Chapter 10

2304 Words
Para akong paralisado. Kung may lakas lang talaga ako upang bumalikwas mula sa pagkakahawak niya sa palapulsuhan ko, hindi na sana ako magdadalawang-isip pa.   Pero hindi eh. Sa sobrang seryoso ng tingin niya, kahit sino yata ay masisindak na. Hinarang na rin ng matipuno niyang katawan ang larawan ng dagat kaya wala akong choice kun’di ang tumingala sa kaniya.   “Masama bang magliwaliw dito sa dagat?” lakas-loob kong sagot. Hindi mahahalata sa boses ko ang takot. Puno iyon ng tapang at panghahamon.   “Sinong kasama mo?”   Ibinaba ko ang tingin kay Igor. Inosente lang siyang nakatingala sa amin habang pinapalamig ang sarili.   “Ayan, si Igor.”   Binaba niya rin ang tingin sa bata. Kusa tuloy itong nagsalita upang suportahan ang sinabi ko.   “Ako po ang kasama niya kuya.”   “Ilang oras na kayo rito?”   “Wala pa pong isang oras.”   Sa puntong ito ay dahan-dahan nang kumalas ang kamay niya sa akin. Bahagya na rin siyang umatras upang lumayo nang kaunti. Unti-unti nang bumababa ang araw kaya lalo pang naging kahel ang kulay ng kapaligiran. Nang subukan ko na ring lumingon sa mga taong tumulong sa paghila ng bangka kanina, nakapila pa rin sila ngayon at isa-isa ng binibigyan ng isda.   Ang sarap nilang tingnan sa totoo lang. Masarap pa sanang tumagal dito at mamalagi sa nag-aambang sunset ngunit nang marinig ang sumunod na sinabi ni Carlo ay napunan kaagad ako ng dismaya.   “Sumabay ka sa’kin, uuwi na tayo. Igor, tulungan mo na ro’n ang tatay mo.”   Kaagad na tumayo si Igor. “Sige po kuya.”   Masunurin itong naglakad patungo sa kaniyang tatay. Sinundan ko iyon ng tingin upang makita kung sino at nakita kong nagbubuhat iyon ng banyera. Mahahalata ang katandaan nito sa katawan ngunit naroon pa rin ang lakas dahil nagagawa pa niyang magbuhat.   Ibinaling ko ang tingin kay Carlo nang muli siyang magsalita.   “Dito ka lang. May kukunin lang ako at babalikan kita rito.”   Hindi na niya hinintay pa ang aking sagot. Tumalikod na siya at bumalik sa kumpol ng mga tao, partikular na sa mga kasama niyang mangingisda. Mula rito ay pinagmasdan ko lang kung paano niya kinausap iyong tatay ni Igor at kinuha ang banyerang buhat nito. Wala siyang kahirap-hirap at mahihinuhang sanay na sanay na ang kaniyang katawan sa ganitong klaseng gawain.   Nang magtama ang aming mga mata, mabilis kong iniwas ang tingin ko. Inilipat ko na lang ang pansin ko sa araw na papalubog, lalong lalo na sa detalye kung paano ito humahalik sa linya ng mawalak na karagatan. Sumasaliw na rin ang mas lumalamig na simoy na hangin. Siguro mas masasaksihan ko ang ganda nito kung mas tatagal pa ako. Kaya lang, papalapit na kasi rito si Carlo habang buhat-buhat sa isang balikat ang banyera.   Nang marating na niya ang gilid ko, saka ko pa lang inalis ang titig ko sa sunset. Hudyat ito na magsimula na kaming maglakad pabalik sa looban ng islang ito.   “Tara na.”   Labag man sa loob ay nagsimula na kaming maglakad. May ilang dipa rin ang layo ko sa gilid niya at sinisiguro kong hindi kami maglalapit nang mas maikli sa isang dipa. Naiirita ako. Ayaw ko sa paraan kung paano siya magsalita. Puno iyon ng awtoridad at animo’y Diyos na lahat ng utos ay nasusunod.   Ganoon ba siya kaprominente sa islang ito? Para yatang kagalang-galang siya? Ano kaya ang posisyon niya rito?   Sa sobrang tahimik ng aming lakad, tanging mga gangis lang ang namumutawi. Walang kahit na sino sa aming madadaanan. Karamihan kasi ay nanatili pa rin sa dalampasigan.   “Ang binti mo, kumusta?” tanong niya. Nagulat ako roon lalo’t ang tahimik lang namin sa mga minutong nagdaaan.   Sumagot ako nang tuloy-tuloy ang hakbang at hindi lumilingon sa kaniya.   “Ayos lang.”   “Magaling na?”   “Malapit na.”   “Good. Bukas, hindi kita papayagang umalis ng bahay.”   Huminto ako, dahilan kung bakit napahinto rin siya. Nasa unahan ko na siya ngayon kaya lumingon pa siya rito upang tingnan ako. Nang magtagpo ang aming mga mata ay para akong inilublob sa dagat ng kaniyang awtoridad. That was effortless!   “Seryoso ka ba?” iritado kong puna.   “Anong gusto mong sabihin ko?”   “Look, kita mo namang nakakalakad na ako nang maayos, ‘di ba? May iba ka pa bang dahilan para hindi ako payagang umalis ng bahay?”   Umismid siya at patuyang ngumisi. “Hindi ka pa tuluyang magaling. Kung lalong lalala ‘yan, anong gagawin mo? Sinong sisisihin mo?”   “Excuse me? Hindi naman ako lampa gaya ng iniisip mo.”   “Sige. Bahala ka. Desisyon mo ‘yan.”   Lalo akong nainis nang magpatuloy siyang muli sa paglalakad. Saglit pang umawang ang bibig ko pero dahil sa takot na baka maiwan, sumunod na lang ako at muling pumuwesto sa gilid niya.   Nakakainis, sobra! Tipong hindi naman ganoon kalala ang sinabi niya pero nakakakulo na agad ng dugo. Kung tutuusin, wala naman akong dapat ikairita lalo’t kapakanan ko lang naman ang nasa isip niya. Ang kaso, kusa na ring sumasagi sa isip ko iyong mga sitwasyong napagtatalunan namin noon. Aminado akong nasapawan iyong pagtulong niya noong gabing hindi ko halos mahanap ang sarili ko.   Totoo nga. Sa buhay ay may mga taong magdudulot na ng inis kahit wala pa naman silang ibang ginagawa. Paano ko kaya malalagpasan lahat ng mga hamong kahaharapin nang dahil sa kaniya? Paano kaya malalagas itong inis ko gayong utang na loob ko naman sa kaniya ang buhay ko?   Ilang minuto ang lumipas bago namin narating ang kubo. Pumasok na ako habang siya naman ay nagpatuloy sa paglalakad. Siguro ihahatid sa ibang tahanan iyong dala niyang banyera. Hindi ko alam. Hindi naman niya nagawang magpaalam.   Pagpasok ko sa loob, tumungo ako sa lababo saka naghilamos. Sinamantala ko na ang pagkakataon habang wala siya at gumawa ng kung ano-anong gawain. P-in-olish ko ang mga kalat sa sahig. Itinupi ko lahat ng mga dapat itupi. Pagkatapos ko naman magbihis ay saka ko sinindihan ang gasera na siyang magbibigay liwanag lang sa gabing paparating.   Sa mga nakalipas, nasanay na akong ganito ang sitwasyon. Walang kuryente o kahit na anong source ng power para sa mga pailaw. Oo, nakakabagot. Pero ano nga ba naman kasi ang choice ko?   Sa lamig na umiiral sa lugar na ito, hindi na problema ang ventilator. Hindi ko rin kailangan pang magpaypay o magwasiwas ng kung ano-ano.   “Marunong ka ba magluto?”   Muntik na akong mapatalon dahil sa gulat. Dahan-dahan pa akong humarap sa pinto at nakita roon si Carlo na ngayon ay naka-topless pa rin at ripped jeans. May bitbit siyang supot na transparent at makikita sa loob nito ang mga isda. Sapat na ang liwanag ng gasera upang makita siya nang mas masinsinan.   “Kung prito, oo.”   “Sige, magprito ka,” utos niya sabay hakbang papasok. Inilapag niya sa mesa ang isda saka umupo sa bakanteng upuan. Para akong nataranta dahil sa paraan niya ng pagkakaupo. Nakahalukipkip ba naman kasi at animo’y haring naghihintay ng makakain.   “S-sure ka? Ako ang magpiprito?”   “Sabihin mo lang kung hindi ka marunong. Tuturuan kita.”   Dahil doon, mabilis akong umiling.   “Marunong ako. Ang hindi ko lang alam ay kung paano gumamit ng kahoy kapag magluluto.”   Tumagal ang titig niya sa akin. Sa puntong ito ay hindi ko mawari kung pinaniniwalaan ba niya iyon o hindi.   Maya-maya’y tumayo siya at muling kinuha ang supot ng isda. Nakita ko rin kung paano siya humablot ng palangganita, kutsilyo, at sangkalan.   “Ako na ang magluluto,” aniya nang nakatalikod. Bigla naman akong nahiya. Walang akong salitang ma-i-usal. Para akong binusalan habang nanonood lang sa kaniya.   “Okay. Sorry kung wala akong alam sa ilang gawain dito.”   “Kung hahayaan mo ako at willing ka, tuturuan naman kita.”   Abala na siya ngayon sa pagkikiskis at pagtatanggal ng hasang. Samantala, umupo naman ako sa katre nang nanonood lang sa kaniya.   God. Sa sobrang maskulado ng lalaking ito, litaw na litaw na iyong muscles niya sa likod lalo na ang dimples nito. Bahagya ring sumisinag sa repleksyon ng liwanag ang ugat sa likod ng kaniyang braso, gayundin sa gawing triceps. Ayaw kong magkomento ng maganda pero hindi ko maiwasang humanga. Kung may makadiskubre nga lang sa kaniya ay hindi malabong makuha ito para sa photoshoot o endorsement.   Sayang. Sayang lang dahil sa attitude niya. Sa halip na lalo pang ma-turn on ang mga babae sa kaniya, baka bumitaw lang at mawalan ng gana. Believe it or not, gaano man kagwapo ang isang lalaki, darating ang puntong pagsasawaan siya kung saksakan naman ng sama ang ugali. Mahirap makisama sa ganoong klaseng tao. Bihira na lang sa mundong ito ang martir at hindi lahat ay marunong magtiis.   Mabilis siyang kumilos kaya mabilis din niyang natapos ang mga hakbang saka lumabas patungong lutuan. Mula dito, kitang kita ko pa rin ang pigura niya habang nagsisimula nang magluto. Sandali lang niyang nasigaan ng apoy ang kalan at nagpainit na ng mantika.   Sa pinanggalingan ko, nasanay ako sa gas stove. Iyong hindi mo na kailangan pa ng kahoy upang magpa-apoy dahil sapat na ang LPG. Ilang beses ko na ring napapanood si Nay Klaring kung paano iyon gawin pero nang sinubukan ko, saksakan ng hirap. Namamatay kaagad ang apoy kahit meron namang pandingas. At lalong mas mahirap kapag nakikisabay pa ang hangin.   Inaya na niya akong kumain nang maluto na niya ang ulam. Nakahain na rin ang kaning natira kanina. Napipilitan man ay wala akong nagawa dahil kumakalam na rin ang sikmura ko.   Magkatapat kami habang ang gasera ay nakapwesto sa gitna. Pagkasalok ko ng kanin ay saka ako kumuha ng isang isda.   “Pakabusog ka,” wika niya habang naghahalo ng sawsawan. Pagkahawak ko sa aking kutsara ay nagsimula na siyang sumubo nang nakakamay lang.   “Hindi ka magdadasal?” tanong ko. Wala siyang isinagot doon at nagpatuloy lang sa pagkain nang nakayuko.   Kung sa bagay, hindi rin naman ako nagdadasal bago kumain. Hindi ko rin kasi ito nakasanayan sa pamilya ko dahil hindi rin naman kami nagsasabay sa pagkain. Madalas ay ako lang mag-isa. Minsan lang kami magkasabay-sabay at sapilitan pa.   Tahimik. Wala ni sinong nagsasalita. Mga kuliglig lang ang nangahas na maglikha ng ingay at halos mabingi na ako dahil dito. How can I even speak when I hate this man in front of me? Anong itatanong ko? Anong paksa ang i-o-open up ko?   Bahala na.   Inubos ko muna ang pagkain sa bibig ko bago magsalita. Saktong rin dahil inangat na niya ang tingin sa akin habang ngumunguya.   “Gaano ako katagal dito sa isla niyo? Kailan ako papayagang umalis?”   “Kailan mo ba gusto?”   Nabali ang kilay ko sa narinig. “Seryoso? Ganyan ka ba talaga? Sinasagot ng tanong ang tanong ng kausap mo?”   “Ang init ng dugo mo sa’kin…”   “Bakit hindi, Carlo? Tinatanong kita nang maayos—”   “Bakit, nakikipaglokohan ba ako sa’yo? Sa paanong paraan? Hmm?”   Huminga ako nang malalim upang ipanatili ang timping hindi ko alam kung saan aabot. Kapag talaga kasama ang lalaking ito ay obligado akong maglaan na kaagad ng pasensya. Ang hirap makitungo sa kaniya.   “Ang hirap mong kausap, nakakainis.”   “Wala akong magagawa. Wala eh. Ayaw mo sa’kin.”   Padabog kong iginalaw ang kustara sa plato. Pagkasubo ko ng pagkain ay para akong hayop na ngumuya. Gigil na gigil ako. Sa sobrang gigil at hindi ko na alam kung nasa katinuan pa ba ako o tao pa ba ako.   Tiningnan ko siya nang masama. Samantala, lumamig lamang ang ekspresyon niya at walang ni kahit na anong mababasa.   “Sinong hindi maiinis sa’yo? Ang pangit ng ugali mo. Masungit. Authoritative. Wala sa ayos kausap.”   “Ikaw lang.”   “At sinong maniniwala diyan? Oh God. Siguradong aabutin pa ng siyam-siyam bago maging kumportable ang tao sa’yo.”   “Talaga lang ah?” Sabay inom niya ng tubig. Umirap ako dahil lalo pa akong niyakap ng inis.   “Ni hindi rin ako maniniwala kung sasabihin mong may girlfriend ka.”   Pagkainom niya ng tubig ay bahagya siyang lumayo sa mesa. Nang sumandal siya sa upuan ay saka ko nakitaan ng ngisi at panunuya ang labi niya.   “Paano kung meron?” bulong niya.   Lumala ang kunot ng noo ko nang marinig iyon.   “Na may girlfriend ka? Hah! Sinong binibiro mo, Carlo?”   I swear, walang babaeng magtatagal sa kaniya. Sabihin mang ubod ito ng tipuno at kagwapuhan, walang makakatiis sa ugali niya!   “Paano nga kung meron?” pag-uulit niya. Natahimik akong bigla.   Seryoso? Meron?   Unti-unting umawang ang bibig ko.   “Nagbibiro ka lang.”   Umiling siya at ngumiti. Higit itong sumilay dahil sa sinag at liwanag ng lampara.   “Kung mapapatunayan kong meron, anong gagawin mo?”   Natulala ako. Sino kaya ang babaeng iyon? Kung totoo ngang may girlfriend siya, paano niya natiis ang ugali nito?   Binaba ko ang hawak na kutsara. Tumayo ako at dinala ang pinagkainan sa lababo. “Kung may girlfriend ka nga, ano pang ginagawa mo rito?”   “Ngayon, pinapaalis mo na ako…”   S-hit. Bakit ba lagi na lang akong nilalapitan ng problema? Lagi na lang may babagabag. Kailan ba ako makakapagpahinga?   Humarap ako sa kaniya habang nakatayo rito sa gilid ng lababo. Nanatili pa rin siyang nakasandal sa kaniyang upuan at bahagyang nakatingala sa akin.   “Kung may girlfriend ka pala, huwag kang masyadong gugugol ng oras sa’kin. God. Ang hirap na ngang tiisin niyang ugali mo, wala ka pang oras sa kaniya.”   Humagikhik siya nang manahimik na ako. Lalo tuloy akong naguluhan kung seryoso ba siya sa sinabi niya o pinaglololoko niya lang ako. Bwisit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD