“NAKAKATUWA naman ang umpisa ng love story n’yo ni Lolo Badong,
Lola,” kinikilig na wika ni Marisse.
“Oo nga, imagine in fourteen days, na-in love kayo sa isa’t isa,” sabi naman
ni Kim.
“Uso na pala ang love at first sight noon, ano?” nakangiting sabi ni Sam.
Huminga si Soledad ng malalim. “Hindi ko ba malaman kung anong mayroon
diyan sa Lolo ninyo at napaibig ako. Aba’y nuknukan naman ng babaero noong
araw,” natatawang sabi pa niya habang pinupunasan ang luha sa mga mata.
“Siguro Lola, mahal na mahal n’yo si Lolo.”
Ngumiti siya at tumingin sa mga apo. “Sobra. Sobrang sobra.”
“Eh Lola, hindi ba sabi n’yo pagkatapos mo siyang sinagot kinabukasan
bumalik na kayo sa Maynila. Paano kayo nakapag-usap? Eh wala pa naman internet
noong araw,” tanong pa ni Ged.
“Eh telepono, Lola? Hindi ba may telepono na rin noong araw? Hindi ba kayo
nagtawagan na lang ni Lolo?” tanong naman ni Sam.
“Probinsiya iyon, hindi uso sa amin ang telepono noong araw. Kahit kami
noong araw na medyo nakakaangat sa buhay ay walang telepono,” sagot niya.
“Kung ganoon po, paano kayo nag-uusap?” tanong ulit ni Ged.
“Sulat. Regular kaming nagsusulatan,” sagot niya.
“Ah, that’s so sweet,” komento pa ni Marisse. “I really love receiving hand
written letters. Sa panahon ngayon na nabubuhay na tayo sa technology na isang
pindot lang makakatawag or text ka na, and even chat at makakausap mo ‘yong
gusto mong kausapin. Handwritten letters are very rare nowadays.”
“Tama ka diyan. Kaya ako kinikilig talaga kapag nakakatanggap pa rin ng
sulat galing kay Mark. Kahit na mag-asawa na kami at may mga anak na,
pakiramdam ko nililigawan pa rin niya ako,” kuwento pa ni Kim.
“Lola, may naitago pa ba kayong mga sulat ni Lolo para sa inyo?” tanong pa
ni Marisse.
Tumingin si Soledad sa isang lumang baul na nasa paanan ng kama saka
tinuro iyon sa mga apo.
“Doon. Sa baul na iyon. Naroon ang mga sulat.”
Mabilis na lumapit doon si Ged at Kim. Nang buksan ay napasinghap ang
dalawa sa nakita.
“Oh my god, Lola! Ang dami nito!” gulat na bulalas ni Kim.
Dahil doon ay lumapit din si Marisse at Sam at gaya ng dalawa ay nagulat
din ang dalawa sa nakita. Halos kalahati ng laman ng baul na iyon ay puro sulat sa
kanya ni Badong.
“These letters are from Lolo?!” hindi makapaniwalang tanong ni Marisse.
“At nagawa n’yo pang itago lahat?” tanong pa ni Sam.
“Nariyan na rin ang mga sulat ko para sa kanya,” sagot niya.
“Lola, puwede ba namin basahin?” tanong ni Marisse.
“Sige, kumuha kayo diyan. Ingatan n’yo ha? Baka mapunit dahil sa tagal at
luma ng papel.”
Sinunod ng mga apo ang kanyang bilin. Maingat na kinuha ng mga ito ang
mga sulat saka bumalik sa tabi niya. Napangiti si Soledad nang makita ang sulat na
hawak ng apo na si Marisse. Kahit hindi makita ang nilalaman ng papel na iyon,
alam na alam ni Soledad na iyon ang kauna-unahang sulat na natanggap niya mula
kay Badong. Napasinghap si Marissen ang dahan-dahan buksan ang nakatuping
papel.
“Ang ganda ng handwriting ni Lolo, parang pangbabae,” manghang wika nito.
Ika-5 ng Hunyo, 1940
Minamahal kong Dadang,
Isang mapagpalang araw sa’yo, mahal ko. Nawa’y nasa mabuti kang kalagayan habang
binabasa mo ang liham na ito. Walang araw na hindi ka naging laman ng aking isipan. Sa kabila
ng init ng panahon ay tila kasing lamig ng Disyembre ang aking puso dahil wala ka sa piling ko.
Wala nang mas lalamig pa sa labis na kalungkutan na aking nararamdaman.
Habang sinusulat ko ang liham ito’y kasalukuyan akong narito sa ating tagpuan. Bawat
araw ay hinahanap hanap ka ng aking puso. Nangungulila sa mga yakap at halik mo. Tuwing
pumupunta ako sa ating tagpuan, palagi akong nananalangin ng isang himala mula sa
Maykapal na sana’y dumating ka pagsapit ng dapit-hapon.
Kumusta ka na, mahal ko? Kumusta ang araw mo? Pinagbubuti mo ba ang iyong pag-
aaral? Ako naman ay nasa maayos na kalagayan kaya’t hindi mo ako kailangan alalahanin pa.
Abala ako ngayon sa bukid. Nagsisimula na kaming magtanim muli ng mga palay.
Nakakapagod at sadyang masakit sa likod. Ngunit sa tuwing naiisip kita ay nawawala ang aking
pagod.
Nangangako ako na magtatrabahong mabuti sa bukid at sa talyer. Mag-iipon ako para
sa ating kinabukasan at para balang araw ay maiharap kita sa altar. Gagawin ko ang lahat para
lamang maging karapat-dapat na lalaki na maaari mong ipagmalaki sa iyong mga magulang.
Hintayin mo ako, mahal ko. Isang araw ay luluwas ako ng Maynila para dalawin ka.
Maglalakbay ako kahit gaano kalayo, makita lamang kita.
Kalakip nitong liham ay ang aking larawan. Sinamahan ako ng aking mga kaibigan sa
bayan para magpakuha ng litrato. Nang sa ganoon ay maipadala ko sa’yo upang sa tuwing
nangungulila ka sa akin ay maiibsan kahit paano kapag tinignan mo ito. Hindi na ako
makapaghintay na muli kong masilayan ang iyong kagandahan na bumihag sa aking puso.
Mahal na mahal kita, Dadang ko. Hanggang dito na lamang at maghihintay ako ng iyong
kasagutan.
Nagmamahal,
Badong.
Bahagyang natawa si Soledad nang makitang tahimik na lumuluha ang mga
apo habang binabasa ang sulat ni Badong para sa kanya.
“Grabe Lola, ilang taon na itong sulat sa inyo ni Lolo, pero hanggang ngayon
ay nararamdaman ko pa rin ang pagmamahal niya para sa inyo base sa sulat na
‘to,” sabi pa ni Marisse.
“Eh Lola, noong makabalik kayo sa Maynila. Ano nang nangyari sa inyo ni
Lolo Badong?” tanong pa ni Kim saka tinupi muli ang sulat na binabasa.
NAGTATAWANAN silang magkakaibigan habang paakyat ng kanilang
dormitoryo.
“Nakita mo ba ‘yong binatang iyon kanina? Nais talaga niyang makuha ang
pansin mo,” tumatawang sabi ni Nena.
“Kaya nga eh, hindi ko naman siya papansinin dahil may nobyo na ako,”
sagot ni Soledad.
“Oh, narito na pala kayo,” salubong sa kanila ni Aling Ligaya.
“Magandang araw ho, Aling Ligaya,” bati nila dito.
“O sige mamaya na lang tayo maghuntahan at magpapahinga muna ako,”
paalam ni Soledad.
Pagpasok ng kanyang silid ay agad niyang nakita ang isang sobre sa ibabaw
ng mesa.
“Siya nga pala, Soledad,” habol sa kanya ng kanilang kasera.
“Ano po ‘yon?”
“May dumating kang liham kanina, nariyan sa ibabaw ng mesa mo.”
“Oho, nakita ko na po. Maraming salamat po.”
Nang maisara ang pinto ng silid ay agad niyang dinampot ang sobre. Biglang
nanlaki ang kanyang mga mata nang makita na galing kay Badong ang sulat.
Nagmadali siyang buksan ang sobre at pagbuklat ng nakatuping papel ay
bumungad sa kanya ang larawan nito. Hindi napigilan ni Soledad ang mapaluha
nang sa wakas ay muling masilayan ang guwapong mukha ng nobyo. Hinaplos niya
iyon na para bang totoong naroon ang binata.
Hindi naging madali para sa kanya ang mga naunang araw at gabi na malayo
kay Badong. Tuwing gabi ay hinahanap hanap ni Soledad ang mga sandaling bigla
na lang itong aakyat sa kanyang silid. O kaya naman sa umaga ay nangangarap
siya na sa paggising ay una niyang makikita si Badong habang kung anu-ano ang
ginagawa sa kusina o sa labas. At sa tuwing dapit-hapon, hinahanap niya ang mga
sandaling kapiling niya ito doon sa kanilang tagpuan.
Ngunit gaano man kahirap na malayo sa minamahal ay nilabanan ni Soledad
ang lungkot. Kaya malaking bagay para sa kanya na ngayon ay mayroon na siyang
larawan ni Badong. Kahit paano ay maiibsan ang lungkot niya habang naroon sa
Maynila.
Nahiga siya sa kama ay doon ay binasa niya ng may ngiti sa labi ang liham
nito. Nakarating sa kanyang puso ang damdamin ni Badong na kalakip ng liham na
iyon. Nang matapos basahin ay dinala ni Soledad sa kanyang dibdib ang liham ay
niyakap iyon kasama ng larawan ng nobyo, pagkatapos ay pumikit siya.
Pakiramdam ni Soledad ay parang yakap na rin siya ni Badong. Mayamaya ay
bumangon siya at naupo sa tapat ng maliit na mesa. Pagkatapos ay kumuha siya
ng papel saka sinagot ang liham nito.