“MAMA, papa, aalis ho muna ako. Manonood kami sa bayan ng magtatanghal ng dula,” paalam ni Soledad.
“Sino ang kasama mo?” tanong ng ina.
“Sila Nena at Perla saka sila Badong at mga kaibigan niya. Isasama ko rin ho si Ising kaysa patuloy na magmukmok at umatungal sa silid niya,” sagot pa niya.
“Mabuti nga at nang malibang iyang pinsan mo,” sang-ayon nito.
“Si Badong?” nagtatakang tanong ng ama.
Biglang kinabahan si Soledad. Iyon kasi ang unang pagkakataon na narinig ng mga ito mula sa kanya ang pangalan ng binata.
“Opo. Nakalimutan n’yo na ho ba? Hindi ba’t nakasama ko si Badong noong sinamahan ko si Ising na makipagkita sa kanyang nobyo. Hindi ba’t sinabi ko na noon na kaibigan ko siya?”
Tumango-tango ito nang tila maalala ang kanyang sinasabi.
“Siguro naman ho ay maaari na akong lumabas na may kasamang ibang binata o kaya ay tumanggap ng manliligaw. Matagal nang natapos ang kasunduan ninyo sa mga magulang ni Arnulfo,” lakas-loob niyang sabi.
Huminga ito ng malalim at bahagyang umasim ang mukha. Hinihintay niyang magalit ito at igiit ang kasal nila ni Arnulfo gaya ng inaasahan, ngunit hindi ito kumibo. Nang lumingon ito sa asawa ay bigla nitong inayos ang ekspresyon ng mukha matapos pandilatan ito kaya hindi napigilan ni Soledad ang mapangiti.
“Huwag ka masyadong magpagabi,” sa halip ay sagot ng ama.
Nabuhayan ng loob si Soledad. Biglang napawi ang kanyang nerbiyos dahil ang inaasahan niya ay magagalit ito. Wala sa kanyang balak ang ipaalam na kasama si Badong at mga kaibigan nito. Ngunit naisip ni Soledad na mas makakabuti na kahit paunti-unti ay marinig ng mga magulang ang pangalan ng nobyo mula sa kanya. Para lamang maging pamilyar ang mga ito nang sa ganoon kapag dumating ang araw
na ipaalam nila ang kanilang relasyon. Hindi na magugulat ang mga ito lalo na ang kanyang ama.
“Salamat papa!” masayang bulalas niya at hinalikan pa ito sa pisngi.
“Ising, halika na!” yaya niya sa pinsan.
Malungkot itong sumunod sa kanya, halatang napilitan. Kahapon sa kanyang pag-uwi ay nadatnan niya itong umiiyak. Binalita ni Ising na nakipaghiwalay ang nobyo nito kaya naman naisipan ni Soledad na isama ito para malibang.
“Sabi ko na sa’yo na ayokong sumama eh,” nagmamaktol na wika nito.
“Sumama ka na, kahit ngayon lang!”
Wala nang nagawa pa ito nang tuluyan niyang mahila palabas ng bahay. Sa tapat ng bahay ay naabutan nilang magpinsan si Badong at ang mga kasama nila. Agad siyang sinalubong nito ng magandang ngiti.
“Handa na kayo?” tanong pa nito.
“Oo, halika na,” sagot niya.
Habang papunta ng bayan ay silang dalawa ni Badong ang magkasabay sa paglalakad habang napapagitnaan ng mga kaibigan nila. Iyon lamang hindi nila magawang maglakad ng magkahawak ang kamay.
“Ano ba iyong panonoorin natin?” tanong pa ni Soledad.
“Isang dula tungkol sa Ibong Adarna. Ang Alkalde mismo ang nag-imbita sa akin,” sagot ni Badong.
“Maganda ba daw?” tanong naman ni Pedro.
“Nanood na ang mga kapatid ko kahapon at tiniyak nila na magugustuhan natin dahil magaling daw ang mga gumanap,” sagot naman ni Perla.
“Oo nga pala, alam mo ba nang magpaalam ako kanina? Nabanggit ko kila mama at papa na kasama kita bukod sa mga kaibigan natin.”
“Siya nga?” gulat na bulalas ni Badong sabay lingon sa kanya.
“Oo. Sinubukan ko lang, naisip ko kasi na ayoko silang biglain kapag dumating ang araw na ipakilala kita sa kanila bilang nobyo ko. Mas mainam na kahit paano marinig nila mula sa akin na paminsan minsan ay mabanggit ko na ang pangalan mo.”
Napangiti si Badong. Nakita ni Soledad ang saya sa mga mata nito dahil sa kanyang binalita.
“Ginawa mo talaga iyon para sa akin?” hindi makapaniwalang tanong nito.
“Bakit naman hindi? Gusto ko kasi kahit paano’y may gawin ako kahit na konti lang, mabawasan man lang ang pang-uusig ng aking konsensya dahil alam na ng mga magulang mo na ako’y nobya mo.”
“Salamat, mahal. Hindi mo alam kung gaano ako kasaya sa sinabi mo.”
Pagdating sa bayan ay unti-unti nang napupuno ng manonood sa plaza kung saan gaganapin ang pagtatanghal ng dula. Malapit sa mismong entablado sila naupo ng mga kaibigan. Ilang sandali pa ay nag-umpisa na ang dula.
Habang nanonood ay saka nagkaroon ng kalayaan si Badong na hawakan siya sa kamay. Panaka-naka silang napapatingin at napapangiti sa isa’t isa. Muli ay walang hanggan ang kagalakan na nararamdaman ni Soledad. Masaya siyang nakakasama na si Badong sa mga ganitong pagkakataon. Kahit paano ay nakakaramdam na siya ng kaunting kalayaan.
Dahil maganda ang dula, hindi nila namalayan ang paglipas ng sandali at mahigit na isang oras na pala ang nakakaraan at natapos na ang kanilang pinapanood. Nang matapos ay sabay-sabay silang tumayo at binigyan ang mga aktor at aktres na gumanap ng masigabong palakpakan dahil sa magaling nitong pagganap.
“Napakagandang dula,” puri ni Nena.
“Tunay ang iyong sinabi, kaya pala marami ang nawiling manood,” sabi naman ni Pedro.
“Nagugutom na ako, ang mabuti pa’y kumain na muna tayo,” sabad naman ni Abel.
“Nagustuhan mo ba?” tanong pa ni Badong sa kanya.
“Oo. Napakaganda,” nakangiting sagot niya.
Malapit na sila sa kakainan nila nang matigilan si Soledad matapos may biglang humawak sa kanyang kamay.
“Soledad.”
Agad siyang napasinghap nang makita si Arnulfo. Mabilis niyang binawi ang kamay at umatras.
“Anong ginagawa mo dito?”
“Nanood ako ng dula. Pauwi na ako nang mahagip ka ng aking paningin.”
Nang lumingon sa nobyo agad bumungad sa kanya ang hindi maipinta nitong mukha.
“Ano ba ang kailangan mo?” tanong ulit niya.
“Maaari ba tayong mag-usap sandali.”
Huminga siya ng malalim at muling lumingon kay Badong.
“Sandali lang ha?” paalam pa niya.
Bahagya silang lumayo ni Arnulfo.
“Sabihin mo na ang nais mo, hindi ako maaaring magtagal dahil naghihintay ang mga kaibigan ko.”
“Kumusta ka na?”
“Maayos naman ako, salamat.”
“Soledad, hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin kita makalimutan. Pinagsisisihan ko ng malaki ang pagkakamaling ginawa ko. Labis akong kinagalitan ng mama at papa dahil doon.”
“Mabuti naman at natuto ka sa pagkakamali mo,” sabi niya.
“Bigyan mo pa ako ng isa pang pagkakataon, Soledad. Bumalik ka sa akin.
Ituloy natin ang kasal at papatunayan ko na nagbago na ako.”
Huminga siya ng malalim. “Pasensiya ka na, Arnulfo. Ngunit uulitin ko ang sinabi ko sa’yo noon. Kahit kailan ay hindi ako maaaring magpakasal sa’yo sapagkat hindi ikaw ang mahal ko. Isa pa, sa tuwing nakikita o naalala kita, pinapaalala mo maging ang iyong pangalan ang gabing iyon na hanggang ngayon ay mistulang isang bangungot para sa akin.”
“Pakiusap, mahal ko. Bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon,” patuloy na pakiusap nito. Nagulat si Soledad nang bigla nitong hawakan ang kamay niya.
“Ano ba? Bitiwan mo nga ako,” sabi niya.
“Sumama ka sa akin, kausapin mo ang papa ko at tiyak na kapag nakausap mo siya ay magbabago ang isip mo!” pagpupumilit nito.
“Sinabi nang bitiwan mo ako eh! Hindi ako sasama sa’yo!” pagpupumiglas niya nang simulan siyang hilahin nito.
Hanggang sa bigla na lang may humawak sa kabilang kamay niya at hinila siya palayo kay Arnulfo kaya nabitiwan siya nito. Nang lumingon ay bumungad sa kanya si Badong na bakas ang galit sa mukha. Nang lumingon din si Arnulfo ay sinubukan siyang muli nitong hawakan ngunit mabilis siyang naitago ng nobyo sa likod nito.
“Sinabi ng binibini na ayaw niyang sumama sa’yo. Alin sa mga sinabi niya ang hindi mo naintindihan?” kalmado ngunit pormal at may bahid ng galit na tanong ni Badong.
“Sino ka ba? Bakit ka nakikialam?” pasinghal na tanong ni Arnulfo.
“Hindi na mahalaga kung sino ako, ang sa akin lamang ay huwag mong daanin sa dahas si Soledad.”
Mas matangkad ng kaunti si Arnulfo kay Badong at halos pareho ng pangangatawan ang dalawa. Ngunit kahit na mas maliit ay hindi man lang natinag ito.
“Gagawin ko ang gusto ko! Hindi mo ba ako nakikilala? Anong karapatan mong pumagitna sa amin?”
“Kung ganoon gagawin ko rin ang gusto ko at hindi ko hahayaan makalapit ka ulit kay Soledad. Wala akong pakialam kung sino o kung saan ka nanggaling. Pero hindi ako papayag na makalapit ka ulit sa kanya.”
“Badong, tama na,” awat ni Soledad habang puno ng pag-aalala.
Natatakot siya sa kaligtasan ni Badong. Natatakot din siya na baka malaman ni Arnulfo ang relasyon niya sa binata at makarating iyon ng wala sa oras sa kanyang ama.
“Badong?” ulit ni Arnulfo. “Ah, parang kilala na kita kaya pala pamilyar ang mukha mo. Ikaw ang kilalang pabling dito sa bayan natin, ‘di ba? Ano? Si Soledad naman ngayon ay nililigawan mo?!” sabi nito sabay tingin sa kanya.
“Ito ba ang pinalit mo sa akin?! Itong mekaniko na ‘to at magsasaka?! Sa ganitong klase ng lalaki mo lang ipagpapalit ang tulad ko?! Hindi mo ba alam na halos lahat ng babae dito ay dumaan sa kamay nitong—”
“Tama na!” galit na awat ni Soledad.
“Walang namamagitan sa amin!”
Nang magkatinginan sila ni Badong ay hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang sakit na gumuhit sa mga mata nito. Alam niyang nasaktan ito sa sinabi niya ngunit sa ngayon ay wala siyang mapagpipilian. Kailangan ni Soledad na itanggi ang kanilang relasyon para sa maiwasan ang mas malaking gulo. Dahil kilala niya si Arnulfo, kapag umamin siya ay tiyak na makakarating agad iyon sa kanyang ama.
“At wala kang karapatan na hamakin si Badong! Kung ikukumpara sa’yo, mas maganda lang ang bihis mo pero mas tao pa si Badong kaysa sa’yo! Hindi mo siya kilala kaya huwag kang magsalita na para bang marami kang nalalaman! Huwag kang magmalinis dahil alam natin dalawa na paulit-ulit mo akong niloko noon!” sumbat pa ni Soledad.
Hindi nakakibo si Arnulfo at umiwas ng tingin.
“Mas gugustuhin ko na sa isang gaya ni Badong mapunta kaysa sa isang tulad mo na lapastangan at walang respeto sa babae.”
“Tama na, Soledad. Halika na at nasasayang lamang ang oras natin,” awat sa kanya ni Badong.
“Uulitin ko. Huwag ka nang lalapit ulit kay Soledad,” sabi pa nito kay Arnulfo pagkatapos ay hinawakan siya sa kamay at tuluyan hinila palayo.