MAINGAT na isinara ni AJ ang pinto ng silid ni Iñaki para hindi magising ang binata. Nahihimbing ito sa mahabang sofa sa sala. Alam niyang hindi gaanong komportable ang hinihigaan nito ngunit iginiit nitong gamitin niya ang nag-iisang silid sa unit. Iginiit niya na maliit lang siya at mas magiging komportable siyang matulog sa sofa ngunit hindi siya nito pinakinggan. Dahil sanay nang nagigising ng madaling-araw, bumangon na si AJ wala pa mang alas-kuwatro ng umaga. Ang totoo ay halos hindi siya nakatulog sa buong magdamag kahit na komportable sa silid ni Iñaki. Iniisip niya kung ano ang dapat niyang gawin. Pilit siyang naghahanap ng paraan para makabalik sa trabaho. Nais nga niyang matawa. Dati ay nais niyang umalis at iwanan na ang tahanan na pinaglilingkuran. Ngayon naman ay nais niyang

