1: Pink Panty
"Gulay kayo riyan mga suki! Mga Ate, Kuya, guwapo at maganda bumili na kayo sa amin ng gulay! Masarap ito at masustansya. Sariwang-sariwa! Mas sariwa pa sa inyo!" malakas na sigaw ko sa bawat taong dumaraan.
Maalinsangan ang paligid. Kinuha ko ang binili kong isang bote ng tubig at saka uminom. Kanina ay nagye-yelo pa ito ngunit ngayon ay malamig na tubig na lamang ito. Wala ng yelo dahil sa init. Binilisan ko ang pagpaypay ko sa aking sarili. Ang init sobra. Umiihip man ang hangin ngunit mainit pa rin. Hindi ko maiwasang pagpawisan. Kinuha ko ang panyo mula sa aking bulsa atsaka pinunasan ang aking mukha.
"Marami ka na bang naibenta Adora?" Lumapit sa akin si Ryan na nagmartsa pa papunta sa aking harapan.
"Sakto lang. Mamaya sanang hapon ay makarami ako."
"Kung ako sa iyo gamitan mo ng iyong alindog! Bahagya mong ilabas ang iyong dibdib para makapang-akit ka ng mga customer! Siguradong manlalaki ang mga mata riyan ng lalaking dumaraan kapag nakita ang malaki at bilugan mong dibdib. Sana lahat ganiyan. Sa akin kasi patubo pa lang."
Pasimple ko siyang sinipa sa binti. "Aray ko naman! Piste kang bruha ka! Huwag mo akong saktan dahil nababawasan ang beauty ko!" Hinawi niya ang kaniyang buhok pagkatapos niya akong irapan.
"Letse ka. Bunganga mo talaga walang preno kahit kailan. Bastos mo talagang bakla ka!"
Tinaasan niya ako ng kilay. "Huwag ako Adora. Huwag kang pa-virgin diyan dahil hindi ka na virgin. Pinasukan ka na ng espada ex-boyfriend mong manloloko na akala mo guwapo, mukha namang kurimaw."
Galit na galit talaga siya sa dati kong nobyo dahil sa ginawa nitong panloloko sa akin. Ang kapal din kasi ng mukha niya para lokohin ako gayong wala akong ibang ginawa kun'di sundin ang nais niya. Nagsawa na yata sa petchay ko kaya naghanap ng ibang petchay. Minsan naiisip ko kung bakit samantalang matambok naman ito at mabango pa palagi. Ipinagpalit niya ako sa babaeng mukhang tukmol. Unang tingin pa lang mahahalata mo na dugyot ito pero ito pa rin ang pinili niya.
Paano niya kaya natitiis na yakap-yakapin ang babaeng 'yon na sa pagkakaalam ko ay may putok ito?
"Hayaan mo na siya. Wala na rin naman akong natitirang pagmamahal sa kaniya. Matagal ko na siyang nilimot. Mabuti sana kung magkakapera ako sa kaniya, baka pagtiyagaan ko pa siya."
"Siyang tunay! Hindi dapat binibigyang pansin ang katulad niyang kurimaw! Gamitin mo na ang alindog mong taglay at humanap ka ng lalaking mayaman! Gawin mong puhunan ang matambok mong petchay! Iwagayway mo ito!"
Sumayaw-sayaw pa siya sa aking harapan kasabay nang pagtalbog ng kaniyang puwet. Malakas ko siyang hinampas sa puwet. Nakatutuwa lang sapagkat lagi siyang nandiyan para pasayahin ako. Si Ryan o Rhian, mas gusto niya kasing Rhian ang itawag ko sa kaniya, ang nandiyan sa akin no'ng panahong durog na durog ako.
Naging magkaibigan kami simula nang lumipat kami rito sa Parañaque. Sariling bahay na namin ang tinitirahan namin ngayon dahil kay Papa ito binigay ng mga magulang niya. Ito ang naiwan sa amin ni Papa bago siya namatay. Tandang-tanda ko pa kung paano malagutan ng hininga si papa. Hawak-hawak ko ang kaniyang kamay. Nakangiti siya nang mabawian siya ng buhay na para bang sinasabi niya na sa wakas ay makapagpapahinga na siya. Pagod na siyang lumaban. Nais ko mang ipagamot siya ngunit wala akong sapat na halaga para gawin iyon. Isa pa, ayaw na niyang ipagamot pa namin siya dahil hindi na rin kaya ng kaniyang katawan.
"Hoy Ryan tumigil ka na sa kagaganiyan mo. Pinagtitinginan ka na ng mga tao."
"Wala akong pakialam kung pagtinginan nila ako. Ang sa akin lang ay bakit mo ako tinawag na Ryan! Rhian ang pangalan ko dahil artistahin ang beauty ko!"
"Ito naman! Biro lang mahal kong Rhian Ramos! Ang diyosa ng palengkeng ito!" Niyakap ko siya nang mahigpit. Tila nandidiri siyang inalis ang pagkakayakap ko sa kaniya.
"Kadiri kang babae talaga! Huwag mo akong yakapin! Sumasanggi pa ang dibdib mo sa akin. Yuck! Masyadong malaman!" Itininaas niya nang bahagya ang suot kong t-shirt.
"Ayusin mo 'yang t-shirt mo. Kita na ang dibdib mong malaki. Dapat sa lalaking mayaman mo ipakita 'yan! Kahit matanda na, go pa rin. May asim pa naman 'yon, kayang-kaya pa bumayo kaya iyon na lamang ang hanapin at asawahin mo. Kapag namatay 'yon, sa iyo mapupunta ang mga pera nito at ang mga ari-arian nito."
"Siraulo ka. Para namang lumalabas na mukha akong pera. Syempre mas gusto ko pa rin na mahal ko 'yong lalaki. 'Yong hindi ko pagsisisihan na siya ang pinili kong makasama. Mahirap na kasi 'yong hindi mo talaga mahal ang isang tao, parang awa lang ang nararamdaman mo sa kaniya habang siya ay mahal ka."
Tumaas ang kilay niya pagkatapos ay pinikit ako sa noo. "Bobo ka talaga. Maging praktikal ka Adora! Gamitin mo 'yang isip mo huwag 'yang puso mo. Oo sige, sabihin na nating mas mainam talaga na mahal mo ang isang lalaki pero nasisigurado mo bang mapapakain ka ng pagmamahal nito? Paano kung magkaroon na kayo ng sarili niyong pamilya? Mga anak? Hindi madali 'yon. Kailangan niyong kumayod para mabuhay ang magiging anak niyo. Kung sa mayaman ka, wala ka nang problema pa dahil siya na ang bahalang bumuhay rito gamit ang yaman niya. Isipin mong mabuti. Tama naman ako 'di ba?"
Ngumuso ako. May punto nga naman si Rhian, ang kaso lang talaga hindi ko alam kung makakayanan kong makasama ang lalaking hindi ko naman mahal. Paano kung magsisiping kami? Hindi ako magiging masaya. Hindi ako masisiyahan kasi hindi ko naman siya mahal. At isa pa, maaawa lang ako sa kaniya.
Napahawak ako sa aking sikmura dahil kumakalam na ito. Hindi pa pala ako kumakain. Tiningnan ako ni Rhian atsaka sumenyas.
"Bumili ka na ng pagkain mo dahil baka mamaya maubusan ka pa ng lutong ulam. Ako na muna ang magbabantay dito, tapos na rin naman akong kumain. Sige na, umalis ka na."
Tumayo ako at saka kumuha ng pera sa aking bulsa. Bibili ako ng ulam kay Aling Bebang. Mabilis akong humakbang patungo sa kaniyang karinderya. Nang makarating ako ay kaagad akong namili ng ulam. Adobong manok na lamang siguro ang uulamin ko.
"Aling Bebang, isang order nga po ng adobong manok."
"Sige ganda," sabi niya at saka nagsandok na ng ulam. Inabot ko sa kaniya ang aking bayad at kaagad niyang kinuha ito.
"Dinagdagan ko na 'yan ng isang laman para masarap ang kain mo."
"Salamat po Aling Bebang. Ang bait niyo po talaga. Sige po alis na ako dahil kanina pa talaga ako nagugutom!"
Tango lang ang isinagot niya sa akin. Masaya akong naglalakad pabalik sa puwesto. Mabuti na lang talaga mabait si Aling Bebang. Lagi niyang dinadagdagan ang ulam na binibili ko kaya minsan ay hindi ko na kinukuha pa ang baryang sukli ko sa kaniya bilang pasalamat na rin sa ginagawa niyang kabutihan sa akin.
Pagkarating ko sa puwesto, naabutan kong nagbabalot ng gulay si Rhian. Nakabenta siya ng isang kilong talong. Mabenta talaga ang talong namin dahil wala itong butas-butas. Ibig sabihin ay walang uod ang talong na ibinebenta namin. At higit sa lahat ay mahahaba ito at matataba.
"Taray naman nakabenta ang diyosang si Rhian! Kakaiba talaga ang kaniyang alindog!"
Kinuha ko ang bag ko at saka inilabas ang kanin na baon ko. Nagbabaon na kasi talaga ako ng kanin upang makatipid na rin. Maaaga akong nagsasaing sa umaga para ulam na lang ang iintindihin ni Mama pagkagising niya.
"Syempre naman Adora, iba ang alindog ko. Walang hindi makapapansin sa alindog na kagaya ko. Ikaw naman kasi, maalindog ka nga pero hindi mo ginagamit. May pagkatanga ka rin kasi. Kung ako sa iyo, gamitin mo na 'yan hangga't maaga pa."
Sinimulan ko na ang pagkain ko. Mabilis lang ang ginawa kong pagkain. Uminom ako ng tubig dahil muntik na akong mabulunan. Matapos kong kumain ay iniligpit ko na ang pinagkainan ko at saka lumapit kay Rhian.
"Ako na ang bahala rito. Salamat sa pagbabantay Ryan." Nginisihan ko siya.
Nagsalubong ang kilay niya. "Anong sinabi mo?"
Tumawa ako sabay mahina siyang pinalo sa kaniyang balikat. "Sabi ko, maraming salamat sa pagbabantay Rhian."
"Good." Tumayo na siya sabay hinawi ang mahaba niyang buhok.
"Sige na, balik na muna ako sa puwesto ko. Baka naiinip na ang kapatid ko roon. Maiwan na muna kita." Lumakad na siya palayo.
Hindi naman ganoon kalayo ang puwesto niya mula sa puwesto ko. Karne naman ng manok ang itinitinda niya. Malakas ang paninda nila. Sabagay, mura lang kasi ito ngunit sariwa pa. Kinuha ko ang cellphone ko upang tingnan kung anong oras na. Ala una y media na rin pala. Mamaya ay magkakatao ng muli. Sana ay makabenta ako ng marami upang may maitago ako.
Nagtatabi kasi ako ng pera kapag may sumusobra sa benta ko para kung sakaling walang-wala na talaga kami ay may madudukot ako.
Nakatunganga lang ako habang naghihintay ng bibili. Napakamot ako sa aking ulo dahil bigla na lamang itong nangati. Pagkaangat ko nang tingin ay halos lumuwa ang mata ko dahil sa aking nakita. Isang guwapong lalaki ang nasa harapan ko ngayon. Kulay kayumanggi ang balat nito, matipuno ang kaniyang katawan, malalaki ang kaniyang braso na tila ba kaysarap nitong pisilin, makapal at itim na itim ang kaniyang kilay, mahaba ang kaniyang pilik-mata, matangos ang kaniyang ilong at mapula ang manipis niyang labi.
Tinaasan niya ako ng kilay at saka bumaling sa sasakyan na nasa likuran niya. May isang lalaking nakadungaw roon. Guwapo rin ito. Pero mas guwapo ang lalaking nasa harapan ko. Maputi kasi ang lalaking nasa sasakyan, mas guwapo para sa akin ang kulay kayumangging balat dahil para sa akin ay lalaking-lalaki ito tingnan.
"Val! Bumili ka ng isang kilong talong. Gusto ko 'yong matataba at mahaba. Bilisan mo na!" sigaw ng lalaki na nasa sasakyan.
"Bullsh*t! Bakit ka pa kasi napilayan! Sa katangahan mong 'yan, ako tuloy ang napupurwisyo," inis na sabi ng lalaking nasa harapan ko sabay iling.
"Sige na! Piliin mo 'yong walang butas para matuwa si Mommy. Ayusin mo ang pagpili. Nag-day off kasi ang kasambahay namin kaya no choice ako."
"F*ck," rinig kong mura niya.
"How much is this?" tanong niya habang hawak ang mahaba at matabang talong na tinda ko.
"Singkuwenta po ang isang kilo."
Kumunot ang noo niya. "What is singkuwenta?"
Muntik na akong matawa ngunit pinigilan ko lang. "Fifty per kilo Sir."
"Okay, isang kilo." Kumuha na siya ng mga mahahaba at matatabang talong.
Inisa-isa niya itong tiningnan. Sinuri niyang maigi ito. Matapos niyang makapamili ay inabot na niya ito sa akin. Kaagad ko naman itong kinuha at kinilo.
"Sir sobra po siya sa isang kilo, bale magiging sixty na po siya."
Tumango siya. "Okay then," tipid niyang sabi at saka kumuha ng pera sa kaniyang wallet.
Binalot ko na sa plastic bag ang mga talong at pagkatapos ay inabot ito sa kaniya. Binigay niya sa akin ang isang libo. Napangiwi ako. Wala pa akong panukli dahil hindi pa umaabot sa isang libo ang benta ko.
"Sir puwede po ba riyan lang po muna kayo saglit? Magpapabarya lang po ako."
Tumango lamang siya. Sa kamamadali ko ay muntik nang lumagapak ang mukha ko sa semento. Mabuti na lamang at naitukod ko ang kamay ko. Kaagad akong tumayo sabay tiningnan ang kamay ko. May kaunting gasgas ito. Napangiwi ako dahil mahapdi ito.
"Miss, huwag mo na akong suklian. Keep the change."
Kaagad ko siyang nilingon. "Talaga po Sir? Naku maraming salamat po sa inyo!"
"Yes. By the way, ayusin mo 'yang suot mong short."
"Ha?"
"Ibaba mo ng kaunti ang suot mong short. Kita na kasi ang panty mo. Your pink panty," sabi niya sabay talikod.
Kaagad na siyang sumakay sa sasakyan habang ako ay naiwang nakaawang ang bibig. Punyeta! Nakita niya ang panty ko? Sinilip ko ang panty ko. Kulay pink nga.
"Punyeta, nakita niya kaya na may butas ang panty ko?" mahinang sambit ko sabay kagat-labi.