"Umuungol siya..."
"Mataas pa ba ang lagnat niya? Baka kailangan na nating pumunta ng ospital para mapagamot siya, Densio?"
Naririnig ko ang mga boses ng mga ito pero ang katawan ko, parang may mabigat na bagay na nakadagan sa'kin. Gusto kong imulat ang mata ko pero nakaramdam ako ng panghihina.
"Grabe ang may gawa nito sa kanya, Densio. Hindi na makatarungan! Kailangan nating ipagbigay alam ito sa kinauukulan—"
"Tumigil ka, Petra! Ilang beses ko na bang sinabi sa'yo, na hindi tao ang may gawa nito kundi m-mga—aswang!"
"Aswang?" halos pasigaw na tanong ng babae bago nito inis na tinalikuran ang asawa. Deretso ito sa sa kusina nito at agad itong napalingon nang bigla itong tapikin ng asawa sa balikat. "Paulit-ulit mong sinasabi 'yan sa'kin pero wala naman tayong nakikita na ganun dito!"
"Petra, makinig ka! Bata pa ako nang makakita ako nang ganun. Nakita ko siya sa ilog na may nakatusok na kawayan sa likod niya k-kaya... kaya p-posibleng aswang ang ba—babaeng kinupkop natin sa p-pamamahay na ito."
"Tigilan m-mo'ko, Densio!"
"M-makinig ka! Bata pa'ko nang makakita ng ganun kaya alam na alam ko kung para sa'n ang k-kawayang iyon dahil kakaiba ang uri nu'n. Sabi ni Tatay, ginagamit lamang 'yon sa mga aswang para mapatay sila. P-Petra, nakikinig ka b—"
"Hindi po ako m-masamang tao," halos naiiyak na'ko nang sambitin ito. Napilit ko ang sarili kong tumayo nang marinig ko ang pag-iingay ng mga ito. "Wala po akong ginagawang masama, wala po akong pinapatay na tao!" mariin kong paliwanag sa mga ito.
Nakita ko ang pagkagulat sa mukha ng mga ito. Tuluyang nang nalaglag ang pinipigil kong luha. Hinang-hina ako nang lalo akong kumapit sa kawayang haligi ng bahay. Gusto ko nang umalis pero para akong hihimatayin dahil sa sobra kong panghihina.
"A-aalis po ako ngayon d-din, para hindi niyo na'ko pag... pag-awayan p-pa. P-pasensiya n-na sa a—abala." Naliliyo ako. Marami akong sugat sa katawan at nang maisip ito, isang tao ulit ang pumasok sa utak ko. "A-ang kaibigan ko po, t-tulungan niyo po a-ako. K-kinuha siya ng mga a-aswang." Lumakas ang iyak ko dahil hindi ko kakayanin na may mangyaring masama sa pinakamamahal ko. "S-si Mihael, parang awa n-niyo na, n-nasa kuta s-siya ng mga aswang!" Bigla akong nauupos nang dahan-dahan akong sumalampak sa lupa.
"N-naku naman, ineng. D-Densio!" Naiiyak na ring inalalayan ng matandang babae ang dalaga. "Marami kang sugat sa katawan, ineng. Kailangang mong magpagaling muna. Nasa'n ang pamilya mo?"
"Si M-mihael, t-tulungan niyo po s-siya. K-kailangan niya ng t-tulong." Napahawak ako sa braso ng matandang lalake nang tumulong na rin ito sa pag-alalay sa'kin.
Naiupo na'ko ng mag-asawa pabalik sa higaan nang may pagsusumamo kong tinitigan ang lalake. May alam ito ukol sa mga aswang pero agad itong umiwas ng tingin sa'kin. Napaiyak ako nang malakas nang tumayo ito at lumabas ng bahay-kubo. Helpless na'ko at nawawalan ng pag-asa. Napatingin ako sa matandang babae nang himasin nito ang ulo ko.
"T-tulungan niyo po ako, ang kaibigan ko."
"Kailangan nating humingi ng tulong sa barangay kung nasa panganib ang kaibigan mo pero ang aswang, ineng—" Napabuntong hininga ang babae sabay iling. "Hindi naman totoo 'yan. Para kang asawa ko, nagpapaniwala sa mga ganyang bagay."
"Totoo sila, Petra!" biglang sigaw ng lalake nang makapasok ito nang tuluyan, may bitbit na itong itak sa kamay. "Ako mismo nang bata pa ako ang nakakita no'n kasama si Tatay."
Nabuhayan ako ng loob sa sinabi nito. "Hindi lahat ng n-nilalang masama." Inaarok ko ang loob ng lalake nang magkasalubungan kami ng tingin. "Ki aswang o hindi, hindi lahat masama. Hindi po a-ako masamang t-tao. Nagbabakasyon lamang kami ng kaibigan ko sa l-lugar na'to. Taga-Maynila p-po kami." Nakaramdam ako nang sobrang panghihina kaya minabuti kong muling mahiga. "T-tulungan n-niyo po ang kaibigan ko. M-mahal na m-mahal ko s-siya." Napakahina ng pagkakasambit ko sa huling sinabi ko at hindi ko alam kung narinig ito ng mag-asawa. Nakaramdam na naman ako ng hilo kaya minabuti kong ipahinga ang sarili ko.
Kahit gusto kong labanan ang antok ko, hindi na kinaya ng katawan ko. Tanging mahinang pag-iyak na lang ang nagawa ko bago na naman ako hinila ng antok.
"H-hayaaan mong mabawi niya ang lakas niya, Densio. K-kawawa naman ang batang ire." Tumingin ang babae sa asawa nang may pagsusumamo. "Ayokong nang salungatin pa ang s-sinasabi niyo pero kailangan niya ng tulong. Kailangan nating pumunta sa barangay para makahingi ng tulong sa kanila. Kung totoo mang nasa p-panganib ang kaibigan niya, kailangan natin siyang tulungan. Densio—hoy!" Mabilis na sumunod ang babae sa asawa nang muli itong lumabas.
Nakaupo na ang lalake sa damuhan at hinahasa nito ang itak na hawak sa isang hasaan. "Sa klase ng mga sugat niya, malamang patay na siya pero kakaiba siya. Hindi siya tao, P-Petra!"
"Tigilan mo ako, Densio. Kailangan nating bumili ng gamot sa bayan para sa kanya at baka maimpeksyon ang sugat niya. Minsan lang may d-dumayo sa'ting taga-Maynila, ganyan ka pa? Tingnan mo naman, wala ngang kalaban-laban sa mga gumawa sa kanya niyan tapos pag-iisipan mo pa ng masama?"
"Hindi ako nag-iisip ng masama!" pasigaw na sagot ng matandang lalake. "Hindi siya tao kaya hanggang ngayon, buhay pa rin siya. Hindi siya normal kaya buhay pa siya, Petra!"
Inis na tumalikod ang babae at muling binalikan si Roxy. Bitbit na nito ang isang palanggana na may halong dahon. Napailing pa ito nang muling masdan ang dalagang natutulog sa kawayang higaan.
"N-napakagandang bata. K-kung sino man ang may gawa nito sa'yo, pagbabayaran nila ito." Nagsimula nang hugasan ng babae ang ilang sugat sa katawan ng dalaga. Panay ang iling nito nang makita ang maraming sugat sa katawan ng babae.
"M-Mihael."
"H-huwag kang mag-alala, ineng, ilalapit natin sa barangay ang tungkol sa kaibigan mo." Nang may kumalabit sa ulo nito, agad napasigaw ang babae. "Ano ka ba, Densio!"
"Ang bunganga mo, Petra," mahinang sambit nito bago tiningnan si Roxy. "Pupunta ako kay Pareng Ernesto para magpasama sa barangay."
Lumawak ang ngiti ng babae nang marinig ito. "S-salamat naman kung ganun, kailangan nang matulungan ang kaibigan niya kung tama ngang nasa kuta ito ng mga... ng mga... hay naku!" Nasundan na lamang nito ang asawang tumalikod, sukbit-sukbit na nito ang itak sa bewang nito.
Napakabigat ng pakiramdam ko nang muli kong imulat ang aking mata. Nagising ako sa ingay sa paligid ko at nang dahan-dahan kong nilingon ang matandang babae, nakangiti itong nakatingin sa'kin. Nabigla ako nang tuluyan kong mabuglawan ang ilang taong nakatunghay sa'kin. Panay ang kurap ko at sinisino ang mga ito.
"Taga-barangay sila, ineng. Baka matulungan ka nila at nang mabalikan ang kaibigan mo."
Agad bumalong ang luha ko pagkarinig ko nito. Nakaramdam ako nang kaunting kalakasan sa pag-asang maililigtas namin si Mihael ko. Pinilit kong tumayo pero napabalik na naman ako sa higaan ko nang makaramdam ako ng hilo.
"Mahiga ka lang diyan at ikukuha kita ng pagkain. Sandali." Agad tumalikod ang babae at sa pagbalik nito, may bitbit na itong isang mangkok. "Tatlong araw kang tulog kaya siguradong gutom ka. Gigisingin sana kita kanina kaso tulog na tulog ka—"
"T-tatlong a-araw?" Nanginig ang katawan ko nang bigla akong bumangon. Pinilit kong tumayo habang alalay ako ng dalawang babae sa magkabilang balikat ko pero napaupo ulit ako. "Si M-Mihael, b-baka may n-nangyaring m-masama sa kanya. Hindi! Kailangan ko na pong bumalik doon. S-samahan niyo po ako, p-please!" Naghi-hysterical na'ko sa isiping patay na ito. "Pupuntahan ko si Mihaeel!" Napaiyak na'ko nang tuluyan nang bigla kong napagtanto na sa tatlong araw, malamang napatay na ito ng mga impaktong 'yon. Lalo akong nanginig at pinanghinaan ng loob muli. Bigla akong niyakap ng matandang babae para aluin ako.
"K-kaya nandito sila para tulungan ka, ineng. Kumain ka at magpalakas para mapunatahan nila agad ang kaibigan mo. Sabaw at kanin 'to, iniisip ko baka mahirapan ka sa pagkain sa rami ng sugat mo."
"Tama siya, iha," sabat ng isang babae. "Mga barangay tanod kami at may ilang kalalakihan pa ang nasa labas para matulungan ka pero sa nakikita ko sa'yo, mukhang mahina ka pa. Magpalakas ka muna."
"Hindi!" sigaw ko sa babae. "Gusto ko nang puntahan si Mihael, hindi ako p-pwedeng maghintay lang dahil nasa p-panganib ang buhay niya! P-parang awa niyo na pooo." Lumakas lalo ang iyak ko nang hawakan ko sa damit ang babae. Para akong batang nagngangawa sa harap nito.
"Kumain ka muna. Pagkatapos mong kumain, saka tayo mag-uusap ulit." Ang isang pang may edad na babae ang umalalay kay Roxy para muling iupo ito nang magpumilit itong tumayo. "T-tutulungan ka namin, iha, pero sa ngayon, kailangan mong malagyan ng pagkain 'yang sikmura mo para mapabilis 'yang paggaling mo. Maswerte ka pa rin kahit ganyan ang nangyari. Grabe! Ang dami mong sugat sa katawan, grabe ang gumawa niyan sa'yo."
Bigla kong natingnan ang braso ko, nakikita ko ang ilang gasgas dito pero ang matindi, ang nasa likod ko. Ilang sibat ang tumama sa likod ko nang patamaan ako ng mga lalaking iyon. Aswang sila pero alam nila ang mga bagay na kontra sa mga ito. Modernong mga aswang! Kahit naiiyak na'ko, pinilit kong kumain. Halos subuan na'ko ng matandang babae kaya napangiti ako nang tingnan ko siya.
"S-salamat po sobra sa tulong niyo. Tatanawin kong utang na loob ang ginawa niyong kabutihan habang buhay. Kailan po tayo pupunta sa kaibigan ko? Tanda ko pa po ang lugar na iyon, hinding-hindi ko makalimutan ang lugar na 'yon."
"Ineng, kumain ka nang kumain para lumakas ka. Salamat sa Diyos at nagising ka. Wala kasi kaming kapera-pera kaya hindi ka rin namin madala-dala sa ospital pero nadala sa panalangin ko nang hilingin ko sa taas na gisingin ka na."
Naiyak ako sobra dahil naalala ko sina Father at ang mga madre sa kumbento kung saan tinuring nila akong pamilya. Kailangan ko silang kontakin pero paano? Si Mihael! Kailangan kong iligtas si Mihael!
"Iyak ka nang iyak at natutulala ka na naman. Kumain ka." Kusa nang sinubuan ng babae ang dalaga na sige lang sa pag-iyak. "Tatanungin ka nila kung ano talaga ang nangyari. Huwag kang mag-alala dahil maraming tutulong sa'yo para matagpuan mo ang kaibigan mo. Iyang asawa ko ang sumundo sa kanila. Kahit ganyan 'yan, makakaasa kang nasa likod mo 'yan."
Tatlong araw? Hindi kinaya ng utak ko ang pagbilang ko nito. Buhay pa ba si Mihael ko? Grabe ang sakit ng dibidb ko kaya habang kumakain ako, panay naman ang himas ko nito para mawala kahit papa'no ang sobrang sakit na nararamdaman ko ngayon. Mas masakit ang pait sa dibdib ko kesa sa mga sugat na tinamo ko. Ang sugat ko sa likod, sa tagiliran o sa tamang salita, ang buong katawan ko, patuloy pa ring nananakit.
Nakaramdam ako ng ginhawa nang mabusog ako. Isang panalangin ang inusal ko nang lumabas ang babae at wala pa ring ampat ang luha ko. Kaligtasan lang ni Mihael ang nais ko. Pumasok ang isang lalake at ang dalawang babae na kausap ko kanina. Nakangiti ang mga ito sa'kin.
"Iha," panimula ng lalake. "Ikuwento mo sa amin kung ano ang nangyari.
Nasundan ng iyak ko ang sinabi ng lalake nang umpisahan kong isalaysay ang lahat sa paputol-putol na paghinto ko. Hindi ko na binanggit ang ukol sa mga aswang. Sinabi ko sa mga ito na tinambangan kami sa lugar na iyon kung saan isang barangay ang nagtulong-tulong kaya ako nagkaganito. Alam kong hindi maniniwala ang mga ito pero isa lang ang hiniling ko.
"Magdala po kayo ng mga armas at kung pwede po, mga pulis para may proteksyon tayo. Kung hindi po ako n-niligtas ng mag-asawa, malamang patay na ako ngayon. Grabe ang galit ng mga taong iyon sa'kin kaya nila nagawa ito sa amin.
"Ang ibig mong sabihin, isang matandang Iryang ang nag-imbita sa inyo sa kapyestahan? Hindi ko maintindihan kung bakit nila gagawin sa inyo 'yon kung isa kayong bisita?" agad na tanong ng lalake kay Roxy matapos ang mahabang salaysay nito sa nangyari.
Napatingin ako bigla sa mag-asawang pumasok. Isa lamang maliit na bahay-kubo ang bahay ng mga ito kaya hindi magkasya halos ang mga bisita.
"Sitio Maldar? Naririnig ko ang bayang 'yan pero malayo sila sa kabihasnan. Kahit ako, hindi pa'ko nakakapunta sa lugar na 'yan dahil mahirap puntahan!" pagpapatuloy ng lalake bago nagbigay ng isang ngiti kay Roxy. "Kasama ang ilang tanod, pupunta kami ro'n para hanapin ang kaibigan mo—"
"S-sasama po ako sa inyo," mabilis kong saad. "K-kung wala ako, hindi niyo matutunton ang lugar na 'yon."
Ang babaeng nakaalalay kay Roxy, bigla itong sumabat. "May mga pulis na rin kaming kinontak kaya 'wag kang mag-alala. Kung mahuli ang mga salarin, siguradong sa rehas ang bagsak ng mga iyon. Sigurado kang kaya mo n-na? Mas maigi pang magpahinga ka rito at magpalakas muna."
"Hindi p-po!" Buo ang loob ko nang salubungin ang mga tingin nila. "S-sasama ako sa inyo at tandang-tanda ko pa ang mga mukha ng taong gumawa nito sa'kin."
Ilang sandali pa, lulan na kami ng isang maliit na jeep habang binabagtas ang bayan ng Sitio Maldar. Sa pagpupumilit ko, napapayag ko rin ang mga ito kahit pa ano'ng tutol ng ilan dahil sa kalagayan ko.
"Naririnig ko lang ang bayang 'yan pero hindi ko pa napupuntahan. Mahirap ma-locate ang lugar na 'yan at akala ko, gawa-gawa lang ng ilang tao 'yon pero totoo pala. Kuwento lamang ito pero ang lugar na 'yan, kung sinuman man ang dumadayo ay hindi na nakakabalik pa sa pamilya nila."
Napatingin ako bigla kay Kapitan. May naka-convoy na kapulisan sa likod namin kaya labis-labis ang pasasalamat ko sa tulong na ginawa ng mga ito. Namasa ang mata ko nang marinig iyon sa kanya. Ang Mihael ko! Ang pinamamahal ko, sana'y walang nangyaring masama sa kanya. Dasal lang ang magagawa ko sa ngayon at naniniwala ako sa taas. Sana mailigtas nito si Mihael. Kahit pinanghihinaan ako ng loob, hindi ko matanggap ang samu't-saring pumapasok sa utak ko, ang mga negatibong bagay na wala na itong buhay.
'Di ko alam kung ilang oras inabot ang byahe namin pero nakatulog ako sa biyahe at nagising ako nang biglang huminto ang sinasakyan namin.
"S-sandali lamang, kanina pa tayo nagbabyahe pero wala akong makitang bayan dito." Napatingin ang driver ng jeep kay Roxy. "Oy, iha, ito ang tinuro mong daan, sigurado ka ba? Halos tatlong oras na'kong nagbabyahe. Tinulugan mo na kami."
Hindi ko alam kung saang lugar kami. Malayo pala ang napadparan ko nang anurin ako ng ilog, 'yan ang kwento ng matandang lalake nang makita ako nitong duguan sa ilog. Sinundan namin ang ilog pero hindi pa rin kami nakakarating sa destinasyon namin. Tahimik lang ako at nagmamasid sa paligid, pilit inaalala ang lugar. Ang tulay, ang ilog... pero walang Sitio Maldar. Imposible!
"May tricycle driver pong naghatid sa'min doon at alam niya ang lugar pero nasa cellphone ni Mihael ang numero niya. Pareho naming naiwan ang gamit namin sa lugar na iyon." Ayokong mawalan ng pag-asa lalo't si Mihael ang involve rito. Isang oras pa ang matuling lumipas pero hindi pamilyar ang dinadaanan namin.
Nang tuluyang magdilim, sumuko na rin ang mga ito sa paghahanap ng lugar na sinasabi ko. Gusto kong umiyak pero pinigilan ko. "P-please po, ang kaibigan ko. T-tulungan niyo s-siya."
"Iha..." Isang pulis ang lumapit sa dalaga. "Mabuti pa'y bumalik na tayo sa barangay para mai-report ito at kami naman, babalik kami ulit sa lugar na sinasabi mo bukas o sa susunod na araw pero sa ngayon, kailangan na nating bumalik."
Kahit labis ang protesta ko, nawalan ito ng saysay nang lisanin na namin ang lugar. Nasaan na ang lugar na iyon? Bakit hindi ito alam ng mga tao? Imposibleng hindi nila alam dahil lugar nila ito. Tuluyan na kaming nakarating sa Barangay Hall at isang surpresa pala ang naghihintay sa aming lahat. Ang hinahanap namin—buhay na buhay sa harap ko si Mihael!
"R-Roxy."
Halos takbuhin ko ang kinaroroonan nito. Nakahiga sa isang pahabang upuan ang lalake nang mapasukan namin sa loob. Paika-ika akong naglakad palapit sa kanya at sinalubong naman ako nito ng mahigpit na yakap.
"Siya ba ang kaibigan mo?" agad na tanong ni Kapitan.
Panay ang tango ko na nasabayan na rin ng iyak ko. Panay ang haplos ko sa mukha ni Mihael at labis akong nagtaka dahil ni isang galos, wala akong makita sa balat nito.
"M-Mihael." Halos ayaw ko nang pakawalan ito nang humigpit ang yakap ko sa kanya dahil ako lang pala ang masasaktan. Sariwa pa ang sugat ko nang panay galaw ang ginawa ko. Ang sakit! "S-sabihin mo sa kanila, Mihael, kung ano'ng nangyari sa'yo para mahuli ang mga taong 'yon."
"Hinatid ako ng isang lalake rito dahil hinanap kita, Roxy. Ok naman ako, ikaw... mukhang hindi maganda ang lagay mo. Ano bang nangyari sa'yo?" Hinaplos ng binata ang buhok ng dalaga sabay ngiti rito. "Bakit ang dami mong sugat, ha?"
"Ang mga aswang, M-Mihael?" napakahina ng pagkakakatanong ko nito sa kanya pero tinaasan lang ako nito ng kilay. "K-kailangan nilang managot, best."
"Ano bang pinagsasabi mo?" inis na saad ng binata. "Napagod ako sa kakahanap sa'yo, sa'n ka ba nagpupunta? Kailangan na nating bumalik ng Maynila, Roxy."
Labis ang gulat ko sa inakto nito pero ang mahalaga ngayon, ang buhay ito. Ito lang ang hiningi ko sa taas na ibalik nitong buhay ang lalaking pinakakamahal ko. Marami akong katanungan sa binata pero mas kailangan nitong sagutin ang katanungan ng barangay at mga kapulisan. Nakikinig lang ako at takang-taka dahil walang binanggit ang lalake ukol sa mga aswang.
"May mga ligaw na hayop sa gubat pero nakaiwas ako." Napatingin si Mihael sa dalaga. "Nagkahiwalay kami ni Roxy nang hindi ko namamalayan at pasalamat ako na may isang nag-offer ng tulong para ihatid ako rito sa barangay nang maligaw ako."
Napaawang ang labi ko! Tatlong araw! Tatlong araw akong walang malay pero ngayon lang nagpakita ang lalake? Gulong-gulo ako! Hindi ito ang inaasahan ko. Ang takot ng lalake sa'kin nang magkatawang aswang ako, alam kong tanda pa lahat ni Mihael. Bakit hindi tugma ang salaysay nito sa mga kapulisan? Kailangang mahuli ang mga taong iyon na nagtangka akong patayin.
"M-Mihael," mahinang tawag ko sa lalake na may pagdududa.
"Kailangan na nating umalis, Roxy, at bumalik sa siyudad. I'm tired! Sa bayan na lang tayo mag-book ng hotel bago tayo lilipad pabalik ng Maynila. Kailangan pa nating dumaan ng ospital dito para magamot ka."
Naumid ang dila ko nang magsalubong ang kilay nito. "M-Mihael..."