Sobrang saya ni Dana at agad na nagtungo sa silid para tawagan si Claude.
Nagulat naman siya dahil isang ring palang ay sinagot na ito agad ng binata.
“Hello! Dana, napatawag ka?” tanong nito.
“Ang bilis mo naman sagutin, anong ginagawa mo?” excited niyang tanong.
“Ah! Hehe... hawak ko kasi ang phone ko dahil naglalaro ako,” paliwanag nito. “May kailangan ka ba?”
“Wala naman gusto ko lang sabihin sa’yo ang magandang balita,” aniya na hindi mapakali sa pagakaupo niya, “Alam mo, tama ka kasi hindi talaga kame pinabayaan ni Lord. Kasi kani-kanina lang ay may tumawag kay Papa kasi may nahanap na silang investor.” Tuwang-tuwa niyang balita dito.
“Talaga, I’m so happy for you!” kahit hindi niya ito kaharap ay ramdam niya na totoong masaya ito para sa kanya.
Sana lagi itong ganito, mas masaya siguro kung pati sa school ay ganito ito ka-sweet sa kanya. Siguro s’ya na ang pinakamasayang babae sa balat ng lupa.
“Salamat ah, kasi napapasaya mo ako kahit may problema na papangiti mo ako,” nahihiya niyang sabi dito, kahit hindi niya ito kaharap ay naiimagine niya ang imahe nito, lalo lang tuloy siyang kinikilig.
“Wala ‘yon, napapasaya mo din naman ako, ikaw lang din ang napagsasabihan ko ng sitwasyon ko,” sabi nito.
“Sana ikaw na lang lagi ‘yan!” aniya na natutop ang bibig, nabigla naman siya sa kanyang sabi, ayaw niyang ma-offend ito sa sinabi niya hindi man lang niya naisip ang kalagayan nito, sana hindi niya ito masamain.
“Sana nga, kasi marami din akong gustong sabihin sa’yo,” anito na medyo lumungkot ang tono ng pananalita nito.
“Bakit ano ang sasabihin mo sa akin? P’wede mo naman sabihin ngayon,” nadinaan sa biro.
“In time Dana, gusto ko kasi pagdumating ang tamang oras na iyon, maayos na ang lahat.” Anito na napabuntong hininga sa kabilang linya.
Hindi agad siya na ka-sagot sa sinabi nito, at katahimikan ang namagitan sa kanilang dalawa.
Nagulat naman kasi siya sa sinabi nito, hindi niya alam kung matutuwa o mae-excite siya sa gusto nitong sabihin, o kung matatakot siya dahil baka dumating ang araw na hindi na nito maalala ang masasaya nilang pinagsamahan, dahil hindi niya alam kung sakaling gumaling ito, sino ang mananatili? At sino ang mawawala?
Si Claude na mabait at sweet sa kanya o si Clyde na walang alam gawin kundi ang saktan at ipahiya s’ya. Natakot siya sa isiping ang mabait na si Claude ang mawala, hindi niya gustong mangyari ‘yon.
Pilit na pinasigla niya ang kan’yang boses at muling nagsalita. “Claude, naisip ko tama ka nga na kailangan ko nang magpapayat, para din pasakayin na tayo sa padyak at hindi na tayo tanggihan, hehehe.” aniya na dinaan sa biro.
“Hehehe, kawalan nila ‘yon kasi nawalan sila ng malaking kita,” ganting biro nito.
“Claude,” aniya sa seryosong boses, “Salamat talaga, kasi hindi mo ako kinakahiya kapag magkasama tayo, kahit pinagtitinginan tayo ng ibang tao dahil sa akin,” nahihiya niya sabi dito.
“Dana, diba sabi ko sayo hindi kriminal ang pagiging mataba, kaya ‘wag mo isipin ang sinasabi ng iba, maganda ka iyan ang lagi mong tatandaan.” Pagpapalakas nito sa kanyang loob, “Saka wala naman akong pakialam kung pagbulungan nila tayo, ikaw kaya ang hero ko, hehehe.”
“Hero? Bakit naman naging hero mo ako?” takang tanong niya.
“Basta, hehehe... mabuti pang magpahinga na tayo gabi na din,” anito.
“Mabuti pa nga, magpahinga ka na din,” aniya at nagpaalam na sila sa isa’t isa.
Matapos ang usapan nila ni Claude ay lumabas siya ng kwarto, dahil hindi din naman siya makakatulog dahil hihintayin niya ang mga magulang.
Gusto din kasi niya malaman ang kung anong nanagyari sa lakad ng mga ito. paglabas niya sa sala ay nakita niya ang kuya niya na nakaupo at hindi pa rin natutulog.
“Kuya gising ka pa, hindi ka pa matulog?” tanong niya.
“Ikaw bakit gising ka pa din?” balik nitong tanong sa kan’ya, ito talagang kuya n’ya kahit na kailan, tatanungin mo pero sasagutin ka din ng isang tanong.
“Tinanong nga kita e, tapos tatangunin mo din ako!” reklamo niya dito, “Hindi kasi ako makaulog, inaantay ko kasi sila mama na dumating gusto ko kasing malaman kung anong nangyari.” Aniyang sagot sa kapatid.
“Hinihitay ko din sila, saka may sasabihin din kasi ako,” anito.
“Talaga? Ano naman ‘yong sasabihin mo?” curious niyang tanong.
“Hay naku, mamaya na pagdating nila mama para isang sabi lang.” mabait ang kuya niya pero minsan talaga toyoin ito.
Mag-aalas diyes na ay wala pa din ang kanilang magulang, balak na sana niyang matulog ng marinig ang paparating na kotse.
‘Di rin, nagtagal ay pumasok na ang mga magulang na maaliwalas ang mukha, kaya kahit hindi na siya magtanong ay may idea na siya kung ano ang nangyari sa meeting ng mga ito sa investors.
“Oh! Bakit gising pa kayong dalawa?” gulat na tanong ng ama nang makita silang dalawa ng kuya n’ya.
“Hinitintay po kasi namin kayo!” sagot niya. “Gusto po kasi naman malaman kung anong nangyari?” aniya.
“Mga anak, ‘wag na kayong mag-alala dahil ayos na ang lahat, may kaunting pagbabago lang pero maayos na, kaya ‘wag na kayong mag-alala pa,” sabi ng ama.
“Ayos ang lahat kaya magsitulog na kayo,” utos ng ina sa kanila.
“Ano naman pong pagbabago iyon, Papa?” tanong ng kapatid.
“Saka sino po ‘yong nag-invest?” tanong niya.
“Iyon nga mga anak, kahit kame ay hindi makapaniwala na ang invertors ay ang Suarez Food Corporation,” nakangiting sagot ng ama.
“Diba malaking company ‘yon sa Manila, bakit nila pinili ang maliit na negosyo na tulad ng negosyo natin?” gulat na tanong ng kuya niya, siya naman ay naguguluhan kasi wala naman siyang alam sa gano’n usapan, dahil ang alam lang kasi niya ay kumain.
“Kaya nga mga anak, masuwerte pa din tayo,” nakita niya ang aliwalas ng mukha ng ama, ngayon na naisalba na ang kanilang restaurant.
“E, yung sinasabi n’yo pong pagbabago, Pa?” tanong niya.
“Malaki ang in-invest ng Suarez Corp., tutulungan din nila tayo na i-promote ang negosyo natin, nagulat nga kame ng mama n’yo dahil wala silang ibang demand. The fact, na maliit lang ang negosyo natin kung ikukumpara sa kanila.
“Tinanong ko din sila kung bakit sila ng invest sa ‘tin, ang sabi lang nila dahil nakikita nila na makakatulong ang negosyo natin sa kanila in the future.” Masayang kwento nito.
“Hindi ba parang pabor sa atin lahat ‘yun, Pa? kasi parang wala naman silang magiging pakinabang sa negosyo natin dahil hindi naman ganoon kalaki ang restaurant natin.” Nagtatakang tanong ng kuya niya, sa kanilang magkakapatid ito ang mas mahilig sa negosyo kaya ito rin ang madalas na kausap ng kanilang Papa pagdating sa mga ganitong suliranin.
“Hindi na rin mahalaga iyon, ang importante ngayon ay nasalba ang ating negosyo.” Anito na tumingin sa kan’ya at ganun din ang kan’yang mama na nakatingin din sa kan’ya, hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang titig ng mga ito.
“Ma... Pa, may sasabihin din po pala ako,” anang kuya niya na mukhang kinakabahan.
“Ano ba ‘yon?”
“Ano kasi Pa, nag-apply kasi ako ng scholarship sa isang kilalang university sa Manila at natanggap ako, full scholarship ang binigay nila sa akin, libre lahat pati tirahan ko. At next month nila ako pinapupunta doon,” paliwanag nito sa magulang nila.
Nalungkot naman siya sa naisip na hindi na nila madalas makakasaman ang kapaitid.
“Pero anak, okay ka naman dito sa school mo ah! Saka hindi na natin isasara ang restaurant kaya hindi na problema ang tuition mo?” malungkot na sabi ng Mama n’ya.
“Tama ang mama mo, hindi mo na kailangan ng scholaship.” Sang-ayon naman ng ama.
“Ma... Pa, bukod sa gastusin, naisip ko din na malaking oportunidad ito para sa akin kasi marami akong matutunan doon na makakatulong pa sa negosyo natin.” Nakangiting paliwanag nito sa kanilang magulang.
Ayaw man nang mga magulang nila ay wala namang magawa ang mga ito, kasi tama rin naman ang kanyang kuya, pagkakataon na nitong mag-explore, saka sayang ang talino nito kung sa lugar lang nila nito gagamitin, baka mas maging matagumpay ito sa Manila.