila.
Malalim ang iniisip ni Angelo habang sunod-sunod ang paghithit ng sigarilyo. Sa pool side siya ng mga oras na iyon. Malayo sa kanilang mansyon. Hindi naman siya nagsisigarilyo pero sa tuwing na nahuhulog siya sa malalim na pag-iisip ay naiisipan niyang magsigarilyo. Gusto niya lang naman magkaroon ng katahikan…Bigla siyang napalingon nang marinig ang mahinang yabag ng takong mula sa likuran.
“Angelo…” tawag ng kanyang ina, si Criselda.
Lumingon siya, agad na pinatay ang sigarilyo. Tumayo at binati ang ina ng isang tipid na halik sa pisngi.
“Anong ginagawa mo rito, Ma?” tanong niya, pilit na ngumiti ngunit halatang pagod ang boses.
“Kailangan nating mag-usap, anak,” sagot ni Criselda habang naupo sa tabi niya. “Tungkol kay Lyka… at sa ama mo.”
Napabuntong-hininga si Angelo. Ramdam niya agad ang pagbigat ng usapan.
“Ma, kung ito na naman ‘yung sasabihin mo na sumunod ako kay Papa, alam mo na ang sagot ko.”
“Anak…” mahinang panimula ni Criselda, habang hinahawakan ang kamay ng anak. “Alam kong mabigat ang pinagdaraanan mo. Pero sa ngayon, ang kailangan natin ay katahimikan. Marami na ang nakikisawsaw sa isyu. Maraming matang nakatingin sa pamilya natin. Kakamatay lang ni Lyka. Hindi mo ba naiisip kung anong epekto nito sa pangalan ng pamilya natin?”
Nanatiling tahimik si Angelo, nakayuko, at ilang saglit bago siya nagsalita.
“Ma… ni hindi ko nga alam kung ano ba talaga ang nangyari sa kanya.”
Bumaling siya sa ina, tila may luha sa kanyang mga mata pero pinipigil niyang pumatak.
“Iniwan niya ako, Ma. Siya mismo ang nakipaghiwalay. One night, she just walked out. Walang dahilan. Walang paliwanag. Hindi ko man lang alam kung anong mali ko. Hindi ko man lang siya naawat.”
Hindi nakasagot si Criselda.
“At pagkatapos no’n,” patuloy ni Angelo, “Hindi man lang siya nagpaparamdam sa akin. Wala rin siya sa kanila. Sa tingin ko ay pinagtataguan niya ako…Hanggang sa isang araw… binalita na lang na patay na siya. Walang malinaw. Walang paliwanag. Wala akong closure. Ma kaya bakit ako nadadamay ngayon sa isang bagay na wala naman akong kinalaman?”
Humikbi si Criselda. Dahan-dahan niyang pinisil ang kamay ng anak.
“Anak, hindi naman kita sinisisi. Gusto ko lang na mag-ingat ka. Ang dami nang nag-uusisa, ang daming tanong. Baka kung ano pa ang sabihin nila. Ang ama mo... gusto ka lang niyang ilayo sa gulo.”
Napailing si Angelo, mapait ang ngiti.
“Gulo? E bakit ba may gulo, Ma? Kung wala namang mali, bakit tayo parang may tinatakasan?”
Hindi nakasagot si Criselda agad. Nanginginig ang kanyang dibdib sa pag-aalala. Pinilit niyang tumayo mula sa pagkaka-upo.
“Basta ang hinihiling ko lang, anak ay umiwas ka muna sa mga tanong. Umiwas ka sa mga taong gusto kang kuhaan para maglabas ng pahayag. Makinig ka sa ama mo.”
Tumingala si Angelo sa kanyang ina.
“Hindi na ako bata, Ma. At hindi ko alam kung bakit parang lahat ng ito’y kailangang takasan. Para saan? Para sa negosyo? Para sa pangalan natin? Wala naman akong ginawang mali. Hindi ako kailangang matakot. Dahil wala akong kasalanan.”
Tiningnan siya ni Criselda..
“Hindi mo kailangang maintindihan ang lahat ngayon, anak…” sambit ni Criselda sa mababang tinig. “Pero sana pakinggan mo ako. Minsan, ang katahimikan ay mas makapangyarihan kaysa sa katotohanan.”
Napangiti si Angelo.
“Sinasabi mo ba, Ma, na manahimik na lang ako? Na lunukin ko ang lahat? Kahit patay na si Lyka? Kahit hindi ko alam kung bakit siya biglang nawala? Wala akong kasagutan, wala akong alam—tapos gusto n’yo akong manahimik?”
Napaatras si Criselda. Ramdam niya ang sakit sa boses ng anak.
“Mahal na mahal kita, Ma…” bulong ni Angelo. “Pero hindi ko kayang manahimik sa harap ng tanong. Lalo na kung ang tanong ay kung sino ang pumatay sa babaeng minsan kong minahal.”
Walang naisagot si Criselda.
Muli siyang lumakad palayo, bitbit ang sariling bigat ng konsensiya. Naiwan si Angelo na mag-isa—pero ngayong mas malinaw na sa kanya ang nais niyang gawin.