GABI na naman. Tapos na siyang kumain ng dinner sa kubo resto at lahat pero hindi na niya nakita ang lalake. Buong maghapon na iyon. At hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit nalulungkot siya at nadismaya roon. Surprisingly though, hindi halos sumagi sa isipan niya ang tinakasang eksena sa Maynila sa buong maghapon na iyon. Pero ngayong inalihan na naman siya ng lungkot, nagnaknak na naman ang maantak pang sugat sa damdamin niya.
'Di na niya tuloy nakain lahat ng inorder niya. Walang gana siyang tumayo. Pagdating sa cottage, inilabas niya ang dalang laptop. Binuhay iyon at pinasok ang free wifi ng river resort. Dumako siya sa youtube at namili ng mapapanood. Pamatay-oras hanggang sa antukin siya.
Horror ang pinili niya. Tungkol kay Dracula. Mas mabuti na iyong matakot-takot siya ng kaunti para ma-exorcise nang bahagya ang lungkot sa dibdib niya. Somehow, it worked. Before long, dinalaw na rin siya ng antok.
Iyon lang, nagising siya nang madaling araw. Sinundan siya sa panaginip ang tagpong iyon sa hallway ng bahay nila. Nagwawala daw siya. Basa sa luha ang pisngi niya nang magmulat siya ng mga mata.
Sinikap niyang payapain ang sarili. Pero hindi na siya inaantok. Sa halip ay bumangon na lang siya at lumabas ng veranda. May nadidinig siyang mangilan-ilang tilaok na ng tandang. Nang umihip ng pang-umagang hangin, nayakap ang sarili sa sumigid na lamig sa kanyang kalamnan. Kinipit sa katawan ang suot na silk robe na umaabot lang ang laylayan sa itaas ng tuhod niya. Minsan pa, gumawi ang tingin niya sa ilog. Namalayan na lang niyang maingat na tinugpa ang daan papunta roon. Bumaba siya ng pampang tutal ay maliwanag pa naman ang buwan. Tumayo siya sa gilid na hindi naaabot ng tubig.
Nang minsang pang umihip ang hangin, napapikit siya na sinamyo iyon at pinuno ang baga. Parang nabuhay ang katawan niya roon. Bago pa siya napadilat, naglaro sa diwa niya ang tagpo roon noong isang gabi. Nabuhay ang init sa kanyang kaibuturan.
Saka siya kaagad na napadilat din nang maramdaman ang pagtayuan ng mga pinong buhok sa batok niya.
May taong nakatingin sa kanya!
Bigla tuloy siyang napaharap at baka ang lalakeng nabilaukan na naman ang naroon. Pero hindi. Si Caine ang naroon. Hubad-baro ulit pero naglalandas ang pawis sa noo, leeg at dibdib nito pababa. Sa pagtaas-baba ng dibdib sa paghingal, halos talos na niyang galing ito sa pagdya-jogging. Sa agang iyon!
Napalunok siya. "C-caine..."
"Hi. Pasensiya na kung nagulat yata kita. Ang aga mo, ah. Ano'ng ginagawa mo rito?"
"I-uhm, wala. Nagising lang ako kanina. Kinakalma ko lang ang sarili ko sa-" Naputol ang sasabihin niya nang walang babalang lumapit pa ito sa kanya. Napatingin siya sa mamasa-masang dibdib nito bago iyon unti-unting tumaas at humantong sa labi nito. Pero iniiwas din nang bumuka iyon at binasa ng dila ang labi nito.
"Are you okey?" May pag-alala ang tono nito.
Napapasinghap na naman siya na parang nauubusan ng hangin. "Y-yes. Sige, babalik na ako sa cottage." Lalampasan na lang niya sana ito nang inabot ng isang kamay nito ang siko niya.
Ramdam na naman niya ang sagitsit na iyon. Muntik tuloy siyang mapapiksi kung hindi lang mahigpit ang pagkakahawak nito roon.
"Natatakot ka ba sa akin?" tanong nito nang lingunin niya.
"H-hindi. Wala ka naman siguro'ng intensiyon na masama sa akin, 'di ba?"
Umiling ito. "Pasensiya na kahapon. Something came up sukat para 'di ko na magawa ang ipinangako ko sa'yo."
"Naiintindihan ko naman. Hindi mo kailangang mag-sorry."
"But I feel guilty."
Napaharap siya rito. Para lang patahimikin ito, umabot ang hintuturo niya at lumapat iyon sa labi ng lalake. Pero agad din niyang natalos na maling hakbang ang nagawa niya. Dahil tila may nasindihan sa kanyang kaibuturan.
Nagtama ang tingin nila ng lalake. Iglap, parang iisang tao ang kilos nila na kagyat na tinawid ang distansiyang nakapagitan sa kanilang mga labi. At nang tuluyang magdaop ang mga labi nila sa isa't isa, para siyang sinalpok ng rumaragasang sasakyan sa naging epekto nu'n sa kanyang pandama.