Chapter 08

2272 Words
Para akong tanga habang pilit na ikinakalma ang sarili. What am I supposed to do? Maghapon na lang ba akong iiyak dito? Sa lumipas na limang oras ay wala ng bumisita sa akin, wala na mula nang umalis ang galit na babaeng iyon.   Base sa mga ipinakita niya, natanto kong wala na talagang pag-asa upang mapatawad niya ako. Higit pa ang galit niya sa akin. Kitang kita iyon sa mga mata niya. Kahit nga siguro hindi niya ako nagawang sigawan ay matatanto ko pa rin iyon. Sa paraan pa lang kung paano niya ako tingnan, halatang halata na.   Gutom na gutom na ako. Lagpas na rin ng tanghali pero hindi ko rin nagagawang mag-almusal o ‘di kaya’y kumain ng tanghalian. Ano man kasing pilit ko upang tumayo at tumungo sa hapag, batid kong masasaktan lang ako at lalong mahihirapan. Hindi biro ang pilay na inabot ko. Baka lalo lang itong lumala kung sasadyain ko pang lapitan ang hapag na ilang dipa rin ang layo mula sa katreng kinauupuan ko.   Sa mga nakalipas, wala akong ibang ginawa kun’di tumitig lang sa bintana. Sa paminsan-minsang pagdaan ng mga tao, naroon ang pagnanais kong tumawag at humingi ng tulong sa pag-abot ng pagkain. Pero pinangungunahan na kaagad ako ng hiya. Hindi ko pa man inuusal ang mga salitang ibinuo ko sa isip ko, pinipigilan na agad ako ng sarili ko.   Prente kong idinikit ang likod ng kanan kong hintuturo sa ilalim ng mga mata ko upang damhin kung basa pa rin ba ito ng luha. Matagal-tagal din ang inabot ko kanina bago ako tumahan. Ang sakit lang kasi isipin ng lahat. Tipong kinamumuhian na ako sa pinanggalingan ko, hanggang dito ba naman ay may ayaw sa akin?   Habang nakatitig sa bintana, bigla akong nabuhayan nang makitang may dadaan. Batang lalaki ‘yon at kung hindi ako nagkakamali, tingin ko’y nasa lima o anim na taon na siya. Gaya ng ibang nakikita ko ay kayumanggi rin ang balat niya at kaswal ang suot. Nakangiti siya habang may dalang bote ng Zonrox na mukhang pinulot lang sa kung saan.   Umayos ako ng upo. Bahagya akong tumindig at pumaswit nang may kalakasan.   “Psst. Bata!”   Ipinatong ko sa hamba ng bintana ang kanan kong kamay habang ang kaliwa naman ay nakatukod sa katreng kinauupuan. May kung anong nabuo sa kaloob-looban ko nang huminto sa paglalakad ang batang lalaki at lumingon sa aking kinaroroonan. Naglaho bigla ang ngiti niya at ang mga mata’y naningkit.   “Pwedeng humingi ng tulong? Saglit lang ito,” dagdag ko saka pilit na ngumiti. Sa puntong ito ay tinitigan niya ako nang matagal. Tahimik lang siyang nanatili sa pwesto niya at animo’y ineeksamen ang aking mukha.   Hindi ko napigilang humiling na sana pumayag siya sa pabor ko dahil kanina pa talaga kumakalam ang sikmura ko. Gutom na gutom na ako.   Lumingon muna siya sa kanan at kaliwa bago lumingon sa akin. Makalipas ang ilang segundo ay lalo akong nabuhayan dahil unti-unti na siyang naglalakad patungo sa kubong kinalulugaran ko!   Umayos ako ng upo. Ang kanang kamay na nakapatong sa hamba ng bintana ay prente kong ipinatong sa aking kandungan. Hindi pa inaabot ng isang minuto ay dahan-daha nang bumukas ang pinto. Iniluwa nito ang batang tanging kuryosidad lang ang nakaguhit sa mukha.   Unti-unti akong ngumiti dahil sa tuwa. Pagkasara niya ng pinto ay kaagad kong itinuro ang hapag kung saan naiwang nakapatong ang pagkain.   “Pwede mo bang dalhin sa’kin iyong mangkok na iyon? Pati na rin ang kaldero.”   Tumango siya at ipinatong ang hawak na puting bote ng Zonrox sa paanan ng pinto. Naglakad siya patungo sa hapag na itinuro ko at isa-isang hinatid ang kubyertos at pagkain.   Ngayong nasa katre na ang lahat, inaya ko siyang sabayan ako sa pagkain. Noong una’y nahihiya pa siya pero dahil siguro’y gutom na rin siya, napilitan din siyang kumain.   “Anong pangalan mo?” tanong ko kahit may pagkain pa akong nginunguya. Tumingala siya habang naka-indian seat sa aking harapan.   “Igor po.”   “Wow, ang gandang pangalan naman niyan,” puna ko sabay subo ng panibagong kanin at ulam.   “Kayo po, ano pong pangalan mo?”   “Ate Daff na lang ang itawag mo sa’kin.”   “Okay po, Ate Daff.”   Halatang mabait ang batang ito. Magalang at masunurin. May itsura din siya at nasisiguro kong habulin ng mga babae paglaki. ‘Di ko alam pero nararamdaman kong malayo ang mararating ng batang ito. Sa paraan pa lang ng tingin niya at pananalita, may nababanaag na kaagad ako.   Iyon nga lang ay sobra siyang mahiyain. Saka lang siya nagsasalita kapag tinatanong ko at kadalasan ay sa bintana lang tumitingin. Pansin ko na karamihan sa mga tao rito ay mailap sa hindi taga-rito. Baka sadyang naninibago sila dahil nasanay silang makihalubilo sa kung sino ang araw-araw nilang kasama? Who knows?   Pagkatapos naming kumain ay siya na rin ang nagligpit. Ipinatong niya sa lababo ang lahat ng pinagkainan at nilinis iyong parte ng katre kung saan kami kumain. Pagkatapos nito ay taos-puso akong nagpasalamat dahil sa tulong na inilaan niya. Simpleng ngiti lamang ang isinukli niya saka lumabas nang dala ang bote ng Zonrox. Ano kayang gagawin niya roon?   Ilang minuto pagkatapos niyang umalis ay saka naman pumasok si Nay Klaring. May dala-dala siyang dahon at ipinaalam sa akin na ipantatapal daw niya ito sa pilay ko nang sa gayon ay mas mabilis ang paggaling. Nagdalawang-isip din ako kung sasabihin ko ba sa kaniya iyong tungkol sa apo niya at sa nangyari kaninang umaga. Pero nang matanto ko na baka maging sanhi pa ito ng mas malalang away ay nagdesisyon akong huwag na lang sabihin.   Iba ang aruga na inilalaan ni Nay Klaring. Masasabing gusto niya ang ginagawa niya at mapapansing hindi napipilitan. Siguro, kung ako ang nasa posisyon ng apo niya, baka parehas lang kami ng magiging pasya. Pipiliin ko na rin siyang magpahinga dahil mas kailangan niya iyon base sa edad niya.   “Nay, pasensya na po sa lahat ng abalang idinudulot ko,” mahina kong wika matapos niyang itapal iyong dala niyang dahon. Muli niyang ibinalot ang binti ko sa puting tela, gaya ng ginawa niya nitong nakaraan.   Umupo siya sa aking tabi at itinukod din sa magkabilang gilid ang mga kamay.   “Aaminin ko iha. Taliwas sa loob kong tanggapin ka rito dahil wala akong masyadong maibibigay. Pero huwag kang mag-alala, mahal ko ang panggagamot at may puso naman ako upang makaramdam. Mas mahalaga sa akin ang kaligtasan mo.”   Nahabag ako sa mga sinabi niyang iyon lalong lalo na sa huling linya. Sa hinaba-haba ng taong inilagi ko sa mundong ito, ngayon ko lang yata iyon narinig sa buong buhay ko. Ang sarap lang sa pakiramdam. Nakakaluha. Nakatataba ng puso.   Gaano man karami ang bilang ng taong ayaw sa’yo, may isang maglalaan ng puso upang ipadama sa’yo kung ano ang nangungulila sa’yo.   “Maraming salamat po. Kun’di po dahil sa inyo baka kung saan na ako pupulutin.”   “Naku, huwag ka sa’kin magpasalamat iha. Kay Carlo, sa kaniya ka magpasalamat.”   Hindi ko napigilang mapayuko nang marinig iyon. Hearing his name is like a thorn of pain to me. Naiinis ako. Naiirita.   Batid ko kung gaano kahalaga ang papel niya kung bakit humihinga pa ako. Tamang sabihin na siya ang pangunahing rason kaya nabubuhay pa ako. But remembering those moments yesterday, iritasyon ang siyang yumayakap sa akin. Ano mang pilit ko upang tumanaw ng utang na loob nang hindi naiirita, nahihirapan ako upang magawa iyon nang taos sa aking puso.   He’s so arrogant, rude, and heartless. May matino kaya siyang nakakasalamuha nang dahil sa pag-uugali niyang iyon? Batid kong perwisyo ang naidudulot ko sa kaniya pero may karapatan naman ako para mag-demand ng magandang pakikitungo. Hindi iyong susungitan pa niya ako na para bang ang laki-laki ng nagawa kong kasalanan.   Huminga ako nang malalim upang maibsan ang namuong inis.   “Kailan po ba siya babalik dito?” tanong ko. Nagkibit-balikat naman siya.   “Nasa laot pa kasi sila. Pinakamatagal ang isang linggo at pinakamaikli naman ang tatlong araw.”   Kaya naman pala hindi na siya pumupunta rito, nangingisda naman pala. Pero kung sakali ngang makauwi na siya, magagawa kaya niya akong bisitahin dito? Handa kaya ako upang makipag-usap muli sa kaniya?   Sa lalong madaling panahon, naroon ang pagnanais kong makaharap na agad siya upang maayos namin ang gusot na ito. Nais kong humingi ng tawad at saka magpasalamat gaya ng sinabi ni Nay Klaring. Pero sa kabila ng lahat ng ito, naroon din ang pride ko upang naisin siyang humingi rin ng tawad sa akin. Tingin ko deserve ko naman iyon. Sinungitan niya ako at muntik pang sigawan.   “May apo po pala kayo…” pag-iiba ko naman ngayon sa usapan. Mula sa pagkakayuko ay inangat ko ang tingin sa kaniya. Nakitaan ko siya ng bahagyang ngiti na para bang gusto niya kung ano ang narinig.   “Nag-usap ba kayo? Siya ang pinadala ko dahil may dumating akong bisita kanina.”   Napalunok ako nang marinig ang tanong niyang iyon. Sa isang iglap, natakot na lang ako bigla dahil masyadong crucial kung ano ang maisasagot ko. Kung sasabihin kong hindi naging okay ang tagpo namin kanina, tiyak akong pagagalitan niya ang apo niya. Lalo lang lalala ang pagkamuhi ng babaeng iyon sa akin at baka pag-initan pa ako ng ulo.   Pero kung magsisinungaling ako at sasabihin na ayos naman kami, baka may pag-asa pang magkaayos kami. Pipilitin kong ayusin iyong gusot na nabuo sa pagitan namin kahit na batid kong walang kasiguraduhan. Ang hirap naman kasing manatili dito nang may mabigat na iniisip. Nasa iisang isla lamang kami at hindi malabong magtagpo muli ang aming landas.   Tumango ako nang may pilit na ngiti.   “Opo, nag-usap po kami. Ang bait po pala niya…”   Lumawak ang ngiti ni Nay Klaring. “Mabuti naman. Mabait talaga ang dalagang iyon.”   “Ano po palang pangalan niya? Nakalimutan ko po kasing itanong.”   “Roma.”   I slowly nodded upon hearing that. Itinanim ko iyon sa isip ko para sa susunod na pagkikita namin.   Kung saan-saan pa dumaloy ang usapan namin ni Nay Klaring. Karamihan ay tungkol sa hanap-buhay nila dito sa isla at sa ilan pang mga gawain na karaniwan sa bawat isa. Pangingisda raw talaga ang ikinabubuhay ng marami rito at agrikultura. Iyong mga babae ay nahihilig daw sa paggawa ng mga palamuting gawa sa sea shells dahil dumadagsa raw ito sa dalampasigan, lalo na sa madaling araw at dapit-hapon.   Ang sarap sa pakiramdam dahil kahit papano’y may kasundo pa rin ako. Hindi lang siya basta nanay, kun’di bilang isang kaibigan na tingin ko ay sasalba sa akin sa pamamalagi rito sa isla.   **   Paglipas ng isang linggo, ang dating pilay sa aking binti ay unti-unti na ring naglaho. Malaki ang pasasalamat ko dahil si Nay Klaring na ang araw-araw na umaaruga sa akin. Hindi ko na rin nakita pa iyong apo niyang si Roma. Ang kwento sa akin ay masyado itong naging abala sa pagbenta ng mga palamuti sa sentro.   Walang muwang si Nay Klaring dahil kahit hindi man ipaalam ni Roma, batid kong kumukulo pa rin ang galit niya sa akin. Umiiwas siya hindi lang dahil sa hanap-buhay na pinagkaka-abalahan niya, kun’di dahil na rin sa mitsang idinulot ng una naming pagkikita.   Kaya ko na rin tumayo at maglakad nang maayos. Sa unang araw, nahirapan man ay unti-unti ko na ring nasanay ang sarili ko. Naroon ang pag-alalay ni Nay Klaring kahit na siya pa itong paika-ika ang lakad dahil sa katandaan. Gayunpaman, tiniis ko na lang ang lahat lalo’t kailangan ko nito sa mas lalo pang pag-usad ng recovery.   Sa paglabas ko ng kubo, dinala kaagad niya ako sa gawing bukid kung saan matatanaw ang malayong dalampasigan. Oo, kapansin-pansin ang epekto ng matinding sunog matagal na panahon na ang nakararaan pero nangibabaw pa rin ang mala-paraisong ganda ng isla. Hindi pa rin mabilang-bilang ang dami ng nagsisitayugang puno ng niyog. Makukulay din ang mga bulaklak na makikita sa magkabilang gilid ng pathway at ang simoy ng hangin ay animo’y dadalhin ka sa langit.   Natakot lang siguro ako sa unang gabing napadpad dito dahil madilim pa at wala akong masyadong makita. Pero sa oras na sakupin ng liwanag ang buong paligid, makikita ang gandang minsan sa buhay ko lang natagpuan.   “Igor?” mahina kong tawag at huminto sa paglalakad. Sa loob ng maraming araw ay nakayanan ko na maglakad nang mag-isa.   Hinawi ko ang halamanan at mas nakita kung ano ang kaniyang ginagawa. Pilit niyang inaabot ang sapot ng gagamba at abot-abot ang kaniyang liyad.   Napalingon siya sa akin. Kita sa mukha niya ang gulat at para bang nakakita ng multo.   “Ate Daff?”   Ngumiti ako at humakbang. Ako na mismo ang humablot ng gagamba at iniabot ito sa kaniya. Todo-todo ang kaniyang ngiti na para bang hindi matatawaran.   “Salamat po!” aniya sabay silid ng gagamba sa loob ng maliit na kahon ng posporo.   Lalong lumawak ang ngiti ko. Saka ko hinawi ang buhok ko nang maramdaman ang mahinang hagibis ng hangin. Bahagyang tumaas ang suot kong palda na ibinigay ni Nay Klaring sa akin. Buti na lang ay nagawa ko pang pigilan.   Sa puntong ito ay inaya ko siyang maglibot upang mas makilala ko pa ang isla. Pumayag naman siya at sinuhestyon sa aking puntahan namin ang dalampasigan. Hindi ako nagdalawang-isip na sumang-ayon dahil sa loob ng mahabang araw, sa wakas ay malaya na akong makagagala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD