Aminado mang nalulungkot dahil sa mga salitang iyon ni Roma pero hindi ko na pinahalata pa. Pilit na lang akong ngumiti hanggang sa maka-alis na silang dalawa.
What should I do to tame her? Paano kaya kung anyayahan ko siyang pag-usapan namin ito upang magka-ayos na? I can’t afford to prolong what she feels for me. Ang hirap-hirap manatili sa ganitong klaseng sitwasyon lalo’t sa puntong ito, sila na lang ang masasandalan ko maliban sa sarili ko.
Saglit akong tumulala upang pag-isipan kung ano ang susunod na gagawin. Maya-maya pa’y napagpasyahan ko na lang na tumungo sa kusina upang magdingas ng apoy kahit hirap at hindi malaman ang gagawin. Pilit kong ginagawa iyong nakikita ko kay Nay Klaring. Pinagpapatong-patong ko naman sa kalan ang mga kahoy ngunit sa tuwing nagdidingas na ako, hindi nagtatagal ang buhay ng apoy.
Lalo akong binalot ng iritasyon. Kahit abo’y pinanggigigilan ko na dahil lagpas bente minuto na akong sindi nang sindi ng posporo. Paano ako nito makakapag-init ng tubig kung ayaw namang makisama ng apoy na ito? Bwisit.
“Ate Daff? Ayos ka lang? Kailangan mo ng tulong?”
Inayos ko ang ekspresyon ko nang mapansing nakatayo na pala sa gilid ko si Igor. Pilit kong ipinakita ang matamis kong ngiti habang hawak ang kahon ng posporong malapit na maubos ang laman.
“Uh, sanay ka ba magsindi ng apoy dito? Balak ko kasi sana magpainit ng tubig.”
“Opo. Sanay ako.”
Namamangha akong tumabi sa gilid saka hinayaan siya sa harap ng kalan. Hanggang dibdib niya ang taas nito kaya napagtataka sa parte ko kung paano niya ina-assemble nang walang kahirap-hirap ang mga kahoy. Napansin kong binago niya ang pagkakapatong nito saka hiningi sa akin ang posporo. Sa isang sindi nito sa tuyong dahon ng niyog, madaling lumagablab ang apoy na kanina ko pa gustong masaksihan.
Halos maiyak ako sa tuwa nang magpasalamat sa kaniya. Dali-dali kong kinuha ang takure kung saan may nakahanda ng tubig saka iyon isinalang.
“Ang galing mo naman. Paano mo natutunan iyon?” tanong ko nang nakaupo sa tabi ng pintuan at siya ay nakatayo lang sa harap ng kalan.
“Madali lang po kung masasanay ka. Dito kasi sa amin, namulat kaming kahoy ang ginagamit sa panggatong. Kayo po? Ano po ba ang nakasanayan niyo?”
“Sa stove at LPG kasi ako nasanay. Tapos may rice cooker pa.”
May ngiwi sa kaniyang mukha habang naririnig iyon ngunit nakikitaan din ng mangha. Hindi ko na lang iyon ipinaliwanag pa dahil mahirap i-describe nang hindi naman niya nakikita kung ano ang itsura ng tinutukoy ko.
Maya-maya pa’y hinayaan niya itong kumulo sa loob ng ilang minuto. Ako na ang nagkusang magsalin nito sa thermos dahil baka ma-aksidente pa siya’t mapaso.
Nagkwentuhan lang kami ni Igor matapos ko siyang ipagtimpla ng kape. Kapwa din namin kinain ang mga tinapay na dala kanina ni Nay Klaring hanggang sa mamalayan kong nakaubos na pala kami ng ilang pack.
Sa lalong pagtaas ng sikat ng araw, tinanong ko kung maaari ba siyang sumama sa akin sa tabing dagat. Balak ko kasing tumambay roon at magpahangin. Maiinip lang ako rito sa kubo dahil panay huni lang ng mga insekto ang maririnig ko at wala naman akong gadget na maaaring pagka-abalahan.
Nang sumang-ayon siya ay siniguro kong nakasara ang pinto at bintana ng kubo bago kami umalis. Habang naglalakad, unti-unti ko na ring nakakabisado ang daan dahil sa totoo lang, sa dami ng ruta at liko ay maaari na akong maligaw. Mabuti na lang dahil kasama ko si Igor. Kung hindi dahil sa kaniya, baka kung saan na ako pupulutin o baka mapipilitan lang akong manatili sa kubo.
Habang tinatahak ang daan, may mga nakakasalubong kaming residente rin dito sa isla. Sa tuwing ngingitian ko ay susuklian din nila ako ng ngiti. Karamihan sa kanila ay ganoon ang reaksyon at base sa nakikita ko, mukhang madali naman silang pakisamahan. Ang sarap lang sa pakiramdam dahil kahit paaano, hindi naman taliwas sa kanilang nandito ako.
Sa ilang sandali pa ay narating din naman ang dalampasigan. Kaagad kong inilubog sa malamig na buhangin ang aking mga paa saka umupo na para bang ngayon ko lang ito ginagawa. Samantala, si Igor naman ay dumiretso pa upang pulutin daw iyong malaking sea shell sa gilid ng dagat. Nang maiwasang mag-isa ay prente kong pinasadahan ng tingin ang buong paligid.
Medyo mataas na ang tirik ng araw kaya nadepina nito ang pagiging bughaw ng kalangitan. Sa hindi kalayuan ay may nakikita akong namamangka at mayroon ding grupo ng mga matatanda na may pinupulot sa gilid ng dagat. May mga mangingisda ring nagsasampay ng kanilang lambat. May ilang mga batang naliligo at naglulumpasay sa mahihinang hampas ng alon at may isang lalaki sa gawing kaliwa ko na ngayon ay may inaayos sa bangka—
Wait what? Si Carlo iyon ah?
Mabilis akong tumayo at naglakad patungo sa kanan, taliwas sa direksyon kung saan siya naroroon. Hinabol ko ang kinaroroonan ni Igor hanggang sa marating ko na ang pwesto niya.
“I-igor…” hinihingal kong sabi at yumuko sa kaniya. Inosente siyang tumingala sa akin habang nababasa na ng alon ang aming mga paa.
“Bakit ate?”
“Anong ginagawa ni Carlo roon?” sabay turo ko sa direksyon nito nang hindi ko tinitingnan. Pinanatili ko lamang ang mata ko sa bata at hinintay ang isasagot niya.
“Ah ang ginagawa po ni Kuya Carlo? Trabaho po kasi niya iyan. Nagkukumpuni po siya ng sirang bangka.”
Napatango-tango ako. Kaya pala hindi niya ako napansin ay dahil masyado siyang focused sa ginagawa.
Hinawi ko ang buhok ko dahil tuluyan na rin palang dumampi ang silahis ng araw sa aking balat. Unti-unti na rin akong pinagpapawisan dahil sa init.
“Ate, gusto mo maligo?”
Ngumiti ako. “Tara.”
Tumango-tango siya saka binitawan ang hawak na sea shell. Pagtakbo niya patungo sa mismong katawan ng dagat, saka ako sumunod at lumublob sa tubig.
Huminto ako nang maramdamang hanggang bewang ko na ang lalim. Para akong tangang pumikit dahil dinama ko talaga ang lamig na dulot nito sa’kin. Sa tinagal-tagal ko kasing nabuhay sa mundong ito, ngayon lang ako nakaligo sa tubig-alat.
Nang dumilat ako, bigla akong sinabuyan ni Igor. Tumawa-tawa siya nang gawin iyon habang ako ay napa-awang ng bibig. Siyempre hindi naman pwedeng hindi ako gumanti. Hinabol ko siya hanggang sa masabuyan ko na rin siya ng tubig.
Ang sarap maligo sa ganitong oras na hindi pa masyadong masakit sa balat ang araw. Lalo na kung hindi kalakasan ang hampas ng mga alon. How I wish na gawin itong parte ng routine tuwing umaga pero nangangamba rin ako na baka magkasakit sa balat kaya dapat, minsan na lang.
Sinubukan kong gayahin si Igor. Inilubog ko ang buong katawan ko sa tubig saka lumangoy base sa natutunan ko noon. Ngunit nang umahon ako at idilat ang mga mata, parang nilatayan ng kuryente ang aking sistema. Para akong tanga dahil namilog nang hindi inaasahan ang aking labi.
Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko ngayon dahil saktong sa pagdilat ko, nakita ko kung paano hinubad ni Carlo ang pang-itaas niya. Nakaharap pa siya rito sa dalampasigan at ang talagang ikinagulat ko ay patungo na rin siya rito sa dagat!
What the heck! Huwag niyang sabihin na maliligo rin siya rito!
“Igor!” natataranta kong tawag nang naglalakad patungo sa kaniya. “Usad tayo roon! Dali.”
Lumingon si Igor sa direksyon na tinutukoy ko. Mabuti naman at hindi siya umangal dahil sabay kaming lumangoy at lumayo sa pwesto kung saan maliligo si Carlo. Nang matantya kong medyo nakalayo-layo na kami ay saka kami huminto.
“Bakit tayo lumipat dito ate?” tanong ng bata. Dahil sa ginawa namin ay naging malapit na rin ang aming pwesto sa iba pang mga bata na naglulumpasay ng ligo rito.
Hindi ko sinagot si Igor. Sa halip ay lumingon lang ako sa pinanggalingan namin at nakita si Carlo na ngayon ay malapit na sa dagat. Ilang hakbang pa ay tuluyan na siyang nakalublob gaya namin. Huminto siya nang hanggang dibdib na niya ang lalim.
God. I can’t help this. Buti na lang ay hindi pa niya kami nakikita. Buti na lang dahil hindi pa niya nagagawang lumingon sa amin. Dahil kung magkataon man na nakita niya kami at sasadyain niyang tumungo rito, hindi ako magdadalawang isip na umahon. Baka hindi lang ako makahinga kahit na nakakasinghap naman ako ng hangin.
Sa lalong pagtagal namin sa pwestong ito, ang mga bata na sama-samang naglalaro kanina ay nilapitan ni Igor. Sabay-sabay silang lumingon sa akin matapos niya itong kausapin saka ngumiti’t kumaway.
Seeing the smiles of these children gave me hope. Hindi ko alam. Iba ang pakiramdam na naihahatid nito sa akin kahit na hindi ko naman sila kaano-ano at hindi nila ako kilala. Siguro dahil nakikita ko ang pangarap ko sa kanila. Dahil noong bata ako, bihira ko lang nagawang ngumiti. Bihira dahil lagi na lang ako noon nakasasaksi ng gulo sa bahay.
Growing in a broken vow, broken marriage, and a broken family, I saw myself as the helpless victim where hatred turned my visions to misery. Nangarap akong lumilingap ng pagmamahal, pagmamahal na hindi nagmumula sa ibang tao kun’di nagmumula sa sariling pamilya.
Siyempre, sino ba naman gugustuhing mabuhay sa mga sitwasyon kong iyon, sa buhay kung saan ang pagngiti ay sadya na lang himala? Pero natanto kong hindi naman lahat ng hirap ay nagtatagal— iyon ay kung gagawa ka ng paraan upang matapos ito at hindi na muli pang babalikan.
Sa parte ko, mas mabuti na itong nagpakalayo-layo ako kahit na masakit at mahirap. Mas gugustuhin ko na ito kaysa naman magtiis pa ako at lalo pang magdulot ng gulo.
Ngumiti ako at kumaway pabalik bilang sukli sa kanilang ipinakita. Gusto ko sanang sumigaw kaya lang baka marinig pa ako ni Carlo.
Mula sa mga bata, saka ko ibinaling ang tingin sa pwesto ng lalaking iyon kanina. Napakunot-noo ako dahil hindi ko na siya makita roon. Saan na kaya ‘yon? Umahon na kaya siya?
“Sinong hinahanap mo?”
Ganoon na lang ang pangingilabot ko nang marinig ang baritonong boses na iyon. Sunod-sunod akong napalunok at kahit nakalubog sa tubig, nagawa pa ring magsitayo ng mga balahibo ko. Damang dama ko na siya sa aking likod kaya ang balak kong humarap sa kaniya ay hindi ko na ginawa.
S-hit.
“I-igor…” ang naisambit ko na lang. Ngunit sa sobrang busy ng batang iyon sa mga batang nilapitan niya ay hindi niya narinig ang aking tawag! God. Bakit kasi ngayon pa? Bakit ngayon pa kung kailan nais ko nang umalis?
“Dito ka muna,” aniya na akin pang ikinapikit nang mariin. Mahina akong suminghap dahil sa kaba.
Nawala ang atensyon ko kay Igor nang lumipat si Carlo sa aking harap. Seeing his stoic stares gave shivers down my spine. Ang hirap-hirap basahin ng emosyon niya. Hindi ko maunawaan kung iritado ba o wala lang ito sa kaniya.
“Aalis ka na?” Kusa akong napatingin sa matipuno niyang dibdib. S-hit. That hollow and iron-clad chest. May mumunti pang balahibo roon at nate-tempt pa akong hipuin iyon! Why are you doing this to me, Carlo?
“Oo, aalis na ako,” malamig kong sagot nang tingnan ko na siya nang diretso sa kaniyang mga mata.
He slouched. “Dumating lang ako, lilisan ka na…”
That soft yet humming voice. Oh God! Huwag niyang sasabihing nais niya akong makasabay maligo rito sa dagat?
“Bakit hindi mo na lang ituloy ang ginagawa mo sa bangkang iyon? Huwag mong sayangin ang oras sa paliligo.”
“Tapos na ako.”
“I bet no. Nakita mo lang siguro ako rito kaya umalis ka na r’on.”
“Ano gusto mong gawin ko para mapatunayan lang na tapos na ako?”
Umirap ako. Ewan ko ba. Wala naman siyang ginagawang masama pero naiinis ako. Pero kahit na naiinis, naroon pa rin ang paghanga ko. Minsan, hindi ko rin talaga maunawaan ang sarili ko. Dumarating sa puntong naghahalo na kung ano ang nararamdaman hanggang sa hindi ko na matukoy kung ano roon ang totoo at kung ano ang hindi.
“Okay, fine. Maniniwala na ako.”
“Good.”
“Pero aahon na ako.”
“Huwag muna.”
“Hindi ka ba makakaligo nang wala ako? You can do it on your own. Matanda ka na.”
Nakitaan ko siya ng nakakalokong ngisi nang masabi ko iyon. Nabali naman ang kilay ko sa reaksyon niyang iyon.
“Anong nginingisi-ngisi mo?”
He craned his neck and drown himself more.
“Lahat na lang kinukwestyon mo.”
“Masama ba?” tanong ko.
“Nakapagtataka lang.”
“Natural. Hindi naman kasi talaga kilala.”
“Kilalanin natin ang isa’t isa kung gano’n.” Huminto siya at hinawi ang basang buhok. Napatitig ako sa kung paano niya ito ginawa dahil may angas iyon at bagal. “Deal?”
Hindi ako nakasagot. Pinanatili ko lang ang titig sa mga mata niyang binabalot na naman ngayon ng misteryo. Mahiwaga siya kaya naroon ang pagnanais ko na alamin pa siya’t kilalanin. Pero bakit ganoon? Bakit pakiramdam ko ay mapanganib siya?
Totoong mahirap mabuhay sa maling akala at mas mahirap kung hahayaan lang natin ang sariling nagtatanong nang hindi man lang gumagawa ng paraan. But who knows what the future holds? Kaysa naman umasa lang ako sa kutob ko kung anong klaseng tao talaga siya, ‘di ba?
“Okay. Deal,” sagot ko dahilan kung bakit siya tumango.