GAYA ng kanilang napagkasunduan, alas-singko empunto ay dumating si Badong doon sa dormitoryo at sinundo sila. Si Badong ang nagmamaneho at nakaupo sa tabi nito si Soledad. Habang si Nena at Perla ay sakay naman ng awto ni Ricardo.
“Nagustuhan mo ba ang suot ko?” nakangiting tanong ni Soledad.
Bahagya itong sumulyap sa kanya at pinatong ang kamay sa kanyang hita at hinawakan ang suot niya. Iyon ang bestidang niregalo nito. Hindi pa rin niya makalimutan ang naging reaksyon nito nang makitang suot niya iyon.
“Gustong-gusto, bagay sa’yo ang bestida at lalong pumusyaw ang kulay ng balat mo,” sagot nito.
“Ang galing mong pumili ah, baka sa dami ng niregaluhan mo noon kaya alam na alam mo ang bagay sa akin,” biro pa niya.
“Mahal! Wala akong ibang babaeng niregaluhan!” mabilis na depensa nito kaya natawa siya ng malakas.
“Sa lahat ng babaeng dumaan sa buhay ko, mamatay man, ikaw lang ang babaeng binigyan ko ng regalo. Tinulungan lang ako ng tindera sa pagpili,” paliwanag nito.
“Biro lang, ikaw naman,” natatawa pa rin sagot niya.
Kinuha nito ang kamay niya at hinawakan iyon habang isa ay nakahawak sa manibela.
“Sinabi ko naman sa’yo na ikaw lang ang babae sa buhay ko,” sabi pa nito.
“Ito naman nagbibiro lang nga ako, alam ko naman ‘yon. Labis lang akong natutuwa dahil parang sukat na sukat sa akin ito.”
“Sa tuwing magkikita tayo, iyan palagi ang isuot mo ha?”
“Sige,” sagot niya.
“Nga pala, kanino pala itong sasakyan dala mo?”
“Kay Mang Narding, lumang awto ito dati na binuo ko lamang at pinalitan ng makina at inayos itong loob at labas.”
“Talaga? Napakaganda nito, mahal. Ang buong akala ko’y bago ito.”
“Kaya nga tuwang-tuwa si Mang Narding buti na lang at pinahiram sa akin.”
“Ang galing mo naman, mahal!” natutuwang puri niya kay Badong.
“Hayaan mo, mahal. Pagbubutihin ko pa upang balang araw ay magkaroon tayo ng kompanya na nagbebenta ng mga kotse,” nangangarap na sagot nito.
“Naku, ang ibig sabihin ay napakayaman na natin kapag ganoon.”
“Walang imposible, mahal. Basta patuloy lamang tayong mangarap ng malaki at gawin ang lahat upang matupad iyon,” sagot nito.
“Kaya nga ba malaki ang tiwala ko na malayo ang mararating mo. Teka, maiba tayo, kailan mo pa plinano ito?” tanong pa si Soledad habang patuloy sa pagmamaneho si Badong.
“Noong mabasa ko ang sulat mo. Hindi ba’t sabi mo na gusto mong maglakad sa tabing dagat?”
Namulaklak ang labis na saya sa kanyang puso nang marinig ang sagot nito. Hindi niya akalain na tutuparin talaga ni Badong ang mga binanggit niya sa liham.
“Hindi ko akalain na gagawin mo talaga ang mga sinabi ko. Sa totoo lamang ay nasabi ko ang mga iyon dahil sa pangungulila ko ng labis sa’yo ng mga panahon na iyon,” paliwanag niya.
“Mainam na rin ito nang kahit paano’y magkasama tayo ng mas matagal sa isang magandang lugar. Doon magiging malaya tayong maglakad ng magkahawak ang kamay nang walang inaalala kung mayroon ba na makakakita sa atin,” sagot nito.
“Sabagay, may punto ka riyan.”
Makalipas ang ilang oras ay narating na nila ang dagat kung saan sila mamamalagi hanggang kinabukasan ng umaga. Umupa sila ng matutuluyan at doon nilagay ang kanilang mga gamit. Sabay sabay at tulong tulong silang maghanda ng pananghalian.
Madalas na silang lumabas na magkakaibigan, minsan na rin silang namasyal sa tabing dagat ngunit mas masaya ngayon si Soledad dahil may Badong na sa kanyang buhay. Habang magkasama ay pinakita ng binata ang pagiging sobrang lambing nito. Palaging nakaalalay sa kanyang ginagawa at hindi halos umaalis sa tabi niya.
“Maligo na kayong dalawa sa dagat, kami na ang bahala dito,” sabi pa ni Nena.
“Hindi na tutulong na kami,” sagot naman ni Badong.
“Kaibigan, narito tayo para magkaroon kayo ng sariling oras para magkasama. Ayaw n’yo naman gugulin ang oras n’yo sa pagluluto at paghahanda ng kung anu ano,” sabad naman ni Ricardo.
“Saka narito naman kami, kaya kami na ang bahala dito. Samantalahin na ninyo ang pagkakataon,” wika ni Perla.
Nakangiting nagkatinginan ang dalawa.
“Sige, kung ganoon ay magbibihis na kami,” sabi pa ni Soledad.
“Tatawagin na lamang namin kayo kapag manananghalian na.”
“Salamat sa inyo ah?” sagot niya.
“Walang anuman,” nakangiting sagot ni Ricardo.
“Halika na at magbihis na tayo ng pangligo.”
Mabilis na nagbihis sila Badong at Soledad sa magkahiwalay na silid. Nakaramdam ng hiya at pag-aalangan ang dalaga nang sipatin ang sariling repleksiyon sa salamin matapos isuot ang damit panligo. Kulay pula na may maliliit na bilog na kulay puti ang disenyo niyon. At ang haba niyon ay umabot lang sa gitna ng kanyang hita pagkatapos ay nakalabas ang kanyang mga balikat.
Muli ay nahihiyang tinignan ni Soledad ang sarili sa salamin. Hindi naman iyon ang unang beses niyang magsuot ng ganoon damit na panligo ngunit kapag mga kaibigan lamang ang kasama ay wala siyang hiyang nararamdaman. Ngayon ay kasama niya ang nobyo at iyon ang unang beses na makikita siya ni Badong na ganoon ang ayos. Kinakabahan si Soledad sa maaaring sabihin nito. Halos mapatalon sa gulat ang dalaga nang biglang kumatok si Badong mula sa labas.
“Dadang, tapos ka nang magbihis?” tanong pa nito.
“Ah… oo, palabas na ako,” kabado pa rin na sagot niya.
Hinanda muna niya ang sarili saka tumikhim at sa huling sandali bago lumabas ay muling sinipat ang sarili sa salamin. Nang sa wakas ay lumabas siya sa silid, nakita niyang halos matulala si Badong pagkakita sa kanya. Ngunit hindi rin nakaligtas kay Soledad ang suot nito. Wala itong pang-itaas at tanging maikling salawal lang ang takip nito sa katawan. Hindi niya napigilan ang sarili na mapalunok. Bigla niyang naramdaman ang pag-iinit ng kanyang mukha at agad iniwas ang tingin. Mas lumaki ang pangangatawan ni Badong kumpara noong huling beses niyang makita ito. Lalo itong naging matipuno at makisig. Muli siyang napalingon dito nang lumapit ito sa kanya.
“Napakaganda mo,” mangha na puri nito.
“Talaga? Hindi ba masyadong maikli ang suot ko?”
“Hindi, bagay na bagay sa’yo. Mabuti na lamang at halos walang ibang tao dito ngayon. Dahil ayokong may ibang makakita sa’yo na ganyan ang ayos mo.”
“Bakit naman?” natatawang tanong niya.
“Eh baka may ibang binatang umagaw sa’yo sa akin.”
“Hindi mangyayari ‘yon,” sagot niya.
Hinawakan nito ang kamay niya. “Halika na at maligo tayo.”
Paglabas ng tinutuluyan ay tumakbo sila palapit sa dagat at sabay silang lumangoy. Sa ilalim ng tubig ay para silang mga batang naghabulan. Nang maabutan ni Badong ay agad siyang hinawakan nito sa beywang pagkatapos ay sabay silang umahon. Malakas silang natawa nang magkatinginan.
Yumapos si Soledad sa leeg nito nang hapitin siya palapit at yumakap sa kanyang beywang.
“Masaya ka ba?”
“Sobra,” halos pabulong na sagot niya.
Pinagdikit nito ang kanilang noo at nagpalitan ng ngiti.
“Mahal na mahal kita, Dadang ko. Hindi ako magsasawa na sabihin sa’yo ‘yan ng paulit-ulit hanggang sa pagtanda natin,” sabi pa nito.
“Mahal na mahal din kita,” nakangiting sagot niya.
Nang sakupin nito ang kanyang labi ay agad siyang pumikit at tumugon sa halik nito. Isang mundo kung saan malaya silang ipakita at iparamdam ang pag-ibig na walang kinatatakutan o inaalala. Isang buhay na sa simula pa lamang ay isa nang pangarap. Kung kailan magkakaroon ng katuparan iyon ay hindi alam ni Soledad. Basta ang tanging mahalaga sa kanya sa mga sandaling iyon ay magkasama sila ni Badong.
“KUMUSTA naman si Ricardo? Nagkakasundo ba kayo?” tanong ni Soledad sa mga kaibigan.
“Ay oo naman, mabait siya at hindi nakakabagot kasama,” sagot ni Perla.
“Pasensiya na kayo at hindi ko man lang kayo makasama na magsaya dito,” sabi pa niya.
“Ano bang hinihingi mo ng pasensiya? Kaya nga narito tayo ay para magkaroon kayo ng oras ni Badong na magkasama. Saka sino ba ang nagsabi na hindi kami nagkakasayahan? Kanina nga nang matapos ang pananghalian ay naligo kaming tatlo sa banda roon,” sabi naman ni Nena.
“Dadang, basta ituon mo lang ang pansin at oras mo kay Badong,” payo ni Perla.
“Siya nga naman, huwag mo kaming masyadong alalahanin,” sang-ayon ni
Nena.
Napalingon silang tatlo nang sumilip si Badong sa bintana ng kanilang tinutuluyan.
“Nakahanda na ang baga,” sabi nito.
“Ganoon ba? Sige kami na ang mag-iihaw ng isda,” sagot ni Perla.
“Maglakad na kayong dalawa sa labas, tatawagin na lamang namin kayo kapag kakain na,” sabi naman ni Nena.
“Halina’t maglakad tayo sa tabing dagat.”
Agad siyang lumabas at magkahawak silang naglakad sa mabuhangin na dalampasigan. Sinandal ni Soledad ang ulo sa braso nito habang umiihip ang malamig na hangin galing sa dagat. Mayamaya ay huminto sila at humarap sa karagatan.
“Gusto mo bang bumalik tayo ulit dito sa susunod?”
Pumihit siya paharap dito kaya sinalubong nito ang kanyang tingin.
“Oo! Dati ay gusto kong pumupunta sa tabing dagat para maligo at magsaya kasama ang mga kaibigan. Ngunit mula ng makilala kita, pinapaalala ng dagat ang ating tagpuan malapit sa ilog,” sagot niya.
Ngumiti ito sa kanya pagkatapos ay mahigpit siyang niyakap. Sinandal ni Soledad ang kanyang ulo sa malapad nitong dibdib at sabay nilang pinanood ang paglubog ng araw. Matapos iyon ay pinagpatuloy nilang muli ang paglalakad at nang mapagod ay naupo sila sa ilalim ng isang malaking puno.
Habang nakasandal sa malapad na dibdib ng nobyo, patuloy nilang pinanood ang unti-unting pagdilim ng kalangitan.
“Bigla ko tuloy gustong pumunta sa ating tagpuan,” sabi ni Soledad.
“Ako rin, mas masarap sana kung naroon tayo.”
“Sabik na akong umuwi sa San Fabian.”
“Hindi ba’t malapit na ang bakasyon mo? Konti na lang at magkakasama na
ulit tayo doon.”
Kinuha nito ang kamay niya at pinaglaruan ang kanyang mga daliri pagkatapos ay pinatong ni Badong ang mukha sa balikat niya.
“Kapag nakapagtapos ka at nakabalik sa ating probinsya, nais ko sana na humarap na sa mga magulang mo.”
Agad siyang napalingon dito. “Gagawin mo ‘yon?”
“Oo.”
“Pero ang papa… aaminin ko sa’yo, dahil kilala ko ang ugali niya. Hindi ako sigurado kung ano ang kanyang sasabihin. Malaki ang posibilidad na magalit iyon at makapagbitaw ng masakit na salita.”
“Kahit ano pa ang maging reaksyon niya, paninidigan ko ang pagmamahal sa’yo. Ayokong habangbuhay natin itago ang relasyon na ito, Dadang. Gusto kitang pakasalan at hindi ko magagawa iyon hangga’t hindi ko nakakausap ang mga magulang mo.”
May kung anong mainit na damdamin ang humaplos sa kanyang puso matapos marinig iyon mula sa nobyo.
“Sigurado ka na ba talaga na pakakasalan mo ako?”
Sinalubong nito ang kanyang tingin at ngumiti.
“Sigurado. Hindi ba’t sinabi ko na noon sa’yo na unang beses pa lamang kitang masilayan ay alam ko nang ikaw ang babaeng pakakasalan ko?”
“Ako na marahil ang magiging pinakasayang babae sa San Fabian kapag nangyari iyon.”
Malalim itong bumuntong-hininga pagkatapos ay niyakap siya ng mahigpit.
“Kung maaari lamang bukas na bukas ay dalhin na kita sa simbahan. Ganoon na ako nasasabik na pakasalan ka. Ikaw ang nais kong maging ina ng magiging mga anak ko,” sabi pa nito.
Napangiti siya. “Ilan bang anak ang gusto mo?” tanong pa niya.
“Isang dosena,” sagot nito sabay ngisi.
Bigla niya itong kinurot ng mariin sa tagiliran.
“Aray!” malakas na hiyaw nito.
“Anong isang dosena?! Ikaw na lang kaya ang manganak!”
Tumawa lang ito ng malakas.
“Hoy Bartolome, ako nga ay tigilan mo,” sabi pa niya.
“Ayaw mo ba ng malaking pamilya? Tignan mo tayo, maraming kapatid kaya masaya!” katwiran nito.
Bigla siyang tumayo at naglakad palayo. “Ay bahala ka nga riyan, ikaw na lang manganak kung gusto mo!”
“Dadang! Dadang ko… yuhooo… mahal ko!” habol pa nito sa kanya.
Napangiti siya at lumingon pagkatapos ay bigla siyang tumakbo ng mabilis. Napasigaw si Soledad nang habulin siya nito. Dahil mabilis din naman siyang tumakbo, hindi agad siya naabutan nito. Ngunit nang mahuli ay hinawakan siya nito sa beywang at natumba sila sa buhanginan.
Kapwa humihingal na napatingin sila sa isa’t isa. Tinitigan ni Badong ang kanyang mukha na tila ba kinakabisado ang bawat parte niyon.
“Sana’y hindi na matapos ang gabing ito,” sabi nito.
Nang muli siyang halikan nito ay muli siyang tumugon ng walang pag-aalinlangan.
HINDI maitago ni Soledad ang kalungkutan. Dumating na ang araw na kanyang pilit iniiwasan. Ang pagbalik ni Badong sa San Fabian at muli malayo sa isa’t isa.
Alas-otso ng umaga nang umalis sila sa tabing dagat para umuwi. Makalipas ang mahigit tatlong oras na biyahe at nakauwi na sila sa dormitoryo. Doon ay nagpahinga muna si Badong habang si Ricardo naman ay tuluyan nang nagpaalam at umuwi. Nang makapagpahinga ay agad din itong nagpaalam.
“Huwag ka nang umiyak, susulat naman ako agad sa’yo kapag nakarating na ako sa atin, saka sa loob lang ng ilang linggo ay ikaw naman ang uuwi sa San Fabian,” sabi pa ni Badong.
“Kahit na,” emosyonal na sagot ni Soledad.
Pinahid nito ang luha niya. “Tumahan ka na, ayokong umalis ako na ganyan ka. Mas mahihirapan ako.”
Pinilit niyang inayos ang sarili at pinigilan ang luha. Mayamaya ay hinaplos siya nito sa ulo at ngumiti.
“Mag-iingat ka rito ha? At isarado mo palagi ang bintana mo sa gabi, baka may pumasok na masamang loob,” bilin pa nito.
Doon siya natawa nang maalala ang ginawa nito noong isang gabi.
“Mag-iingat ka sa pagmamaneho mo,” bilin pa niya.
“Oo,” sagot pa nito pagkatapos ay lumingon sa kanyang mga kaibigan. “Nena, Perla. Maraming salamat sa inyo, kayo nang bahala kay Soledad.”
“Huwag kang mag-alala, Badong. Narito lang naman kami palagi.”
“Salamat ulit. Mauna na ako.”
“Mag-iingat ka.”
Bago tuluyan sumakay ng awto ay siniil siya ng halik ni Badong sa labi. Pagkatapos ay agad na itong pumasok sa loob. Pilit niyang ngumiti hanggang sa tuluyan na itong nagpaalam. Nang makalayo na ang sasakyan ay saka muling pinakawalan ni Soledad ang luha. Samantala, agad naman umalalay ang mga kaibigan.
“Tahan na, magkikita naman kayo ulit eh,” pag-aalo sa kanya ni Nena.
“Isipin mo na lang ang dalawang araw na nagkasama kayo, para kahit paano ay mabawasan ang lungkot mo,” sabi naman ni Perla.
“Salamat sa inyo, buti na lang narito kayo.”
“Ang mabuti pa umakyat na tayo.”
Pagdating sa kanyang silid ay agad siyang nahiga at niyakap ang mga unan. Muling bumalik ang kanyang isip sa mga nangyari nitong nakalipas na dalawang araw. Ang masasaya nilang sandali. Ang mga tawanan, kuwentuhan maging ang bawat halik at yakap na kanilang pinagsaluhan.
Kagabi ay pinaubaya ng mga kaibigan nila ang isang kuwarto para magkasarilinan sila. Sa unang pagkakataon ay natulog sila ng magkatabi. Wala naman nangyari sa kanila ngunit bago matulog ay malambing siyang niyakap ni Badong. Muli silang nagsalo ng mainit, masuyo at matagal na halik. Pagkatapos ay buong magdamag siyang yakap nito sa pagtulog. At wala nang mas gaganda pa sa umaga ni Soledad nang magising na ang makisig nitong mukha ang kanyang unang nasilayan.
“Konting panahon na lang, Dadang. Konti na lang at makakabalik ka na ulit sa piling ng mahal mo,” pagkausap niya sa sarili.