Kung bibigyan man ako ng pagkakataong makapamili sa pagitan ng dalawa— ang mabuhay at pilitin ang sarili na tanggapin ang lahat ng nangyari sa amin ni Gabby, o ang mamatay para sa kapayapaan na hinahangad ng puso ko.
Kasi sa totoo lang ay ayoko nang bumalik sa pagiging ako, iyong Jaquisa Masagnay na tanga at martyr. Gusto ko na lang maglaho. Never akong napagod magmahal, kailan man ay hindi ako nagdamot at hindi ko ipinagkait kung ano iyong mga bagay na pwede kong maibigay.
Masasabi ko na wala nang natira maski katiting na pagmamahal sa akin sa katawan ko— sa sarili ko mismo. Hindi ko naman hahayaan na humantong sa ganito ang buhay ko kung may sapat na pagmamahal ako para sa sarili ko, hindi ba?
Sa kadahilanang wala, lahat din sa akin ay nawala sa isang iglap. Nanghihina ako, parang hindi ko kaya na mabuhay habang dala-dala ko sa alaala ko iyong masasakit na ipinaranas sa akin ni Gabby. Ayokong paulit-ulit na magigising ako dahil sa isang bangungot.
Kung mabubuhay man ako, hinihiling ko na huwag na akong makaalala pa. Mas gusto ko pang magkaroon ng amnesia, kasi madali iyon kaysa ang magpanggap na nakalimot na ako. Mas okay pa iyon sa akin, mas pabor ako roon. Kaya sana... tanggalan na lang ako ng memorya.
Kahit huwag nang ibalik sa akin, kahit habambuhay na akong huwag makaalala. Gusto ko na kapag nabuhay ako pagkatapos ng aksidenteng ito ay magpapanibago ako ng buhay, gagawa ako ng panibagong alaala kung saan purong masaya lang.
Iyong walang Gabby, walang Siobeh, walang kahit na sino. Baka sakali na kapay nangyari iyon ay mas mahalin ko ang sarili ko, mas mapagtutuunan ko ng pansin ang mga bagay na kulang sa akin. Mas mabubuo ko iyong mga nawala sa pagkatao ko.
Kaya please lang, kung hindi man ako mapagbibigyan ngayon ng panahon— mas maigi pa na patayin na lang ako. Gusto kong makahinga at makalaya, pero hindi bale na lang at gusto ko na rin naman nang mamahinga nang matagal na panahon.
Sa libu-libong emosyon na lumulukob sa puso ko ay luha ko na lang din ang mga naging karamay ko sa oras na iyon. Tahimik akong umiiyak, sa panlalabo ng paningin ko ay nahirapan akong aninagin ang paligid, maging si Gabby na hindi ko na rin marinig pa.
Mas lalo akong humagulhol, pinilit ko pa ang sarili na mas imulat ang dalawang mata. Roon ko naman natanto na ang basang kanina pa tumutulo banda sa noo ko ay ang dugong malayang umaagos mula sa ulo kong napuruhan dahil sa aksidente.
Hindi ko mawari kung gaano kalala ang nangyari sa ulo ko dahil literal na namanhid ang katawang lupa ko, hindi ko maramdamang may masakit sa akin. Hindi ko maramdamang naninibugho ako, kagaya nang isinisigaw ng utak ko ngayon.
Mayamaya lang nang sa kapipiranggot na liwanag mula sa beam light ng kotse ay natanaw ko si Gabby na siyang ilang dangkal ang layo sa akin. Sa pagkakaharap niya sa akin ay nakita ko ang duguan nitong mukha habang nananatiling nakapikit ang parehong mata niya.
Ewan ko kung paaano kami tumilapon palabas ng kotse, marahil sa lakas ng impact ay tumalsik kami palabas mula sa windshield ng sasakyan. Kaya ngayon ay pareho kaming nakahandusay sa malagkit na kalupaan ng masabing gubat.
Gaano ko man kagustong magsalita ay tila ba naputulan ako ng dila, kaya sa ilang oras na nagdaan ay nakatitig lang ako kay Gabby. Animo'y iyon na ang huling pagkakataon na makikita ko siya. Kalaunan nang mapait akong napangiti, saka pa muling napaluha.
"I will never ever forgive you, Gabby," bulong ko, kasunod nang katahimikan sa kagubatang iyon.
Huminga ako nang malalim, kapagkuwan ay tiningala ang malayong kalangitan. Madilim iyon, walang bituin ngunit naroon ang malaki at bilog na bilog na buwan. Ilang saglit pa nang unti-unti kong maramdaman ang pagbigat ng mga talukap ko.
Hanggang sa animo'y hinihele ako ng ulap, ramdam ko iyong gaan ng katawan ko. Tila ba wala akong bagahe na dala, wala akong mabigat na pinagdadaanan sa buhay. Wala akong ibang maramdaman kung 'di ang kapayapaan na lumulukob sa akin.
Isang lingon pa ang ginawa ko sa madilim na parteng iyon ng paligid, isang tipid na ngiti ang iginawad ko rito. Wala akong kasama sa napakatahimik na lugar na iyon. Mayamaya pa nang lingunin ko ang nasa harapan ko kung saan tanaw na tanaw ko ang liwanag.
Sa laki nito ay halos lamunin ako no'n kung kaya ay hindi maiwasan na masilaw ako, malakas din ang simoy ng hangin dahilan para ang buhok ko ay umaalon. Maging ang suot kong kulay puting dress na umabot pa hanggang sa talampakan ko.
Huli ko nang na-realize na mukha itong wedding gown, saka ko lang din napansin na may hawak akong kumpol ng bulaklak. Ikakasal na ba ako? Maang akong napatingin sa liwanag, kanino ako ikakasal kung ganoon?
Sa labis na kalituhan ay desidido kong tinahak ang daan upang mapalapit doon. Gusto kong malaman kung sino ang nasa likod no'n, kung sino ang magiging asawa ko. Walang lingun-lingon at naging dere-deretso ang paglalakad ko.
Mayamaya lang nang unti-unti na rin akong kinakain ng liwanag, pero bago pa man din iyon mangyari ay bigla na lang may humila sa kamay ko dahilan para mapabalik ako sa kinaroroonan ko. Marahas ko itong nilingon, kasabay nang paglamon sa akin ng kadiliman.
Bigla akong nagising sa panaginip na iyon— kung tamang panaginip pa bang maituturing iyon dahil ramdam na ramdam ko ang mabigat kong paghinga. Dagli ko pang hinapo ang dibdib ko upang pakiramdam ang sarili.
Hindi ko alam kung ilang oras o araw akong walang malay. Nagising lang din yata ako nang kumirot ang ulo ko, kasunod nang pagsisid ng sakit sa kabuuan ng katawan ko. Pakiramdam ko pa ay pasan ko ang buong mundo sa sobrang bigat ng dibdib ko.
Iyong gaan na naramdaman ko kanina ay biglang naglaho. Unti-unti ay nagmulat ako, siya namang halos ikangiwi ko nang bumungad sa akin ang puting ilaw na naroon sa kisame. Bahagya akong tumagilid at saka pikit ang isang matang nagdilat ulit.
Hindi lang pala ilaw ang kulay puti, maging ang kurtina, ang pintura ng pader, pati ang unan at kumot na nakatabon sa akin. Nandito na ba ako sa kaninang liwanag na nakikita ko? Nangunot ang noo ko, lalo pa nang masilayan ang isang heart monitoring machine sa gilid ko.
Teka, nasa hospital ako? Anong ginagawa ko rito? Bakit ako nandito? Kaagad kong sinipat ng tingin ang katawan ko, saka pa sumilip sa ilalim ng kumot. Nakasuot ako ng hospital gown at may suero pang nakakabit sa kamay ko.
Hindi ba't wedding gown ang suot ko kanina? Naguguluhan ako. Ilang beses pa akong nagpalinga-linga sa paligid na mas lalong nagpasakit ng ulo ko, kaya huminto rin ako upang ikalma ang sarili. Mayamaya pa nang pilit akong bumangon.
Ngunit sa bigat ng pakiramdam ko ay bumalik lang ako sa pagkakahiga ko. Bakit ba kasi ako nandito sa hospital? Ano bang nangyari? Nagkasakit ba ako? Naaksidente ba ako? And for pete's sake, bakit wala akong maalala?
Sa natanto ay sandali pang nanuot sa utak ko ang huling eksenang natatandaan ko. Papunta ako noon sa Tagaytay, mabilis ang pagpapatakbo ko at para akong may hinahabol— o kung tamang may humahabol sa akin.
Hindi ko maisalarawan iyong eksatong pangyayari, basta ay kung anong bilis nang pagtibok ng puso ko ngayon ay iyon din ang nararamdaman ko sa oras na iyon. I just don't get it, like how and why?
Hindi ko mawari kung bakit ako pumunta roon. Sinong pinuntahan ko? Anong sadya ko sa Tagaytay? May pupuntahan ba akong importanteng bagay? Sa mga katanungang hindi ko masagot ay muling kumirot ang ulo ko.
"Ahh!" sigaw ko nang mas sumidhi ang sakit doon na para bang binabarena ang bawat sulok ng ulo ko, rason para mapahawak ako roon.
Kulang na lang ay sabunutan ko ang sariling buhok dahil sadyang hindi ko kinakaya ang sakit na nararamdaman. Makailang beses akong napasigaw habang halos hindi magkandaugaga sa kinahihigaan ko.
Gusto ko pang iuntog ang sarili sa pader upang matigil na lang itong pagkirot sa ulo ko. Sa marahas ko pang paggalaw ay bumagsak na lamang iyong pinagkakabitan ng suero ko ngunit hindi ko iyon pinansin, mas lalo lang akong nagsisisigaw sa kawalan.
Nagmukha lang akong baliw na takas sa mental, wala akong makuhang sagot sa lahat ng katanungan na namumuo sa isipan ko. Walang pumapasok sa utak ko na para bang sarado iyon ngayon na maglabas ng impormasyon.
I was so helpless, makailang ulit akong napaiyak sa tindi ng pangangailangan ko ng tulong. Kasabay nang bawat pag-iyak ko ay ang malakas kong pagsigaw na ako halos umalingawngaw iyon sa apat na sulok ng kwarto na ako rin itong nabibingi.
Hindi pa nagtagal nang marinig ko na lang ang pagbukas-sarado ng isang pinto dahilan para saglit akong matigilan, nang malingunan ito ay kaagad na rumehistro sa paningin ko ang isang lalaking kapapasok lang.
Mabilis na nagtama ang mga mata namin, sandali naman siyang napahinto upang matitigan ako na para bang hindi ito makapaniwalang gising ako. Maang lang niya akong pinagmamasdan habang bahagyang nakaawang ang kaniyang labi.
Marahil ay nagulat ito sa ginagawa ko, nang mabalik sa ulirat ay doon siya nagmamadaling lumapit sa akin. Hinawakan ako nito sa magkabilaang balikat ngunit panay lang ang piglas ko, kasunod ng mga sigaw ko.
Wala akong paawat sa pagwawala ko, maging siya ay hindi alintana ang ilang pananakit ko sa kaniya para lang makawala sa paghahakawak niya sa akin ngunit mas maging desidido ito na huwag akong pakawalan.
"Ahh! Ang sakit!" Kulang na lang ay yakapin ako ng lalaki na siyang nakabihis ng lab coat.
Tantya ko pa ay ito ang doktor na humahawak sa akin. Dagli ko pang nasilayan ang nameplate nitong nakadikit sa kaniyang uniporme— Gabriel Monte Alba.
Umawang pa ang labi ko nang mas tumindi ang pagkirot ng ulo ko, hindi ko na makalkula kung hanggang saan ang aabutin ko dahil mukha na akong sasabog ano mang oras. Where did I heard his name? Bakit ganoon na lamang kaapektado ang utak ko?
Inabot ng doktor ang mga kamay ko, paulit-ulit pa niya akong pinapakalma ngunit hindi ko lang talaga magawa. Hindi ko na nga mawari kung ano pang itsura ko ngayon sa basang-basa kong mukha dahil sa sunud-sunod na kumakawala ang mga luha ko.
Nag-uunahan ang mga ito na akala mo ay may karerang nagaganap. Lahat ng sakit na nararamdaman ko ay sa pag-iyak ko na lang idinadaan, lahat ng hindi ko masagot-sagot ay sa pagluha ko na lang ibinaling.
"Jacky, hush. It's all fine," pagpapatahan sa akin ng doktor.
Nang hindi na rin niya makayanan ang pagiging marahas ko ay madali nitong pinindot ang isang device na naroon nakakabit sa pader, hudyat yata iyon para magpapunta siya ng mga nurse na tutulong sa kaniya.
Hindi nga ako nagkamali, mayamaya lang nang makarinig ako nang malalakas na yabag, pati ang marahas na pagbukas-sarado ng pinto sa kwarto. Bumungad sa paningin ko ang tatlong nurse na natataranta.
Sa pagsigaw ko ay hindi ko na nasundan pa ang sinabi ng doktor, basta na lang din akong hinawakan ng dalawang nurse sa magkabilaang kamay upang ipirmi sa kinauupuan ko kung kaya ay mas lalo akong nagpupumiglas.
Mas nagwala ako sa katotohanang imbes na ipaintindi sa akin ay wala silang sinasabi. Masakit ang ulo ko dahil wala akong maintindihan. Gulung-gulo ang utak ko, uhaw na uhaw ako sa kasagutan ngunit lumipas pa ang ilang segundo ay wala rin akong napala.
Nakita ko na lang ang pag-abot ng isang nurse sa doktor ng syringe, saka niya pa iyon itinaas sa ere at deretsong humarap sa akin. Kumuyom ang dalawang kamao ko, sa lakas din ng sigaw ko ay halos mapaos ako at maputulan ng litid.
"Ahh!" Tuluyan na akong naihiga ng mga nurse sa hospital bed at saka pa itinaas ang manggas ng hospital gown ko upang maturukan ako ng pampakalma.
Isang patak ng luha ang naging katumbas nito sa akin. Hindi pa nagtagal nang manghina ang katawan at pakiramdam ko, para akong namanhid at natulala na lang sa mukha ng lalaking doktor. Nang matapos ito ay mariin niya akong tinitigan.
Samantala ay puno naman ng pagsusumamo ang mukha kong pinagmasdan siya. Unti-unti na ring humihina ang pagtangis ko. Nagawa ko pang ipakita kung gaano ako kadismayado sa kaniya, kasunod nang pagbagsak ng mga talukap ko.
Tuluyan na akong nawalan ng malay. Nakatulog ako sa hindi ko mabilang na oras, kung hindi pa ako nakarinig nang mumunting ingay sa tabi ko ay hindi pa ako maaalimpungatan. Bumalatay ang guhit sa noo ko bago nagpasyang magmulat.
"Gising ka na," aniya nang mapanood ang dahan-dahan kong pagdilat.
"Bakit... ako nandito?" mahinang tanong ko ngunit sapat na upang marinig niya. "Kailan pa ako nandito? At saka, bakit wala akong maalala? Kaunti lang iyong navi-vision ng utak ko."
Sa sunud-sunod kong tanong ay huminga nang malalim ang lalaking doktor— si Doc. Gabriel. Hindi ko alam kung bakit nandito siya at parang sa buong tulog ako ay nakabantay lang ito sa akin. Ako lang ba ang pasyente niya?
Sino siya sa buhay ko? Kamag-anak ko ba siya? Kapatid? Kaibigan? Kakilala? Gosh. Wala talaga akong matandaan, wala akong maalala. Pakiramdam ko ay bagong panganak lang ako na kinikilala pa ang mundo at pilit na nangangapa sa galaw nito.
"Tatlong buwan ka nang nandito at walang malay, na-comatose ka dahil sa aksidenteng nangyari. A car accident."
So, tama ba ako na ang pagpunta ko sa Tagaytay ang rason kung bakit ako nandito? Malabo man sa utak ko ay naalala kong maulan nga noong araw na iyon, posibleng madulas ang kalsada. Pero bakit naman ako pupunta roon?
"At sa kalagayan mo, we need to conduct a test. Base on what you said, seems like you've have amnesia—" dugtong niya.
"Amnesia?" pag-uulit ko pa sa hindi makapaniwalang boses.
Kalaunan nang umawang na lang ang labi ko sa kawalan ng masasabi. Tila ba sa isang salita na 'yon ay nasagot lahat ng katanungan ko, lahat ng pagnanais ko ng sagot ay literal na wala talagang sagot. Wala sa sarili nang mapagmasdan ko ang doktor.
May kung ano pa sa akin ang hindi mapakali sa tuwing matititigan ko ang mukha niya, na para bang matagal ko na siyang kilala, na magkakilala naman talaga kami. O baka epekto lang ito ng nararamdaman ko?
Iyong pakiramdam na para bang panatag ako, na ligtas ako kasi nariyan siya sa tabi ko, kasunod nang malakas na pagtibok ng puso ko. Ayoko lang pangunahan dahil hindi ako sigurado ay wala pang patunay.
Mayamaya pa nang kunin nito sa side table ang isang papel at ballpen. May isinulat siya roon bago ako tiningnan muli. Sandali kaming nagkatitigan, siya ring pilit kong inaalala kung sino ito sa buhay ko.
Ngunit bakit ganoon? Kung kilala naman niya ako ay pwede nitong sabihin sa akin. Hindi iyong nangangapa pa ako, o marahil ay masyado lang akong napapangunahan ng emosyon at hindi naman talaga kami magkakilala.
Baka naturang pasyente lang talaga ako nito at siguro ay ganito siya sa lahat ng mga nahahawakan niyang pasyente. Side effect lang din marahil ito sa nangyari sa akin, kaya ko nasasabing magkakilala kami.
"First, gusto kong tanungin kung kilala mo ba ang sarili mo? I mean, your name," aniya na ayaw akong pakawalan ng kaniyang paninitig.
"Jacky... tinawag mo ako sa ganiyang pangalan, hindi ba?"
Sa sagot kong iyon ay nakita ko ang pagbaling ng atensyon nito sa kamay ko dahilan para sundan ko ito ng tingin, saka ko nasilayan ang kumikinang na singsing sa daliri ko. Nagsalubong ang dalawang kilay ko.
Bahagya ko pang inangat ang kaliwang kamay ko sa ere upang mas matitigan iyon nang malapitan. Kasal ba ako? May asawa na ba ako? Is this a friendship ring? Wedding ring? May kinalaman ba ito sa panaginip ko kung saan nakasuot ako ng wedding gown?
"You're Jaquisa Masagnay-Monte Alba." Dinig kong banggit nito, kaya kaagad din akong nag-angat ng tingin dito.
"What do you mean?" tanong ko, bumaba pa ang tingin ko sa nameplate niya at muling binasa ang pangalan nito.
Napakurap-kurap ako. Gusto kong sapukin ang ulo ko at alugin iyon nang paulit-ulit upang alalahanin kung tama bang asawa ko siya. Kalaunan nang kumirot lang iyon dahil sa pamimilit kong makaalala.
"Ikaw ang asawa ko?" Nag-angat ako ng tingin dito, saka ko nakita ang hirap niyang paglunok.
"Kailan ang huling naalala mo? Ano ang huling natatandaan mo?" Imbes na sumagot ay iyon pa ang lumabas sa bibig nito, rason para humugot ako nang malalim na hininga.
"Iyong papunta ako ng Tagaytay," maikling saad ko at saka pa mariing pumikit. "The rest ay wala na akong maalala, hindi ko magawang alalahanin kung bakit ba ako papunta roon kahit anong pilit ko—"
"You don't have to. Huwag mong pilitin ang sarili mo," maagap na palatak nito dahilan para mapamulagat ako. "Sa ngayon ay magpahinga ka na muna, 'coz you need a rest."
Bumaba ito mula sa pagkakaupo niya sa isang stool, saka pa dumungaw sa mukha ko. Marahan nitong inayos ang unan ko, pati ang ulo ko ay inilagay nito sa tamang pwesto. Rason iyon upang mas matitigan ko siya nang maigi.
Nakatingala lang ako habang pinapanood siya. Hindi man sigurado ay naging panatag ako sa mga bisig nito. Sunod niyang inayos ang kumot ko, inangat nito iyon hanggang sa balikat ko. Kapagkuwan ay nagbaba ito ng tingin sa akin.
Sandaling namutawi ang kapayaan ko sa mga oras na iyon. Wala pa sa sariling nahawakan ko ang braso niya dahilan para mapapitlag ito sa gulat. Ilang beses na umawang ang labi ko para sana magsalita ngunit maski isang salita ay walang lumalabas doon.
Hindi pa nagtagal nang bumuntong hininga ito, saka pa marahang tinanggal ang kamay ko. Inilagay niya iyon sa magkabilaan kong gilid bago masuyong hinawakan ang ulo ko na mas lalong ikinapanatag ng loob ko.
Tumango ito, rason nang pagkahabag ng puso ko. Wala man akong maalala ay para bang naging sapat na sa akin ang presensya niya, iyong mga agam-agam ko ay biglang naglaho at napalitan ng pag-asa.
"Yes. I am your husband. If you don't really remember me— ako si Gabriel Monte Alba. Gab—Gabby for short, na mas madalas mo ring itawag sa akin."