Kahit pa isa na'kong ganap na aswang, nakaramdam pa rin ako ng panganib. Mag-isa lang ako, marami sila! Biglang napaungol si Mihael nang lalo pa akong pumailanlang paitaas bago mabilis na lumipad patungo sa animo ilaw na nakakasilaw sa 'di-kalayuan.
Isa man akong aswang, nakausal pa rin ako ng isang panalangin para mailigtas kami sa panganib na nakaamba sa'min ngayon.
"Ughh... R-Roxy."
Napahigpit ang paghawak ko sa lalake nang marinig ko ang pangalan ko. Hindi ako nito pwedeng abutan sa ganitong kaanyuan ko. Hindi pwede! Bumulusok ako paibaba para makita pa ang ilang kabahayan pero nadismaya ako dahil nakikita ko ang mga aswang sa baba na nagkatawang tao. Malinaw na malinaw sa paningin ko ang kakaibang ngisi ng mga ito kahit pa nakatanaw ang mga ito sa kalangitan kung saan kami.
"S-sino kaaa?" hiyaw bigla ni Mihael bago nagpupumiglas sa pagkakahawak ng babae. "s**t! Let me go, monster. Heelp!"
Malapit na sila—ang mga aswang na nakasunod sa'kin at patuloy na lumilipad para habulin kami. Napahawak ako nang mahigpit kay Mihael dahil pilit nitong tinutulak ang katawan ko para mabitawan ko siya.
"Mihael." Puno ng takot ang dibdib ko nang makita ko ang sindak sa mga mata nito. Papa'no ko sasabihin na ako si Roxy? "Ililigtas kita, hindi ako masamang nilalang. T-Tutulungan kitang mailayo sa lugar na ito."
Nilunod lamang ng hangin ang sinabi kong iyon nang magsisigaw na naman ang lalake. Halos tumilapon ako nang maramdaman ko ang malaking pakpak na humampas sa tagiliran ko. Naabutan kami!
"Let me gooo!" hiyaw muli ni Mihael.
"Hindi ako masama!" dumagundong ang boses ko at pinanlisikan ng mata ang lalake bago mabilis na kinampay ang pakpak ko para dumistansya sa mga nilalang na humahabol sa'kin. Hayun na naman. Isang malaking paghampas ang naramdaman ko kasabay ng p*******t ng katawan ko, nang tumama ang dalawang pakpak ng mga ito sa'kin. Dalawang halimaw ang nasa magkabilaang tagiliran ko.
Bumulusok ako paibaba kasabay ng paghiyaw ni Mihael. Naiinis na'ko sa isang 'to. Sana pala sinabi ko sa kanya na aswang ako para hindi ito nagugulat nang ganito. "M-Mihael, a-ako ito." Sumama lamang sa hangin ang buong-buo kong boses kasabay ng hindi matigil na sigaw ni Mihael. "Ako 'to, si R-Roxy!" Panahon na siguro na malaman nito kung ano ang tunay kong pagkatao.
Naramdaman ko ang pagpupumiglas ni Mihael. Halos mapasigaw ako sa sakit nang may tumusok sa likod ko—ang matulis na pakpak ng isang aswang. Nakabaon ito sa likod ko. Pinapaligiran nila ako kaya lalong nagsisigaw si Mihael.
"L-Let me gooo! Someone please help meee!" Napakapit sa katawan ng aswang si Mihael nang bumulusok ito paibaba. "Ahhh—s**t!"
Bumulusok ako paibaba at hindi ko malabanan ang lakas ng mga ito. Sa huli, si Mihael pa rin ang naisip kong proteksyunan nang bigla akong bumagsak sa lupa. Nanlaki ang mata ko nang may magliparang matutulis na kawayan sa gawi namin. Dahil sa pagbagsak ko, nasa taas ko si Mihael. Kasabay ng pag-atungal ko, niyakap ng malaki kong pakpak si Mihael bago kami nagpalit ng pwesto. Ako na ang nasa itaas nito para saluhin ang animo sibat na kawayan na lumilipad papunta sa gawi namin.
"Ahhhh." Naramdaman ko ang sakit nang tumusok ang mga kawayan sa likod ko. Nanlalaki ang mata ni Mihael nang magtama ang tingin namin. "M-Mihaeel." Nakaramdam ako ng panghihina at nagkakaingay na ang mga taong palapit sa gawi namin.
"Umalis ka diyan, lalake. Nasa panganib ka dahil aswang 'yan. Pumunta ka rito. Daliii!" Isang lalake ang sumigaw bago nagpaulan ng hagis ang mga ito ng mga kawayan. "Hawakan niyo siya! Ang aswang, huwag niyong pakawalan."
Naramdaman ko ang mahigpit na paghawak ng mga ito sa'kin. Nakatitig lamang ako kay Mihael, punong-puno ng takot ang mga mata nito. Takot dahil nasa katauhan ako ng isang halimaw. Tumulo ang luha ko nang salubungin ko ang nanlilisik na tingin ng mga tao. Hindi ako masama! Ang mga taong ito ang may maiitim na budhi hindi ako.
"H-hindi sila mga tao, M-Mihael. Mga aswang s-silaaa," hirap na hirap kong saad dahil muli akong nakaramdam ng sakit sa ibat-ibang bahagi ng katawan ko. "Mga a-aswaang sila, Mihaeel. Mga aswang silaaaa!" malakas kong hiyaw pero naging katakot-takot na atungal ito. Naitulak ako nang malakas ni Mihael nang makabawi ito sabay takbo ng mahal ko palapit sa mga tao. "Nasa kuta ka ng mga aswang, Mihael. H'wag kang m-magtitiwala sa k-kani—ahhhh."
Sunod-sunod ang pagtulo ng luha ko nang manlabo ang paningin ko. Halos panawan ako ng ulirat sa sunod-sunod na pagtusok ng kung anong bagay sa katawan ko. Ang mahal ko, hawak-hawak na ito ng mga tao—mga aswang ang mga ito. Hindi sila tao, baka mapa'no ang lalake. Kailangan kong mabuhay para sa kanya.
"M-Mihael." Pinagkapusan ako ng hininga nang pilit kong abutin ng tanaw ang lalake. "A-ako 'to... si R-Roxy."
"Isa 'tong aswang! Tingnan niyo," hiyaw ng matandang babae na si Iryang. "Nakakatakot ang anyo niya, dapat siyang patayin! Ilayo niyo ang binatang iyan at gamutin sa bahay. Umalis na kayo ngayon din. Bilang pinuno ng lugar na ito, hindi ko hahayaang pamumugaran tayo ng mga ganitong klaseng nilalang. Ikaw." Nakaturo ang hintuturo ng matanda kay Mihael. "Huwag kang magtangkang lumapit sa kanya para 'di ka mapahamak."
Napaungol ako sa mga naririnig ko at kahit hinang-hina ako, mahigpit kong nahawakan ang d**o para makagapang palapit kay Mihael. Pinilit kong magbagong anyo sa harap ng mga ito para makita ni Mihael na ako si Roxy pero hinang-hina ako. Wala akong lakas para gawin ito dahil sa dugong umaagos sa katawan ko. Katapusan ko na yata... namin ni Mihael. Nanlalaki pa rin ang mata ng lalake habang nakatingin sa'kin.
"H-hindiii." Napadaing ako. "M-Mihael, ako si R-Roxy." Pinilit kong ibalik ang anyo ko bilang tao pero isang nakakakilabot na atungal ang lumabas sa bibig ko. May bumaon na naman sa likod ko. "Tamaa naa!" Naging nakakatakot na pagsigaw lang ito dahil sa buong-buo kong boses.
"Magsialis na tayong lahat," utos ni Iryang bago hinawakan sa braso si Mihael. "Bumalik tayo sa bahay, iho. Siguradong hinahanap ka ng kaibigan mo." Nakangiting hinaplos ng matanda ang mukha ng binata para pakalmahin ito. "Hinahanap na rin siya ng mga kasama ko sa gubat. Baka natagpuan na siya." Tukoy nito kay Roxy bago tumango nang sunod-sunod kay Mihael. "L-ligtas ka na."
Natigilan si Mihael bago napalingon sa nilalang na patuloy pa ring pinagkukumpulan ng ilang kalalakihan. "B-Bakit ho sinasabi niyang siya si R-Roxy? Nasa'n na ang kaibigan ko?" Halos maiyak ang binata nang maaala ang babae. "Wala akong natandaan kung paano ako napunta sa kamay ng aswang na 'yan." Akmang lalapitan ng binata ang mga lalake sa harap nito na nakahawak sa aswang pero agad itong napigil ng matandang babae.
"Hindi mo ba nakikita ang hitsura niya?" galit na tanong ng matanda bago dumura sa lupa. "Matutulis ang pangil niya at oras na makagat ka ng impaktong 'yan, ikakamatay mo iyan. Bumalik tayo sa bahay para maging ligtas ka. Siguradong nasa bahay na rin ang kasama mo."
Puno man ng pag-aalinlangan, nagpahila na lang ang binata sa matanda. Muli pa itong napalingon sa aswang pero natakot ito nang umatungal ito. "Tara na po," mahinang sambit ni Mihael. Punong-puno ng pag-aalala ang dibdib niya para kay Roxy. "Where are you, Roxy? I can't forgive myself kapag may nangyaring hindi maganda sa'yo. My fault for bringing you here." Tuluyan nang napaiyak ang lalake nang sumunod ito sa mga tao para lisanin na ang lugar. Hawak ito ng ilan para alalayan ito sa mabuway na paglalakad nito.
"Bilisan niyo!" hiyaw ng matandang Iryang. "Huwag tayong maglagi rito dahil delikado. Hindi natin alam kung may magsusulputan pang impakto kagaya ng nilalang na iyan. Kayo na ang bahala sa kanya." Napalingon pa ang matanda sa mga kalalakihan bago tuluyang nilayo si Mihael sa lugar na iyon.
Ramdam ko ang mahigpit na paghawak ng mga lalake sa'kin kahit pa ginamit ko ang kahuli-hulihang lakas ko pero bigo ako. "M-Mihael." Sinubukan ko pang habulin ang lalake pero ang pagbigkas ko sa pangalan nito, naging pabulong na lang ito dahil sa panghihina ko.
"Bilisan mo habang hindi pa siya nagkakatawang tao!" gigil na anas ng lalaking nakahawak kay Roxy. "Ilayo muna natin siya rito, 'yon ang utos ni Lola Iryang."
"Mihaeel," mahinang usal ko pero nakapikit na'ko. "H-huwag n'yo s-siyang papatayin, p-pauwiin n-niyo na lang kami." Sana marinig ako ng mga lalaking ito. Sana makaramdam ng awa ang mga ito sa'kin dahil kauri ko naman sila.
Nangisay ako bigla nang kaladkarin ako ng mga ito palayo sa lugar. Lalo kong naramdaman ang sakit sa katawan ko dahil sa sugat kong tumatama sa mga bato at maliliit na kahoy sa lupa. Nasa masukal na gubat kami. Ang ginamit ng mga ito na kawayan, bakit labis ang panghihina ko? Hindi ko alam kung ilang oras kong pilit hinabol ang hininga ko bago ako tumilapon. Nahagis ako ng mga ito sa isang madawag na damuhan bago hinawakan ang magkabilang paa ko. Pakaladkad akong hinila ng mga ito papunta sa kung saan. Naririnig ko ang lagaslas ng ilog at ang lamig ng tubig, nagbigay ito ng lamig sa katawan ko kasabay ng p*******t ng mga sugat ko nang unti-unti akong lumubog.
"Alam mo ba kung ba't ka nanghihina nang ganyan?" mabagsik na tanong isang lalake kasabay ng pagngisi nito. "Panlaban sa aswang ang ginamit namin. Naturingan kang asawang—pero wala kang kwenta. Kinakalaban mo ang lahi mo! Kung sana lang binigay mo nang kusa ang kasama mo, hindi ka na sana naghihirap nang ganito."
Naririnig ko ang sinasabi nito pero hanggang pakikinig lang ang kaya kong gawin. Marami ng dugo ang lumabas sa katawan ko dahil sa ilang matulis kawayang tumusok sa katawan ko kanina.
Isa pang lalake ang lumapit kay Roxy bago nito tinapik ang kasama. "Sabi ni Lola Iryang, iwanan na natin dito 'yan. Mamamatay na rin naman 'yan sa rami ng tinamo niyang sugat. Isang langis panlaban sa aswang ang pinahid namin sa dulo ng kawayan, siguradong ikakamatay niya 'yan."
Isang atungal ang ginawa ko pero mahina lang ito hanggang maramdaman ko ang paa ng isang lalake sa ulo ko. Lalo nitong nilulublob ang ulo ko sa tubig. Hindi ako makagalaw at naparalisa na lang ang katawan ko hanggang sa kusa nitong tanggalin ang paa. Nakita ko ang pagtalikod ng mga ito at sa nanlalabong kong paningin, nasundan ko ng tanaw ang mga ito.
"M-Mihael..." Napaiyak ako nang mahina. Katawang aswang ako ngayon at alam kong anumang sandali, babalik na'ko sa pagiging tao ko. "Babalikan kita, m-mahal." Pero mabubuhay pa ba ako kung sa pakiramdam ko, ito na ang huling hininga ko?
Hinabol ko ang hininga ko nang pagkakapusan ako ng hangin. Hirap na hirap ako bago ako napasigaw nang pagkalakas-lakas. Ang agos ng tubig, nasama na ang lantang gulay kong katawan kasabay ng paglubog ko. Masaganang dumaloy ang luha ko kasabay nang unti-unti pagkakatawang-tao ko pero—huli na. Tuluyan nang nagdilim ang lahat sa'kin nang pumailalim ako sa tubig.