MALALIM na ang gabi. Kung hindi nagkakamali si Soledad ay pasado alas-diyes na ngunit hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya dalawin ng antok. Matapos ang insidente na nangyari kanina sa pagitan niya at ng dalawang binata sa plaza matapos nilang manood ng dula, nanatiling tahimik sa buong gabi si Badong. Malayo sa nakasanayan niya na malambing na nobyo.
Malakas ang kutob ni Soledad na ang dahilan ng pagsasawalang kibo ng binata ay dahil sa mga sinabi niya kanina. Dahil doon ay hindi maiwasan ng dalaga na mag-alala. Kung maaari lamang na tumakas siya ngayon gabi at puntahan si Badong para makausap ito at makapagpaliwanag.
“Ngunit paano ako lalabas dito? Baka magising sila mama? Hindi ko naman kayang tumalon dito sa bintana,” naguguluhan ang isip na pagkausap niya sa sarili.
“Kapag naman wala akong ginawa ay hindi ako makakatulog at matatahimik sa kakaisip.”
Napabuntong-hininga na lamang si Soledad sa sobrang desperado. Muli siyang nag-iba ng pwesto at tumalikod sa may bintana. Nang wala nang maisip na paraan, pumikit na lamang siya at pinilit ang sarili na makatulog. Lumipas ang ilang sandali, biglang napalingon si Soledad at napabalikwas ng bangon nang mula sa labas ng bintana ay marinig ang isang mahinang katok. Isang tao lamang ang kanyang unang naisip, dahil isang tao lamang ang may malakas ng loob na umakyat doon sa silid niya ng ganoon oras.
“Si Badong,” wika niya.
Nang muling marinig ang mahinang katok ay agad siyang bumaba ng kama at nagmamadaling binuksan iyon. Tama ang kanyang sapantaha, walang iba nga kung hindi si Badong habang nakasakay sa balikat ng mga kaibigan. Tinulungan niya itong makasampa doon at agad sinarado ang bintana.
“Mabuti na lang at pumarito ka,” mahina ang boses na sabi ni Soledad.
Nang sinalubong nito ang kanyang mga mata. Agad niyang nabanaag ang
lungkot doon.
“Hindi ako makatulog eh, nais kitang makita muli.”
Hinaplos niya ang isang pisngi nito.
“Alam kong nasaktan ka noong tinanggi ko ang relasyon natin kay Arnulfo, ngunit kailangan mong maunawaan na kaya ko lamang ginawa iyon ay sapagkat naunahan ako ng takot na kapag nalaman niya ay makarating sa papa ang tungkol sa relasyon natin ng wala sa oras.”
Huminga ito ng malalim at tumungo. Bahagya niya itong hinila palapit sa kama at naupo sila doon.
“Ayokong mabigla sila. Ayokong malaman nila ang tungkol sa atin sa ibang tao, lalo na kay Arnulfo. Kung malalaman man nila ang relasyon natin, hindi ba’t mas makakabuti kung sa atin mismo iyon manggaling? Iyong matagal na natin pinag-uusapan na pormal tayong haharap sa mama at papa ng sabay?” patuloy na pagpapaliwanag niya.
Hindi pa rin nagsalita si Badong ngunit marahan itong tumango.
“Mahal ko, pakiusap, magsalita ka naman sapagkat para akong pinapatay ng pananahimik mo,” sabi pa ni Soledad.
“Ipagpaumanhin mo, mahal ko. Alam ko naman na tama lamang ang mga sinabi mo. Ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili na masaktan noong marinig ko na tinanggi mong nobyo mo ako. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na magselos dahil may ibang binata ang nagmamahal sa’yo. Marahil nagiging makasarili ako, ngunit anong gagawin ko? Ang tanging nais ko ay ako lamang ang magmahal sa’yo at wala nang iba pa, na ang puso mo ay para sa akin lamang.”
Sa pagkakataon na iyon ay si Soledad naman ang napabuntong-hininga pagkatapos ay tumayo siya sa harap nito at niyakap ng mahigpit.
“Patawad, mahal ko. Patawarin mo ako kung nasaktan kita. Hindi ko sinasadya. At huwag mong alalahanin ang tungkol kay Arnulfo. Mula pa noon ay hindi ko na siya minahal. Ikaw lang ang tanging lalaking minahal ko at nakalaan na ang puso ko sa’yo.”
Yumakap ito sa kanyang beywang. “Pasensiya ka na kung nabigyan kita ng alalahanin.”
“Walang ano man. Ang mahalaga ay nakapagpaliwanag na ako.”
Mayamaya ay tumingala ito sa kanya.
“Ayokong makita na may ibang binatang humahawak sa kamay mo o kahit saan parte ng katawan mo, kahit na ang dulo na iyong buhok. Dahil sa akin ka na,” sabi pa nito.
Napangiti si Soledad at hinaplos ito sa mukha. “Tama na ang pag-iisip mo dahil pinapangako ko na hindi ko na hahayaan na may ibang kamay ang dumampi maging sa dulo ng aking buhok.”
Mayamaya ay marahan natawa si Soledad nang may maalala.
“Bakit ka tumatawa?” nagtatakang tanong nito.
“Nakakatuwa na nasaksihan kung paano ka magdamdam dahil lalo kang nagiging makisig sa aking paningin.”
Hindi napigilan ni Badong ang sarili at natawa na rin ng tuluyan.
“Maaari bang ihinto mo na ang panunudyo mo sa akin,” sagot niya.
“Hindi kita tinutudyo,” natatawang depensa niya sa sarili.
“Ah ganoon pala,” sabi pa nito.
Impit na napatili si Soledad nang biglang siyang pangkuin nito at ihiga sa kama. Mabilis niyang natakpan ang bibig.
“Bakit mo ginawa iyon?” pabulong na tanong niya.
Hindi ito sumagot at panay pa rin ang tawa.
“Nakakandado ba ang pinto mo?” sa halip ay tanong din nito.
“Oo, bakit?”
Sa halip na sumagot, hindi na nakapalag pa si Soledad nang walang babala
nitong sakupin ang kanyang labi. Ilang sandali pa ay tumugon na rin siya sa halik nito. Yumapos siya sa leeg nito at binigyan ng permiso ang nobyo na mas palalimin pa ang halik na kanilang pinagsasaluhan.
Malakas ang kabog ng kanyang dibdib nang tuluyan sumampa sa ibabaw ng kama si Badong, pagkatapos ay dumagan sa kanyang ibabaw. Sa paglipas ng bawat sandali, sa bawat paggalaw ng kanilang mga labi ay napansin ni Soledad na naging mas mapusok at mainit ang halik nito. May kalakip na iyong pananabik at para siyang nababatubalani.
Hanggang sa tuluyan na nitong abandunahin ang kanyang labi at bumaba ang halik nito sa leeg. Napasinghap si Soledad nang maramdaman ang mainit na dampi ng labi nito. Pakiramdam niya ay tuluyan na siyang nadadala ng mainit na tagpong pinagsasaluhan nila. Mayamaya ay lakas loob niyang marahan tinulak si Badong.
“Sandali… sandali lamang, Badong…” awat niya dito.
Doon ito tila natauhan. Habol ang bawat paghinga at napakurap ito habang nakatingin sa kanya.
“Maghunusdili tayo,” sabi pa niya.
Mabilis itong bumangon at bumaba ng kama. Pagkatapos ay iniwas ang tingin mula sa kanya.
“Ipagpaumanhin mo, masyado akong nadala, muntik na akong makalimot,” natatarantang sabi nito.
“Walang ano man ‘yon, maging ako ay muntik nang mawala sa aking sarili.”
Mahina itong tumikhim pagkatapos ay mailap pa rin ang mga mata na humarap sa kanya.
“Ang mabuti pa’y umalis na ako,” sabi nito saka sumampa sa bintana.
“Sige,” bilin pa niya.
Bago ito bumaba ay pinigilan ito ni Soledad at nilapit niya ang mukha at siniil ito ng halik sa labi. Pagkatapos ay sinalubong ng ngiti ang binata.
“Gusto ko lang malaman mo na nagustuhan ko ang halik na pinagsaluhan natin kanina. Huwag kang mag-alala, sa tamang panahon,” wika niya.
Sa wakas ay ngumiti muli sa kanya si Badong nang makuha ang ibig niyang ipahiwatig.
“Makakapaghintay ako. Sige na, mauuna na ako,” sabi pa nito.
“Oo. Mag-iingat ka ha?”
“Bukas sa ating tagpuan, sa dapit hapon. Maghihintay ako.”
“Darating ako, mahal ko.”
Matapos iyon ay tumalon na ito pababa saka mabilis na tumalon sa bakod. Bago tuluyan makalayo ay kumaway pa ito sa kanya. Nang maisarado ang bintana ay hindi mapatid ang ngiti nang muli siyang bumalik sa kama at nahiga. Matapos makapag-usap at malinawan ang lahat ay tila may tinik na nabunot sa kanyang dibdib. Gumaan ang pakiramdam at mabilis na nawala ang pag-aalala ni Soledad.
“Habang tumatagal ay lalo akong napapamahal sa’yo, Badong,” sabi pa niya habang inaalala ang makisig nitong mukha sa kanyang isipan.
“MAAGA pa ah, saan tayo pupunta?” nagtatakang tanong ni Soledad matapos magyaya ni Badong. Pasado alas-singko y medya pa lamang ng hapon. Kadalasan ay pasado alas-sais y medya at madilim na sa tuwing umuuwi mula doon sa kanilang tagpuan. Ngunit ngayon ay maliwanag pa at nagyaya na agad ito.
“Basta,” sagot nito.
Mula doon sa tabing ilog ay naglakad ulit sila sa kakahuyan. Ngunit sa halip na bagtasin ang daan pauwi sa kanila ay sa iba sila dumaan. Ilang sandali pa ay lumabas sila sa bukid malapit sa likod ng bahay nila Badong.
“Anong ginagawa natin dito?”
Sa halip na sumagot ay ngumiti lamang ito pagkatapos ay mahigpit na hinawakan ang kanyang kamay.
“Hindi ba’t nangako ako na sa pagbalik mo ay ipapakilala kita sa inay at itay?”
Napamulagat si Soledad sa sinabi nito.
“Maryosep, Bartolome! Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin? Hindi man lang ako nakapaghanda? Wala man lang akong dala para sa kanila?”
Natawa ito at huminto sa paglalakad pagkatapos ay humarap ito sa kanya.
“Ano bang paghahanda ang ibig mong sabihin? Maganda at presentable na ang iyong bihis at hindi mo kailangan magdala ng regalo.”
Huminga ng malalim si Soledad at pinuno ng lakas ng loob ang kanyang dibdib.
“Sa tingin mo ba’y magugustuhan nila ako?” tanong pa niya.
Bahagya nitong hinawi ang kanyang buhok. “Wala silang dahilan para hindi ka magustuhan.”
Muli siyang humugot ng malalim na hininga.
“Handa ka na?” tanong pa nito.
“Hindi ko alam pero bahala na.”
Napangiti lang ito pagkatapos ay pinagpatuloy nila ang paglalakad. Mula sa likod ay pumasok sila sa bakuran ng mga Mondejar. Panandalian nitong binitiwan ang kanyang kamay para pagbuksan siya ng pinto. Nang makarating sa loob ng bahay ay nadatnan nila ang nanay ni Badong na abala sa gawain bahay. Samantala ang ama nito’y nakaupo sa mesa sa kusina. Ang mga kapatid naman nito ay nasa harap ng bahay at naglalaro.
“Oh, Badong. Bakit diyan kayo dumaan?” gulat na tanong ng ina nito.
“Galing po kami sa ilog, inay,” sagot ni Badong.
“Magandang hapon ho, Aling Selya, Mang Gregorio,” magalang na bati ni Soledad.
Sinalubong siya ng magandang ngiti ng ina ng nobyo. Nang magmano si Badong sa mga magulang ay nagmano rin siya.
“Oh, magandang hapon naman at kaawan ka ng Diyos,” sagot nito.
“Aba’t may magandang binibini pala tayong panauhin,” natutuwang sabi naman ng ama nito.
Huminto sa ginagawa si Aling Selya at tumayo sa gilid ng asawa nito. Tumikhim pa si Badong pagkatapos ay sumulyap sa kanya. Sa harap ng mga magulang nito ay hinawakan ng binata ang kamay niya.
“Inay, itay, nais ko ho ipakilala sa inyo si Soledad, ang aking kasintahan.”
Sa halip na magulat ay nakangiting nagkatinginan lang ang mga magulang ni Badong na tila inaasahan na nito ang sandaling iyon. Nahihiyang ngumiti si Soledad sa mga ito.
“Maupo kayo,” sabi pa ni Aling Selya.
Sinunod nila ang sinabi nito at magkatabing naupo sa kabila parte ng mesa.
“Masaya ako na sa wakas ay pinakilala ka na rin sa amin ng aking binata.”
“Ipagpaumanhin po ninyo kung ngayon lamang ako nakapunta.”
“Naiintindihan namin, sinabi na ni Badong na sa Maynila ka nag-aaral.”
“Pero matatapos na ho ako sa Marso sa susunod na taon.”
“Mabuti kung ganoon.”
Napalingon sila sa ama ni Badong nang magsalita ito.
“Matanong ko lang, kailan pa nagsimula itong pagkakaintindihan n’yo?”
“Bago ho bumalik ng Maynila si Soledad galing sa bakasayon niya rito ay sinagot na niya ko.”
“Naipakilala ka na sa amin ni Badong. Ang tanong ko lang ay alam na ba ni Don Leon ang tungkol sa inyong relasyon?”
Napipilan si Soledad. Bigla ay hindi niya alam ang isasagot. Nahihiya siyang aminin ang katotohanan ngunit kailangan nilang maging tapat. Tumikhim siya at tumungo.
“Magiging tapat ho ako sa inyo. Ang totoo po niyan ay hindi pa alam ng aking mga magulang ang tungkol sa amin ni Badong. Kung nakikilala n’yo ho ang aking papa, marahil ay may konti na kayong sapantaha kung bakit hanggang sa mga sandaling ito ay hindi pa rin namin sinasabi ang tungkol sa amin relasyon.”
“Ngunit nabalitaan namin noon na may iba kang kasintahan at ikakasal kayo?”
“Totoo ho iyon. Ngunit umatras ho ako sa kasal dahil bunga lamang po ng kasunduan ang naging relasyon namin. Saka muntik na ho akong gasahain no’n at si Badong ho mismo ang nagligtas sa amin. Doon po kaming nagsimulang magkalapit sa isa’t isa,” matapat na sagot ni Soledad.
“Diyos ko, maawain, kilala ako dati mong kasintahan. Ang akala ko pa naman ay disente ang batang iyon,” komento ni Aling Selya.
“Inay, huwag n’yo ho kakalimutan tahiin ang bibig ninyo kapag kayo ay lumabas ng bahay. Baka ho kasi maikuwento n’yo sa mga kumare ninyong chismosa. Ayokong maging tampulan ng usapan si Soledad,” sabi pa ni Badong.
“Heh, sinasabi mo bang chismosa ako?”
“Ho? Hindi ho, sa inyo ho nanggaling ‘yan,” pang-aasar ni Badong sa ina.
Natatawa ay napailing na lang si Soledad dahil sa nasaksihan masayang relasyon ng mag-ina.
“Sandali at mabalik tayo sa usapan, kailan n’yo naman balak sabihin sa magulang ni Soledad?”
“Itay, ako na ho mismo ang nagsabi kay Soledad na haharap kami sa kanyang mga magulang kapag natapos siya sa pag-aaral. Ilang buwan na lang naman ang aming paghihintayin. Nais ko ho kasi na ituon niya ang pansin sa kanyang pag-aaral. Inaalala ko kasi ay baka makaapekto sa kanya kung sakaling hindi man ako matanggap ni Don Leon,” paliwanag ni Badong.
Marahan tumango si Mang Gregorio.
“Naghihintay lang po kami ng tamang pagkakataon para humarap kaming dalawa sa mama at papa.”
“Alam mo iha, hindi kami mayaman. Wala kaming maipagmamalaki dito aming anak kung hindi ang kanyang kabutihan ng loob, kasipagan at pagiging matulungin. Kung sakaling sa kasal ang kahahatungan ng pag-iibigan ninyo, nakahanda ka ba sa simpleng buhay?” sabi pa ni Aling Selya.
Ngumiti si Soledad. “Ipanatag po ninyo ang inyong kalooban dahil tanggap ko ang kung anong mayroon si Badong. Nakahanda po ako sa buhay na kaya niyang ipagkaloob sa akin. Magtutulungan po kaming dalawa.”
“Mabuti naman kung ganoon. Kami naman ng kanyang ama ay hindi nakikialam sa personal na buhay at desisyon ni Badong. Maluwag sa aming puso na tanggapin ka bilang kasintahan niya.”
Biglang gumaan ang kalooban ni Soledad sa narinig na sinabi ng nanay ni Badong. Nabawasan kahit paano ang kanyang mga alalahanin.
“Mabuti nga at nahinto sa pagiging pilyo at pabling sa babae itong si Badong mula nang makilala ka,” sabi pa ni Aling Selya.
“Inay naman oh, kailangan n’yo pa ho bang banggitin ‘yan?” reklamo ni Badong saka nahihiyang nagkamot sa batok.
Natawa silang tatlo. “Aba’y bakit? Totoo naman ang sinabi ko. Mula nang makilala mo itong si Soledad ay madalas kang tulala. Minsan nama’y ay nahuhuli kong nakangiting mag-isa. Ang akala ko nga’y nababaliw ka na.”
“Inay naman, pinapahiya n’yo ho ako kay Dadang eh.”
“O siya, wala na akong sinabi.”
“Ikaw naman Bartolome, kapag dumating na ang sandali na humarap ka kay Don Leon. Kahit ano pa man ang maging reaksyon niya o sabihin. Huwag na huwag mong ipagkakait ang respeto at paggalang mo sa kanya. Sa pamamagitan niyon ay maaari mong ipakita na malinis ang intensiyon mo sa anak nila. At huwag kang magdaramdam. Gaya niya ay magulang din kami. Walang magulang ang naghangad ng masama sa kanyang anak. Talaga lamang na iba-iba ang pagpapalaki at pananaw ng bawat magulang para sa kanilang mga anak. Kung tanggapin ka niya, mas mainam. Kung hindi, patunayan mo na karapat-dapat ka sa pag-ibig ng kanyang
anak,” payo ni Mang Gregorio.
“Hindi ko ho kakalimutan ang payo n’yo,” sagot ni Badong.
“Maraming salamat po sa pagtanggap ninyo sa akin. Isa itong napakalaking bagay para po sa amin ni Badong,” sabi ni Soledad.
“Basta magmahalan kayong dalawa ng tapat. Kung ano man ang maging problema, pag-usapan at ayusin ninyo ng mapayapa. Badong, huwag na huwag mong sasaktan itong si Soledad at malilintikan ka talaga sa akin,” bilin pa ni Aling Selya.
“Opo, inay.”
“Tatandaan ko po ‘yan,” sagot naman ni Soledad.