GULAT na napalingon si Soledad nang biglang bumukas ang pinto ng
kanyang silid. Nakahinga lamang siya ng maluwag nang pumasok ang
nakatatandang kapatid na babae.
“Ate, ikaw lang pala, ginulat mo ako,” wika niya.
Marahan natawa si Luciana. “Saan ba ang tungo mo at ikaw ay pusturang-
pustura?” tanong nito nang maabutan siyang nag-aayos.
Ngumiti siya. “Magkikita kami.”
Bumuntong-hininga ito at umiling. “Namimihasa ka ng pagtakas para lang
makita mo siya.”
“Huli na ito, ate. Bukas ay babalik na ako sa Maynila. Matagal ko siyang hindi
makikita, magpapaalam lang ako.”
“Paano ka aalis? Anong idadahilan mo lalo na’t nariyan ang papa?”
Agad siyang lumapit sa kapatid. “Matutulungan mo ba ako.”
“Sinasabi ko na nga ba,” sagot nito.
Tumawa lang siya at naghintay ng sagot nito.
“O sige, akong bahala.”
“Salamat, Ate Luciana!” masayang bulalas ni Soledad at yumakap ng
mahigpit sa kapatid.
“Tapusin mo na ‘yan at lalabas na ako.”
“Sige.”
Nagmadali siya sa pag-aayos. Bago lumabas ay kinuha ang polseras na
kanyang binili kahapon pagkatapos ay sinilid iyon sa bulsa. Ilang sandali pa
matapos masiguro na maganda at presentable na ay saka lumabas ng silid si
Soledad.
“Saan ang punta mo?” tanong agad ng kanilang ama nang makita siya.
“Sa bahay, papa. Nakiusap ako sa kanya na tulungan ako sa mga damit ko.
May mga nais kasi akong ipamigay, kaya lamang ay hindi ako masyadong
makapili,” pagdadahilan ni Luciana.
“Huwag kang masyadong magpapagabi at maaga ka pang luluwas ng Maynila
bukas,” mahigpit na bilin nito.
“Opo, papa,” sagot niya.
Nakangiting lumingon sa kanya ang kapatid.
“Nakahanda ka na?” tanong nito.
“Oo, ate.”
Nang makalabas ng bahay ay saka pa lang bahagyang kumalma si Soledad.
“Oh, narinig mo huwag kang masyadong magpagabi. Dapat ay alas-siyete
nasa bahay ka na.”
“Sige ate.”
“Mag-iingat ka.”
Marahan siyang tumango. Nang bahagyang makalayo mula sa kanilang
bahay ay pinatong ni Soledad ang balabal sa kanyang ulo upang maitago ang
mukha. Pagkatapos ay naghiwalay na silang magkapatid. Ito patungo sa bahay at
siya papunta sa tagpuan nila ni Badong.
ANG bawat hakbang ni Soledad ay puno ng pananabik. Hindi niya nasilayan
ang binata kaninang umaga kaya tiyak na naroon na ito at naghihintay. Makalipas
ang ilang minuto na paglalakad, sa wakas ay narating na niya ang kanilang
tagpuan. Gaya ng kanyang inaasahan nadatnan ni Soledad na nakasandal sa
malaking puno at naghihintay.
“Badong!” tawag niya.
Nang lumingon ay agad siyang sinalubong ng magandang ngiti ng binata.
Tumakbo ito palapit sa kanya. Nagulat pa si Soledad at hindi agad nakaimik nang
yakapin siya ng mahigpit nito.
“Sa wakas, narito ka na. Hindi mawala ang aking takot sa pag-alalang baka
hindi ka ulit dumating.”
Nang makabawi ay ngumiti siya at gumanti ng yakap.
“Nangako ako kagabi, hindi ba?”
Nang lumayo ito mula sa kanya ay muli siyang sinalubong ng ngiti.
“Halika, dito tayo,” sagot nito.
Hinawakan siya sa kamay nito at hinila papunta doon sa puno pagkatapos ay
magkaharap silang naupo sa damuhan doon sa ilalim.
“Kumusta ang tulog mo kagabi?”
“Mabuti naman. Ikaw?”
“Mabuti rin. Mahimbing ang aking tulog, salamat sa’yo.”
“Ah siya nga pala, may ibibigay ako sa’yo,” sabi pa ni Soledad.
Sinundan nito ng tingin ang kanyang kamay nang kunin mula sa bulsa ang
dapat sana’y kahapon pa binigay. Sinuot niya sa braso nito ang polseras.
“Para sa’yo. Binili ko ‘yan kahapon.”
“Ang ganda, ngunit para saan ‘to?”
“Bago ako bumalik ng Maynila bukas. Gusto ko lang na may iwan na isang
bagay sa’yo nang sa ganoon ay palagi mo akong maalala.”
“Bagay ba sa akin?” tanong nito.
“Oo, bagay sa’yo.”
Hindi mawala ang ngiti sa labi habang nakatingin sa suot na polseras.
Pagkatapos ay muling tumingin sa kanya. Nahigit ni Soledad ang hininga nang muli
siyang yakapin nito ng mahigpit.
“Maraming salamat, mahal ko. Iingatan ko ito at hindi ko huhubarin.”
“Walang anuman.”
Nang lumayo si Badong ay nagsalubong ang kanilang mga tingin. Kay lapit
ng kanilang mukha sa isa’t isa na ano man sandali ay tila ba hahalikan na siya nito.
Kumabog ng malakas ang kanyang dibdib nang bumaba ang tingin nito labi niya.
“Matapos ng nangyari kahapon at hindi ka dumating dito. Napagtanto ko ang
halaga mo sa buhay ko, Soledad. Isang araw lamang ang lumipas ngunit tila
tatakasan ako ng bait sa labis na kalungkutan. Paano pa kaya kapag umalis ka na
bukas?” mahina ang boses na sabi nito habang hindi pa rin lumalayo sa kanya.
“Hindi ba’t napag-usapan na natin ito? Regular akong magpapadala ng liham
sa’yo.”
“Alam ko, ngunit iba pa rin kung ikaw ay kapiling ko.”
“Isang taon lang tayong magkakalayo at sa isang taon na iyon ay uuwi pa rin
naman ako dito lalo na kapag may okasyon o kaya ay bakasyon. Kapag natapos ko
na ang aking kurso, permanente na akong babalik na ako dito sa San Fabian at
hindi na lalayo pa sa’yo.”
Muli siyang kinabig ni Badong palapit at niyakap ng mahigpit. Pagkatapos ay
huminga ito ng malalim at binaon ang mukha sa kanyang leeg.
“Ano ba itong ginawa mo sa akin? Anong mahika ang ginawa mo’t nahulog
ang aking puso sa’yo? Wala akong minahal ng ganito kasidhi kung hindi ikaw. Sa
loob lamang ng maikling panahon ay nabihag mo na ako.”
“Badong…”
“Mahal na mahal kita, Soledad. Ikaw lang ang aking pinakamamahal.”
Pumikit siya at gumanti ng yakap. Kay lakas ng sigaw ng kanyang
damdamin. Paulit-ulit nitong sinisigaw ang pangalan ng binata. Sa bawat pintig ng
kanyang puso ay inaalay niya sa lalaking nagmahal ng ganoon sa isang dalagang
tulad niya. Nang muli itong lumayo ay sinalubong niya ito ng ngiti.
“Mahal din kita, Badong. Mahal na mahal,” sa wakas ay sagot niya.
Bigla siyang nilayo nito at gulat na sinalubong ang kanyang tingin.
“Ano ulit ang sabi mo?”
“Ang sabi ko, mahal din kita.”
“Ibig bang sabihin nito ay sinasagot mo na ako?” hindi makapaniwalang
tanong nito.
Naaninag niya ang labis na saya sa mga mata nitong nangingilid ang luha.
Natatawang tumango siya. Impit na napatili si Soledad nang muli siyang yakapin
nito ng mahigpit.
“Labis mo akong pinasaya, mahal ko,” sabi pa nito.
“Ang sabi ko sa aking sarili ay hihintayin ko muna na umakyat ka sa bahay
nang sa ganoon ay maipakilala kitang manliligaw sa mama at papa bago kita
sagutin. Pero hindi ko na yata kayang maghintay pa ng matagal. Ayokong lumisan
bukas nang hindi ko nasasabi sa’yo ang aking nararamdaman.”
Nang muling lumayo sa kanya si Badong ay ngumiti ito.
“Araw-araw akong maghihintay sa sandali ng muli natin pagkikita. Pangako,
kahit sa mga liham ay patuloy kitang susuyuin.”
“Mangako ka sa akin na sa pag-alis ko. Hindi ka na titingin pa sa ibang
babae,” sabi pa niya.
Tinaas ni Badong ang kanan kamay. “Pangako. Wala akong ibang mamahalin
at iisipin araw-araw kung hindi ikaw.”
Naupo si Badong sa kanyang likuran pagkatapos ay sumandal ito sa puno.
Pagkatapos ay pinaupo siya sa pagitan ng dalawang hita nito at pinasandal sa
malapad nitong dibdib. Mula sa likod ay yumakap ito sa kanya. Walang pagsidlan
ng saya ang dalawa ngayon na ganap na ang kanilang relasyon.
PASADO alas-sais y medya na ng gabi nang magpaalam si Soledad na
kailangan na nitong umuwi. Labag at mabigat man sa kalooban ni Badong, walang
nagawa ito kung hindi ang ihatid siya. Ngunit kung si Badong ang masusunod, hindi
siya nito hahayaan na umalis hanggang sa oras ng kanyang paglisan.
Magkahawak kamay na naglakad sila sa madilim na kakahuyan. Mabigat ang
kanilang bawat hakbang gaya ng kanilang damdamin. Kung maaari lang na
huminto ang oras at manatili na lamang sila sa tabi ng isa’t isa.
“Anong oras ang alis mo bukas?”
“Alas-sais ng umaga,” sagot niya.
“Mag-iingat ka sa biyahe at huwag mong pababayaan ang sarili mo,” bilin pa
ni Badong.
“Oo, salamat sa paalala. Sumagot ka agad sa liham ko ha?” sabi pa niya.
“Pangako. Bibili ako ng maraming magagandang papel,” sagot pa nito.
Mayamaya ay huminto sila sa paglalakad at humarap sa isa’t isa. Binaba ni
Badong ang gasera at hinawakan ang mga kamay nito.
“Makikita ba kita bukas bago ako umalis?” tanong pa ni Soledad.
“Oo. Mag-aabang ako sa’yo.”
Mayamaya ay hindi na napigilan pa ni Soledad ang sarili at tuluyan umagos
ang kanyang luha. Mahigpit siyang yumakap kay Badong.
“Ayokong umalis,” sabi pa niya.
“Alam ko, ganoon din ang nararamdaman ko. Pero ikaw na rin ang nagsabi,
ilang buwan lang ang hihintayin natin. Saka nangako ako sa’yo, ‘di ba? Isang araw
ay dadalawin kita doon.”
“Huwag na huwag kang titingin sa ibang babae ha? Nagbilin ako kay Ising na
bantayan ka at isumbong sa akin kapag gumawa ka ng kalokohan.”
Natawa ito habang pinupunasan ang mga luha niya.
“Pangako. Hindi ako titingin sa ibang babae.”
Huminga ito ng malalim at mataman tinitigan ang kanyang mukha. Umangat
ang kamay nito at marahan siyang hinaplos sa pisngi. Pagkatapos ay dumako ang
hinlalaki nito sa kanyang labi at marahan hinaplos din iyon. Nang mga sandaling
iyon, kahit hindi magsalita ay alam na ni Soledad ang nais nitong ipahiwatig.
Mabilis na umahon ang kaba sa kanyang dibdib nang unti-unting nilapit ni
Badong ang mukha sa kanya. Magkahalong nerbiyos at pananabik ang
naramdaman ni Soledad. Kahit kailan ay hindi pa siya naghagkan ng kahit sinong
lalaki. Kahit na si Arnulfo na naging kasintahan niya ay hindi natikman ang kanyang
labi.
Kusang pumikit ang kanyang mga mata nang sa wakas ay tawirin nito ang
maliit na pagitan ng kanilang mukha. Namalayan na lamang niya na yumapos ang
kanyang mga braso sa leeg nito pagkatapos ay naramdaman na yumapos ang
braso nito sa beywang at hinapit palapit sa katawan nito. Nang gumalaw ang labi ni
Badong ay nagtaasan ang mga balahibo niya sa batok. Habang parang sasabog ang
puso niya sa bilis ng pintig nito at labis na saya.
“Kay tamis ng iyong labi,” sabi pa nito nang matapos ang halik na iyon.
“Ikaw ang unang halik ko,” pag-amin ni Soledad.
“Siya nga?” gulat na tanong nito.
Nahihiyang tumango siya at umiwas ng tingin.
“Babaunin ko ang masayang alaala na ito sa paglisan ko,” sabi ni Soledad.
Nang muli nitong sakupin ang kanyang labi ay nagpaubaya si Soledad sa
ikalawang pagkakataon. Ilang sandali pa nang matapos ay pinagpatuloy na nila ang
paglalakad. Nang sumapit sa may puno sa tapat ng kanilang bahay ay muli niyang
hinarap ito.
“Mauuna na ako.”
“Sige.”
Bago siya tuluyan umalis ay malungkot silang ngumiti sa isa’t isa. Sa
pagtalikod ni Soledad ay siyang pagbagsak ng kanyang mga luha.