Matino akong kausap. Kapag alam kong may relasyon ang tao, alam ko rin kung saan ako lulugar. Kung totoo ngang may girlfriend siya, mas mainam kung si Nay Klaring o ibang tao na lang ang mag-aasikaso sa akin. Hindi iyong siya pa ang magluluto ng pagkain sa akin at magche-check kung okay na ba ako o hindi.
Natural, kung malalaman ito ng girlfriend niya, kahit na hindi aminin ay may selos iyon. Basta’t ang mahalaga lang sa akin ngayon ay nalaman kong may kasintahan siya. Iyon na ‘yon.
“Para kang tanga,” naiinis kong turan habang naghuhugas ng plato. Maya’t maya ang rinig ko sa hagikhik niya kaya naiirita ako. Nasa likod ko lamang siya at pilit kong inilalagay ang focus sa ginagawa ko. Ngunit sa tuwing naririnig ko ang ginagawa niya, ewan ko ba. Nakakapagduda kung maniniwala ako sa sinabi niya kanina o hindi.
Wala akong narinig na ibang reaksyon niya nang sumunod. Paulit-ulit ang hagikhik niya na para bang pinaglalaruan niya lang ako. Pabalik-balik na lang ang tingin ko sa ginagawa ko at sa maliit na bintanang katapat ko rito sa lababo.
Hindi gaya sa nakasanayan ko sa Manila, ibang iba ang katahimikan dito sa isla. Kung dati ay nabibingi ako dahil sa ingay, ngayon naman ay literal na nabibingi dahil sa sobrang tahimik. Tanging kalikasan na lang ang gumagawa ng paraan upang kahit papano’y maginhawaan ako. Iyon ay kahit mga kuliglig ang nagtatagisan at ang huni ng mga ibon.
Para itong gubat. Aminado akong hindi ako sanay sa mga unang gabi ko rito dahil mag-isa lang pero wala din namang nangyayaring masama. Kailangan lang talagang sanayin ang sarili kahit pa paunti-unti. Sa huli, kahit na mahirap, wala pa rin naman talagang ibang pamimilian kundi ang magpatuloy.
Huli na nang matanto kong nahugasan ko na lahat ng pinagkainan. Saka ako tumungo sa hapag upang linisin ang kalat nito, partikular na sa mga kaning tira-tira. Dahil dito, hindi ko naiwasang sulyapan ang naka-upong pigura ni Carlo. He’s just sitting silently, prenteng nanonood sa ginagawa ko.
“Anong oras ka aalis?” Walang bahid ng kahit anong emosyon sa boses ko. Purely neutral.
“Dito muna ako.”
“Anong dito muna?” Huminto ako sa ginagawa ko. Binitawan ko ang basang basahan sa mesa at marahang umangat ng tingin sa kaniya. “Baliw ka ba?”
“Aalis din ako.”
“Dapat lang. Ano na lang ang iisipin ng girlfriend mo kung dito ka matutulog?”
Mula sa ilaw ng likha ng gasera, hindi man pinahalata ay nakita ko kung paano umakyat nang bahagya ang dulo ng kaniyang labi. It’s as if I said something wrong, something that made him laugh. Mas lalo tuloy akong napaisip kung anong nasa isip niya. Pinaglalaruan ba ako nito?
“Anong problema mo?” usal ko nang nakakunot na ang noo. Bahagya niyang ipinilig ang ulo saka hinawi ang gamo-gamo na dumaan sa tapat ng kaniyang dibdib. Kagyat na nalipat ang pansin ko sa maskuladong larawan nito ngunit mabilis ko ring inilipat sa mga mata niya.
“Sa’ting dalawa, mukhang ako ang dapat na magtanong niyan,” sagot niya sa monotonong boses. Inirolyo ko ang mga mata ko at pinulot sa hapag ang basang basahan. Humarap ako sa gilid saka tumungo sa lababo upang sandali itong ibabad sa palangganita at muling isabit upang mapatuyo.
“Kung tatanungin mo ang problema ko, oo, marami akong problema.” Huminto ako saka humarap sa kaniya. I crossed my arms as I intently looked at his eyes. “At hindi ko na iyon kailangan pang ikwento sa’yo.”
“Okay then,” mabilis niyang sagot. “Hindi naman kita pinipilit.”
Hindi na muna ako nagsalita. Ang hirap naman kasi ng ganito. Tipong hindi mo mapigilan ang sariling mabagabag dahil batid mong may relasyon ang tao. Kung ang intensyon lang naman niya ay tulungan ako, oo, aware ako roon. But the fact na ako muna ang binigyan niya ng atensyon pagkadating niya mula sa laot, ano na lang ang iisipin ng girlfriend niya?
Hindi ako nag-iinarte. Inilalagay ko lang ang sarili ko sa sitwasyon at sa kung ano ang maaaring pumasok sa isip ng girlfriend niya. But who knows? Baka matured na ang babaeng iyon at hindi basta-basta nagpapaapekto.
Pero nasaan nga ba ang girlfriend niya? Bakit parang wala naman ibang sumalubong sa kaniya o ‘di kaya’y lumapit kanina? I’m not being curious for no reason. Baka may tampuhan sila kaya hindi iyon nagpakita?
“Puntahan mo na ang girlfriend mo. Umalis ka na—” Hindi ko na naituloy ang sinasabi ko dahil sa puntong ito, nagsalita na kaagad siya.
“Why do you keep on reminding that? May girlfriend man o wala, desisyon ko ito.”
“Anong desisyon mo? Anong klase ‘yan?”
“Ganyan ba kababaw ang tingin mo sa isang relasyon?”
Umawang ang bibig ko. Hindi ko na malaman kung sa paanong paraan ko ilalagi ang disposisyon ko. Sa paraan ng pagkakasabi niya nito, animo’y nasumbatan ako. Nahusgahan. Nasabihan.
Seryoso ang pananaw ko sa isang relasyon kaya hindi ako masisisi ng kahit na sino kung bakit ganito ang reaksyon ko. Walang mababaw sa alinmang aspeto nito kaya wala ring dahilan upang maging mababaw ang tingin ko rito. True love is the greatest adventure that every one could ever experience. Nothing is more important than taking up maturity when handling every part of it. Higit pa ang respeto ko’t pananaw rito— isang bagay na hindi ko man lang naramdamang ginawa ni Daddy.
Living in a home where everything is already broken, I’ve felt all kinds of pain every daughter never wished to happen. At ang masakit? Iyong kumpleto naman kayo sa tahanan pero pakiramdam mo’y watak-watak na kayo. Mom has always been a martyr. She’s been a soldier amidst the war Daddy had started. And sadly, I’m the victim.
Mas naging mahirap iyon dahil kasal na sila. At lalo pang nasakal dahil sa presensya ko sa buhay nila. I kept on crying every night just because I always blame myself. Ang hirap manatili sa magulong sitwasyon gayong batid kong ako rin naman ang itinuturong dahilan.
Kaya iyon. Iyon ang dahilan kung bakit sa paglipas ng panahon ay natuto akong magpahalaga sa isang relasyon. Mapanakit man ang pinagdaanan ko, wala ng mas sasakit pa sa bunga ng pagkakamaling hindi na kailanman magagamot ng hinaharap. Gayunpaman, kahit na mahirap, alam kong pagbangon na lang ang solusyon. Patuloy mang hinahabol ng nakaraan, kailangan ko pa ring magpatuloy.
“Kung may mababaw man sa mundong ito, pagsuko iyon,” wala sa sarili kong sabi bilang reyalisasyon sa mga naisip ko. Lalong tumiim ang paraan ng pagkakatingin ko sa kaniya saka huminga nang malalim. Aaminin kong guilty ako sa parteng ito dahil maraming beses na ring sumagi sa desisyon ko ang sumuko. Ngunit gaya ng marami sa atin, ito ang nagiging daan natin upang matuto.
Kumpara kanina, mas seryoso na ang ekspresyon niya. Wala na akong mabanaag na panunuya o kahit na ano pang mang-iinsulto sa akin.
Nagpatuloy ako kahit na nahihirapan. “At sa dami ng masasakit na naranasan ko, ngayon ko lang naisipan iyon. Ngayon lang…”
Hindi niya magawang ibaling sa ibang direksyon ang kaniyang tingin. Mas sumeryoso lang ang tingin niya at dahil dito’y hindi ko malaman kung sa paanong paraan ko na iyon susundan pa. Mabuti na lang dahil lumipas ang ilang segundo, naisipan na rin niyang tumayo. Nagpaalam siyang uuwi na siya saka isinara ang pinto.
Nakahinga man nang maluwag, nanatili ang bahagyang kirot dahil sa mga naisip ko. Para maibsan, inisip ko na lang na walang madali habang nabubuhay. Walang madali habang tayo ay naglalakbay.
**
Kinaumagahan, kagaya ng lagi kong nakasanayan ay mga ingay ng manok ang gumising sa akin. Pagkabangon ay kaagad akong dumiretso sa banyo upang kumuha ng timba na pupunan ko pa ng tubig sa balong hindi naman kalayuan sa kubong tinitir’han ko.
Medyo bangag pa ako dahil sa antok ngunit natutunan ko ring gumising nang maaga upang tumulong sa kung sino man ang pumunta rito sa kubo. Sa ngayon, tatlo ang maaari kong asahan: Si Nay Klaring, si Roma, at si Carlo.
Bitbit ang timba, naglakad ako palabas nang humihikab. Ganoon na lang ang pagkatigil ko nang marating ang balon dahil hindi ko inaasahan na matatagpuan ko pala roon si Carlo. Hindi gaya kahapon, mas mukha na siyang disente dahil may suot na siyang pang-itaas at naka-shorts na rin siya ngayon.
Pumwesto ako sa likod niya bilang pagpila. May kalayuan naman kahit papaano.
Habang hinihila niya ang hawakan sa balon nang walang kahirap-hirap, saglit siyang napalingon sa akin. Wala akong nakitang ibang reaksyon doon at hindi gaya ko, hindi halata sa kaniyang bagong gising siya. O baka naman sadyang maaga siyang nagising?
Bahagya na ring sumisikat ang araw. May kaunting lamig dahil sa naiwan pang hamog sa paligid at makikinita ang dulot ng halumigmig sa mga dahon ng halaman. Ang sarap sa mata.
“Akin na.”
Natauhan ako nang marinig iyon kay Carlo. Mula sa halamang nasa gilid, mabilis kong inilipat ang tingin sa kaniya at nakita ang kamay niyang nakalahad sa akin.
Umiling ako. “Hindi, ako na.”
Pero mapilit siya. Hindi pa man ako nakagagalaw ngunit humakbang siya at inagaw sa akin ang timbang dala ko.
Naiwan akong naka-awang ang bibig habang pinagmamasdan siya sa sumunod niyang ginawa. Mabilis niyang ibinaba ang aparatong nakakabit sa hawakang gawa sa kawayan upang makasalok ng tubig sa malalim na balon. Bahagya ang hiya na namutawi sa akin at tiniis ko na lang nang napapakagat-labi. Hindi niya naman ito kailangang gawin para sa akin. Ilang beses na rin kasi akong bumalik dito sa balon at kaya ko naman.
Hindi na rin ako naka-angal pa nang siya na ang nag-insist na magbuhat nito pabalik sa kubo habang bitbit din sa isa niyang kamay ang kaniya. Kaysa naman ipagpilitan ko pa. Baka magtalo lang kami o mag-away.
“Salamat…” usal ko nang ilapag niya sa pintuan ng banyo ang timba. Tumango lang siya at lumabas din kaagad. Lihim akong sumilip sa bintana at pinagmasdan siyang naglalakad palayo sa kubo. Sa pagtaas ng sikat ng araw, nadepina nito ang saktong timpla ng balat niyang moreno.
Nang maglaho na siya nang tuluyan sa paningin ko, saka ko hinablot ang twalyang nakasabit lang sa gilid ng katre saka tumungo sa banyo upang maligo. At dahil limitado lang naman ang dami ng tubig sa timbang ito, saglit lang akong naligo at nagbihis ng kulay puting duster.
“Magandang umaga po,” bati ko nang iluwa ng pintuan si Nay Klaring. May bitbit siyang supot na wala akong ideya kung anong nilalaman. Sinalubong ko siya at tinulungan siya sa kaniyang dala.
“Para sa’yo ‘yan iha.”
Tiningnan ko ang laman nito. Nakita kong may tinapay dito, kape, asukal, at ilan pang mga goods na karaniwang inihahanda tuwing umaga.
“Salamat po at nag-abala pa po kayo para dalhan lang nito,” wika ko sabay lapag nito sa mesa. Umupo siya sa katre habang ako naman nagsimulang magbukas ng isang tinapay.
“Balak ko nga sanang dalhin sa’yo ‘yan mamaya. Kaso, mamaya na ang alis ko para pumunta ng karatig isla.”
“Kailan po kayo babalik?”
“Tatlong araw ako mamalagi roon kasama si Roma.”
Napaisip ako roon. Tatlong araw at kasama ang apo niya. The fact na dalawa sila sa tatlong inaasahan kong tumungo rito sa kubo, ibig sabihin…
“Sa ngayon, si Carlo muna ang mag-aasikaso sa’yo. Hindi na muna siya sasama sa laot.”
“Huh? Pero okay lang po. Kaya ko naman pong makaraos nang hindi na niya inaasikaso.”
Tumaas ang kilay niya. Nagpatuloy ako.
“Saka kaya ko na po ang sarili ko. Mas maganda kung magtatrabaho muna siya sa laot.”
Kagyat siyang nag-isip.
“Oh sige. Kakausapin ko siya mamaya. Sayang nga naman kung liliban pa siya sa trabaho niya,” aniya.
At hindi talaga pwede iyon. Kitang kita naman sa kalagayan ko na hindi ko na kailangan pa ng alalay. Magaling na ako at hindi na rin ako bata pa upang arugain nang sobra-sobra. Ano na lang ang sasabihin ng girlfriend niya kung hanggang ngayon ay nasa akin pa rin ang atensyon niya?
Kailangan kong masanay sa islang ito nang hindi na kailangan ng tulong niya. Thankful na ako sa pagligtas niya sa akin mula kay Pael noong gabing iyon. At dapat hanggang doon na lang iyon.
“May nais ka bang ipabili sa akin bilang pasalubong ko?”
Ngumiti ako. “Okay lang po Nay. Huwag na po kayong mag-abala pa para dalhan ako ng pasalubong.”
“Sus, parang iyon lang naman. Sabihin mo na.”
Nagkibit-balikat ako. “Kayo na pong bahala…”
Sa mga sumunod ay sinabi ni Nay Klaring ang dahilan kung bakit kailangan niyang manatili sa kabilang isla sa loob ng tatlong araw. May kakilala raw kasi siya roon na kailangan daw ng tulong niya sa panggagamot. Noong una ay ayaw pumayag ng apo niyang si Roma. Pero dahil kailangan, napilitang na lang itong pumayag at sumama.
Habang nagsasalita si Nay Klaring, biglang may kumatok sa pinto kaya sabay kaming napalingon doon. Bigla akong ginapangan ng kaba nang makitang nakatayo roon si Roma at nakikitaan ng simangot sa mukha.
“Nay, tara na,” malamig niyang sabi nang nakatingin sa akin. “Mahaba pa ang biyahe. Huwag na tayong mag-aksaya ng oras.”