MAAGA pa lamang ay nasa terrace na si Alejandro Villarin ng kanilang mansyon, hawak ang tasa ng kape pero halatang hindi mapakali lalo na at hindi umuwi ang kanyang anak na si Angelo. Mula sa kanyang kinauupuan ay tanaw niya ang driveway ng kanilang malawak na bahay, at kada segundo’y padilim nang padilim ang kanyang ekspresyon habang hinihintay ang pagbabalik ng anak na lalo niyang ikinakagalit. Kailanman ay matigas talaga ang ulo nito. Hindi marunong makinig.
Kumalat sa balita ag tungkol sa pagkamatay ni Lyka Vera at mabilis na naiugnay sa pangalan nila ang pagkamatay nito dahil ito ang nobya ni Angelo…. Isang malaking kahihiyan sa paningin ni Alejandro ang nangyari. Hindi lamang dahil sa masamang impresyon sa pamilya, kundi dahil sa mga tanong na nagsusulputan mula sa publiko at media. Nakakahanap na naman ng butas ang mga kalaban niya sa negosyo… Kahit pa na-"close case" na ito ng pulisya, alam niyang hindi pa tapos ang banta. Hindi pa tapos ang imbestigasyon.
Nang marinig niya nag busina ng kotse ni Angelo ay agad siyang napatayo. Mabilis ang kanyang lakad pababa ng hagdan. Bumungad sa kanya si Angelo na kakalabas pa lang ng kotse. Naamoy niya ang alak sa katawan nito.
“Saan ka galing?” galit ang boses ni Alejandro.
Hindi agad nakasagot si Angelo. Napakamot ito sa batok, pilit na iniwasan ang tingin ng ama.
“May tinuluyan lang, Pa. Nahilo ako kagabi sa bar kaya hindi na ako umuwi. Ayoko naman na magmaneho ng lasing.”
“Bar?! Sa panahong ito pa talaga, Angelo?” Umangat ang boses ni Alejandro, pinigilan man ay hindi na napigilan ang init ng ulo. “Kakamatay lang ni Lyka! Wala pang isang buwan, at kung umasta ka’y parang walang nangyari!”
Nabigla si Angelo, pero agad siyang nagtanggol.
“Hindi naman ibig sabihin na hindi ako nagluksa, Pa. Anong gusto ninyong gawin ko?’
“Hindi ito tungkol sa emosyon, Angelo!” sigaw ng ama. “Ito ay tungkol sa pangalan natin. Sa dangal ng pamilyang ito. Habang pinag-uusapan tayo ng mga tao sa media, habang may mga tanong pa kung may foul play o hindi sa pagkamatay ni Lyka—ikaw, nambababae sa bar?!”
Nanigas ang panga ni Angelo. Hindi niya gusto ang tono ng ama. Hindi niya rin gusto ang pinaratang na nambababae siya kahit pa totoo iyon.
“Hindi ko inisip na babantayan mo pa rin ang bawat galaw ko, Pa. Matanda na ako. Alam kong may nangyari kay Lyka pero hindi ibig sabihin ay titigil na ang buhay ko.”
Tumahimik si Alejandro.
“Ikaw Pa, may itinatago ka ba?”
“Anong ibig mong sabihin?” tanong niya sa anak.
“Huwag kang magpanggap, Pa. Alam ko… may itinatago kayo. Tila lahat ng tao sa bahay, pati ang mga abogado n’yo, takot na pag-usapan si Lyka. Ang huling beses na nakita ko siya aymay pinagtatalunan kayo. Noong araw din na ‘yon, nawalan kami ng ugnayan. Pagkatapos, nabalitaan ko nalang na patay na siya.”
Dumilim ang mukha ni Alejandro.
“Mag-ingat ka sa sinasabi mo, Angelo. Ang ginagawa ko ay para protektahan ka sa mga balita na baka ikaw ang pumatay.”
“Yeah right! Natatakot ba kayo na baka madulas ako?” mabilis ang balik ni Angelo. “Dahil baka masabi ko sa media ang hindi dapat? Baka madamay ako, gaya ng sinasabi n’yong paulit-ulit sa mga tauhan n’yo?!”
Napuno na si Alejandro. Lumapit ito sa anak at dinuro.
“Makinig ka sa akin, Angelo. Hindi lahat ng nakikita mo ay dapat mong alamin. At hindi lahat ng iniisip mong totoo, ay dapat mong sabihin… Kung may natira pa sa utak mo, iwasan mong pumasok sa apoy. Dahil baka masunog ka kasama ng lahat.”
Hindi umimik si Angelo. Galit sya sa ginagawa ng ama. Pakiramdam niya kasi ay hinahatulan siya ng ama.
**************************
TAHIMIK ang paligid pero ang isip ni Criselda Villarin ay hindi mapalagay.
Nakahiga siya sa kama at nakatitig sa kisame, habang katabi ang asawang si Alejandro, na abala sa pagbabasa ng isang report mula sa kompanya. Sa bawat paglipat ng pahina, mas lalong lumalalim ang hinala sa kanyang puso. Simula nang mamatay si Lyka, ramdam niya ang malamig na pagbabago sa kilos ng kanyang asawa. Tahimik ito, pero tila laging aligaga. Mukhang may ginagawa na hindi tama... At ang mga sagot nito sa tuwing nababanggit ang pangalan ni Lyka—laging iwas, laging may takot at galit.
Hindi na siya makatiis.
“Alejandro…” malumanay ngunit seryoso ang tono ni Criselda.
“Hmm?” tugon nito nang hindi inaalis ang paningin sa hawak na dokumento.
“Kailangan nating mag-usap.” Nilapag niya ang hawak na unan at umupo sa kama, paharap sa asawa.
Napatingin si Alejandro sa kanya. Alam niyang may laman ang tono ng asawa. Tumigil ito sa pagbabasa at dahan-dahang inilapag ang papel sa side table.
“Tungkol saan?” tanong nito, kahit alam na niya kung saan papunta ang usapan.
“Tungkol kay Lyka.”
Tumigil sa paghinga si Alejandro sa ilang segundo. Natigilan ito.
“Bakit mo siya naalala ngayon?”
“Dahil hindi ko siya nalilimutan, Alejandro,” diretsong sagot ni Criselda. “Wala pa ring malinaw sa akin sa pagkamatay niya. Napakabigat ng pakiramdam ko. Hindi ako mapalagay. At higit sa lahat… nagdududa na ako.”
“Nagdu–duda? Sa akin?” Kunwa’y gulat si Alejandro, pero may bahid ng tensyon sa kanyang boses.
“Pilit mo akong inaaliw noon, sinabing wala tayong dapat ikatakot. Pero sa bawat kilos mo… sa bawat iwas mo sa usapan… sa pagalit mong tono tuwing tinatanong ka ni Angelo—Alejandro, anong alam mo sa pagkamatay ni Lyka?” Diretsahan na. Wala nang paligoy-ligoy niyang tanong.
Tumayo si Alejandro, tila naiirita. Lumapit ito sa bintana at isinara ang kurtina. Tumalikod siya sa asawa, nagsalita habang nakatalikod.
“Bakit ba bigla-bigla ay parang lahat kayo, gusto niyo akong imbestigahan? Si Angelo, ngayon ikaw naman? Ginagawa ko lang ang dapat. Ang ilihis ang balita sa atin. Mali ba ang ginagawa ko? Anong pakialam ko kay Lyka. Pinatay man siya o nagpakamatay anong pakialam ko?”
“Dahil ako ang asawa mo, Alejandro! At kilala kita! Hindi ko kailangan ng ebidensya para maramdaman na may tinatago ka. Hindi normal ang mga reaksyon mo. At kung may kinalaman ka sa pagkawala ni Lyka, gusto kong marinig mula sa ‘yo mismo.”
Lumingon si Alejandro. Matalim ang tingin kay Criselda.
“Wala akong pinatay, Criselda.”
“Hindi ko sinabing ikaw ang pumatay. Pero may kinalaman ka ba? May iniutos ka ba? May sinabihan kang ilayo si Lyka kay Angelo? Sabihin mo sa akin—kaya bang umabot sa kamatayan ang mga utos mo?”
Nanatiling nakatayo si Alejandro, nanatiling tikom ang bibig.
“Alam kong ayaw mo sa kanya,” patuloy ni Criselda, “pero hindi ko inakalang magagawa mong idamay ang isang inosenteng babae. Hindi ko inakalang, sa kagustuhan mong protektahan ang pangalan natin, kayang-kaya mong lumampas sa linya.”
“Minsan, kailangan mong gawin ang marumi para sa mas malaking kabutihan pero hindi ibig sabihin na pinapatay ko siya…”
“Alejandro… kung talagang may kasalanan ka, sana kahit ako… huwag mong gawing tanga. Sabihin mo ang totoo. Dahil kung totoo man na may kinalaman ka sa pagkamatay ng babaeng mahal ng anak mo… hindi ko alam kung paano pa kita titignan bilang asawa.”
Tumayo si Alejandro, lumapit sa kanya. Nakatitig sa mga matang puno ng luha at hinanakit. Saka ito bumuntong-hininga.
“Hindi ko siya pinapatay, Criselda. Pero… Oo, ayoko sa kanya para sa anak natin at ayokong masira ang kinabukasan ng anak natin. Wala akong ginagawang masama para matakot ako. Isa lang akong ama na handang protektahan ang anak. Yan ang tandaan mo Criselda.