Mausok, maingay, maraming tao.
Ganito ang nadatnan ni Reyna Mandaya nang makapunta siya sa mundo ng mga mortal. May pagkamangha sa kanyang mga mukha nang makita ang mga naglalakihang gusali. Hindi niya alintana ang mga mabibilis na sasakyang rumaragasa sa napakalawak na daan.
"Nakakamangha, kagila-gilalas. Walang ganito sa Enchantra. Ganito pala ang lugar ng mga mortal. Hindi ko akalaing makakarating ako rito," turan ni Reyna Mandaya sa sarili habang nakatingalang pinagmamasdan ang mga matatayog na gusaling nakikita. Sa gitna ng kanyang paglalakad ay hindi niya namalayan na nasa gitna na pala siya ng daan. Nagtataka naman ang ilan sa mga ikinikilos niya na tila ba ang tingin nila sa Reyna ay wala sa sarili. Hindi rin nakaligtas sa mga mata ng ilan ang kakaiba nitong kasuotan na ang inakala ng mga tao na galing sa isang costume party. Nakatutuwang pagmasdan ang kainosentehan nito. Nagulat ito nang biglang may isang sasakyang muntik nang bumangga sa kanya. Mabuti na lamang ang nakabig kaagad ng nagmamaneho ang preno ng sarili nitong sasakyan. Kung hindi ay pihadong bumulagta na si Reyna Mandaya.
Kaagad na bumaba ang isang dalaga. Halata sa kasuotan nito na may pagkasopistikada. "Miss, okay ka lang?" nag-aalala nitong tanong nang makababa ng sasakyan. Hindi nito mawari kung bakit ganoon na lamang kabilis ang pangyayari.
"A-anong okay?"
Hindi pamilyar sa reyna ang salitang sinambit ng dalaga.
"Ibig kong sabihin ay, kung ayos ka lang." Sa wakas ay nagawa niyang maintindihan ang lenggwaheng narinig. Tumayo siya at inayos ang sarili.
"Oo, ayos lang ako." Pinagmasdan ng reyna ang dalagang nasa harapan niya. "Isa ka bang Encantados?"
Kumunot ang noo ng babaeng nasa harapan niya. "Encantados? Ano 'yon?"
Saka lamang naalala ni Reyna Mandaya na nasa mundo nga pala siya ng mga tao kaya hindi pamilyar ang mga ito sa mga sinasabi niya. Ngunit sadyang napakaganda ng wangis ng dalaga para sa kanya na sadya namang kakikitaan ng karisma. Hindi rin kasi nalalayo ang hitsura ng mga tao sa kanilang mga Encantados. Naiiba lang ang uri ng kasuotan nila sapagkat ang mga kasuotan sa mundo ng Enchantra ay kumikinang na parang ginto.
"W-wala, paumanhin kung ikaw ay naguguluhan sa aking mga sinasabi ngunit kailangan ko nang maglakbay para makalayo sa mga kalaban," ani Reyna Mandaya.
Napatawa ang babae sa sinambit. "Alam mo, ang weird mo. Ang mabuti pa ay ihahatid na lang kita sa inyo. Saan ka ba umuuwi?"
"Sa Enchantra," agad niyang wika.
"Enchantra, saan iyon?"
"H-hindi mo ako maiintindihan, Binibini. Malayo rito ang aking tirahan." Lalo pang naguluhan ang babae sa kanyang mga narinig. Tila ba hindi normal para sa kanya ang paraan ng pananalita ng reyna. Ngunit sa kabila ng pagtataka ay nanaig pa rin ang pagiging maunawain nito kaya't minabuti niyang tulungan ang dalaga.
"Alam mo, ang mabuti pa, sumama ka na lang sa akin," yaya nito sa Reyna.
"Saan tayo pupunta?"
"Saka ka na magtanong." Hinawakan ng dalaga ang kamay ng Reyna. Pagkatapos ay siya na mismo ang nagbukas ng pintuan ng kanyang sasakyan.
"Anong klaseng kapangyarihan mayroon ang kahong ito, bakit tila kusa itong umaandar?" pagtataka ni Reyna Mandaya nang makasakay siya sa kotse.
"Ano bang sinasabi mo? Ngayon ka lang ba nakasakay sa kotse?"
"Kotse? Kung gayun ay kotse pala ang tawag dito. Kamangha-manghang salamangka, hindi ba't mga mortal lamang kayo? Paano ninyo nagagawa ang ganitong klase ng mahika?" muli niyang usisa.
Hindi na napigilan pa ng babae ang magtanong. "Saang mundo ka ba talaga nanggaling?"
"Isa akong engkantada. Reyna ng Enchantra. Ako si Reyna Mandaya."
"Oh, yeah? Well, ako nga pala si Queen Marga of Santillan Dynasty," sarkastiko nitong tugon.
Humagalpak sa katatawa ang dalaga. Hinampas pa nito ang manibela nang paulit-ulit dahil sa hindi siya makapaniwala sa narinig mula sa reyna. Hanggang sa isang kakaibang liwanag ang lumabas sa mga kamay ni Reyna Mandaya na siyang naging dahilan para magulat ang babaeng nagngangalang Marga. Kaagad siyang napaapak sa preno nang masaksihan ang ginawa ng reyna.
"Naniniwala ka na ba?"
"Uhm..." Napalunok si Marga. "P-paano mo nagawa iyon?"
Ngumisi si Reyna Mandaya. "Sinabi ko naman sa iyo, isa akong reyna ng mga engkanto."
Sa naging pahayag nito at nasaksihan ay doon pa lamang napapaniwala ni Reyna Mandaya si Marga. Kaya nang mga oras na iyon ay hindi na siya nagsalita pa. Muli niyang pinaandar ang sasakyan. Ngayon lang siya nakakita ng nilalang na kayang maglabas ng isang liwanag gamit lamang ang palad. Kagila-gilalas ang kanyang nakita. Ang akala niya ay sa telebisyon lamang niya makikita ang ganoong uri ng mahika — ngunit hindi. Heto nga't tumambad sa kanyang harapan ang isang nilalang na kanina lamang ay muntik na niyang mabangga. "Ano't natahimik ka, Binibini?"
"Wala... I just can't imagine na makakakita ako ng isang tulad mo? I mean, how could it be possible na narito ka sa mundo namin?" Panaka-naka nitong tinatapunan ng tingin ang reyna habang nagmamaneho.
Nabakas sa mukha ni Reyna Mandaya ang kalungkutan nang maalala kung paanong ang kanilang mundo ay nasakop ng masasamang engkanto. "Sinakop kami, pinaslang nila ang aking asawang si Haring Aramis."
"Oh, sorry," sambit ni Marga. "Saan ka ngayon pupunta niyan?"
Napaisip muli ang reyna. "Hindi ko alam. Ang nais ko lang ay makalayo at magtago sa mga masasamang engkanto na gustong sakupin ang buong kaharian."
"Ang mabuti pa ay sa akin ka na lang muna manuluyan, tutal wala naman akong kasama sa aking unit," alok ni Marga.
"Ayos lang ba iyon sa iyo? Hindi ka ba natatakot sa akin?" Ang totoo, noong una'y nagdadalawang-isip si Marga na alukin ang reyna, ngunit hindi naman siguro kalabisan para sa kanya ang patirahin ito sa sariling tirahan. Kung tutuusin, hindi naman nakakatakot ang hitsura ng reyna.
"May balak ka bang masama sa akin? Papatayin mo ba ako?" sunod-sunod niyang tanong.
"Hindi naman," anito.
"Iyon naman pala, e. Walang kaso sa akin iyon."
"Salamat."
Matapos ang halos trenta minutos na paglalakbay ay nakarating na rin sila sa paroroonan. Sa isang apartment sa Tondo Maynila nakatira si Marga. Sa edad niyang bente-kwatro ay natuto na itong mamuhay mag-isa. Bilang isang modelo at singer sa bar ay kumikita naman ito na sapat lang sa kanyang pang-araw-araw na pamumuhay. Nabibili naman nito ang mga gusto niya ngunit madalas din ay kinakapos. Kaya paminsan-minsa ay rumaraket ito bilang online seller.
"Nandito na tayo?"
Bumungad sa harapan ni Reyna Mandaya ang matayog na gusali na may walong palapag. Pare-pareho ang modernong disenyo ng mga kuwartong naroroon.
"Anong kaharian ito? Napakataas?" Pilit pinigilan ni Marga ang mapatawa. Halata sa mga mukha ng reyna na wala itong kamuwang-muwang sa nakikita.
"Dito ako, nakatira." Tinapik niya sa balikat ang reyna. "Let's go inside, tara!" anyaya niya.
Sumunod naman ang reyna. Ngayong nasa mundo siya ng mga tao ay kailangan niyang makibagay. Ito na ang magiging bagong mundo niya pansamantala hangga't hindi pa nababawi ang kaharian ng Enchantra.
*****
SAMANTALA, sa gitna ng napakadilim na kalangitan ng Enchantra ay makikita ang kalungkutan sa mukha ng mga Encantados. Lalo na sa mga nilalang ng Arianon. Bihag ngayon ni Haring Piero, lahat ng mga Encantados na nainirahan sa Enchantra ay tila naging sunud-sunoran sa kasamaan ng bagong hari. Kaya't lumaganap ang kasamaan. Ang dating masiglang kaharian, ngayon ay nabahiran ng kadiliman at kalungkutan. Ngunit para sa bagong hari ng Enchantra, ito ay isang tagumpay. Subalit lingid sa kanyang kaalaman ay mayroon pa ring mga balakid sa kanyang mga binabalak at paghahari-harian. May nakatakdang magbago ng sitwasyon, nakatala na sa tadhana ang pagbagsak niya ngunit hindi pa lang sa ngayon.
Habang nakaupo sa trono ay siya namang paglitaw ni Ibano.
"Ano't naparito ka ngayon, Ibano?" usisa ni Haring Piero.
"May ibabalita lang ako sa iyo, mahal na Hari."
Tumayo si Haring Piero sa kanyang kinauupuang trono at lumapit kay Ibano.
"Anong ibabalita mo sa akin?"
"May nagbabadyang humarang sa iyong paghahari-harian dito sa Enchantra."
"Anong ibig mong sabihin?"
Sari-saring tanong ang namuo sa isipan ni Haring Piero. Buong akala niya ay malaya na niyang magagawa ang kagustuhang mamuno sa buong Enchantra. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay may isa pa siyang dapat kalabanin. At iyon ang kailangan niyang paghandaan.
"Pagkalipas ng mahabang panahon ay isisilang ang mga anak ni Haring Aramis na silang babawi sa kaharian ng Enchantra," ani Ibano.
"Anak? Ang ibig mo bang sabihin ay nagdadalang-engkanto si Reyna Mandaya?"
"Tama ang iyong hinala, silang mga anak ni Haring Aramis ang magliligtas umano sa buong kaharian. Muling maibabalik ang trono kay Haring Aramis pagkalipas ng maraming taon." Sa naging pahayag na iyon ni Ibano ay tiyak na nabahala si Haring Pietro. "Ngunit may alam akong paraan upang mabago mo ang nakatadhana," dagdag ni Ibano.
"Ano naman iyon?"
Ngumisi si Ibano. "Ang mahiwagang espada."
Tumaas ang kilay ni Haring Piero sa turan na iyon ni Ibano. "Ngunit walang nakakaalam kung saan naroroon ang mahiwagang espada. Ginalugad ko na ang kaharian ng Arias ngunit hindi ko iyon nakita. Walang makapagsabi kung saan naroroon ang mahiwagang espada sapagkat itinago ito ni Aramis sa kung saan."
"Kung gayon, ito ang una mong dapat maging misyon bilang isang hari. Ang hanapin ang mahiwagang espada."
"Ngunit paano?" tanong ni Haring Piero.
"Bakit hindi mo tanungin is Adavas? Malamang ay may ideya ito kung saan naroroon ang mahiwagang espada."
Doon lamang nagkaroon ng ideya ang hari ng mga Urias. Kailangan niyang makuha ang mahiwagang espada upang maipagpatuloy ang kanyang paghahari sa buong Enchantra.
"Patras, ihanda mo ang hukbo. Tutungo tayo sa mundo ng mga tao upang hanapin si Reyna Mandaya," utos ng sakim na hari sa kanyang kanang kamay na kaagad namang sinunod. Nasa rurok na siya ng tagumpay subalit batid pa rin niya na may mga hadlang sa kanyang paghahari-harian. Itinaas niya ang kanyang palad at pagkatapos niyon ay lumitaw ang apoy. Nagngalit ang panga nito at tulala sa kawalan. Iniisip pa lang niya na may mga Encantados na magiging balakid sa kanyang mga ninanais ay hindi niya maatim ang sarili na kumitil ng buhay. Hinding-hindi siya makakapayag na muling maghari ang kabutihan sa kahiraan ng Enchantra. Hinding-hindi.
Mula sa apoy na nag-aalab sa kanyang mga palad ay ipinukol niya iyon sa isang pader na siyang naging dahilan ng pagkabasag niyon. 'Walang sinuman ang p'wedeng makaagaw ng trono sa akin. Hindi si Aramis o kahit na sinumang Encantados, hinding-hindi ako makakapayag.' Nag-aapoy ang kalooban niya. Nangibabaw ang mapusok na hangarin at kahit anong klaseng kapangyarihan ay hindi siya mapapatid sapagkat siya ang hari.
Hari na kailanma'y hindi magagapi...
Hari na kailanma'y hindi magpapatinag...
Tinungo niya sa piitan si Haring Aramis. Kasalukuyan itong nakaupo sa isang higaan. May nakahandang pagkain sa mesa sa kanya ngunit hindi niya ito ginagalaw. Mas gugustuhin niyang mamatay sa gutom kaysa kainin ang pagkaing inihanda sa kanya ng mga alagad ni Piero. Kampante lang siyang nakayuko sa kama subalit may pag-aalala sa kanyang mahal na reyna at sa apat na supling na dinadala nito.
"Kahit kailan ay hindi ninyo magagawang agawin sa akin ang trono." Ito ang bungad sa kanya ni Piero. Alam na niya kung bakit sinambit iyon ng Hari ng mga Urias. Marahil ay alam na nito ang nakatadhana. Nakayuko lang itong humagikhik na tila ba nanunuya sa kapwa niya hari. Natutuwa siyang makita na parang hindi mapakali si Piero sa nabalitaan.
"Natatakot ka na ba, mahal kong hari?" may pagkasarkastiko nitong saad nang dahan-dahan nitong itinuon ang tingin kay Urias. Nakangisi pa siyang lumapit sa hari. Walang takot siyang lumapit sa rehas na malapit dito upang makita niya nang malapitan kung gaano ito matakot. Alam niyang sa pagkakataong iyon ay hindi tapang ang ipinapakita nito dahil kitang-kita niya sa mga mata ni Urias ang takot.
"Nagkakamali ka kung inaakala mong mangyayari ang nakatadhana..." lumapit siya ng ilang metro kay Aramis upang mas maiparinig dito ang mga susunod niyang sasambitin. "Dahil bago pa man mangyari iyon ay tuluyan ko nang napaslang ang mahal mong reyna." May pagbabanta sa boses nito. Napalitan ng takot at galit ang kalmadong kalooban ni Aramis. At dahil doon ay nagawa niyang hilahin ang leeg ni Piero kahit nasa selda siya. May panggigil nitong sinakal ang hari. Ganoon katuso si Haring Piero. Pero hindi makakapayag si Aramis na madamay ang kanyang mag-iina dahil sa kasakiman nito.
"Huli na," ani Haring Piero at hinawakan ang braso ni Aramis na nakasakal sa kanya at inilabas ang init na nangagaling sa palad nito dahilan para mapaso si Aramis hanggang sa mabitawan siya. Nakangisi siyang lumisan sa harap ni Aramis.
"Piero!"
Gustuhin mang makawala ni Aramis sa mga rehas ay wala siyang magagawa dahil hindi niya magamit ang kapangyarihan. Magagawa niya kayang iligtas ang kanyang mag-iina?