“KAILAN mo balak bumalik ng Maynila?” tanong ni Don Leon sa kanya.
Umangat ang tingin niya mula sa pagkain. “Baka ho sa susunod na linggo.
Gusto ko ho munang dumito sa atin buong bakasyon.”
“Huwag mong pababayaan ang pag-aaral mo, Soledad. Mas mainam na may
natapos ka kahit paano. Iba na ang panahon ngayon, maging ang mga babae ay
may edukasyon na. Hindi na lang nakatali sa bahay,” payo ng ina.
“Opo, Mama.”
“Anak, tungkol kay Arnulfo,” sabi pa ng ama.
Biglang nawala ang ngiti sa kanyang labi. Sa isang iglap ay nawala ang
kanyang gana sa pagkain ng masarap na meryenda.
“Hindi n’yo na ba maaayos ang problema n’yo?”
Nagsalubong ang dalawang kilay niya. “Maaayos? Hindi ho isang simpleng
away ang nangyari sa pagitan namin, papa. Pinagtangkaan niya akong gahasain!”
giit niya.
“Pero anak, wala naman nangyari. Maayos naman ang kalagayan mo.”
“Papa!” mataas ang boses na bulalas niya sabay tayo ng padabog.
Nagulat ang mga magulang maging ang mga kapatid na si Dolores at Luciana
dahil sa pagsigaw niya. Bumigat ang damdamin at may kumirot sa kanyang puso
dahil sa narinig mula sa ama. Hindi siya makapaniwala na sasabihin nito iyon sa
kanya.
“Soledad!” saway sa kanya ng ina.
“Hindi ako makapaniwala sa narinig ko mula sa inyo. Hindi man lang ba kayo
nag-aalala sa akin? Hindi ba dapat mas isipin ninyo ang kapakanan ko?! Pero sa
sinabi ninyo ay tila nais n’yo pa rin ituloy ang kasal namin.”
“Inaalala ko lang ang pagkakaibigan ng pamilya natin. Alam na halos lahat
ng
mga tao dito na ikakasal kayo ni Arnulfo pagkatapos mo sa Kolehiyo. Paano kung
pag-usapan kayo at maungkat ang nangyari noong nagdaan gabi? Ayokong
mabahiran ng hindi maganda ang pangalan natin.”
“Mas mahalaga pa ba ‘yon kaysa sa akin na anak n’yo?!” sigaw ni Soledad
kasunod niyon ay ang pag-agos ng luha mula sa kanyang mga mata.
“Anak, huminahon ka,” pag-aalo sa kanya ng ina.
“Papa, muntikan akong mapahamak! Muntik akong pagsamantalahan ng
lalaking gusto ninyo na pakasalan ko! Bakit hindi man lang kayo nag-aalala o
nagagalit?! Anong klaseng ama kayo?!”
Kasunod niyon ay isang malakas na sampal ang natanggap niya mula sa
ama.
“Sin verguenza! Lapastangan! Saan mo natutunan na bastusin ako ng
ganito?!” galit na galit na tanong nito.
“Sa ayaw at sa gusto ninyo ay matutuloy ang kasal n’yo ni Arnulfo!”
“Sige! Subukan ninyong ipilit ang gusto ninyo! Kung gusto ninyong makita
ako bukas ng umaga na wala nang buhay habang nakabitin sa kisame!” pagbabanta
ni Soledad.
“Anak, an oba iyang sinasabi mo?!” mabilis na saway ni Donya Juana.
“Hindi ako basta nagbabanta lamang, mama. Gagawin ko talaga iyon kapag
pinilit ninyo na ikasal ako sa lalaking ‘yon. Mula pa noong una ay hindi ko mahal si
Arnulfo! At hinding hindi ako magpapakasal sa lalaking ngayon pa lang ay hindi na
ako magawang igalang at irespeto!” matapang na banta niya sabay talikod at takbo
sa pabalik sa kanyang silid.
Dumapa si Soledad sa kanyang kama at doon ay binuhos ang lahat ng sama
ng loob sa ama. Umiyak siya ng umiyak. Sa bawat luhang pumapatak ay kalakip ng
galit.
“Soledad, anak,” tawag sa kanya ng ina pagpasok nito sa silid niya.
“Kung narito kayo para kumbinsihin ako na magpakasal kay Arnulfo, nag-
aaksaya lang kayo ng oras, Mama. Buo na ang desisyon ko, hindi ko pakakasalan
ang lalaking iyon. Kahit kaladkarin ninyo ako sa simbahan hindi ako magpapakasal.
Dahil mas nanaisin ko na lang na mamatay.”
“Anak, makinig ka muna sa—”
“Iwan n’yo muna ako, gusto kong mapag-isa,” putol niya sa sinasabi nito.
Walang nagawa ang ina kung hindi ang iwan siya. Mariin niyang kinuyom ang
palad habang nababalot ng galit ang kanyang damdamin para kay Arnulfo.
BIGLANG napabalikwas ng bangon si Soledad nang may maalala. Kasunod
niyon ay tumingin siya sa orasan. Pasado alas-singko na ng hapon. Natutop niya
ang bibig nang maalala ang usapan nila ni Badong. Alas-tres nga pala ng hapon ang
kanilang usapan.
Dahil doon ay nagmadali siyang bumaba ng kama at nag-ayos. Eksakto
naman na pumasok si Ising sa kanyang silid.
“Oh, saan ka—”
“Ising, mabuti at narito ka. Sino ang tao sa labas?” natataranta na tanong
niya.
“Wala. Nasa silid si Tiya Juana, ang Papa mo naman ay umalis na matapos
kumain ng meryenda.”
“Mabuti. Aalis muna ako ha? Huwag mong sasabihin na wala ako dito. Kung
sakaling malaman ng Mama na wala ako dito, sabihin mo na lang na nagpaalam
ako na maglalakad-lakad lang sa labas,” mahigpit niyang bilin.
“Sige, pero saan ka ba pupunta?”
“Hindi ko maaaring sabihin, mas mabuting hindi mo alam. Huwag kang mag-
alala, diyan lang ako sa malapit.”
“Sige, pero bumalik ka agad bago dumilim ha?”
“Oo.”
Matapos iyon ay nagmamadali siyang lumabas ng silid at dumaan sa kusina
pababa. Mula doon ay lumabas si Soledad ng kanilang bakuran at tumuloy sa
bukid. Habang naglalakad ay puno siya ng pag-aalala na baka nainip na si Badong
at umalis ito. Baka akalain nito na sadya siyang hindi sumipot. Matapos doon ay
saglit na binaybay ni Soledad ang kakahuyan, bago narating ang ilog. Eksaktong
pagdating doon ay nakita niya na paalis na ang taong kanyang pakay sa lugar na
iyon.
“Badong!” tawag niya.
Mabilis itong lumingon at agad nagliwanag ang mukha nang makita siya.
Tumakbo palapit si Soledad at sinalubong naman agad siya ni Badong.
“Dadang! Ang buong akala ko’y hindi ka na darating.”
“Pasensiya ka na, saglit na nawala sa isip ko ang usapan natin. Paano’y
nagkasagutan kami ng Papa kanina?”
Biglang napalis ang ngiti nito sa labi.
“Halika, maupo tayo dito at ikuwento mo sa akin ang nangyari.”
Habang nakaupo sila sa malaking bato at sinalaysay ni Soledad ang nangyari
kanina. Matapos iyon ay bumuntong-hininga si Badong.
“Nakakalungkot na sa kabila ng lahat ng ginawa ng lalaking iyon ay gusto pa
rin niyang ituloy ang kasal.”
“Kaya nga wala akong ginawa kanina kung hindi ang umiyak.”
Pumihit ito paharap at tinitigan siya sa mukha. Pagkatapos ay marahan
nitong hinaplos ang ilalim ng kanyang mata.
“Kaya pala bahagyang namumugto ang mga mata mo. Mabuti na lang at
hindi nabawasan ang ganda mo.”
Napangiti siya sa sinabi ni Badong, kaya naman ngumiti na rin ito.
“Ganyan. Mas bagay sa’yo ang nakangiti.”
“Salamat, Badong. Ikaw palagi ang nasa tabi ko sa tuwing may nangyayaring
hindi maganda sa akin. Palagi mo na lang akong pinapangiti.”
Bumuntong-hininga ang binata. “Iyon nga yata ang papel ko sa buhay. Ang
pangitiin ka.”
“Kaya pasensya ka na kung matagal kang naghintay dito. Alas-tres ang
usapan natin ngunit dapit-hapon na akong dumating.”
“Ang buong akala ko talaga ay hindi ka na darating. Muntik na akong
mawalan ng pag-asa. Hayaan mo sa susunod na pagkikita natin, maghihintay ako
sa’yo kahit gaano katagal.”
“Talaga? Gagawin mo ‘yon?”
“Oo. Dahil alam ko na darating ka kahit anong mangyari.”
“Nga pala, wala bang dumadaan dito? Baka biglang may dumating at makita
tayo dito,” tanong pa niya.
“Huwag kang mag-alala. Bihira ang dumadaan dito lalo na’t ganitong oras na
malapit nang dumilim kaya walang makakakita sa atin dito.”
Mula kay Badong ay dumako ang tingin ni Soledad sa ilog kung saan parang
diyamanteng kumikislap ang tubig dahil sa sikat ng araw na tumatama roon.
Habang bumabaha ang iba’t ibang kulay sa kalangitan. May asul, kahel, dilaw,
kulay rosas at lila. Kasabay niyon ay marahan umiihip ang malamig na simoy ng
hangin na para bang humahalik sa buo niyang pagkatao. Napakagandang tanawin.
Hindi niya akalain na ganoon kaganda ang lugar na iyon tuwing dapit-hapon.
Pakiramdam ni Soledad ay gumaan ang kanyang dibdib at panandalian nakalimutan
ang mga suliranin.
“Kay ganda dito, Badong. Kahit iguhit sa larawan ay hindi mabibigyan ng
hustisya ang kagandahan ng lugar na ito.”
“Tunay nga na kahanga-hanga,” sagot nito.
Nang lumingon si Soledad ay nahuli niyang sa kanya ito ang nakatingin. Bigla
siyang natawa.
“Wala sa akin ang tanawin, nasa harapan mo,” sabi pa niya.
“Nagkakamali ka. Mukha mo pa lang ay maituturing nang tanawin para sa
akin.”
Nahihiyang ngumiti si Soledad pagkatapos ay umiling saka huminga ng
malalim.
“Hindi ko alam kung maniniwala ako sa mga sinasabi mo. Dapat nga ay
umiiwas ako sa iyo dahil marami na ang nagsasabi na ikaw at pabling at maraming
nang babae ang pinaluha mo.”
“Siya nga naman, pero anong dahilan at sa kabila ng narinig mo tungkol sa
akin ay narito ka pa rin?”
Nagkibit-balikat si Soledad. “Dahil masaya akong kasama ka,” pag-amin nito.
“Iyon lang ba?”
Tumaas ang kilay niya. “May iba ka pa bang nais na marinig?”
Si Badong naman ang nagkibit-balikat. “Sabihin na natin na oo.”
“Ano naman ‘yon?”
Tumikhim ito saka umurong upang mas magkalapit sila.
“Na baka gusto mo rin ako,” sagot nito.
Natawa siya ng malakas. “Naniniwala na ako sa mga kuwento sa akin nila
Ising. Tunay nga na malakas ang bilib mo sa iyong sarili. Paano ka naman
nakakasigurado riyan?”
Sa halip na sumagot ay tinitigan nito ng deretso ang kanyang mata. Nawala
ang ngiti nito sa labi bagay na nagbigay sa kanya ng labis na kaba. Mga tingin na
para bang hinuhukay nito ang kanyang puso. Mga matang puno ng emosyon.
Pakiramdam ni Soledad ay para siyang nababatubalani ng mga tingin nito.
“Dahil kung hindi ay wala ka ngayon dito sa aking tabi.”
Hindi nakasagot si Soledad. Totoo at hindi niya kayang ikaila ang sinabi nito.
Kung nalalaman lang ng binata na halos bantayan niya kanina ang bawat pagpatak
ng oras habang naghihintay na sumapit ang alas-tres. Kung hindi biglang umuwi
ang ama ay tiyak na nakarating siya sa oras.
Tumikhim si Soledad at bumawi ng tingin. Lumingon siya sa paligid. Doon
lang niya napansin na unti-unti na palang dumidilim ang paligid.
“Malapit nang magdilim, baka hinahanap na ako sa amin. Kailangan ko nang
magpaalam.”
“Sige. Ihahatid na kita, madilim na sa daraanan mo,” sabi pa nito.
Marahan siyang tumango. Nang bumaba ito mula sa malaking bato ay agad
nitong nilahad ang mga kamay para alalayan siyang bumaba. Pinatong niya ang
mga kamay sa balikat nito at hinawakan naman siya ng binata sa beywang.
Pagbaba nito sa kanya. Kapwa sila natigilan nang mapatingin sa isa’t isa at
makitang malapit ang mukha nila.
Nang mga sandaling iyon ay tila sasabog ang puso ni Soledad sa lakas ng
kabog ng kanyang dibdib. Hindi nila alam kung gaano katagal silang nakatayo lang
doon at nakatitig sa isa’t isa. Napapitlag lang sa gulat si Soledad nang biglang may
ibon na humuni ng malakas kaya nakabawi siya ng tingin.
“Tayo na,” sabi pa niya.
Habang naglalakad ay nakaalalay palagi sa kanya si Badong. Bago pumasok
sa kakahuyan na madilim na sa mga sandaling iyon ay bigla siyang humawak sa
damit ni Badong. Natigilan ito sa paglalakad at lumingon sa kanya.
“Ayos ka lang?” tanong nito.
“Oo. Medyo natatakot lang sa dilim.”
“Sandali, may kukunin ako,” sabi pa nito.
Naglakad ito ng bahagya at mula sa masukal na halamanan ay may kinuha
ito. Mula doon ay may kinuha itong isang gasera, pagkatapos ay kinuha nito ang
posporo mula sa bulsa saka iyon sinindihan.
“Sa iyo ‘yan?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“Dala ko kanina, nagbakasakali ako. Sabi ko baka gabihin tayo ng uwi,
mabuti na iyong handa.”
Natawa si Soledad at napailing. “Mukhang pinaghandaan mo itong araw na
ito,” sabi niya.
“Natural lang, dahil ayokong mapahiya sa’yo,” sagot nito sabay hawak ng
mahigpit sa kamay niya.
“Huwag kang mag-aalala. Hindi kita bibitiwan,” sabi pa nito.
Kapanatagan ng loob ang hatid sa kanya ng mga salitang iyon. Nawala ang
takot niya at natagpuan ang sarili na kampanteng naglalakad sa gitna ng kadiliman
habang hindi bumibitaw sa kamay ni Badong. Ilang sandali pa ay nakarating na sila
sa kalye nila. Nagtago muna sila sa likod ng isang malaking puno saka nito pinatay
ang gaserang dala.
“Paano? Mauuna na ako,” paalam niya.
“Sige. Maraming salamat sa pagdating, Dadang. Tiyak na makakatulog na
naman ako ng mahimbing mamaya.”
“Walang anuman.”
“Kailan ulit tayo magkikita?” tanong pa nito.
“May mahigit isang linggo pa akong nalalabi dito sa San Fabian bago ako
bumalik ng Maynila sa linggo. Sabihan mo lang ako kung kailan mo nais na magkita
tayo at darating ako,” nakangiting sagot niya.
Ngumi ti ito at tumango. “Sige. Ako na ang bahala, gagawa ako ng paraan
para makausap ka.”
“Sige, uuwi na ako.”
“Sa muling pagkikita natin, mahal ko,” pahabol pa ni Badong.
Bago tumalikod ay pinabaunan ni Soledad ng matamis na ngiti ang binata.
Pagkatapos ay magaan ang bawat hakbang na tinahak ang daan pabalik ng
kanilang bahay.