10: Fountain

1531 Words
"Hoy Adora! May sasabihin ako sa iyo!" Patalon-talon si Rhian na naglakad patungo sa akin. Nangunot ang noo ko. Anong eksena ng baklang ito na para bang masayang-masaya siya sa sasabihin niya sa akin? "Ano 'yon? Ang saya mo masyado ah!" Tumirik ang kaniyang mata habang pakisay-kisay pa. Ngumiwi ako. "Para kang tanga sa ginagawa mo. Ano nga?" Ngumuso siya. "Tingin ko, magkakaroon na ako ng forever!" saad niya sabay yakap sa kaniyang sarili. Binatukan ko siya. "Aray! Ano ba Adora?! Bakit mo ako binatukan?" inis na sabi niya habang hawak ang kaniyang ulo. "Siraulo ka ba? Anong forever? Manahimik ka nga riyan! Lolokohin ka lang 'yan. Huwag ka nang magpaloko pa Rhian. Gusto mo bang mangyari ulit sa iyo noon? Masasaktan ka lang sinasabi ko sa iyo." Inayos ko ang mga paninda kong gulay. Kailangan kong makarami ngayon dahil medyo mataas ang bayarin namin sa tubig at ilaw. Mahirap na baka kapusin pa kami. Mabuti na lang palagi kong itinatabi na ang baon ng mga kapatid ko para wala na akong iisipin pa. "Grabe ka naman kung humusga Adora. Paano kung siya na talaga? Paano kung totoo ang pagmamahal niya sa akin? Nararamdaman ko kasing mahal niya ako. Hindi siya masyadong nagpapalibre sa akin. Mura lang 'yong mga bagay na ipinapabili niya sa akin. Minsan siya ang nagbabayad ng pagkain namin." Bumuntong-hininga ako. "Rhian, ayoko lang kasi na masaktan ka ulit. Nakita ko kung paano ka nasaktan. Ayoko na ulit mangyari iyon sa iyo." Lumungkot ang kaniyang mukha. Alam ko naman na gustong maranasan ni Rhian ang mahalin ng totoo. Kahit ako gusto kong maranasan iyon pero sa panahon ngayon ay mahirap nang makahanap ng ganoong klase ng lalaki. Bilang na lang siguro ang mga ito sa daliri ng paa at kamay. "Pero Adora, malay mo naman 'di ba? Hindi ba puwedeng suportahan mo na lang ako? Bilang kaibigan ko?" Mariin akong napapikit. "Ano pa bang magagawa ko? Basta kapag sinaktan ka niyan, nandito lang ako. Huwag kang mahihiyang magsabi sa akin. Hindi kita masisi kasi nagmamahal ka lang naman." "Salamat Adora!" aniya sabay yakap sa akin. Tinapik ko siya sa balikat. "Ay piste! May nag-vibrate sa bulsa mo!" sabi niya sabay hiwalay ng yakap sa akin. Kinuha ko ang cellphone ko. May tumatawag. Unknown number. Ilang segundo rin ang lumipas bago ko naisipan itong sagutin. "Hello? Sino ito?" "Ako ito Adora. Si Mr. Albert. Busy ka ba?" sagot nito sa kabilang linya. Nanlaki ang mata ko. Bakit kaya siya tumatawag? Ano kaya ang ipagagawa na naman nila sa akin? "Hindi naman po pero nandito po ako ngayon sa palengke nagtitinda ng gulay. Kailangan ko po kasing makarami ngayon dahil marami kaming bayarin." "Don't worry, bibilhin ko lahat ng paninda mo. May darating diyan na tauhan ko, kuwentahin mo lahat kung magkano ang gulay na paninda mo at pagkatapos ay ibigay mo sa kanila." Nanlaki ang mata ko kasabay ng paghigpit ng hawak ko sa cellphone. Bigla akong nakaramdam ng sobrang tuwa dahil sa sinabi niya. Mababayaran ko kaagad ang mga bayarin namin. Napatingin ako kay Rhian sabay ngiti. Tumaas ang kanang kilay niya. "Talaga po? Naku Sir maraming salamat po sa inyo! Bakit niyo po pala itinatanong kung busy po ako?" "Walang ano man. Mamaya na lang pagpunta mo rito. Sige na Adora, ihanda mo na 'yang mga gulay mo. Sabihin mo na lang sa kanila kung magkano at babayaran ka nila. May pagbibigyan ako ng mga iyan." "Sige po Sir. Salamat po ulit." Ibinaba na niya ang tawag. Napasabunot ako sa aking sarili sa tuwa. Tinapik ako ni Rhian. "Hoy bakit? Sino 'yong tumawag?" "Si Mr. Albert! Pinakyaw niya lahat ng paninda ko!" Kumunot ang noo niya. "Ha? Bakit daw?" Nagkibit-balikat ako. "May ipagagawa yata sa akin." Humalukipkip siya. "Ganoon ba? Ayusin mo lang Adora. Baka mamaya puro ka na naman kapalpakan. Take note, hindi si Val 'yan. Daddy niya 'yan kaya nakahihiya naman kung gagawa ka ng kapalpakan," seryosong sabi niya sa akin sabay irap. Tumango ako. "Oo aayusin ko na ang kilos ko." Kinuha ko ang magkakaparehas na gulat at saka ipinaglalagay ito sa malaking plastic habang kinukuwenta ko kung magkano ang mga ito. "Sige na punta na ako sa puwesto ko. Maiwan na kita," aniya at saka naglakad na palayo. Pinagpatuloy ko ang aking ginagawa. Hindi nagtagal ay dumating na rin ang mga tauhan ni Mr. Albert. Kinuha nila ang paninda kong gulay at saka ibinigay ang bayad sa akin. Hindi na sila nag-atubili pang kuhanin ang sukli kaya naman masaya ako dahil ubos na ang paninda ko. Mag-aangkat na lang uli ako ng mga gulay. Mabilis lang akong nakarating sa bahay nila. Kaagad kong hinanap si Mr. Albert. "Puntahan mo na lang siya sa kaniyang kuwarto. Naroon siya hinihintay ka," sabi ni Nanay Lora. "Sige po Nay. Akyat na po ako." Tumango na lamang siya at saka ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa. Umakyat na ang ng hagdan patungo sa silid ni Mr. Albert. Huminga muna ako ng malalim nang matapat ako sa pinto ng kaniyang kuwarto. Kumatok ako ng ilang beses bago tuluyang pumasok. Nakahiga siya nang makita ko. Dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mata nang maramdaman niya ang presensya ko. "Hello po Sir. Magandang araw po," bati ko sa kaniya. "Halika Adora. Maupo ka rito." Itinuro niya ang upuan na nasa tapat niya. Napakamot ako ng aking ulo at saka naglakad patungo roon. Umupo ako sa upuang itinuro niya habang naghihintay sa kaniyang sasabihin. Malamlam ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Tahimik lang akong naghihintay sa sasabihin niya. Ano kaya ang sasabihin niya sa akin? Bakit parang kinakabahan yata ako? "Alam mo Adora, hanga ako sa iyo. Masipag kang bata at mapagmahal sa pamilya. Balita ko ay nagsakripisyo kang hindi mag-aral para sa mga kapatid mo." Alanganin akong napangiti. "Opo tama po kayo. Makapag-aaral pa sana ako kung buhat pa sana si Papa. Kaso wala na siya kaya nahihirapan si Mama. Hindi namaj siya puwedeng magtrabaho dahil may hika siya. Mahirap na." "Kaya nga hanga ako sa kasipagan mo. Napakasuwerte ng mapapangasawa mo. Isang biyaya ang maging asawa ka kung sakali." Bigla akong kinilabutan sa sinabi niya. Ano ba ito? Crush ba ako ni Mr. Albert? Bakit parang iba na siya kung magsalita? Hindi ko gusto ang magkaroon ng asawang matanda! Ayoko sa matanda! Napangiwi ako kasabay ng ngiting alanganin. "Ganoon po ba?" sabi ko sabay tawa ng pilit. "Oo. Kaya ikaw ang nakikita kong nababagay sa anak kong si Val. Ikaw ang nararapat sa anak ko." Napatango na lamang ako sabay kagat-labi. Gusto kong sabunutan ang sarili ko ngayon. Kung ano-ano ang iniisip ko! Akala ko crush ako ni Mr. Albert pero hindi pala! Napakadumi ng isip ko! "Nararamdaman kong hindi na ako magtatagal sa mundong ito. Kaya ang hiling ko lang sana ay magsama na kayo bago ako mawala sa mundong ito." Natulala ako bigla. "Po? Ano pong pinagsasabi niyo? Parang paladesisyon naman po kayo Sir," sabi ko sabay tawa ng peke. "Hindi ako puwedeng magkamali. Alam kong kayo talaga ang magkakatuluyan ng anak ko. Kung sakali mang mawala ako nang maaga, maging mag-asawa sana kayong dalawa." Kumamot ako ng aking ulo. Ano ba itong pinagsasabi ni Mr. Albert! Parang tanga lang. May sapi na yata ang lalaking ito. "Bakit po parang gusto niyo nang mawala sa mundong ito? Ayaw niyo po bang magpagamot? Marami naman kayong pera bakit ayaw niyong gamitin? Kung ayaw niyo, akin na lang." Kumunot ang noo niya. "Ha? Anong sabi mo?" "Wala Sir. Sabi ko bakit ayaw niyong magpagamot. May pera naman kayo." "Ayoko na talaga dahil gusto ko nang makasama ang aking asawa." Biglang lumungkot ang kaniyang mukha. Itinuon niya ang kaniyang mata sa kisame. Napayuko na lang ako. Nararamdaman ko ang bigat sa kaniyang dibdib. "Nga pala Sir, ano po pala ang kailangan niyo sa akin? Bakit niyo po ako pinapunta rito?" Dahan-dahan niya akong nilingon. "Gusto ko sana na ikaw na lamang ang mag-alaga sa akin. Malaki ang tiwala ko sa iyo Adora. Alam kong wala kang masamang intensyon sa amin at wala kang gagawing masama sa amin ni Val." Nagtataka akong tinitigan siya. "Po? Bakit ako? At saka bakit ganiyan kayo magsalita?" "Iyong dati kasing nag-alaga sa akin ay pinagtangkaan akong lasunin. Nilagyan niya ng lason ang pagkain ko. Mabuti na lang hindi ko kinain at ipinakin namin sa alaga kong aso. Nakalulungkot dahil wala na ito. Mahal na mahal ko pa naman ang asong iyon. Nagawa akong lasunin no'n dahil gusto niya kaming pagnakawan." "Ang sama naman! Dapat doon binubugbog nang madala!" Mahina siyang natawa. "Hayaan mo na dahil nasa kulungan na siya. Kaya sana Adora huwag mo akong patayin. Oo hindi ko na nais pang humaba ang buhay ko pero sana gusto ko mamatay ako ng kusa." Bigla akong natawa. "Naku Sir! Hindi kita papatayin sa ganoong paraan. Gigilitan kita sa leeg para tumagas ang dugo mo. Fountain ba! Fountain ng dugo mo Sir para masaya naman 'di ba?" Nanlaki bigla ang mata niya. "A-anong sinabi m-mo?" Natahimik ako bigla sabay takip ng aking bibig. Nasampal ko tuloy ang sarili ko. Ano ba Adora? Kung ano-ano ang pinagsasabi mo! Umiral na naman ang katangahan mo! Ngumisi ako sabay mahinang palo sa kaniyang kamay. "Joke lang Sir. Ito naman hindi mabiro."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD