Kabanata 3 - Apat na Tagapagligtas

1870 Words
Nabalitaan ng mga taga-Urias ang ginawa ni Adavas. Hindi halos matanggap ng hari ng mga Urianon na si Haring Piero ang pagbibigay ng makapangyarihang espada sa hari ng mga Arianon na si Haring Aramis.                 "Tila yata may pagtatraydor na nagaganap sa mga Encantados, ano't kay Aramis ibinigay ang makapangyarihang espada? Hindi ba't napakamakapangyarihan na niya? Anong kalapastanganan ang nangyayari sa Enchantra?!" turan ni Haring Piero na tila nagngangalit na apoy dahil sa natuklasan.                 Si Haring Piero ay isang makapangyarihang engkanto na gumagamit ng apoy. Siya ang pinakamalakas na nilalang sa mga taga-Urias ngunit may pagkasakim at mapang-api sa mga mahihinang uri ng engkanto. Labag man sa kalooban ng mga taga-Urias ang pagiging hari ni Haring Piero ngunit wala silang magawa dahil ayon sa batas ng Enchantra ang sinumang Encantados na may pinakamalakas na kapangyarihan ay siyang magiging hari nga bawat kaharian sa Enchantra.                 "Ngunit mahal na hari, lubos na mas malakas si Haring Aramis kumpara sa inyo," bungad ni Patras. Ang kanang kamay na alalay ni Haring Piero.                 "Alam ko! Kaya kailangan kong mag-isip kung papaano siya matatalo!" Naging matalim ang tingin ni Haring Piero na tila ba may malalim na iniisip. Nabanaag sa mukha nito na buo ang loob niya sa masamang binabalak. Sa malalim na pag-iisip ng Hari ay siya namang pagdating ng isang nakakatakot na nilalang. Matalas ang mga kuko nito at may kakaibang tindig na parang isang halimaw. Galing sa itaas ng bulwagan ng kaharian ay bumaba itong lumilipad sa harap ni Haring Piero Tila may pagbabadya ang mga ngiti nito nang sumalubong siya sa Hari ng mga Urias.                 "Ibano, bakit ka naririto?" tanong ni Haring Piero sa dumating na nakakatakot na nilalang. Si Ibano ang napakasamang nilalang sa Enchantra. Siya ang kabaligtaran ni  Panginoong Oros. Tanging gulo at kasamaan ang nais niyang mamayani sa Enchantra. Kinatatakutan din siya ng mga Encantados dahil sa kagustuhan nitong kasamaan ang mamayani sa buong Enchantra.                 "Narinig ko ang iyong pagsusumamo mahal kong kaibigan, tila makatutulong ako sa iyong pagnanais na makuha ang makapangyarihang espada sa Hari ng mga Arianon," tugon ni Ibano. Isa sa mga kapangyarihan ni Ibano ay ang malaman kung may nilalang sa Enchantra na nais maghasik ng lagim kung kaya't ganoon na lamang ang kasiyahan niya nang malamang gustong matalo ni Haring Piero si Haring Aramis. Naamoy niya ang paghihimagsik ni Piero kaya hindi na siya nag-atubiling puntahan si Piero at kuhanin ang oportunidad na makuha ang loob nito upang magamit niya sa kanyang kagustuhan na maghasik ng lagim sa Enchantra.                 "Iba talaga ang pang-amoy mo sa kasamaan, Ibano. Kung gayon matutulungan mo ba ako upang matalo si Aramis?" Tila nagkaroon ng pag-asa si Haring Piero dahil sa pagdating ni Ibano.                 "Nagdududa ka ba sa kakayahan ko, Piero? Hindi mo yata alam na isa ako sa makapangyarihang nilalang dito sa Enchantra?" turan ni Ibano.                 "Oo, isang makapangyarihang nilalang na nakikipagkumpetensya kay Panginoong Oros ngunit kahit kailan ay hindi nagtagumpay," sarkastikong tinig ni Haring Piero na tila ikinakunot ng noo ni Ibano.                 "Iniinsulto mo ba ako?" Tumalim ang tingin ni Ibano kay Haring Piero.                 "Hindi naman, nagsasabi lang ako ng totoo... ngunit kung gusto mo akong tulungan ay handa ako sa pagnanais mo maisakatuparan ko lamang ang mga binabalak ko." Natuwa si Ibano sa narinig. May mapanlinlang na pag-iisip si Ibano ngunit may pagkatuso naman si Haring Piero kaya't hindi man nila pinagkakatiwalaan ang isa't isa ay alam nilang kailangan nilang magsanib-puwersa upang makuha ang mga ninanais nila.                 "Kung ganoon, tanggapin mo ang kapangyarihang ibibigay ko sa iyo na makakapagpataob sa Hari ng mga Arianon." Itinaas ni Ibano ang kanyang kamay at isang nakakatakot na liwanag ang kumalat mula sa bulwagan ng kaharian. Dumilim ang kalangitan at malakas ang kulog at kidlat ang lumikha mula rito.                 Naramdaman ni Haring Piero ang malakas na kapangyarihan na dumaloy sa kanyang katawan na patuloy na nadaragdagan habang ipinapasa ni Ibano sa kanya ang kapangyarihan niya. Lumakas ang hangin at mas lalong nagngalit ang kalangitan dahil sa nangyayaring pagpapasa ng kapangyarihan.                 SAMANTALA, isang pangitain ang naman ang nakita ni Adavas habang kausap niya si Haring Aramis. Simula nang maibigay ni Adavas ang makapangyarihang espada kay Haring Aramis ay hiniling nito na maging isa siya sa mga pinuno ng hukbo niya. Kasalukuyan nilang pinag-uusapan ang kapayapaan sa buong Enchantra nang bigla na lamang napatulala si Adavas at naging malayo ang tingin hanggang sa ang mga mata nito ay naging puti ang kulay, senyales na may isang pangitain siyang nakita.                 "Adavas, ano ang iyong nararamdaman? Bakit tila nakakita ka ng nakakatakot na pangitain?" tanong ni Haring Aramis.                 "Mahal na hari, hindi ko gusto ang nakita ko. Dadanak ang dugo. Apoy ang mangingibabaw sa paligid. Nakakapanindig balahibo." Tila kinilabutan si Haring Aramis sa narinig mula kay  Adavas. Alam niyang siya ang pinakamakapangyarihang pinuno sa buong Enchantra ngunit hindi niya sigurado ang kaligtasan ng mga naninirahan dito. Napagtanto niya na isang gyera ang magaganap sa nakitang pangitain ni Adavas kaya ganoon na lamang ang pagmamadali niya papasok ng kaharian at tinipon ang mga sundalong Encantados.                 "Makinig kayong lahat! May gyerang paparating... nais kong maghanda kayo at maging alerto, bantayan ang bawat labasan ng buong kaharian! Huwag na huwag kayong matatakot sa mga kalaban! Para sa kapayapaan ng Enchantra!" hudyat ni Haring Aramis sabay pagtaas ng kanyang espada.                 "Para sa Enchantra!" sabay-sabay na tugon ng mga sundalong Encantados.                 Tumunog ang malakas na trumpeta ng kaharian, hudyat na may paparating na kalaban. Isang hukbo ang papasugod sa kaharian ng mga Arianon. Tama ang pangitaing nakita ni Adavas. Isang hukbo ang papalapit sa kaharian. May mga matatalas na espada ang sa tingin nila'y nasa mahigit isang libo. May hawak silang isang bandera na may pamilyar na simbolong nakaguhit— ang simbolo ng kaharian ng mga Urias. Is itong pagbabanta na balak nilang lukubin ang buong kaharian. Sa pamumuno ni Haring Aramis ay nasa likuran niya ang mga sundalong Encantados ng mga Arianon at sa pamumuno naman ni Haring Piero ay naroroon ang hukbo niya na sundalong Encantados ng mga Urias.                 "Sinasabi ko na nga ba at ikaw ang nais na maghasik ng lagim Piero." Naging matalim ang tingin ni Haring Aramis sa hari ng mga Urias.                 "Kamusta kaibigan kong Aramis? Nabalitaan kong nasa iyo raw ang makapangyarihang espada? Hindi ba't malakas ka na? Baka puwedeng ako na lang ang makinabang sa makapangyarihang espada?" pagsusumamo ni Piero ngunit may pagkasarkastikong tinig.                 "Hindi ka karapat-dapat para sa makapangyarihang espada dahil sa kasamaang taglay mo. Kung inaakala mong makukuha mo ang makapangyarihang espada, nagkakamali ka!" matapang na tugon ni Haring Aramis.                 "Kung ganoon, humanda ka dahil ako mismo ang kukuha niyan sa iyo," pagbabanta ni Haring Piero.                 "SUGOD!" hudyat ni Haring Aramis at mabilis na sumugod ang mga sundalo ng magkabilang panig.                 Sa bawat kumpas ng espada ay matatapang na mukha ang makikita. Bawat hagis ng mga tulos ay dugo ang dumadanak at bawat paghampas ng mga kalasag ay sugatang sundalo ang hahandusay. Nagtapat si Haring Piero at Haring Aramis. Hindi magawang matamaan ang isa't isa, tila may pantay na lakas ang magkabilang panig. Nagawang sugatan ni Haring Aramis si Haring Piero kaya napahiga ito sa lupa.                 "Suko na ako! Hindi na ako lalaban, patawad kaibigan." Nakaumang ang espada ni Haring Aramis kay Haring Piero. Akmang itatarak niya ito sa kawawang Hari ngunit hindi niya itinuloy dahil sa likas na maawain ang Hari ng mga Arianon. Inilahad ni Haring Aramis ang kamay niya upang tulungang makatayo si Haring Piero. Ngunit sa pag-aakalang sumuko ang Hari ng mga Urias sa kanya ay bigla nitong itinarak ang punyal sa kaliwang dibdib ni Haring Aramis. Tusong hari talaga si Haring Piero kaya nagtagumpay siya sa naisip na linlangin si Haring Aramis. Nagawang sugatan ni Haring Piero si Haring Aramis, nanghina ito at napaluhod sa harap ni Haring Piero. Nasaksihan ni Reyna Mandaya ang pagkatalo ng mahal niyang hari.                 "Aramis! Mahal ko!" sigaw ni Reyna Mandaya. Nakita naman siya ni Adavas habang ito ay nakikipaglaban. Hindi nag-atubili ang enkangtong si Adavas at pinuntahan niya si Reyna Mandaya sa kinatatayuan nito mula sa balkonahe ng kanilang kuwarto ng kaharian. Sumungaw sa mga mata ng Reyna ang pag-aalala sa kanyang pinakamamahal na Hari.                 "Mahal na Reyna, sumama kayo sa akin," wika ni Adavas sa tumatangis na reyna.                 "Ngunit si Aramis?" pag-aalalang tugon ni  Reyna Mandaya.                 "Mahal na Reyna, kailangan niyong sumama sa akin upang maging ligtas kayo," pagwiwika ni Aramis at mabilis nilang nilisan ang kaharian. Sa likurang bahagi sila dumaan upang hindi makita ng sinuman. Habang abala ang lahat sa pakikipaglaban ay nagawang itakas ni Adavas si Reyna Mandaya. Ito ang bilin niya sa kanya ni Haring Aramis sa oras na may masamang mangyari sa kanya. Siniguro ni Haring Aramis ang kaligtasan ni Reyna Mandaya.Pumunta sila sa isang tagong gubat na malapit sa ilog. Dito ay may nakatagong lagusan mula sa mundo ng mga mortal. Alam ng lahat ng mga taga-Enchantra na ipinagbabawal ang pagpasok sa lagusan na ito ngunit para sa kaligtasan ni Reyna Mandaya ay ninais ni Adavas na sumuway sa batas ng Enchantra.                 "Anong ginagawa natin dito, Adavas? Hind mi ba't bawal pumunta sa lagusang ito?" nagtatakang tanong ni Reyna Mandaya.                 "Alam ko mahal na Reyna ngunit ito na lang ang tanging paraan upang mailigtas kita. Ipinangako ko sa mahal na Hari na poprotektahan kita. Malaki ang utang na loob ko sa kanya kaya ko ito ginagawa," paliwanag ni Adavas kaya ganoon na lamang ang pagpayag ni Reyna Mandaya.                 "Sige... mag-iingat ka, Adavas," wika ni Reyna Mandaya.                 "Suotin mo ito, mahal na Reyna. Kapag suot mo ito magagawa mong maging anyong tao sa mundo ng mga mortal," wika ni Adavas at ibinigay kay Reyna Mandaya ang isang mahiwagang kwintas na may kakaibang wangis.                 "Salamat, Adavas. Hangad ko ang iyong kaligtasan," wika ni Reyna Mandaya at isang yakap ang ibinigay niya kay Adavas.                 "Mag-iingat ka, mahal na Reyna," paalala nito at pumasok na sa lagusan si Reyna Mandaya.             Nang bumalik si Adavas sa kaharian ay isang kagimbal-gimbal na imahe ang kanyang nakita. Nagkalat ang mga sugatang sundalo at nakapila ang mga bangkay ng mga sundalong Engkantado ng Kaharian ng Arias.             "Nasaan si Haring Aramis?" nagtatakang tanong ni Adavas sa hukbo niya.             "Binihag siya ng Haring Piero, Pinuno," sagot ng isang sundalo. Bumakas sa mukha ni Adavas ang pagkabigo dahil tila hindi niya nagampanan ang tungkulin.             SAMANTALA, nasa piitan na nga si Haring Aramis sa Kaharian ng mga Urias. Napapalibutan ng matatalim na baging ang kanyang piitan upang hindi siya makawala. Nang magkamalay si Haring Aramis ay nagpakita sa kanya si Burma — isang mensahero mula sa kaitaasan. Isang mensahe ang nais niyang ipabatid sa hari.             "Aramis, nandito ako upang ipabatid sa iyo ang nakatakdang mangyari," wika ng mensaherong si Burma.             "Ano ito Burma? Magagawa ko bang bawiin ang kaharian?" tanong ni Haring Aramis.             "Hindi sa ngayon ngunit may nakatakdang magligatas sa buong Enchantra. Magbubuntis ang iyong kabiyak na si Mandaya ng apat na lalaki at sila ang magiging tagapagligtas ng buong Enchantra," nabuhayan ng loob si Haring Aramis sa turan ni Burma. Hindi sila pinapabayaan ng Panginoong Oros. Ngunit Nasa mundo ng mga mortal si Reyna Mandaya. Kung hindi niya magagawang makabalik sa Enchantra, paano niya magagawang magigiting na mandirigma ang apat na na nakatakdang magligtas sa buong Enchantra?             Apat na binata, apat na kaharian, apat na sandata. Magiging mapayapa pa kaya ang Enchantra?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD