Kabanata 25

1407 Words
SA paglipas ng mga araw at pagsapit ng buwan ng Disyembre. Kasabay ng paglamig ng panahon ay ang panlalamig ng puso ni Badong. Matapos ang sorpresang pagdalaw niya kay Soledad noong nakaraan buwan, nagpalitan pa sila ng tig-isang sulat. Pagkatapos ay hindi na sumagot pa ang dalaga sa huling liham niya. Dahil doon ay hindi magawang mapigilan ni Badong ang sarili na mag-alala. Marami ang tumatakbong hindi maganda sa kanyang isipan. Gaya ng paano kung may iba itong manliligaw at sinagot nito iyon. O kaya paano kung may nangyari nang masama rito. Pakiramdam ni Badong ay tila tatakasan na siya ng bait ano man oras. “Oh, bakit mahaba ang mukha mo? Magpapasko pa lang ngunit mukha ka ng biyernes santo na agad,” puna sa kanya ni Pedro. Malungkot na tinapon niya ang hawak na bato saka padabog na pumitas ng d**o sa gilid ng daan at tinapon ulit iyon. “Paano naman kasi si Dadang eh, hindi na sinagot ang liham ko? Ilang linggo na akong naghihintay, nag-aalala na ako,” reklamo niya. “Eh baka naman abala siya dahil sa pag-aaral.” “Eh bakit dati naman nagagawa niyang sumagot sa sulat ko?” “Kaibigan, huwag ka masyadong mag-alala, sasagot din ‘yon. Saka huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano.” Bumuntong-hininga siya. “Sige, mauna na ako. May pupuntahan lang ako,” paalam niya dito. Mula doon tapat ng kanilang bahay ay naglakad siya ng bagsak ang balikat papunta sa tabing ilog sa kanilang tagpuan. Naupo siya sa malaking bato kung saan madalas silang pumwesto ni Soledad noon. Pagkatapos ay muli siyang huminga ng malalim. “Ano na kayang nangyari doon?” tanong pa niya sa sarili habang hindi mawala sa kanyang isipan si Soledad. Walang pinagbago ang nararamdaman ni Badong gaya noong unang mga buwan na hindi sila nagkikita. Kahit ilang linggo pa lamang ang nakalipas mula nang lumuwas siya ng Maynila. Labis pa rin ang kanyang pangungulila sa nobya, lalo na ngayon at wala siyang balita mula dito. Hindi tuloy maiwasan na maapektuhan maging ang kanyang trabaho dahil sa pag-iisip kay Soledad. Hanggang may biglang tumakip sa kanyang mga mata. Kumabog ng malakas ang kanyang dibdib, bumilis ang t***k ng puso, kasunod ng paghawak niya sa malambot na mga kamay na nakatakip sa kanyang mga mata. Kahit hindi pa nagsasalita, napangiti si Badong nang makilala kung sino ang nasa likod sa pagdampi pa lamang ng kamay niya dito. “Mahal ko?” wika niya. Kasabay ng pag-alis ng mga kamay na iyon sa mga mata ay siyang pagdampi ng labi sa kanyang pisngi. Nang sa wakas ay lumingon si Badong, bumungad sa kanyang harapan ang babaeng kanina pa iniisip. “Mahal!” gulat na bulalas niya kay Soledad. Natawa ito sa kanyang reaksyon. Mabilis siyang bumaba mula sa malaking bato at niyakap ng mahigpit ang dalaga. “Akala ko hindi na kita makikita eh,” may pag-aalala pa rin na sabi niya. “Maaari ba naman ‘yon?” sagot nito. Bahagya niya itong nilayo para muling pagmasdan ang maganda nitong mukha. “Labis mo akong pinag-alala, mahal ko. Naghintay ako ng sagot mo sa aking liham ngunit wala akong natatanggap.” Humawak ito sa kanyang braso. “Patawarin mo ako, mahal. Naging masyado akong abala sa aking mga aralin sa Unibersidad. Ang dami namin kailangan aralin at tapusin. At itong huling linggo ay ang aming pagsusulit kaya nawalan ako ng oras para sumagot sa liham mo.” Nang marinig ang paliwanag nito ay tuluyan tinangay ng hangin ang kanyang pag-aalala at agam-agam. “Natakot ako. Ang buong akala ko’y nakalimutan mo na ako at pinagpalit na sa iba.” Natawa ito ng malakas. “Badong, ano ba ‘yang mga iniisip mo? Hindi mangyayari ‘yon. Kailan man ay hindi kita magagawang ipagpalit sa iba.” “Siyanga?” “Totoo.” Muling kinulong ni Badong sa kanyang mga bisig ang dalaga pagkatapos ay pinikit ang mga mata. “Masaya akong makita kang muli, mahal ko. Masaya ako na muli kitang kapiling dito sa ating tagpuan ngayon dapit-hapon,” wika ni Badong. “Ako rin. Pinilit ko talagang umuwi ngayon araw dahil gusto ko na sorpresahin ka. Alam ko na dito kita matatagpuan ng ganitong oras.” “Ibig sabihin ay bakasyon mo na sa mula sa Unibersidad?” tanong pa niya. “Oo. Hanggang unang linggo ng Enero ako narito.” “Salamat. Maraming salamat at matagal-tagal tayong magkakasama. Ngayon ay natitiyak ko na masaya ang darating na pasko,” sagot niya. “Wala na akong mahihiling pa ngayon pasko. Sapat na sa akin na narito ka sa buhay ko at kapiling ka. Ikaw ang pinakamagandang regalo natanggap ko mula sa Diyos,” sabi pa ni Soledad. “Gayundin ako, mahal ko. Konting panahon na lang mahal, konting tiis na lang. Kapag nakaipon na ako ng malaki at nakausap ko ang mga magulang mo, pasasaan ba’t maihaharap din kita sa altar.” “Hindi mo kailangan magmadali, handa naman akong mahintay.” Mayamaya ay may naalala siya. “Oo nga pala, may nais akong ibalita sa’yo,” sabi pa niya. Kumalas muna siya sa pagkakayakap mula dito pagkatapos ay naupo sila sa ilalim ng puno. “Umuwi si Ricardo dito noong nakaraan linggo at nakapag-usap kami. May binabalak kaming negosyo.” Napakunot-noo si Soledad. “Siya nga? Anong negosyo?” “Magbebenta kami ng sasakyan. Naalala mo iyong awto na dala ko noong dumalaw ako sa’yo. Naikuwento ko sa kanya ang tungkol doon at naging interesado siya, sapagkat malaki ang maaari namin kitain sa isang sasakyan. Bibili kami ng mga lumang sasakyan tapos ipapaayos namin na parang bago tapos ibebenta namin ng mas malaki ang presyo,” sagot niya. “Mukhang maganda ‘yan.” “Mula pa pagkabata ay mahilig na talaga ako sa mga sasakyan kaya nga nagtrabaho ako sa talyer eh. Nabanggit ko na ito sa’yo, ‘di ba? Kapag natupad ang pangarap ko balang araw at makapagpatayo malaking kompanya na nagbebenta ng mga sasakyan. Lahat ng naisin mo, ibibigay ko sa’yo.” “Maganda ‘yan, mahal ko. Ngunit ko naman kailangan ng kahit ano.” “Ngunit sa ngayon ay mag-uumpisa muna kami ni Ricardo sa maliit na kapital. Gagamitin ko ang ilan sa ipon ko para puhunan hanggang sa unti-unti iyong umangat. Maganda rin ang kinikita namin sa pagbebenta ng bigas at mga gulay sa palengke. Kaya sa pagpasok ng bagong taon, baka mapadalas ang luwas ko ng Maynila lalo na at masimulan namin ni Ricardo ang plano.” Nagliwanag ang mukha ni Soledad at agad ngumiti. “Talaga? Ibig sabihin mas madalas na tayong magkikita?” tanong nito. “Oo. Madali na kitang mapuntahan sa dormitoryo mo o kaya naman ay maaari tayong mamasyal.” “Masaya ako para sa’yo.” “Wala akong yaman gaya ng kung anong mayroon ang mga magulang mo. Hindi ako nakatuntong ng kolehiyo at wala akong maipagmamalaki. Isa lamang akong pobreng magsasaka na nangahas umibig sa isang gaya mo na tila langit ang katumbas. Ngunit ang tangi kong maipapangako sa’yo ay magsisipag pa ako sa trabaho, mahal ko. Para kapag dumating ang sandali na iharap at ipakilala mo na ako sa mga magulang mo bilang iyong kasintahan, gusto ko kahit paano ay maipagmamalaki mo na ang nobyo mo ay isang negosyante at hindi lang isang hamak na magsasaka at mekaniko. Gusto kong ipakita sa kanila na kahit mahirap lang ako ay kaya kitang buhayin at gawin reyna sa piling ko.” Biglang nagsalubong ang dalawang kilay nito pagkatapos ay hinawakan siya sa magkabilang pisngi. “Pakiusap, mahal ko. Huwag mong sasabihin ulit ‘yan. Huwag mong maliitin ang sarili mo sa harapan ko. Mula noon ay labis na akong humahanga sa kasipagan mo at kahit kailan ay hindi bumaba ang tingin ko sa’yo. Pinagmamalaki ko na isa kang magsasaka at mekaniko, na ang nobyo ko ay marunong magsumikap at responsable.” Tila lumobo ang damdamin ni Badong sa mga sinabi ni Soledad. “Salamat. Maraming salamat.” Pinagdikit nito ang kanilang noo. “Noong minahal kita kasama kong minahal maging ang pagkatao mo. Hindi mahalaga sa akin kung may yaman ka man o wala. Mas mahalaga sa akin ang nararamdaman mo. Dahil ang salapi ay maaari natin pagtulungan ipunin.” Ngumiti si Badong. “Hindi mo alam kung gaano ako kasaya sa mga sinabi mo.” “Kaya ipanatag mo ang kalooban mo.” Marahan siyang tumango at siniil ito ng halik sa labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD