Kabanata 7

1486 Words
“TAO PO!” narinig ni Soledad na wika ng tinig ng isang lalaki mula sa labas. Hindi na siya nag-abala pang sumilip at pinagpatuloy ang pagbabasa sa librong hawak. “O, Badong! Ikaw pala ‘yan!” narinig ulit niyang sabi ng kasambahay nila. Biglang umangat ang tingin ni Soledad nang marinig ang pangalan na iyon. Mabilis niyang sinarado ang libro saka nagmamadaling dumungaw sa bintana. “Pinabibigay ho ng itay itong bigas,” sabi ni Badong. “Naku salamat at malapit na nga maubos ang bigas namin.” Lumukso ang kanyang puso nang makita ang binata. Nakaitim itong pantalon na malambot ang tela pagkatapos ay wala itong suot na pang-itaas habang nakasampay sa balikat nito ang isang sako ng bigas. “Pakiakyat mo na lang dito sa kusina.” “Sige ho,” sagot ni Badong. Tumikhim si Soledad at agad na tumakbo sa harap ng salamin. Inayos at sinipat niya ang sarili bago lumabas. Nagkunwari siyang pumunta ng kusina. Pagpasok pa lang niya ay agad lumingon si Badong at nagtama ang kanilang paningin. Kunwari ay hindi niya ito pinansin ngunit nang tumalikod ang mga kasambahay at walang ibang nakatingin ay pasimple silang ngumiti sa isa’t isa. Bumilis ang pintig ng kanyang puso nang masilayan ang guwapong mukha at magandang ngiti ng binata. Simpatiko at makisig si Badong. Hindi nakakagulat kung bakit hinahabol ito ng mga kababaihan. Bukod doon ay matipuno ito. Lalaking-lalaki ang tikas at parang nililok ng magaling na iskultor ang katawan nito. Mas matangkad din ito sa kanya na tila ba kailangan niyang tumingala kapag nagkalapit sila ng husto. Nang makita ng malapitan ang mga mata nito ay parang kinulayan iyon ng tsokolate. Malinis ang gupit ng buhok. Matangos rin ang ilong nito at kayganda ng natural na kulay pula ang labi nito. Ang tipo ni Badong ay ang tamang halimbawa ng isang binatang Pilipino. “May isang sako pa ho, kukunin ko lang sa labas,” sabi pa nito. “Sige.” “Senyorita, may ipag-uutos ho ba kayo?” tanong ng kasambahay. “Naku wala, narito lang ako para kumuha ng tubig,” pagdadahilan pa niya. “Sige ho, sandali lang at may gagawin ako sa harap,” paalam pa nito. “Sige,” sagot niya. “Badong, narito ang bayad. Kunin mo at baka makalimutan ko pa!” “Salamat ho.” Natigilan si Soledad nang muling umakyat si Badong. Nang maibaba ang sako ay agad itong tumingin sa kanya. Halos maligo ito sa pawis pero hindi gaya ng iba na mukhang nanlilimahid. Parang kay bango pa rin tignan nito. “Maaari ba kitang makausap?” mahina ang boses na tanong nito. “Ha? Ah… oo,” sagot ni Soledad. “Magkita tayo sa likod, doon sa may kakahuyan,” bulong pa nito. “S-Sige, ngayon na?” Marahan itong tumango. Eksakto naman na narinig nila ang mga yabag ng kasambahay na paakyat. Nagmamadaling naglakad palayo si Soledad, pabalik sa kanyang silid. Nang lumingon ay nakita niyang nagpapaalam na si Badong. Pagdating sa silid ay agad nag-ayos si Soledad. Mabuti na lang at wala doon sa bahay ang kanyang mga kapatid, maging ang mga magulang at si Ising. Ang tangi lang niyang mga kasama doon ay ang mga kasambahay. Habang abala ito sa ginagawa doon sa bakuran sa harap, mula sa kusina ay bumaba ng bahay si Soledad gamit ang hagdan sa likod, kung saan dumaan kanina si Badong. Nang makababa ay lumingon muna siya sa paligid, nang masiguro na walang ibang tao ay naglakad papunta sa likod na bahagi ng bahay kung saan maraming mga puno. Pagdating doon ay naabutan niya si Badong na naghihintay. Nakasandal ito sa puno. Nakasuot na ito ng polo habang nakasilid sa bulsa ang isang kamay. “Badong,” tawag niya. Nang lumingon ay agad gumuhit ang magandang ngiti nito. “Dadang,” sabi pa nito. Sinalubong siya ng binata at agad hinawakan sa kamay para umalalay. “Dito tayo,” yaya sa kanya ni Badong. Pumunta pa sila sa pinakagitna ng kakahuyan kung saan walang tao maliban sa kanila. “Ano ba ang nais mong sabihin? Bakit mo ako pinapunta dito?” “Wala naman. Gusto lang malaman ang lagay mo matapos ng mga nangyari kagabi. Natatakot akong kausapin ka doon sa inyo at baka marinig tayo at isumbong ka kay Don Leon.” “Wala naman tao doon maliban sa amin nila Elenita,” sagot niya na ang tinutukoy ay ang kasambahay. “Ngunit huwag kang mag-aalala, ayos naman ako. Nagpunta si Arnulfo pero sinumbong ko na kila mama at papa ang ginawa niya. Sinabi ko nang hindi na ako magpapakasal sa kanya.” Nagliwanag ang mukha ni Badong sa narinig. “Talaga? Hindi ka na magpapakasal sa kanya?” “Hindi na. Abot hanggang langit ang pagkamuhi ko kay Arnulfo. Hindi ko kayang makasama sa buhay ang lalaking gaya niya. Isa pa’y hindi ko naman talaga siya mahal. Kaya lamang kami naging magkasintahan ay dahil pinagkasundo kami ng mga magulang namin.” “Kung ganoon, may pag-asa na ako?” tanong nito. Natawa si Soledad. “Kahit kailan talaga ang bilis mo sa babae, ano? Hindi. Wala kang pag-asa,” pabirong sagot niya. “Dadang, mahal ko… huwag mo naman patayin ng maaga ang pag-ibig ko para sa’yo.” “Naku, tigilan mo nga ako Badong.” “Ngunit walang halong biro, ang totoong dahilan kung kaya’t pinapunta kita dito bukod sa kumustahin ka ay nais kitang masilayan bago ako pumasok sa trabaho,” sabi niya. Tila may kumiliti sa kanyang puso matapos marinig ang mga sinabi ng binata. “Talaga?” tanong pa niya. “Totoo. Pakiramdam ko ay hindi na makukumpleto ang araw ko kapag hindi kita nakita.” Ngumiti si Soledad. “Masaya din naman akong makita at makausap ka.” “Kung ganoon, bukas, maaari ba tayong magkita ulit?” “Oo naman. Kaya lang ay huwag na dito. Malapit ito sa bahay at baka may makakita na sa atin.” “Paano kung magkita tayo doon sa may ilog? Alas-tres ng hapon,” sabi nito. “Sige, darating ako.” Biglang nawala sa pinag-uusapan nila ang pansin ni Soledad nang mapatingin sa kamay ni Badong. Nanlaki ang mga mata at napasinghap siya nang makitang namumula at namamaga ang kamay nito. Dali niyang kinuha ang kamay ng binata at tinignan ng malapitan iyon. Sinubukan pa nitong bawiin ang kamay ngunit hindi binitiwan ni Soledad iyon. Mabilis na umahon ang pag-aalala sa damdamin ng dalaga. Kasabay niyon ay hindi niya naiwasan na makonsensya. “Namamaga ang iyong kamay,” sabi niya. “Wala ito, malayo sa bituka.” Umangat ang tingin niya sa mukha ni Badong. “Hindi maaaring wala lang ito. Nasaktan ka dahil sa akin.” “Huwag kang masyadong mag-alala, Dadang. Mawawala rin ito. Isa pa, masaya ako sa kabila ng lahat dahil nagawa kitang ipagtanggol sa Arnulfo na iyon.” “Ang mabuti pa siguro ay umakyat tayo sa taas nang sa ganoon ay malapatan ko ng lunas ‘yan,” sabi pa niya. “Hindi na, baka may makakita pa sa atin at isumbong ka sa papa mo. Hindi magandang tignan sa isang magandang dalaga na tulad mo na kilalang may kasintahan na nagpapasok ng ibang lalaki sa iyong tahanan. Ayokong maging tampulan ka ng usapan ng mga kapitbahay natin. Gaya ng sinabi ko, ayos lang ako.” “Sigurado ka ba?” “Oo.” Sa kabila ng magandang mga sinabi nito. Hindi pa rin niyon napawi ang pag- aalala niya. Kaya naman kinuha ni Soledad ang panyo sa kanyang bulsa pagkatapos ay tinali iyon sa kamay ni Badong. Asul na kasing kulay ng kalangitan ang panyo na iyon na may burdang mga maliliit na bulaklak sa isang sulok. “Hindi ko alam kung makakatulong pero hayaan mong nakatali iyan nang sa ganoon ay mapanatag kahit paano ang kalooban ko.” “Napakagandang panyolito naman ito.” “Ako mismo ang nagburda niyan,” sabi pa niya. “Kung ganoon, maaari ko bang hingin na lang ito?” “Hihingin mo ang panyo na ‘to? Bakit?” nakangiting tanong niya. “Wala naman, gusto ko lang ng kahit anong bagay na mula sa’yo ang maaari kong dalhin palagi kahit saan ako magpunta,” sagot ni Badong. “Sige. Sa iyo na ang panyolito na iyan.” “Salamat. Ngunit hindi na rin ako magtatagal, kailangan ko na rin mauna, kailangan ko nang pumasok sa trabaho.” “Sige, mag-iingat ka.” Bago ito umalis ay hinatid pa siya ni Badong hanggang sa bungad ng kakahuyan. Hindi ito umalis hangga’t hindi nasisiguro na nakapasok na siya sa bakuran ng kanilang bahay. Bago tuluyan umakyat ay lumingon pa ulit si Soledad. Ngumiti sa kanya ang binata at kumaway. Matapos iyon ay saka ito naglakad palayo. Hanggang sa mga sandaling iyon ay kay bilis pa rin ng t***k ng kanyang puso. Hindi makapaniwala na nagawang guluhin ng isang estranghero ang damdamin niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD