Kabanata 15

1461 Words
“OH, BAKIT mukhang biyernes santo na agad ang mukha mo?” tanong ni Pedro. Marahas na bumuntong-hininga si Badong. Padabog niyang pinitas ang damo sa gilid ng daan habang nagpapalipas ng oras nang gabi na iyon doon sa tapat ng bahay nila Abel. “Oo nga, kanina pa namin napapansin na wala ka yatang gana,” sabi pa ni Marcing. “Saka ang akala ko ba magkikita kayo ni Soledad?” tanong naman ni Abel. “Iyon nga eh,” sagot niya saka bumuntong-hininga ulit. “Hindi siya sumipot kanina.” “Bakit? Dahil ba sa nangyari kanina?” Marahan siyang tumango. “Nagalit sa akin si Soledad dahil sa mga kasinungalingan na sinabi ni Aurora. Hayun, nagalit, nagtampo. O kaya, iniisip ko baka nakarating sa papa niya ang nangyari at nalaman na nanliligaw ako sa kanya kaya kinulong sa bahay.” Napailing si Abel. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko eh, minumulto ka na ng mga kalokohan mo,” sabi nito. Napalingon siya sa kaibigan. “Ito naman oh, nakita mo nang namomroblema ‘yong tao eh.” “Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Alam mo kaibigan, lahat ng ginagawa natin sa mundo, may kapalit. Kapag mabuti ang ginawa mo, may darating na biyaya sa’yo. Kapag naman masama, hindi maganda ang mangyayari.” “Tama,” sang-ayon ni Marcing. “Nangyari lang na ito na ‘yong kapalit ng mga kalokohan mo sa babae bago mo pa makilala si Soledad.” “Ano na ngayon ang gagawin ko? Paano ko mapapatunayan sa kanya na mahal ko siya? Na siya lang ang babae sa buhay ko?” “Siya na nga lang ba talaga?” tanong pa ni Pedro. “Oo naman. Nakita n’yo ba na may kasama akong iba’t ibang babae mula noong magkakilala kami?” Nagkibit-balikat si Marcing. “Sabagay, napapansin ko na rin ‘yan. Wala kang ginawa kung hindi magtrabaho, pagkatapos ay makipagkita sa kanya.” Hindi mapakali na tumayo siya at nagpabalik balik sa paglalakad. Hindi mawala ang kanyang pag-alala. Sa isang araw na ang balik nito papunta sa Maynila. Gusto niyang magkaayos sila bago man lang ito umalis. “Ano na ang gagawin ko? Tulungan n’yo naman ako.” “Kausapin mo. Magpaliwanag ka. Patunayan mo sa kanya na siya na ang nag-iisang babae sa buhay mo,” payo ni Abel. “Maliban na lang kung may iba kang paraan,” dagdag pa ni Marcing. Napaisip ng malalim si Badong sabay lingon sa bahay nila Soledad. “Alam ko na, halika! Tulungan n’yo ko!” bigla ay nagmamadaling sabi niya. “Hoy sandali lang, huwag mo sabihin papasok na naman tayo?!” habol na tanong ni Pedro. Lumingon siya habang tumatakbo papunta sa likod bahay nila Soledad. Bago tumalon sa bakod ay lumingon muna sila sa paligid. “Tignan n’yong maigi kung may tao sa paligid,” bulong niya sa mga kaibigan. “Wala na,” sagot ni Abel. Humarap siya sa mga kaibigan. “Pedro, ikaw ang magbantay sa paligid kung may tao. Abel, ikaw ang nasa ilalim at bubuhat sa amin ni Marcing,” sabi pa niya. “Sige, ako ang bahala.” Huminga ng malalim si Badong saka tumingin sa loob ng bakuran ng bahay ng mga Mariano. Madilim na sa loob ng bahay ng mga ito gayundin sa bakuran. Nang tumingin sa bintana ng silid ni Soledad ay sarado na iyon. Tatalon na sana sa bakuran si Badong nang biglang pigilan ni Abel. “Bilisan mo lang ha? Baka may makakita sa atin akalain masamang loob tayo,” sabi pa nito. “Oo,” sagot niya pagkatapos saka tumalon sa bakod. BAHAGYA nang natutulog si Soledad nang may marinig na tunog na nanggagaling mula sa kanyang bintana. Nang dumilat at lumingon, napakunot noo siya nang marinig na parang may bumabato sa kanyang bintana. Biglang napabalikwas ng bangon si Soledad nang maalala si Badong. Napababa siya ng mabilis sa kama sabay bukas ng bintana. Nang dumungaw ay nakumpirma niya ang hinala nang makita si Badong at ang tatlong mga kaibigan nito. “Anong ginagawa mo?” Sa halip na sumagot ay binuhat ito ng dalawang kaibigan at inangat hanggang sa maabot ang bintana niya. Sa ikalawang pagkakataon ay pilit nitong umakyat kaya napilitan siyang tulungan ito. Nang tuluyan makapasok ay agad siyang hinarap nito. Nagmamadaling kinandado ni Soledad ang pinto ng silid. “Ano’t narito ka na naman?” tanong niya. “Bakit hindi ka dumating? Alam mo na naghihintay ako.” Bigla siyang umiwas ng tingin. “Matapos ang nangyari kanina, inaasahan mo na darating ako? Nagmukha akong mang-aagaw kanina sa harapan ng maraming tao.” “Alam mo naman na hindi iyon ang katotohanan. Alam mong ikaw lang ang mahal ko.” “Siya nga ba? Sa apat na babaeng dumating kanina at nang-away sa akin, dalawa sa kanila ang nagpahayag ng tunay na damdamin nila sa’yo. Bigla akong natakot, Badong. Ilan pang babae ang lalapit sa akin at aawayin ako gaya nila?” Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat. “Ang mga babaeng iyon, parte na lang sila ng nakaraan ko. Oo, totoo na naging maloko ako noon. Inaamin ko na marami akong nasaktan at marami rin akong pinaasa. Ngunit nang makilala kita ay nagbago ang lahat. Wala na akong ibang babaeng makita kung hindi ikaw lang. Handa akong ipakita sa kanila na ikaw na ang kasalukuyan ko at ikaw rin ang bukas at habang buhay ko.” Kumabog ang dibdib ni Soledad. Ramdam niya ang sinseridad at bugso ng damdamin nito. Naaninag niya sa mga mata nito ang matinding emosyon na tila kayrami gustong sabihin niyon. Nang hindi pa rin siya kumibo ay humakbang pa ito para mas lumapit sa kanya. “Anong kailangan kong gawin para ika’y maniwala sa akin? Handa kitang ipagtanggol kahit kanino. Handa kong gawin ang lahat para lamang patunayan sa’yo na ikaw ang mahal ko at walang dahilan upang ikaw ay magselos ng ganito.” “Hindi ako nagseselos,” tanggi niya. Lumukso ang kanyang puso nang gumuhit ang magandang ngiti nito sa labi. “Siya nga? Kaya pala ganyan ang naging reaksiyon mo.” “Sinabi nang hindi ako nagseselos eh,” masungit na giit niya. “Matagal nang tapos ang naging relasyon namin ni Aurora at hindi seryoso ang ano man namagitan sa amin. Iyong kay Rosalinda—” “Rosario,” pagtatama niya. “Ah… tama, Rosario. Hindi mo dapat seryosohin ‘yon.” Marahas siyang bumuntong-hininga. “Kita mo na? Sa dami ng babaeng dumaan sa buhay mo pati pangalan ay hindi mo matandaan.” “Ngunit ang pangalan mo ay hindi ko nakalimutan kahit kailan. Narinig mo na bang tinawag kita sa ibang pangalan?” Hindi nakakibo si Soledad. “Kung gusto mo bukas na bukas din ay pakakasalan kita, kung iyon lang ang magpapatunay ng labis kong pagmamahal sa’yo.” “Kasal? Hindi pa nga kita sinasagot eh.” “Pero ikaw ay nagseselos agad,” tudyo pa nito sa kanya. Tumikhim si Soledad at umiwas ng tingin upang maitago ang katotohanan. “Hay naku, ikaw talaga. Mabuti pa ay umalis ka na at huwag kang mamimihasa na umaakyat dito tuwing gabi. Baka may makakita sa’yo at mapagbintangan ka na masamang loob.” “Pangako. Ito na ang huli. Ngunit hindi ako aalis hangga’t hindi tayo nagkakaayos.” Huminga siya ng malalim. Tuluyan lumambot ang puso ni Soledad para kay Badong. “Oo sige na, hindi na ako nagtatampo.” “Siya nga?” masayang paniniguro nito. “Oo nga.” Nagulat si Soledad nang bigla siyang yakapin nito ng mahigpit. “Salamat. Salamat, mahal ko. Ang buong akala ko ay hindi na tayo magkakaayos pa. Kung nalalaman mo lamang kung gaano ako kasaya ngayon.” “Sige na, umalis ka na at baka magising pa sila mama.” Kinuha nito ang kamay niya at hinagkan ang likod niyon. “Magandang gabi, mahal ko. Nawa’y dalhin mo hanggang sa panaginip ang pag-ibig ko sa’yo.” Doon na siya tuluyan napangiti. Nang maupo ito sa hamba ng bintana muli itong lumingon sa kanya. “Bukas ng dapit-hapon, sa dati nating tagpuan. Maghihintay ako,” sabi pa nito. “Darating ako,” sagot ni Soledad. Pagkatapos niyon ay tuluyan na itong tumalon at mabilis na tumakbo paalis. Napabuntong-hininga na lang siya. Nang isaradong muli ang bintana ay saka siya bumalik sa kama at nahiga. Wala sa loob na napangiti si Soledad. Oo. Inaamin ng dalaga na siya ay labis na nagselos. Sa sobrang tampo ay hindi siya sumipot sa tagpuan nila. Tiniis niya ito. Ngunit hindi akalain ni Soledad na muli itong mangangahas na umakyat doon sa kanyang silid sa kalaliman ng gabi para lang magpaliwanag at magkaayos sila. Kung hindi tunay na pag-ibig ang tawag doon. Hindi na alam ni Soledad kung ano pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD