SERONA POINT OF VIEW
Nang mailibing na si Tito, hindi pa rin nagbabago si Tita. Tahimik lang siya palagi, hindi kumikibo, ni hindi man lang makuhang tumingin sa akin. Para bang wala na siyang buhay, kasabay ng pagkawala ni Tito. Nawalan siya ng ganang gawin ang kahit ano—kahit ang pumasok sa trabaho. Ilang beses siyang pinatawag ng manager niya dahil sa palagiang pag-absent, hanggang sa tuluyan na siyang tanggalin.
Dahil wala na kaming ibang inaasahan, napilitan akong maghanap ng trabaho. Trese anyos pa lang ako noon, kaya wala akong masyadong pagpipilian. Napasok ako sa isang bar, hindi sa dating pinagta-trabahuhan ni Tita, pero halos pareho lang ang sistema. Dahil menor de edad pa ako, patago lang akong nagtatrabaho bilang tagasilbi ng mga customer.
Dalawang araw akong hindi nakauwi dahil palaging ginagabi ang uwi ko at minsan ay doon na rin ako natutulog sa likod ng bar. Kaya nang makauwi ako nang gabing iyon, agad akong nagtaka. Bakit madilim pa rin ang bahay? Palaging binubuksan ni Tita ang ilaw kapag gumagabi na.
Kinapa ko ang pinto at pinihit ito. Hindi naka-lock.
Pagpasok ko, hinanap ko agad ang switch ng ilaw. At nang bumukas ito…
Napasigaw ako sa gulat.
Si Tita… nakasabit sa kisame.
Napaatras ako, nanginginig ang buong katawan ko habang nakatitig sa kanya. Halos hindi ako makahinga. Nangingitim na ang kanyang balat, nakalawit ang ulo niya sa isang tabi, at wala nang buhay ang kanyang mga mata.
Parang natuyuan ako ng dugo sa katawan.
"Tu—Tita!"
Dagli akong tumakbo palabas ng bahay, humihingi ng tulong. Sa kabutihang-palad, may mga kapitbahay na nakarinig sa akin at agad na sumaklolo.
"Tulungan niyo po ako! Si Tita… si Tita!" halos hindi ko na maituloy ang sasabihin dahil sa paghikbi.
Mabilis silang pumasok sa bahay, at nang makita nila ang sinapit ni Tita, nagmadali silang kumuha ng lubid at tinulungang ibaba siya mula sa kisame.
Pagbaba ni Tita, agad akong napaluhod sa tabi niya at niyakap siya.
"Tita… Tita, gising po…" Ipinatong ko ang ulo ko sa kanyang dibdib, pero wala akong marinig na t***k ng puso. Malamig na siya. Matigas. Matagal na siyang patay.
Mas lalo akong napaiyak.
Bakit?! Bakit mo ako iniwan?!
Hindi ko napigilan ang paghagulgol. Niyakap ko siya nang mahigpit, hinihiling na sana panaginip lang ang lahat ng ito. Na sana pagmulat ng mata ko, andiyan siya at aalo sa akin—katulad ng ginagawa niya noong ako’y bata pa.
Naalala ko ang lahat—kung paano niya ako kinuha mula sa aking mga magulang, kung paano niya ako inalagaan, kung paano niya ako ipinaglaban.
Lumaki akong hindi minahal ng sarili kong magulang. Si Papa, laging lasing at nananakit. Si Mama, laging walang pakialam. Walang araw na lumipas na hindi ako nakatikim ng bugbog. Hanggang isang araw, nadatnan ako ni Tita sa bahay—duguan, nanginginig, at halos hindi na makatayo sa dami ng pasa sa katawan.
Hindi siya nagdalawang-isip. Tinakas niya ako.
Dinala niya ako sa bahay nila, inalagaan, at binigyan ng pagmamahal na hindi ko naranasan sa tunay kong pamilya. Akala ko, magiging maayos na ang buhay ko… hanggang sa mangyari ang pinakamasamang gabi ng buhay ko.
Noong unang beses akong ginahasa ni Tito.
Gabi iyon. Umuwi si Tito na lasing na lasing habang si Tita naman ay nasa trabaho. Ako lang ang naiwan sa bahay. Pinagsilbihan ko siya, inasikaso, pero hindi ko akalaing may mas madilim siyang balak.
Nang hinila niya ako papunta sa kwarto, nagpumiglas ako. Umiiyak akong nagmakaawa. Pero walang nagawa ang pagsigaw ko. Wala akong nagawa.
Nang matapos siya, bumulong siya sa tenga ko.
"‘Wag kang magsusumbong, kung ayaw mong mamatay ang Tita mo."
Sa murang edad, mas pinili kong manahimik. Mas pinili kong tiisin ang sakit at takot, kesa malagay sa panganib si Tita.
Pero nang dumating ang pagkakataon… pinatay ko si Tito.
Akala ko, tapos na ang bangungot ko. Akala ko, magiging masaya na kami ni Tita.
Pero hindi ko akalaing siya naman ang mawawala.
Niyakap ko siya nang mahigpit, ibinubulong ang mga salitang huli ko na lang masasabi sa kanya.
"Patawad, Tita… Patawad…"
Lahat ng ginawa ko, para sa amin. Para sa akin. Para sa kanya.
Pero sa huli, ako pa rin ang naiwan. Ako pa rin ang nag-iisa.
Napabalikwas ako ng bangon nang maramdaman ang malamig na tubig na bumuhos sa akin. Napasinghap ako, nanginginig sa ginaw, at agad na tumingin sa kung sino ang may kagagawan nito.
Si Yllah.
Nakatayo siya sa gilid ng kama ko, hawak pa ang basyong tabo, may pilyang ngiti sa kanyang labi.
"Bakit mo ako binuhusan?" iritadong tanong ko habang pinupunasan ang mukha ko.
"Binabangungot ka," sagot niya, saka nagkibit-balikat. "Kanina pa kita ginigising, pero ayaw mong magising. Kaya naisip ko, tubig na lang ang solusyon. Effective naman, ‘di ba?"
Napailing na lang ako. Napabuntong-hininga.
Panaginip na naman.
Pero hindi lang ito basta panaginip. Alaala ito.
Sampung taon na ang lumipas. Sampung taon na simula noong una akong pumatay. Sampung taon na mula nang mawala si Tita. Pero sa tuwing pipikit ako, bumabalik ang lahat—ang takot, ang galit, at ang dugo sa aking mga kamay.
"Napanaginipan mo na naman ang nakaraan mo?" tanong ni Yllah.
Tiningnan ko siya at dahan-dahang tumango.
Sanay na siya sa ganito. Paulit-ulit na lang.
Si Yllah ay matagal ko nang kasama sa boarding house. Pareho kaming nagtatrabaho sa bar. Pareho kaming manager—pero sa magkaibang bar. Magkalaban kami sa trabaho, pero hindi iyon naging hadlang sa pagiging magkaibigan namin.
Dahil may isang bagay na mas nag-uugnay sa amin kaysa sa trabahong ito.
Pareho kaming pumapatay.
"Balita ko, may biktima ka na naman?" aniya habang umupo sa kama niya, hindi na nagugulat.
Umangat ang sulok ng labi ko.
"Oo. Tulad ng dati, iniwan ko na naman sa ilog." Sagot ko nang walang gana, saka bumangon at hinanap ang tuwalya.
Alam ni Yllah ang lahat ng sekreto ko. Gaya ng alam ko ang sa kanya. Dahil pareho kami.
"Ibahin mo naman ang ilog na pagtatapunan mo sa susunod," aniya, para bang normal lang ang pinag-uusapan namin. "Wag palagi doon. Baka mahuli ka na."
Napahinto ako sandali. Tama siya. Masyado nang pamilyar ang ilog na iyon sa mga bangkay.
Tumango na lang ako at lumabas ng kwarto para magbihis. Isinampay ko rin ang nabasang unan at kubre kama.
Sa isip ko, hindi pa tapos ang lahat.