IKATLONG KABANATA

1022 Words
SERONA POINT OF VIEW "Manager!" Napalingon ako sa tumawag sa akin at nakita kong si Ena iyon, tumatakbo papalapit habang hinihingal. Huminto siya sa harapan ko, pero ang mas nakakuha ng pansin ko ay ang babaeng kasama niya—mukhang bata pa, siguro nasa labing-walong taong gulang. "Manager, si Fatima nga pala, kapitbahay ko. Gusto niyang magtrabaho dito," sabi ni Ena, habol pa rin ang hininga. Napataas ang kilay ko sa sinabi niya. "Nag hahanap ng trabaho kaya dito mo dinala? Mukhang wala pang karanasan ang batang ‘yan," sagot ko habang muling tinitingnan ang babaeng ipinakilala niya bilang Fatima. Tahimik lang ito, nakayuko, at halatang naiilang. Mukhang inosente pa, parang wala pang alam sa mundong ginagalawan namin. "Wala naman akong ibang mairekomenda sa kanya kundi itong bar. Hindi siya nakapagtapos ng high school dahil sa hirap ng buhay, pero okay lang naman daw sa kanya ang trabahong ‘to," pagpupumilit ni Ena. Napabuntong-hininga ako bago tumango. "Sige, sige. Basta ikaw ang bahala diyan, ha? Idiretso mo na siya sa dressing room, ayusan at bihisan mo nang maayos," bilin ko. "Salamat, Manager!" masiglang sagot ni Ena bago hinila si Fatima papunta sa dressing room. Sinundan ko lang sila ng tingin, lalo na ang kasama niyang tila hindi pa sanay sa ganitong lugar. Napailing ako. Wala naman akong magagawa kung gusto niyang pumasok sa bar. Buhay nila ‘yan. Mahirap makialam. Pinanood ko silang mawala sa likod ng kurtina ng dressing room bago ako bumalik sa pwesto ko sa counter. Malamlam ang ilaw sa loob ng bar, at ang tunog ng mabagal na musika ay humahalo sa mahihinang tawanan at bulungan ng mga kostumer. Napailing ako habang iniisip si Fatima. Isang batang musmos pa sa mundo ng gabing buhay—hindi ko alam kung tatagal siya rito. Pero kung desperado siyang kumita, wala na akong magagawa. Ang mundo ay hindi mabait sa mga mahihina. "Mukhang may bago kang alaga, Manager." Napalingon ako sa nagsalita—si Troy, isa sa mga bartender namin, may hawak na baso habang nakangiti nang may halong panunukso. "Hindi ko siya alaga, troy. Tinulungan lang ni Ena makapasok," sagot ko, umiling bago uminom mula sa baso kong may natitirang alak. "Mukha siyang inosente. Sa tingin mo, kakayanin niya?" tanong ni Troy habang pinupunasan ang counter. Napatingin ako sa pinto ng dressing room. Sa totoo lang, hindi ko alam. Pero sa lugar na ‘to, matibay lang ang nagtatagal. At kung mahina siya, siguradong kakainin siya ng sistema. "Depende," sagot ko. "Kapag natuto siyang lumaban, baka may pag-asa siya rito. Pero kung hindi… baka mas mabuting umalis na siya bago mahuli ang lahat." Maya-maya lang ay bumukas ang pinto ng dressing room, at lumabas si Ena kasama si Fatima. Hindi ko alam kung dahil ba sa ayos niya o dahil sa kaba sa mukha niya, pero lalo lang siyang nagmukhang bata sa paningin ko. Nakasuot siya ng maikling itim na dress na halatang hindi pa siya sanay dalhin. Hindi rin niya alam kung paano ipapakita ang kumpiyansa—halatang hindi pa siya sanay sa ganitong mundo. "Manager, ayos na si Fatima," masayang sabi ni Ena, pero kita kong pilit ang ngiti ni Fatima. Pinagmasdan ko siya sandali bago tumango. "Fatima, sigurado ka ba rito?" tanong ko nang direkta. Nagkatinginan sila ni Ena bago siya tumango, bagamat may pag-aalinlangan sa mata niya. "Opo." Napabuntong-hininga ako. "Sige, pero tandaan mo 'to—hindi basta laro ang trabaho dito. May mga taong mababait, pero mas marami ang hindi. Kung hindi mo kayang panindigan ‘to, umalis ka na ngayon pa lang." Saglit siyang natahimik, saka muling tumango. "Kaya ko po, Manager." Hindi ko alam kung naniniwala ako sa kanya. Pero kung desidido siya, wala akong karapatang pigilan siya. "Ena, ikaw na bahala sa kanya. Ituro mo lahat ng dapat niyang malaman," utos ko bago lumingon kay Fatima. "At ikaw, matuto kang mag-ingat." Tumango si Ena at hinila na si Fatima papunta sa lounge kung saan naghihintay ang ibang mga babae. Sinundan ko sila ng tingin, hindi mapigilan ang pakiramdam na baka maling desisyon ang pinasok ng batang ‘to. Habang pinapanood kong sumanib si Fatima sa ibang mga babae sa lounge, hindi ko maiwasang magduda kung hanggang kailan siya tatagal. Sa trabahong ito, hindi lang tapang ang kailangan—dapat mabilis kang matuto, matibay ang loob mo, at higit sa lahat, marunong kang maglaro ng tama. "Mukhang hindi tatagal ‘yon," bulong ni Troy habang nakasandal sa counter, nakatingin din sa direksyon ni Fatima. "Masyado pang maaga para husgahan," sagot ko, pero sa loob-loob ko, alam kong may punto siya. Sa lounge, kita kong hindi alam ni Fatima kung paano makisama. Tahimik lang siya sa isang tabi habang ang ibang babae ay nagtatawanan, nagsisipag-ayos ng sarili, o di kaya’y nakikipag-usap sa mga waiter at bartender. Kitang-kita ang pamumula ng mukha niya nang lapitan siya ng isa sa mga senior girls—si Marga. Marga ang tipo ng babaeng sanay na sa ganitong buhay—matalino, maganda, at higit sa lahat, palaban. Alam niyang gamitin ang utak niya para hindi siya apihin ng kahit sino. Kaya hindi ako nagulat nang ngumisi ito at sinimulang usisain si Fatima. "Bagong recruit?" tanong ni Marga kay Ena habang nakaturo ang isang daliri kay Fatima. "Oo, ako nagdala," sagot ni Ena. "Mukhang takot pa. Baka hindi umabot ng isang linggo." Napangisi si Marga, saka tumingin kay Fatima. "O ikaw, kaya mo ba ‘to?" Kitang-kita ko ang panginginig ng mga daliri ni Fatima habang mariing hinahawakan ang laylayan ng suot niyang dress. Pero sa halip na umatras, bahagya siyang tumango. "K-kaya ko po." May kung anong kislap sa mata ni Marga, para bang natutuwa siya sa takot ni Fatima. "Good. Kasi sa trabahong ‘to, kung mahina ka, ikaw ang kakainin. Huwag kang aasa na may tutulong sa’yo, dahil sa lugar na ‘to, kanya-kanyang laban." Napangiti lang ako habang pinapanood ang eksena. Marga might sound cruel, pero totoo ang sinabi niya. Hindi isang fairytale ang buhay dito. Tumingin ako kay Fatima. Nagtatanong ang mga mata niya, parang naghahanap ng kahit kaunting pag-asa. Pero hindi ko siya tinulungan. Kung gusto niyang manatili rito, kailangan niyang matutong lumaban mag-isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD