Kabanata 17

2303 Words
MAGKAHALONG saya at lungkot ang nararamdaman ni Soledad. Masaya siya dahil sa wakas ay ganap na ang kanilang pagmamahalan. Malungkot dahil kung kailan naman ito sinagot ay siya naman paglisan niya. “Mag-iingat ka doon, anak,” bilin pa ng kanyang ina. “Oho mama.” “Kapag nagkaroon kami ng oras ay dadalawin ka namin doon,” sabi naman ng kapatid na si Efren. “Sige, Kuya.” “Anak, huwag mo nang problemahin pa ang tungkol sa papa mo at kay Arnulfo. Kinausap ko na kagabi ang mga magulang ni Arnulfo at sinabi ko ang ginawa ng anak nila sa’yo. Sinabi ko na rin na hindi na matutuloy pa ang kasal ninyo.” Napamulagat si Soledad sa narinig mula sa ina. “Talaga ho, mama? Nagawa ninyong kausapin sila ng ganoon? Ano hong sabi ng papa?” “Aba’y hindi siya nakapagsalita, paano’y binalaan ko siya na huwag makikialam kung hindi’y lalayasan ko siya,” matapang na sagot nito. Natawa si Soledad. Matapang at sadyang kinatatakutan ang kanyang ama. Ngunit kapag ang kanyang ina ang nagalit ay sadyang tumitiklop ito at nagiging sunud-sunuran. Pakiramdam ng dalaga ay may tinik na nabunot sa kanyang dibdib dahil sa binalita ng ina. Gumaan ang kanyang pakiramdam at sa isang iglap ay nabawasan kahit paano ang lumbay niya. “Maraming salamat, mama.” Ngumiti ito at hinaplos siya sa buhok. “Kaya pagbutihin mo ang pag-aaral mo nang makabalik ka na rito.” “Huwag ho kayong mag-alala, mama. Pagbubutihin ko po ang pag-aaral ko.” “O sige na’t humayo ka,” sabi pa nito sabay tingin kay Mang Kanor ang tsuper nila na maghahatid sa kanya sa Maynila. “Mang Kanor, mag-iingat kayo sa pagmamaneho ha?” “Oho, Donya Juana.” Mabigat ang damdamin na sumakay siya sa awto hanggang sa umandar na iyon. Nang makalabas ng kanilang bakuran ang sasakyan, natigilan si Soledad nang makitang nakatayo sa gilid ng daan sa isa sa mga puno si Badong. Nang magtama ang kanilang paningin, doon bumagsak ang kanyang mga luha kasabay ng pagkaway niya dito. Nang makalagpas ang awto mula sa kinatatayuan nito. Biglang napalingon si Soledad nang makitang tumakbo si Badong at pilit siyang hinahabol. “Dadang!” narinig niyang sigaw nito. Nadurog ang kanyang puso nang makitang pilit siya nitong hinahabol. Masakit man sa kanyang kalooban, hindi magawang pahintuin ni Soledad ang sasakyan. Kapag ginawa niya iyon ay tiyak na malalaman ni Mang Kanor ang kanilang relasyon. Natatakot siyang makarating sa mga magulang ang tungkol sa kanila ni Badong. Nang muling lumingon at sumilip ay nakita na lang niya na huminto na ang binata sa pagtakbo. Naiwan ito doon sa gitna ng daan, humihingal habang sugatan ang damdamin at umiiyak. Labis siyang nasasaktan habang unti-unting nalalayo mula sa minamahal. Kung puwede lang bumaba doon at tumakbo pabalik. “HUY, tumahan ka na riyan,” pag-aalo sa kanya ni Abel. Naroon sila ngayon sa kanilang bukid at nakaupo sa pagpag na nasa ilalim ng mga puno ng kawayan. Pasimple niyang pinunasan ang luha. “Naniniwala na ako na tunay nga na umiibig ka kay Soledad, aba’y ngayon ka lang namin nakitang umiyak ng ganyan sa babae,” sabi naman ni Marcing. “Kayo lang naman ang nagdududa eh,” sagot niya. “Kaibigan, hindi mo naman kami masisisi. Naging saksi kami sa kalokohan mo.” Pinunasan niya ulit ang luha saka umiling. “Hindi na ako ganoon ngayon.” Huminga ng malalim si Abel at umakbay sa kanya. “Huwag ka nang malungkot, Badong. Babalik din ‘yon.” “Hindi ko lang alam kasi ang gagawin ko ngayon nakaalis na siya. Mula nang magkakilala kami ay palagi na kaming magkasama.” “Alam kong mahirap, pero masasanay ka rin na wala siya. Ang gawin mo na lamang ay dalasan mo ang pagpadala sa kanya ng liham.” “Sandali, may pinabaon ka ba sa kanya na larawan?” tanong pa ni Pedro. “Wala,” malungkot ang mukha na sagot niya. “Ang mabuti pa ay mag-ayos ka. Tapos pumunta tayo sa bayan at magpakuha ka ng litrato para kapag nagpadala ka ng liham ay may maibibigay ka na larawan sa kanya. Tiyak na pagsagot niya ay may kalakip din na larawan iyon,” suhestiyon ni Marcing. “Talaga? Puwede kong gawin ‘yon?” “Oo naman!” “Tama siya. Para kahit magkalayo kayo ni Soledad ay makikita mo pa rin kahit man lang sa larawan. Kahit paano ay mababawasan ang pangungulila mo sa kanya,” paliwanag naman ni Abel. “Oo nga, tama kayo.” “Kaya bilisan mo na, magbihis ka na. Sasamahan ka namin!” Hindi na nagdalawang isip pa si Badong. Napawi ng suhestiyon ng mga kaibigan ang kanyang lumbay at pangungulila kay Soledad. Kaya nagmadali siyang umuwi at nagpalit ng damit. MAHIGIT isang oras na mula nang dumating sa kanyang dormitoryo si Soledad. Masaya siyang nakita muli ang mga kaibigan at kaklase na matapos ang mahabang bakasyon. “Kumusta ang mga bakasyon ninyo?” tanong ng kanilang kasera. “Mabuti naman ho, Aling Ligaya,” sagot niya. “Oh, huwag kakalimutan ang mga patakaran ha? Panatilihim malinis ang mga kuwarto ninyo. Umuwi ng tamang oras sa gabi. Bawal magpapasok ng lalaki sa mga silid, kung mayroon man kayong bisita o aakyat ng ligaw. Hanggang dito lang sa labas at bawal silang abutin dito ng alas-diyes ng gabi. At siyempre, huwag kakalimutan para doon sa mga hindi bayad sa upa ng hanggang sa katapusan ng semestre, magbayad sa tamang araw. Maliwanag ba ang mga sinabi ko?” “Opo.” “Mabuti kung ganoon.” Nang makaalis ay dali silang pumasok sa kanilang silid. Habang inaayos ni Soledad ang kanyang mga gamit ay pumasok doon ang kaibigan na si Nena. Nauna lamang ito ng isang araw na lumuwas ng Maynila mula sa San Fabian. “Mabuti at narito ka na, aba’y parang ayaw mo nang lumuwas ng Maynila ah. Ang usapan natin ay sabay tayong babalik dito.” “Pasensiya na, Nena. May inayos pa kasi ako eh.” “Tungkol ba kay Arnulfo?” “Isa ‘yon,” sagot niya. Mayamaya ay dumating naman si Perla at Mirasol. “Ano tungkol kay Arnulfo? Ikakasal na kayo?” pag-uusisa pa ni Mirasol. Nakasimangot na naupo si Soledad sa ibabaw ng kama. “Huwag n’yo nang mabanggit-banggit ang pangalan na ‘yon,” sagot niya. “Oh, bakit? Nag-away kayo.” “Tinapos ko na ang relasyon namin. Umatras na ako sa kasal at kasunduan ng mga magulang namin.” “Ano?!” gulat na bulalas ng tatlo. “Bakit? Anong nangyari?!” pag-uusisa pa ni Mirasol. Kinuwento niya ang mga nangyari noong gabi ng sayawan at kung paano siya niligtas ni Badong. “Diyos ko, napakabastos pala ng isang ‘yon,” hindi makapaniwalang komento ni Nena. “Kay galing niyang magbalat-kayo na isang mabuti at maginoo. Iyon pala’y isang talipandas at walanghiya,” wika naman ni Mirasol. “Mabuti na lamang at naroon si Badong at niligtas ka,” sabi naman ni Nena. “Ngunit hindi ba’y sa simula pa lang ay hindi mo na gusto si Arnulfo?” “Oo. Kaya lamang ako nakisama sa kanya dahil hindi ko kayang suwayin noon ang papa. Ngayon lamang ako natutong manindigan sa aking sarili.” “Ang mahalaga ay maaga mo nang nakita ang totoong ugali niya. Hindi ko maisip kung sakaling naikasal kayo at ganoon ang gagawin niya sa’yo. Ano bang malay natin baka pagbuhatan ka pa niya ng kamay,” sabi naman ni Perla. “Saka, sinabi ko naman sa inyo. Maraming nakakakita kay Arnulfo na kaibigan ko na palaging may kasamang babae na taga-kabilang bayan. Pareho lang sila ni Badong, masyadong pabling,” sabi ni Nena. “Hindi sila magkatulad ni Badong,” mabilis na pagtatanggol niya sa binata. “Oo nga’t pabling si Badong, ngunit noon ‘yon. Ngayon ay malaki na ang kanyang pinagbago. Kahit kilala siyang pabling sa bayan natin, kahit kailan ay hindi siya nambastos ng babae. Kung tutuusin mas maginoo pa siyang tunay kumpara kay Arnulfo,” walang preno niyang sabi. Mayamaya ay napansin niyang natahimik ang tatlo. Nang lumingon ay nakita niyang kunot ang noo at tulala ang mga ito sa kanya. Bigla niyang natutop ang bibig nang maalala ang mga sinabi. “Sandali nga, bakit parang kilalang kilala mo na si Badong?” may pagdududang tanong sa kanya ni Nena. “Oo nga, at kung ipagtanggol mo siya,” sang-ayon naman ni Perla. “Sandali, sinong Badong?” tanong naman ni Mirasol. “Si Badong ay kilalang pabling sa bayan namin. Ngunit kahit na ganoon ay siya naman ang maituturing na isa sa pinakamakisig na binata doon sa San Fabian. Bukod doon ay masipag at mabait. Matulungin din at talagang maaasahan mo. Lahat yata ay kayang gawin o kumpunihin ng taong ‘yon,” kuwento ni Perla. “Talaga? Kahit ang sugatan na puso ay kaya niyang kumpunihin?” pabirong tanong ni Mirasol. Nagtawanan silang apat. “Aba’y bakit hindi si Soledad ang tanungin natin. Dahil mukhang may hindi yata kinukuwento ang ating kaibigan,” nanunudyong sagot ni Perla. “Hindi ba’t noong araw ng piyesta ay nakipagkilala sa’yo si Badong?” Ngumiti si Soledad. Maalala pa lang ang binata ay walang kapantay na saya ang nararamdaman ng kanyang puso. Kaya naman hindi niya mapigilan ang sarili na ngumiti. “Oo. Pero matapos niya akong iligtas kay Arnulfo, madalas na kaming magkita at mag-usap.” “Talaga?! Bakit hindi mo sinabi sa amin?” “Eh kasi naman, alam kong pipigilan n’yo ako eh at sasabihin n’yo lang na pabling siya at paiiyakin ako,” sagot niya. “Kung ganoon, anong nangyari?” “Mula noon ay sinuyo at niligawan na niya ako.” Napasinghap ang mga ito. “Talaga?” “Mula noon ay hindi na siya tumingin pa sa ibang babae.” “Teka, kung pabling siya gaya ng sabi n’yo. Paano ka naman nakakasiguro na totoo ang kanyang sinabi?” tanong naman ni Mirasol. Nagkibit-balikat si Soledad. “Dahil may tiwala ako sa kanya at napatunayan ko rin iyon dahil ilang beses niyang sinabi sa akin na handa siyang pakasalan ako.” “Ibig sabihin, gusto mo rin siya?” “Gaya rin ako ng ibang babae na nahulog ang damdamin sa kanya. Kaya’t naiintindihan ko kung bakit maraming babae ang nagkakagusto sa kanya. Kung nalalaman n’yo lamang kung gaano kalambing at maalalahanin si Badong. Araw araw ay pinaramdaman niya kung gaano niya ako kamahal.” “Mukhang nahulog na talaga ang loob mo sa kanya,” sabi naman ni Nena. “Ano bang itsura ng Badong na iyan?” patuloy na pag-uusisa ni Mirasol. “Si Badong ay mas mataas sa akin ng ilang pulgada. Ang kanyang balat ay kayumanggi dahil sa pagkabilad sa araw gawa ng pagsasaka at pagtatrabaho sa talyer. Ngunit kayganda ng kanyang mga mata at tila palaging nangungusap. Matangos ang kanyang ilong at mapula ang kanyang labi,” sagot ni Soledad habang inaalala ang makisig na nobyo. “At dahil batak ang katawan sa trabaho sa bukid, sadyang matipuno ang hubog ng katawan ni Badong. Kaya hindi ko rin talaga masisisi na maraming nagkakagusto sa kanya,” segunda naman ni Perla. “Kung ganoon, ano na ang estado ng panliligaw niya sa’yo?” Nahihiyang ngumiti si Soledad. “Sinagot ko na siya kahapon.” Impit na napatili at napatalon ang mga kaibigan. “Sinagot mo na agad siya?!” gulat at hindi pa makapaniwalang tanong ni Nena. Pabirong kinurot ni Perla ang kanyang singit. “Masyado kang haliparot,” tumatawang sabi nito. “Eh anong gagawin ko? Ayoko naman umalis at magkalayo kami ng matagal nang hindi ko nasasabi ang tunay na nararamdaman ko. Kaya kagabi bago kami maghiwalay ay hindi ako nakatiis ay sinagot ko na siya.” “Kahit na medyo nagdududa ako sa Badong na ‘yan pero basta masaya ka sa kanya, hindi ako tututol,” sabi pa ni Perla. “Ako rin,” sang-ayon naman ni Nena. “Kaya pala nang una pa lamang kitang makita ay bakas na sa iyong mukha ang kakaibang saya. Iyon pala’y umiibig ka na,” sabi pa ni Mirasol. “Basta ipangako ninyo sa akin na kapag dumalaw dito ang papa at mama ay huwag ninyong babanggitin ang tungkol dito. Lihim pa kasi ang relasyon namin dahil bago pa lang natatapos ang kasunduan ng pamilya namin at ng kay Arnulfo.” “Pangako, wala kaming pagsasabihan,” sagot naman ni Mirasol. “Ngunit sa tingin mo ba ay matatanggap ni Don Leon si Badong?” tanong naman ni Nena. Bahagya siyang nakaramdam ng pag-aalala nang maisip iyon. “Hindi ko alam, Nena. Sa totoo lang ay iyan din ang inaalala ko. Kahit gaano kasipag si Badong at kahit na pag-aari nila ang lupa nilang sinasaka. Kilala mo naman ang papa ko. May ugali siyang mapagmataas at mapangmata ng kapwa. Natatakot ako sa kanyang sasabihin kapag nalaman niya ang relasyon namin ni Badong. Ayokong hamakin niya ang nobyo ko at masaktan si Badong,” sagot ni Soledad. “Pasasaan ba’t maayos din ang lahat. Basta ba kayang patunayan ni Badong na hindi ka nagkamali na sinagot at inibig mo siya,” payo naman ni Mirasol. “Tama ang sinabi ni Mirasol. Sa ngayon ang importante ay maging masaya kayong dalawa simula ng relasyon ninyo. Malayo man kayo kaya naman iparating sa liham ang nararamdaman ninyo.” “At nangako rin siya na luluwas dito sa Maynila para madalaw ako,” sabi pa niya. “Siya nga? Naku gusto ko na tuloy makilala ang Badong na ‘yan,” sabi pa ni Mirasol. “Teka nga muna, malapit nang mananghalian. Halika at doon na tayo sa labas kumain,” pag-iiba na si Perla sa usapan. “Sige susunod na ako. Tatapusin ko na lamang ito.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD