Kabanata 11

1731 Words
HINDI sigurado si Soledad kung anong oras na siya nakatulog kagabi. Hindi siya dalawin ng antok. Nakailangan palit na siya ng puwesto ay hindi pa rin siya nakatulog. Ngunit alam niya ang dahilan, walang iba kung hindi si Badong. Hindi siya pinatulog ng mga alaala ng binata. Lumipas ang gabi na paulit-ulit na inaalala ang masayang sandali nila sa ilog habang namamangka. Paulit ulit na tila kinikiliti ang puso niya habang hindi mawaglit sa isipan ang muling pagpapahayag nito ng pagmamahal para sa kanya. Hanggang sa hindi niya namalayan na nakatulog na siyang may ngiti sa labi. Pasado alas-sais ng umaga, nang maalimpungatan dahil sa ingay na nagmumula sa labas. Ayaw pa sanang magmulat ng kanyang mga mata sa antok ngunit patuloy siyang nagigising dahil sa komosyon sa labas. Dahil doon ay napilitan bumangon ang dalaga at dumiretso sa bintana. “Bakit ba ang i—” Hindi naituloy ni Soledad ang dapat sasabihin nang sa isang iglap ay magising hindi lang ang kanyang mata kung hindi ang ulirat nang makita kung saan nanggagaling ang ingay. Walang iba kung hindi si Badong habang nagpapalakol ito ng malalaking piraso ng kahoy at walang suot na damit pang-itaas. Kaya naman lantad sa mata ng mga babae nilang kasambahay ang matipunong katawan nito. Biglang nagsalubong ang kilay niya nang makitang halos mamilipit sa kilig ang mga babaeng ito habang pinapanood si Badong. “Umagang-umaga humaharot ang mga ito,” inis na sabi niya sa sarili. Para makuha ang atensiyon ng mga ito ay tumikhim siya ng malakas. Kaya napatingala ang mga ito. “Ay, magandang umaga ho, Senyorita!” bati ni Elenita nang mapatingala. “Magandang umaga, magandang Binibini,” nakangiting bati sa kanya ni Badong. Dahil bagong gising ay pasimpleng inayos ni Soledad ang sarili. Sinuklay ng mga daliri ang buhok at pinunasan ang mata maging ang gilid ng labi, sakaling may muta at panis na laway pa siya. “Magandang umaga naman,” sagot niya sa binata, sabay lipad ng tingin kay Elenita. Nang makita ni Ising na nakasimangot siya. Kinalabit nito si Elenita at sumenyas na huwag maingay. “Elenita, wala bang gagawin sa kusina? Ano’t nakatunganga ka riyan?” masungit na puna niya dito. Biglang nataranta ang babae at mabilis na kumaripas ng akyat pabalik sa kusina. “Ay, paumanhin po Senyorita!” “Tila hindi maganda ang gising mo, binibini,” sabi pa ni Badong. “Sandali lang at mag-aayos lang ako. Hintayin mo ang pagbaba ko.” “Alam mo naman maghihintay ako sa’yo kahit gaano katagal,” sagot nito. Nagmadali siyang nag-ayos ng sarili. Nagsipilyo. Naligo. Nagbihis at nag-ayos. Nang makababa halos lagpas tatlumpung minuto ang nakalipas, naabutan ni Soledad na tapos na sa pagsibak ng kahoy si Badong at nagpapahinga na lang habang nakaupo sa mahabang bangko. “Wala ba ang mga magulang mo?” tanong pa nito. Nakita niya ang pag-aalala sa mga mata nito na baka may makakita sa kanila at pagalitan siya. “Maaga daw pumunta sa kabilang bayan si mama. Si papa ay nasa Maynila at sa isang araw ang uwi. Ang mga kapatid ko naman ay tulog pa.” “Kay gandang simulan ang araw kung ikaw ang una kong masisilayan sa umaga.” Biglang tumaas ang kilay niya at umirap nang maalala ang naabutan niyang tagpo kanina. “Hmm, maganda ka diyan, kaya pala mukhang natutuwa ka habang nilalantad mo ang katawan mo sa ibang babae,” nagtatampong wika niya. Natawa si Badong at pumihit paharap sa kanya. “Sandali, nagseselos ba ang mahal kong Dadang?” “Anong naseselos?! Hindi! Ang sa akin lamang ay hindi magandang tignan na hubad baro ka sa harap ng mga dalaga,” pagsisinungaling niya. Ngumiti ito na para bang hindi naniniwala kaya umiwas siya ng tingin, pagkatapos ay marahan siyang tinulak ng balikat nito. “Huwag kang maselos, mahal ko. Kinailangan ko lang tanggalin ang pang itaas ko dahil pagkatapos nito ay pupunta pa ako sa bayan. Kailangan ko kasing makausap ang iba pang parokyano na nais bumili ng bigas sa amin. Paalis na ako nang makasalubong ko si Ising at humingi ng tulong dahil wala daw si Mang Kanor upang magsibak ng kayo para sa inyo kaya narito ako.” Kunwari ay tumaas ang kilay niya. “Talaga?” “Oo. Maniwala ka.” “Huwag kang mag-alala, itong katawan ko…” sabi pa nito. Nagulat si Soledad ng kunin nito ang kamay niya at ilagay iyon sa dibdib nito. Nanlaki ang mata niya sabay tulak dito at bawi ng kamay. Natakpan niya ang bibig saka impit na natawa. “Ano ka ba?! Masyado kang mahalay!” sabi pa niya. Tumawa lang ito na para bang hindi apektado. “… itong katawan ko… nakalaan lang para sa’yo.” Pabiro niya itong pinalo sa balikat. Biglang nag-init ang kanyang pisngi. “Bakit namumula ang mukha mo? Huwag mong sabihin na iba ang tumatakbo sa iyong isipan?” Napanganga siya sa gulat. “Hindi! Sumosobra ka!” Tumawa lang ng malakas ang binata. Pagkatapos ay huminga ng malalim. “Maganda ka pa rin kahit na salubong ang kilay mo,” sabi pa nito. “Hayaan ka na naman sa mga bola mo,” sagot niya. “Ako ay nagsasabi lamang ng totoo, ikaw ang bahala kung ayaw mong maniwala. Salamat at muli mo na naman binuo ang araw ko, mahal ko. Tiyak na hindi ako mapapagod sa naghihintay sa akin mga gawain.” Ngumiti si Soledad. “Ako rin.” “Mamaya ulit? Magkita tayo?” tanong nito. “Sige. Darating ako.” Agad nitong sinuot ang pang-itaas bago ito tuluyan umalis. Humugot ng malalim na hininga si Soledad. Pakiramdam niya ay sasabog ang kanyang puso sa saya. Punong-puno ng kaligayahan ang damdamin niya. Hindi niya alam na possible palang magmahal ng ganoon kasidhi. Umaga pa lang ngunit para bang kumpleto na agad ang kanyang araw.  HALOS mapalundag sa gulat si Soledad nang biglang bumukas ang pinto ng kanyang silid at pumasok ang nakakatandang kapatid na si Luciana. Sa sobrang gulat ay bigla niyang naitago sa likod ang ginagawa. Nagtataka at salubong ang kilay na tinignan siya nito sabay lipad ng tingin sa maliit na kahon na nakatago sa likuran. “Anong nangyari? Bakit gulat na gulat ka?” “Ha? Wala ate…” Pabiro siyang siningkitan ng mata ni Luciana. “Mukhang may lihim ang kapatid ko,” nanunudyo ang ngiti na sabi nito. “Wala naman, ate. Nagulat lang talaga ako,” sabi pa niya. Lumapit ito at naupo sa gilid ng kama. Kinuha niya ang maliit na kahon pagkatapos ay pinagpatuloy na ginagawang pagpitas ng mga natutuyong talulot ng mga unang bulaklak na binigay sa kanya ni Badong. “Mukhang masyadong espesyal ang mga bulaklak na iyan para itago mo ang mga tuyo na talulot,” sabi nito habang pinapanood siya sa ginagawa. Ngumiti si Soledad. “Hindi ba’t mas magiging espesyal ang liham kapag nilakipan mo ng tuyong talulot ng mga bulaklak.” “Espesyal na liham para sa espesyal na tao,” wika nito. Muling ngumiti si Soledad. Mayamaya ay kinuha nito ang isang piraso ng papel kung saan nakasulat ang address ng tinutuluyan na dormitoryo sa Maynila. “Mukhang nakahanda ka ng ibigay ito sa kanya.” “Baka kasi mawaglit sa isip ko at makaalis ako ng hindi naibibigay ‘yan.” Huminga ng malalim si Luciana. “Si Badong ba?” Natigilan si Soledad sa ginagawa at gulat ang ekspresyon ng mukha na umangat ang tingin sa kapatid. “Alam mo?” Marahan itong natawa at humiga sa kanyang kama. “Bago ka pa dumating kagabi ay matagal na ako doon sa bakuran at tinatanaw ang mga bituin sa langit. Nakita ko kayong naglalakad mula sa bukid pagkatapos ay matagal na nag-usap sa likod ng malaking puno.” Agad niyang hinawakan ang kamay nito. “Ate, pakiusap! Huwag na huwag mong sasabihin kila papa!” puno ng pag-aalalang pagmamakaawa niya. Humagalpak ng tawa si Luciana saka bumangon at humiga ng patagilid. “Huwag kang mag-alala, wala akong pagsasabihan.” “Talaga?” Ngumiti ito at tuluyan bumangon at naupo. “Alam mo naman na bago kami nagpakasal ng asawa ko, dumaan din kami sa ganyan. Nakalimutan mo na ba? Gusto rin akong ipakasal ni papa sa iba? Pero inunahan ko na, nagpabuntis ako sa nobyo ko.” “Pero tinakwil ka ni papa.” “At pinatawad din naman niya ako. Napatunayan namin mag-asawa na tama ang desisyon namin.” “Ate, sa tingin mo ba matatanggap ng papa si Badong?” tanong pa niya. Bumuntong-hininga ito. “Sa tingin mo? Pinipilit ka nga niyang ipakasal kay Arnulfo, di ba?” “Ayokong suwayin si papa ngunit hindi ko maatim na maikasal sa ibang lalaki.” “Mahal mo na?” tanong nito. Huminga siya ng malalim saka tumango. “Sa sandaling panahon ay nabihag na ni Badong ang aking damdamin.” “Nanliligaw na ba siya sa’yo o nobyo mo na?” “Nanliligaw pa lamang siya, ate. Hindi pa man siya nakakaakyat dito sa bahay sa ngayon. Ngunit sa kanyang mga simpleng paraan ay nagagawa niya akong suyuin.” “Hindi ka ba nakakaramdam ng takot? Kilala siyang pabling dito sa San Fabian. Paano kung masaktan ka sa huli?” “Hindi iyon kaila sa akin pero hindi ko maipaliwanag kung bakit sa kabila niyon ay panatag ang aking kalooban. Maaaring marami nang babae ang dumaan sa kanyang buhay, ngunit nararamdaman ko na ako at wala nang iba pang mahal si Badong.” Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Nakikita ko ang saya sa mga mata mo na ngayon ko lamang nasilayan mula ng ating pagkabata. Marahil ay mahal mo nga talaga siya, pero kailangan ko pa rin makausap ‘yang si Badong. Bilang mas nakakatanda ay gusto ko na makasigurado na malinis ang kanyang hangarin at hindi ka sasaktan. Kung ano man ang kailangan mong tulong, sabihin mo lang sa akin.” Ngumiti siya at yumakap sa kapatid. “Maraming salamat, ate.” “Basta kapag aalis ka, huwag kang magpapahuli.” “Oo, ate. Yaman din lamang at nagprisinta ka, mamaya ay magkikita kami, maaari mo ba akong tulungan?” “Sige. Oo na. Baka mamaya mahuli ka pa eh.” “Naku, salamat ate! Sadya talagang napakapalad ko na may kapatid akong mabait,” masayang bulalas ni Soledad. “Tama na nga at huwag mo nang paikutin ang ulo ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD