Chapter 07

2175 Words
The next few hours were so prim and silent. Nangyari ang hiling kong mapag-isa muna kahit panay pa rin iyong silip ng mga bata sa bintana. Mayroon din namang mga matatandang kuryoso pero sa tuwing nahuhuli ko ang kanilang mga mata, kaagad silang umiiwas ng tingin. Para bang isang malaking kasalanan ang pagtatama ng aming paningin, na para bang ikamamatay nila kung magtatagal sila ng silip sa akin.   Nauunawaan ko dahil kung hindi ako nagkakamali, maaaring kalat na sa buong nayon ang balitang muntik na akong magpakamatay. Sa reaksyon pa lang ni Carlo kanina, hindi imposibleng kinaumuhian ng ilan ang ganoong klaseng desisyon sa buhay. Pero sino nga ba talaga ang makakaunawa sa akin kung wala namang nakakaalam sa totoong pinagdaanan ko? My past is even miserable to tell. Isipin ko pa lang na ikinukwento ko ito sa iba, nahihirapan na ako.   Dapit-hapon na nang bumalik sa kubo si Nay Klaring. Nanatili pa rin akong tahimik at nakaupo sa katre habang siya ay abala sa pagluluto ng mga rekados mula sa supot na dala ni Carlo kanina. She’s not even asking me. Hindi niya rin ako tinatapunan ng tingin. Ayaw kong isipin na iniiwasan niya ako pero sino nga ba ako sa lugar na ito upang pansinin niya?   Nasa labas lang ng kubong ito ang kusina. Minsan ay napapaubo ako dahil ang usok na likha ng kaniyang niluluto ay pumapasok dito sa loob. Tanging gasera lang ang nagbibigay liwanag sa madilim na espasyo rito. Hindi man sanay dahil natuto akong lumaki sa marangyang pamilya, batid kong matatapos din ito.   “Gutom ka na?”   Napalunok ako nang sa wakas ay marinig ko na ang boses ni Nay Klaring. Nakaupo siya sa upuang katabi ng hapag at kita sa liwanag ang mahinahon niyang paghihimay ng malunggay.   Hindi siya nakaharap sa akin. Naka-side view lang siya sa paningin ko kaya hindi ko mabasa nang maayos ang ekspresyon niya. Gaya ba ng iba ay may nararamdaman na siyang inis sa akin? Mabait naman siya sa akin kanina ah?   Tumikhim muna ako bago sumagot. “M-medyo po.”   Tumango siya nang hindi man lang lumilingon sa akin. “Malapit ko na itong maluto. Sandali lang.”   “Salamat po.”   Nahihiya ako. Nahihiya ako dahil lumalabas na palamunin lang ako sa puder na ito. Pero ano nga ba kasi ang makakaya kong gawin gayong hindi pa ako makatayo at makalakad nang maayos? Sa halip na makatulong ako, baka mas makaperwisyo lang ako. Baka mas makadulot pa ako ng matinding abala sakali mang pilitin kong mag-ambang kahit na alam kong hindi pa naman pwede.   Sila na rin ang nagsabi sa akin kanina na hindi raw ako basta-basta paaalisin sa isla na ito. At sa naaalala ko, hinding hindi raw papayag ang pinuno para sa seguridad ng mga nandito. Hindi naman nakapagtataka dahil ibang iba ang kwento ng mga nasa siyudad ukol sa islang ito. Wala ring kasiguraduhan ang kanilang pamumuhay kung magagawa nga silang paalisin dito.   I feel so bad for them, lalong lalo na sa mga bata na rito na ipinananganak. Paano sila makakapag-aral? Mananatili na lang ba silang ganito hanggang sa lumaki sila? Sadya bang limitado na lang ang magiging pangarap nila?   As I rekindle with my own thoughts, tumayo na si Nay Klaring at muling lumabas upang tumungo sa kusina. Samantala, ako naman ay humarap sa bintana saka tumingala sa kalangitang napupuno ng mga bituin. Right to this moment, walang ibang pumasok sa isip ko kun’di si Mommy. Kumusta na kaya siya ngayon? Is she doing fine? Is she finding me?   Mukhang malabo. Malabo pa sa ngayon para sabihing hinahanap niya ako. Baka nga matuwa pa iyon kapag nalaman niyang wala na ako. Malaya na siya sa lahat ng hinanakit na idinulot ko. Hindi na niya kailangan pang umiyak nang dahil sa akin. Mapapasaya na rin niya ang sarili niya.   Oo, marami ng pagkakataon na nakita ko siyang ngumiti sa akin ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, batid kong sakal na sakal na siya dahil sa presensya ko. Kung hindi dahil sa akin, malamang hindi na niya kailangan pang maghabol kay Daddy. Kapakanan ko lang naman ang iniisip niya kaya patuloy lang siyang kumapit.   Hindi ko alam kung sa hinaharap ay magagawa kong bumuo ng sariling pamilya. Pero kung sakali mang mangyari iyon, sisiguraduhin kong hindi ako matutulad sa kanila. Magpapakasal ako sa lalaking mahal ko at mahal ako nang higit pa sa iniisip ko. Hindi ko ipaparanas ang lahat ng paghihirap na pinagdaanan ko.   Walang pagsisisihan ang pamilyang matatawag kong akin. Mabubuhay kami nang matiwasay at malayo sa gulong nasaksihan ko sa nakaraan.   Sa ilang mga minuto pa ay pumasok na si Nay Klaring dala ang kaldero kung saan siya nagluto. Pinagmasdan ko kung paano niya inihanda ang aming hapunan at napansin ko kung gaano siya ka-ingat sa bawat kilos. Nang maihanda na niya sa hapag ang mga kubyertos ay saka niya ibinaling ang pansin sa akin. Inalalayan niya akong tumayo at maglakad hanggang sa kapwa na kami umupo sa upuang inilaan niya para sa isa’t isa.   “Ito ang pansamantala mong tirahan. Lilipat muna ako sa apo ko gaya ng utos ng pinuno.”   Natigilan ako nang marinig iyon.   “Pwede naman po tayo mag-share—”   “Iha, ang utos ng pinuno ay nararapat sundin. Huwag kang mag-alala, babalikan naman kita rito nang oras-oras para suriin ang kalagayan mo.”   “Pero bakit kailangan niyo pa pong humiwalay?”   Nagkibit-balikat siya. Kahit siya siguro ay hindi rin maunawaan kung bakit ganoon ang naging desisyon ng sinasabi niyang pinuno.   Lalo akong dinapuan ng hiya nang magsimula na kaming kumain ng tinola. Kubo niya ito. Pamamahay niya. Tapos ako ang makikinabang? At talagang siya pa ang kailangang mag-adjust para sa akin. Gaano iyon ka-unfair?   As much as possible, gusto kong magprotesta sa kanilang pinuno. O kung sakali mang hindi payagan, mas mainam na paalisin na lang ako rito at hayaang magpakalayo-layo. Pero gaya nga ng sinabi kanina ni Nay Klaring, mananatiling utos ang regulasyon ng nakatataas. Kung siya ngang residente rito ay walang magagawa, paano pa kaya ako?   Pagkatapos kumain ay tahimik na nagligpit si Nay Klaring. Siniguro niya ring nasa maayos na kondisyon ang pilay ko bago siya lumisan. Hinayaan niya lang nakabukas ang gasera hanggang sa hindi ko namalayang nakatulog na ako.   Kinabukasan, tilaok ng mga tandang ang gumising sa akin. Tumatama na rin sa mukha ko ang papasikat na sinag ng araw kaya sa pagdilat, para akong tangang nasilaw. Marahan akong bumangon upang alalayan ang paa kong napuruhan. Ganoon na lang gulat ko nang makitang may tao sa kusinang nasa labas at may kung anong niluluto.   Naningkit ang mga mata ko habang pilit siyang sinisilip. Nakatalikod siya mula sa pwesto ko kaya hindi ko gaanong makita ang mukha. This time, sigurado akong hindi siya si Nay Klaring. Hindi hamak na mas bata ito ng ilang dekada, siguro ay gaya kong teenager o ‘di kaya’y nasa twenty’s.   Hindi gaya ng suot ni Nay Klaring na tribal, ang kasuotan niya ay gaya ng mga tipikal kong nakikita sa siyudad. She’s casual on her pink shirt at binagayan iyon ng shorts niyang floral. Nakatali nang ponytail ang buhok niyang hanggang balikat ang haba at kung ikukumpara sa tangkad ko, siguro ay hanggang tenga lang niya ako. Muntik na akong umiwas ng tingin nang humarap siya upang silipin ako. Sa puntong ito ay nagtitigan kami.   Binalot ako bigla ng hiya. Bakit ang ganda niya? Hindi man gaya kong mala-porselana ang balat, sa mata ka pa lang tumingin ay makikita na kaagad ang kagandahang tinataglay niya.   Napalunok ako nang mapansin din kung gaano kasama ang tingin niya sa akin. Saka lang ako nakahinga nang maluwag nang siya na mismo ang kusang umiwas ng tingin at muling ibinalik ang atensyon sa ginagawa sa kusina.   Bakit parang may kakaiba? Bakit parang galit siya sa’kin?   Hinayaan ko muna iyon. Mas umayos na lang ako ng upo saka sinuklay ang buhok gamit ang daliri. Naroon ang pagnanais ko na maligo na o maghilamos pero base sa sakit ng paa ko, batid kong hindi ko pa kakayanin. Nahihiya naman akong humingi ng pabor sa kung sino ang narito dahil mukhang hindi siya kumportable sa akin. Anong oras kaya babalik si Nay Klaring?   Sa ilang sandali pa ay pumasok ang babae dala ang mangkok na mukhang naglalaman ng kaniyang iniluto. Sa muling pagtama ng aming mata, pilit akong ngumiti ngunit wala akong ibang reaksyong natanggap sa kaniya.   Dedma.   “Kumain ka na,” malamig niyang sabi pagkalapag niya ng mangkok sa lamesa. Kusang naglaho ang pilit kong ngiti dahil mas natanto kong hindi siya okay sa akin.   Sumandal siya sa dingding nang nakaharap sa akin. Saka siya humalukipkip nang nakataas pa ang kilay.   Nagdalawang isip ako bigla kung paano ko ito masasagot nang maayos, tipong hindi ko siya ma-ooffend o mapapakitaan ng kakaibang ekspresyon. Mas matanda kaya siya sa akin? Sa paanong paraan ko kaya siya tatawagin?   “Salamat pero… h-hindi pa kasi ako makatayo nang maayos.”   “Oh tapos? Anong gagawin ko?”   This time, hindi ko na napigilan pang kabahan nang sobra. Paulit-ulit na lang akong huminga nang malalim at makailang beses na suminghap nang hindi niya nahahalata. Hindi basta-basta ang galit niya sa akin. Sa maikling sandali ay iyon na kaagad ang natanto ko.   Hindi ako nagsalita. Yumuko na lang ako at pinakatitigan ang paa kong nababalutan pa rin puting tela. Hindi ko alam kung kakayanin ko ba ito pero isa lang ang nasisiguro kong gawin sa pagkakataong ito. Kailangan kong tumayo sa sarili ko at maglakad patungo sa mesang iyon.   Muli kong tiningnan ang babae at nakita kong hindi pa rin naaalis ang tingin niya sa akin. Kung kanina ay nakikitaan ko ng sama ng loob, ngayon yata ay mas lumala pa iyon.   Mabilis kong iniwas ang tingin sa kaniya. Sa puntong ito, kahit nahihirapan ay pinilit kong itukod ang magkabila kong kamay sa katre at ipinatong ang isang paa sa sahig. Paulit-ulit akong huminga nang malalim dala ang pag-asa na sana ay makayanan kong tumayo. Pero nang idinikit ko na ang kabila kong talampakan sa sahig, ginapangan kaagad ako ng matinding kirot.   Napangiwi ako. Halos maluha ako dahil hindi ko iyon masyadong nilapatan ng pag-iingat. Hindi ko alam kung ipagpapatuloy ko pa ba ito pero anong magagawa ko gayong galit sa akin ang babaeng ito?   Bumuntong-hininnga ako. Nagdesisyon na lang akong ipagpaliban na muna ang balak na tumayo at hihintayin na lang na dumating si Nay Klaring.   “Talaga bang hindi ka makatayo o nag-iinarte ka lang?”   Hindi ko siya tinapunan ng tingin sa tanong niyang iyon. Bagkus ay dinaan ko na lang sa singhap upang humagilap ng timpi.   Bakit kaya ang init ng ulo nito sa akin?   “Anong gagawin mo sa niluto ko? Itatapon ko na lang huh?”   “Bahala ka,” bulong ko na tiyak akong narinig niya.   “Anong sabi mo?”   “Hihintayin ko si Nay Klaring.”   “Tapos? Anong gagawin mo kapag darating siya? Magpapabigat ka na naman? Alam mo, masyado nang matanda ang lola ko para mag-alaga ng kung sino-sino. Pinagpapahinga na nga namin siya pero dumagdag ka pa.”   Doon ko na-realize kung sino siya sa buhay ng matanda.   Apo.   Apo siya ni Nay Klaring.   Kaya ba naiinis siya sa akin ay dahil ako ang nakikinabang sa pamamahay nito? At sa halip na magpahinga na lang ay inaasikaso pa ako? Kailan ba ako tatantanan ng problemang ito? Saan man ako magpunta ay pabigat lang ang nai-aambag ko.   “Kung bakit ba naman kasi dinala ka pa rito. Bakit ‘di ka na lang magpakamatay para wala na kaming sabagal na iispin dito?”   “P-pasensya na…”   “Mapapatawad lang kita kung ikaw mismo ang gagawa ng paraan para lisanin ang islang ito.”   “Pero bawal—”   “Leche. Gumagawa ka ba ng palusot? Maawa ka naman sa lola ko!”   Nabasag bigla ang puso ko. Namutawi bigla ang lungkot at may kung anong tarak ng kirot na bumalot sa sistema ko. Sa sinabi niyang iyon, muling nanariwa sa akin ang nakaraan ko. Nagawa ko nang magpakalayo-layo sa pinanggalinggan ko pero bakit hanggang dito’y parang sinusundan pa rin ako?   Matagal ko ng tinanggap kung gaano ako kamalas sa mundong ito. Malas sa pamilya. Malas sa mga taong nakapaligid sa akin. Malas sa lahat ng bagay. Lagi ko na lang ba itong mararamdaman? Lagi ko na lang bang sisisihin ang sarili ko kahit na alam kong hindi naman ako nagkulang?   Bakit ang hirap kong kampihan? Bakit ayaw pumanig sa’kin ng tadhana?   “Sa oras na may mangyari sa lola ko dahil sa perwisyong idinulot mo, hinding hindi kita mapapatawad. Tandaan mo ‘yan.”   Lalo akong yumuko nang marinig ang padabog niyang yapak palabas ng kubo. Nang kumalabog ang pinto dahil sa lakas ng kaniyang pagkakasara, kusang nagsitulo ang mga luha ko. Napapikit na lang ako at humagulhol. Impit na lang akong umiyak para kahit papano’y walang ibang makarinig kundi ako lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD