CHAPTER 14

1807 Words
Pagdating ni Cassandra sa kanilang bahay ay naabutan niya sa salas si Tim na mukhang hinihintay siya. "Pinuntahan mo ba ang lalaking iyon? Hindi ka pa talaga dumeretso rito. Tapos gusto mong huwag ko kayong bigyan ng malisya," wika nito sa kaniya. Hindi pa rin nagbabago ang tono nito. "Magsisimula na naman ba tayo, Tim?" tugon ni Cassandra pagkatapos ng isang buntong hininga. "Leave him alone already. Aalis na siya bukas. Wala nang dahilan para magalit ka." Umikot ang mga mata ni Tim at iniiwas ang tingin sa kaniya. "Are you hungry?" mahinahong tanong ni Cassandra sa asawa. "Magluluto na ako ng hapunan. Magsisigang ako. Gusto mo ba?" "Hindi ako gutom," tugon ni Tim. "Palagi ka na lang hindi gutom. Kumakain ka pa ba?" Hindi tumugon si Tim. "At saka hindi mo pa sinasagot ang tanong ko kung saan ka nanggaling kanina. Saan ka ba nagpupupunta?" usisa pa ni Cassandra. "I'm really worried about you. Tim, please, sagutin mo naman ako." "Hindi ako gutom. Kumain ka na lang. Matutulog na ako. Pagod ako." Iyon na lang ang itinugon ni Tim at tumayo na ito upang umakyat sa kwarto. Nanghina ang tuhod ni Cassandra at napasalampak na lamang siya sa sahig. Hindi na talaga niya alam ang gagawin sa asawa. Hindi na rin siya nakaramdam ng gutom. Umakyat siya at sinilip si Tim sa kanilang kwarto. Alam niyang hindi pa ito natutulog. Nagpasya siyang sa guestroom na matulog. Tahimik siyang umiyak at hindi na niya namalayan na nakatulog siya. Kinabukasan. "Ma'am Cassandra!" Nagising si Cassandra sa tawag ni Aling Sita. Kaagad siyang nagbukas ng pinto. Nang tingnan niya ang kaniyang wristwatch, halos alas nwebe na ng umaga. Nasapo niya ang ulo. "Aling Sita," aniya. "Si Diolph, nakaalis na ba?" nag-aalala niyang wika. "Oo, Ma'am. Maaga pa siyang umalis kanina," tugon ng ginang. "Ipinagtanong man lang ba ako?" "Hindi, eh. Nag-check out lang siya." Nalungkot si Cassandra sa narinig. Umasa siyang magpapaalam man lang sa kaniya si Diolph sa huling pagkakataon. "Kaya ko ho kayo ginising dahil nasa labas po ng Casa ang nanay ninyo," saad ni Aling Sita. "Katulad ng bilin ninyo, hindi ko siya pinapasok. Hindi naman siya nagpumilit. Hihintayin niya na lang daw kayo sa labas." Tumango si Cassandra. "Sige, Aling Sita. Maraming salamat," aniya. Inayos niya lang saglit ang sarili. Sinilip niya ang kwarto nila ni Tim, wala na ito roon. Nagbuntong hininga siya at bumaba na. Malayo pa lang ay tanaw na niya ang inang si Elisa na matiyagang naghihintay sa labas ng gate. Lumabas siya at niyakap ito. "'Nay," aniya. "Ano ho ang ginagawa ninyo rito?" "Namimiss ka na namin ng itay mo, anak. Umuwi ka na muna sa atin. Halika," masuyong wika ni Aling Elisa. Nakita nito ang pag-aalinlangan sa mukha ng anak. "Kumusta ang asawa mo?" Ngumiti si Cassandra kahit na halata ang lungkot sa mga mata nito. "Okay lang ho siya," aniya. "Kukunin ko lang ho ang susi ng kotse." "Huwag na, anak. Maglakad na lang tayo. Na-miss ko nang kasabay kang maglakad." "Baka pagod na ho kayo, Inay. Naglakad din yata kayo papunta rito." "Ayos lang ako. Ano ka ba? Malakas pa ang tuhod ng nanay mo," nakangiting tugon ni Aling Elisa. "Sige na nga ho," ani Cassandra. Inakbayan niya ang ina at sabay silang naglakad. Pagkarating sa kanilang bahay ay ipinaghanda ni Aling Elisa ang anak ng almusal. Nagluto siya ng sopas na paborito ni Cassandra magmula nang bata pa ito. "Pumapayat ka, anak. Wala pa rin bang pagbabago kay Tim?" mayamaya ay tanong ni Aling Elisa. "Hindi ho madaling suyuin si Tim, Inay," tugon ni Cassandra. "Pero hindi naman ako sumusuko." "Alam kong mahal mo siya, anak. Pero kung dahil lang sa kasal kayo kaya hindi mo siya sinusukuan, sa tingin ko ay dapat mag-isip ka pa nang mabuti. Huwag mong iisipin ang ibang tao at ang sasabihin nila. Kung nahihirapan ka na ay ayos lang na sumuko. Hindi naman iyon simbolo ng kahinaan. Nakikita ko kung paano mo ipaglaban ang asawa mo. Pero kung ayaw ka na niyang ipaglaban, siguro oras na para sum—" "'Nay, ayaw ko!" putol ni Cassandra sa wika ng ina. "Kaya ko pa naman, Inay. Magtitiis ako hangga't kaya ko." "Sige, magtiis ka. Iyan ang gusto mo," sabat ng ama niyang si Mang Danilo.Sumulpot ito sa kusina na may aburidong mukha. "Kapag nakita ko ulit nang harap-harapan ang Timothy na iyon, makakatikim na naman siya sa akin ng malutong na suntok. Wala na siyang ginawa kundi pahirapan ang buhay mo. At ikaw naman, wala nang ginawa kundi magtanga-tangahan." Napayuko si Cassandra. "Kung nakinig ka lang sana sa akin noon na iwasan na iyang Timothy na iyan noong nanliligaw pa lamang siya sa iyo, hindi ka sana nagkakaganiyan ngayon. Sinisira mo ang buhay mo dahil sa kaniya. Una pa lang, alam mo nang hindi magiging maayos ang pagsasama ninyo dahil ayaw sa iyo ng maldita niyang ina na walang ibang ginawa kundi laitin ka, kami ng inay mo, at ang kahirapan natin. Isiniksik mo ang sarili mo sa mundo nila na hindi ka naman nababagay. Kaya ayan ang napala mo," patuloy na wika ni Mang Danilo. "Naniniwala ka pa bang mahal ka ng asawa mo?" tanong pa nito sa anak. "Kung mahal ka pa niya, hindi ka niya matitiis nang ganiyan. Nalulungkot din kami ng Inay mo dahil nawalan kami ng apo. Pero pwede pa naman kayong sumubok dahil mga bata pa kayo. Maayos naman ang kalusugan ninyong mag-asawa, pwede pa kayong magkaanak. Bakit hindi ka na lang deretsuhin ng magaling mong asawa na ayaw niya na sa iyo kaysa pinahihirapan ka niya nang ganiyan? Talagang ayaw niya na sa iyo. Iyan ang totoo." "'Tay, kailangan pa ni Tim ng kaunting panahon," tugon ni Cassandra. "Hindi ba kayo ni Inay nagkaroon din ng problema bilang mag-asawa noon? Pumasok ba sa isip ninyo na sumuko at iwan ang isa't isa? Hindi, 'di ba, dahil nagmamahalan kayo? Kung hindi na ako mahal ni Tim, malaya naman siyang iwan ako. Pero hindi niya ako iniiwan. Kailangan niya lang ng panahon." "Sige, paniwalain mo ang sarili mo sa kahibangang iyan," wika ni Danilo. "Noong una pa lang, ayaw ko na sa asawa mo. Pero ano ang magagawa ko, mahal mo, eh. Ikaw naman ang makikisama. Pero sana nauunawaan mo kami ng inay mo kung bakit kami nagkakaganito. Ayaw lang namin na nasasaktan ka. Ayaw namin na sinasayang mo ang oras at buhay mo sa asawa mo kung wala siyang balak na magkaayos pa kayo. Nag-iisang anak ka lang namin, Cassandra." Yumuko si Cassandra. "Tama na iyan," saway ni Aling Elisa sa asawa. "Kumain na tayo. Sa tuwing magkikita-kita tayo, hindi na tayo nag-uusap nang maayos. Palagi na lang tayong nagsasagutan at nagdedebate. Pwede bang kahit ngayong araw lang ay huwag na muna nating banggitin si Timothy?" "Sus!" ani Mang Danilo. "Ikaw itong unang nagbanggit sa pangalan niya." Tiningnan ito ni Aling Elisa nang masama saka ito tumigil sa pagsasalita. Nasasabik na humigop ng sabaw si Cassandra. Napapikit siya sa sobrang sarap niyon. Miss na miss niya na ang luto ng kaniyang ina. "Dapat siguro dalasan mo ang pagpunta rito, anak," wika ni Aling Elisa. "Minsan, gusto ko nang magtampo sa iyo dahil kung hindi pa kita pupuntahan sa Casa ay hindi mo kami dadalawin." "Pasensya na ho, Inay," tugon ni Cassandra. "Hayaan ho ninyo, simula ngayon, dadalasan ko na ang pagpunta rito. Lalo na at nagsasawa na rin ako sa sarili kong luto." "Kung gusto mo, dito ka na muna matulog mamayang gabi. Bukas ka na umuwi sa Casa. Tabihan mo kami ng itay mo." "Parang gusto ko iyan, Inay," nangniningning ang mga matang tugon ni Cassandra. "Nariyan pa ang paboritong unan mo at kumot. Namimiss ka na rin ng mga iyon." Nangilid ang mga luha ni Cassandra. Naalala niya kung gaano kasaya ang buhay niya noong bata pa siya. Noong tuhod pa lamang niya ang nasusugatan at hindi ang kaniyang puso. Ngayon alam na niya na ang sugat sa puso ang pinakamahirap maghilom. Iginugol niya ang maghapon sa pagtulong sa kaniyang Inay sa pag-aayos sa maliit nitong garden. Mayroon itong tanim na mga magagandang bulaklak. Mayroon din itong mga tanim na iba't ibang uri ng gulay. Halos hindi niya namalayan ang paglubog ng araw. Sumagi sa isip niya si Tim. Parehong mga pag-aalala pa rin ang pumapasok sa utak niya- kung kumain na ba ito at kung umiinom na naman ba ito ng alak. Pero sa gabing iyon ay pinili niyang iwaksi sa isipan ang asawa. "Halika na rito, anak!" tawag sa kaniya ng ina. Nakatayo siya sa may b****a ng kanilang pinto habang nakatanaw sa daan. Sa kalooban niya ay umaasa siyang susugod doon si Tim upang pauwiin siya, ngunit mukhang wala itong pakialam at hindi naman siya hinahanap. Nagbuntong hininga siya, pumasok ng bahay, at ipininid ang pinto. Sabik na sabik siyang tumabi sa kaniyang inay at itay. "Bumalik ka na lang sa amin, anak," wika ni Aling Elisa habang hinahaplos ang buhok ng anak. "Dito hindi mo kailangang mamalimos ng pagmamahal. Hindi ka namin kailanman matitiis ng itay mo. Bumalik ka na lang sa amin. Kalimutan mo ang masasamang nangyari sa buhay mo. Magsimula tayo ulit." "'Nay, alam n'yo namang hindi pwede ang gano'n," tugon ni Cassandra. "Hindi na ako bata na basta lang na pwedeng takasan ang problema. Alam kong nag-aalala lang kayo sa akin ni Itay. Pero huwag kayong mag-alala, kapag hindi ko na kaya, ako na ang kusang susuko. Kusa akong babalik sa inyo." "Kailan mo ba kami papayagan ng itay mo na makapasok sa Casa?" "Ipangako n'yo muna sa akin na hindi na ninyo aawayin si Tim. Kahit na naiinis na kayo sa kaniya ng sobra. Ayaw ko na ho mangyari ulit iyong nangyari noon. Ayaw kong nasasaktan si Tim. Ayaw ko ring nasasaktan kayo," tugon ni Cassandra. Nagkatinginan sina Aling Elisa at Mang Danilo. "Ano kaya kung tulungan na lang natin itong anak mo na magkaayos sila ng asawa niya?" tanong ni Aling Elisa sa asawa. Kumunot ang noo ni Mang Danilo. "Ano'ng ibig mong sabihin?" "Siguro, isantabi na muna natin ang galit natin kay Tim. Suyuin din natin siya para sa anak natin?" "Ano siya, siniswerte?" Napabangon si Mang Danilo sa inis. "Ang kapal ng mukha niya kapag sinuyo pa natin siya. Siya itong sinasaktan ang damdamin ng anak natin, tapos siya pa ang susuyuin natin? Mas gugustuhin ko pang ipako sa krus." "Danilo. Malay mo naman, makatulong ang iniisip ko, 'di ba? Ayaw ng anak mo na hiwalayan ang asawa niya. Gusto mo bang sumaya ang anak natin?" Nagkamot sa batok si Mang Danilo. "Oo naman! Ano ba ang gagawin natin?" Napatitig si Aling Elisa sa anak. "Pag-uwi mo bukas, sabihin mo sa asawa mo na pupunta kami sa Casa. Doon kami manananghalian. Magsalu-salo tayo kamu." Ngumiti si Cassandra. "Magandang ideya ho iyan, Inay. Sana pumayag si Tim." "Subukan mo, anak." Tumango si Cassandra.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD