Kabanata 10

1893 Words
“PINAGHINTAY mo na naman ako,” salubong sa kanya ni Badong. Natawa si Soledad. Gaya ng nauna ay alas-tres dapat ang usapan nila pero dahil ang daming tao sa kanila ay hindi agad siya nakaalis. Ngunit ang pagkakaiba lang ngayon, panatag ang kalooban ni Soledad dahil nangako si Badong na kahit gaano katagal ay maghihintay ito. “Paumahin, hindi ako basta nakaalis agad. Naroon kasi sila mama at mga kapatid ko,” sagot niya. “Ang mahalaga ay narito ka na,” nakangiting sagot nito. “Sabi mo ay may sorpresa ka sa akin,” sabi pa ni Soledad. “Halika dito sa banda dito, kanina pa ito nakahanda.” Naglakad pa sila ng kaunti at hindi kalayuan ay natanaw ni Soledad ang isang maliit na bangka. “Sasakay tayo dito?” tanong pa niya. “Oo.” “Hindi kaya tayo ay mahulog?” nag-aalalang tanong pa niya. “Hindi ako ang bahala sa’yo!” Inalalayan siya ni Badong sa pagsakay sa bangka. Nang makaupo ay saka ito sumampa roon. Bago magsagwan, mula sa likod ay nagulat na lamang siya nang makitang sa ilalim ng isang tela ay kinuha nito ang isang bungkos na mga bulaklak. “Para sa’yo,” nakangiting sagot nito. Napangiti si Soledad at inamoy ang mga iyon. “Baka kinuha mo na naman ito sa tanim ni Aling Selya,” biro pa niya. Marahan itong natawa. “Huwag kang mag-aalala, galing ‘yan sa bakuran ng kapitbahay namin.” Natawa silang dalawa ng malakas. “Ikaw talaga, masyado kang palabiro. Maraming salamat dito sa mga bulaklak.” Nakangiting pinanood ni Soledad si Badong na magsagwan. Pagkatapos ay lumingon siya sa paligid habang umiihip ang malamig na simoy ng hangin. Kalmado ang tubig sa ilog. Muli ay nabalot ng kulay kahel at asul ang kalangitan. Ang sinag ng papalubog na araw ay tumatama sa tubig. “Nga pala, ilan ba kayong magkakapatid?” tanong pa niya. “Pito at ako ang panganay. Nang makatapos ako ng sekondarya ay hindi na ako nagkolehiyo, kailangan ko na kasing tulungan sila inay at itay sa bukid nang sa ganoon ay mapag-aral pa namin ang iba ko pang kapatid. Ikaw?” “Anim naman kami, pangatlo ako sa magkakapatid.” “Saan ka sa Maynila nag-aaral?” “Sa Unibersidad ng Santo Tomas, kumukuha ako ng kursong Edukasyon. Gusto ko sanang maging guro gaya ng mama ko.” “Nabanggit mo na malapit ka nang bumalik ng Maynila. Labis akong malulungkot kapag umalis ka na,” sabi pa ni Badong. “Maaari naman tayong magpadala ng liham, hindi ba?” “Talaga? Ibibigay mo sa akin ang address mo doon?” “Oo naman.” “May kasama ka bang pamilya o mga kapatid mo doon?” tanong pa ni Badong. “Wala. Sa isang dormotoryo ako tumutuloy at ang mga kasama ko lang doon ay ang kasera at mga kaklase ko. Bakit mo naitanong?” “Naisip ko kasi na kapag labis akong nangulila sa’yo, baka maaari kitang dalawin doon?” “Luluwas ka ng Maynila para sa akin?!” gulat na tanong ni Soledad. “Bakit naman hindi? Kabisado ko ang Maynila, may mga kaibigan ako na doon nakatira at ako ang madalas pinapaluwas ng inay at itay kapag may irarasyon mga bigas.” Nakaramdam ng labis na kasiyahan si Soledad. Isa sa mga kanyang inaalala ay kung paano sila ng binata kapag nasa Maynila na siya. Ngunit ngayon nalaman na ang plano nito, pakiramdam niya ay nabawasan ang kanyang pag-aalala. “Napakapalad ko naman para dayuhin mo pa sa Maynila,” sabi pa niya. “Wala akong hindi gagawin para sa’yo.” Pabiro siyang umirap at umismid. “Baka mamaya kapag naroon na ako sa Maynila ay kung sino-sinong babae na naman ang ligawan mo.” “Dadang, mahal ko. Hindi na ako ganoon ngayon. Mula nang makilala kita, ikaw na lang ang babae sa buhay ko.” “Hmm, maniwala ako sa’yo.” Kinuha nito ang kanyang kamay at hinawakan iyon. Pagkatapos ay nilapat iyon sa dibdib sa tapat ng puso nito. Tumingin siya ng deretso sa mga mata nito nang maramdaman ang bilis ng pintig ng puso nito. “Nararamdaman mo? Ikaw ang dahilan ng mabilis na t***k ng aking puso. Mula nang masilayan ko ang kagandahan mo at habang lumilipas ang mga araw at unti-unti kitang nakikilala. Patuloy mong binibihag ang puso ko. Sa unang pagkakataon ay natuto akong umibig ng totoo at ikaw pa lang ang babaeng minahal ko ng ganito.” Hindi nakasagot si Soledad. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niyang seryoso ang ekspresyon ng mukha ni Badong. Mga salitang tumagos sa kanyang damdamin. Naramdaman niya ang sinseridad ng bawat salitang narinig niya mula dito. Sa halip na bitiwan ang kamay ay patuloy lang nitong hinawakan iyon. “Una pa lang kitang makita, alam ko nang ikaw na ang babaeng gusto kong makasama habang buhay. Kaya nangako ako sa sarili ko, kung kailangan agawin kita sa Arnulfo na ‘yon ay gagawin ko.” Napangiti siya. “Sa dami ng magagandang sinabi mo, hindi ko na alam ang isasagot ko.” “Sapat na sa akin na marinig mo ang tunay na damdamin ko para sa’yo. Mahal kita, Soledad. Nakahanda akong maghintay at patuloy kitang susuyuin hanggang sa makuha ko ang matamis mong kasagutan.” “Kung ganoon, ang ibig bang sabihin ay nililigawan mo na ako?” nakangiting tanong niya. Nahihiyang ngumiti ang binata at napakamot sa batok pagkatapos ay sandaling umiwas ng tingin saka natawa. “Ganoon na nga. Kung ako lang ang masusunod ay umakyat na ako ng ligaw sa bahay n’yo.” “Habang hindi pa puwede, sapat na sa akin na sa ganitong paraan mo muna ako ligawan.” “Mabuti naman kung ganoon.” Huminga siya ng malalim.” “Salamat, Badong. Siguro kapag nakabalik ako sa Maynila ay hahanap-hanapin ko ang mga sandaling ito.” Bumaba ang tingin ni Soledad sa kamay niyang hawak nito. Naramdaman niya ang marahan nitong paghaplos doon. Kaysarap sa pakiramdam na hawak nito ang kanyang kamay. “Walang anuman.” Mayamaya ay napangisi ang dalaga nang may maisip na kalokohan. Nilagay niya ang isang kamay tubig pagkatapos ay biglang sinabuyan ng tubig si Badong. Napasigaw ito sa pagkabigla kaya gumanti naman ito. Napatili si Soledad kaya gumanti ulit siya. Dahil doon ay bahagyang gumalaw ang bangka. Napasigaw silang dalawa at agad humawak sa isa’t isa. Nang magkatinginan at malakas silang natawa. Hanggang sa napansin niya ang basa sa buhok nito maging sa mukha. Kinuha niya ang panyolito sa bulsa ng suot na bestida, pagkatapos ay pinunas iyon sa buhok at mukha nito. Mayamaya ay natigilan siya sa ginagawa nang mapansin na nakatitig na si Badong sa kanya. Umangat ang kamay nito at gamit ang likod niyon ay pinunasan ang kanyang mukha ng marahan at may pag-iingat. Matinding kumabog ang dibdib ni Soledad nang marahan haplusin ng hinlalaki nito ang kanyang labi. Ang buong akala niya ay hahalikan siya nito, ngunit mayamaya ay tuluyan na itong lumayo sa kanya. “Ang mabuti pa ay bumalik na tayo. Baka lumakas ang agos ng tubig at tangayin tayo,” sagot pa nito. “Sige.” Nang makabalik sa pampang, unang bumaba si Badong at tinali ang bangka. Pagkatapos ay impit na napatili si Soledad nang bigla siyang pangkuin nito. Walang kahirap-hirap siyang binuhat nito para hindi mabasa ang mga paa niya. Ang akala niya ay ibababa rin siya nito, ngunit sa halip ay binuhat siya ng binata at inupo sa malaking bato. “Nabasa ka ba ng husto?” tanong nito. “Hindi naman.” “Sa susunod, gusto mong maligo tayo sa ilog?” tanong pa ni Badong. “Sige, gusto ko ‘yan.” “Malapit nang magdilim, ang mabuti pa ay ihatid na kita.” Kinuha nito ang gasera sa dati nitong pinagtataguan, pagkatapos ay sinindihan iyon bago sila naglakad sa loob ng kakahuyan. Nang makalagpas sa bukid, muli silang nagtago sa likod ng malaking puno na malapit na sa bahay nila Soledad. “Mauna na ako, Badong. Maraming salamat ulit.” “Bukas ulit?” tanong nito. Ngumiti siya at saglit na lumingon sa bahay nito. “Sige, tignan ko kung makakatakas ako ulit.” Kinuha nito ang kamay niya at hinalikan ang likod niyon. “Magandang gabi, mahal ko.” “Magandang gabi rin.” Lumingon muna si Soledad sa paligid para tiyakin na walang tao. Nang makasiguro ay saka ito naglakad palayo. Nang makapasok sa bakuran ay lumingon pa siyang muli kay Badong at kumaway. Nang gumanti itong kumaway ay saka pa lang ito naglakad palayo. Hindi napigilan ni Soledad na tanawin ito. Hindi maipaliwanag sa salita ang sayang nararamdaman sa mga sandaling iyon. Kung maaari lang na huminto ang oras at pag-inog ng mundo, huwag lamang matapos ang mga sandaling magkasama sila. Kung siya ang masusunod, gusto na agad niyang sagutin ito. Ngunit masyado pang maaga. Gusto pa niyang mas makilala si Badong. Gusto pa rin niyang maranasan na umakyat ito ng kanilang bahay at doon siya ligawan. “Hoy!” “Ay kabayong sakang!” sigaw niya nang mapatalon sa gulat nang biglang sumulpot sa likuran si Luciana, ang isa sa mga kapatid niya. “Ate Luciana, nariyan ka pala!” bigla ay kinabahan na sabi niya. Agad lumingon si Soledad para tignan kung tanaw pa rin si Badong. Mabuti na lamang at tuluyan na itong nakaalis. “Saan ka galing? Kanina ka pa namin hinahanap,” tanong nito sabay baba ng tingin sa hawak niyang bulaklak. “Nariyan na ba ang papa?” “Wala pa. Tinatanong kita kung saan ka galing?” “H-Ha? Ah… ano… nanguha nitong bulaklak! Naghanap ako ng mga bulaklak sa mga kapitbahay at nanghingi. Malapit na kasing malanta ng mga bulaklak sa silid ko.” Nagsalubong ang kilay nito at nagdududa na nilapit ang mukha sa kanya. “At inabot ka ng gabi?” “Natural lang na makipaghuntahan muna ako. Hindi naman yata magandang asal na aalis agad ako pagkatapos makuha ang pakay ko,” pagsisinungaling niya. “Sabagay, tama ka riyan,” sang-ayon nito. “Baka mamaya galing ‘yan sa isang makisig na binatang nanliligaw sa’yo!” “Hindi Ate!” mariin niyang tanggi. “Sinong binata naman ang manliligaw sa akin?” “Aba, marami akong kaibigan lalaki na gustong manligaw sa’yo. Sinabi ko lang na may nobyo ka na.” Bigla siyang sumimangot. “Wala na akong nobyo, ate. Hiwalay na kami ni Arnulfo.” “Pero sabi ni Papa na tuloy ang kasal n’yo.” “Mamamatay muna ako bago ako magpakasal sa lalaking ‘yon.” Sabay na silang naglakad papunta sa bahay. “Sabagay, ayoko rin sa Arnulfo na iyon. Masyadong hambog. Aba, mas gugustuhin ko na ang pabling na si Badong kaysa sa Arnulfo na iyon. Kahit na ganoon si Badong ay mabait at napakasipag pa,” sabi pa nito. Nagliwanag ang ekspresyon ng mukha ni Soledad nang marinig ang pangalan ng binata. “Sang-ayon ako sa’yo!” “Teka, nagkakilala na ba kayo no’n? Buti hindi ka nililigawan? Aba, walang magandang babae dito sa San Fabian ang nakaligtas doon.” “Aba kung ako’y liligawan ni Badong, sasagutin ko siya.” “Siguro’y nagkausap na kayo ano?!” tumatawang tudyo sa kanya ng kapatid. Nang umakyat na sila papunta sa bahay ay natatawa na sumenyas siya ng huwag maingay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD