Ang manood ng TV ay isa sa lagi kong ginagawa pag wala si River sa tabi ko o may kailangan siya gawin at hindi ako kasali doon.
Nakakaaliw talaga, kakaiba ang aliw na ibinibigay ng mga teknolohiya!
"Ma'am Adelaide?"
Binigyan ko ng ngiti ang tumawag sakin. Si Manang pala!
"Bakit po? Nandiyan na si River?" Napatayo ako at muling nakaramdam ng saya.
Doon ko napansin ang nag-aalalang itsura nito sakin. Tila takot si Manang.
"Bakit po? May problema po ba?" Tanong ko patungkol sa ekspresyon nito.
"Alam kong wala si River dito," sabi ng isang magandang babae na basta na lang pumasok!
Binangga niya pa nga si Manang! Lalapit sana ako kay Manang upang alalayan ito ngunit humarang ang babae sa daan.
"At hindi ko siya kailangan. What I need is this girl," aniya at binigyan ako ng isang ngisi. "Drop the act already. Hindi talaga kayo ni River, hindi ba?"
"Hindi ako nakakaintindi ng ingles masyado. Pero tinuturuan ako ni River ngayon," sabi ko sakanya.
Tumaas ang kilay nito at tumawa. "Hindi marunong mag-english?" Tinignan niya pa ang matanda. "Is she even real?"
"Naku Ma'am, galing po kasi si Ma'am Adelaide sa Korea," si Manang na ang sumagot para sakin.
Tila nagulat ang babae sa harapan ko. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa at muling humalakhak.
Bakit ba siya tawa ng tawa? Isa pa, pamilyar ata ang babaeng ito. Bigla akong napaisip kung saan ko siya nakita.
"Ayos ka lang ba?" Tanong ko sa babae.
Maganda sana ito, kaya lang ay kakaiba ang kinikilos.
"So she is a korean?" Dinuro ako nito. "Then how can she speak tagalog fluently?"
"Nako, Ma'am! Tagalog ang magulang niya!" Si Manang ulit ang sumagot.
Napangiti naman ako. Ang galing naman ni Manang at talagang nakakaintindi ng ingles! Magpaturo kaya ako sakanya minsan?
"Can you stop answering for her?!" Sigaw ng babae sa matanda.
Kumunot ang noo ko sa pagiging bastos nito. "Sandali lang, anong karapatan mo para sigawan si Manang?" Tanong ko dito.
"Don't you know me?"
Hindi ko napigail ang sarili na umirap. "Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko. Bakit mo basta na lang binangga si Manang at sinisigawan siya? Wala ka bang galang sa nakakatanda?"
Napasinghap ito at tinignan ako ng masama. "Do you know what are you talking about? Nandito ako hindi para magbigay galang o kung ano! Sino ka ba talaga sa buhay ni River? Itigil mo na ang pagpapanggap kasi ako ang totoong girlfriend!"
Kumunot ang noo ko sa huling sinabi nito. Totoong girlfriend? Tunay na kasintahan ni River?
Bigla akong naguluhan.
"Kung ikaw ang tunay na kasintahan ni River, bakit ako ang pinakilala niya sa lahat?" Takang tanong ko sakanya.
Tila lalong nag-init ang ulo nito sa tanong ko.
"Nag-away lang kami pero ngayon— okay na! So you can get out of the picture! Galit lang si River at ginagamit ka niya ngayon!"
Napahinto ako sa linya nito. Ginagamit ako ni River?
"Stop acting already. Alam kong binayaran ka lang niya magpanggap para saktan ako, hindi ba? Ngayon na nahuli ko na, you can drop the act."
Hindi ko talaga maintindihan kung ano ang gusto mangyari ng babaeng ito. Bayaran? Iyon lang ang naintindihan ko at sana ay nakuha ko ng tama ang sinasabi niya.
"Hindi ako bayaran. Mukha ba akong babaeng bayaran?" Paano niya nagawang tignan ako sa ganong paraan?
Nagulat ito sa sinabi ko. "Babaeng bayaran? No! Manang–"
"Miss Klare, hindi po maiintindihan ni Ma'am Adelaide ang sinasabi niyo kung malalim..."
"Malalim? That's not even malalim! What I am trying to say is— tigilan mo na ang pagpapanggap na girlfriend ni River! Alam kong ginagamit ka lang niya para saktan ako!"
"Bakit naman niya ako gagamitin upang saktan ka?" Takang tanong ko dahil naguguluhan.
"Pinagseselos niya ako. Mahal niya kasi ako. At ako rin, mahal na mahal ko siya." Suminghap ito. "Hindi ko alam ang gagawin ko pag nawala siya so pwede ba? Umalis ka."
Doon ko nakuha ang gusto nito sabihin.
Na siya ang totoong kasintahan si River at ginagamit lang ako ng lalaki para saktan ito.
Na nakikiapid ako ngayon sa isang relasyon.
Tila may tumusok sa dibdib ko dahil sa nalaman. Hindi ko alam kung bakit ko naramdaman iyon. Tumango ako kay Klare.
Inabot ko ang remote ng TV at akmang papatayin yon pero nakita ko ang mukha ni Klare doon.
Isa siyang artista?
"Hindi lang namin pwede sabihin ang relasyon sa iba kasi artista ako. Kuha mo ba?"
Sa loob ng ilang taon, kahit kailan ay hindi ako nakaramdam ng panliliit sa sarili. Ngayon lang.
Pinatay ko na ang TV at tinignan siya.
"Hindi ko alam na may totoo siyang nobya," pagbabahagi ko sakanya. "Hindi ko ugaling makiapid—"
"Well, there is a first time for everything." Tumawa siya pagkatapos ng may tonong insulto nito. "Buti naman nakuha mo. Hindi ka naman pala mahirap kausap. So kailan ka aalis sa puder niya?"
Hindi ko alam ang isasagot doon.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makausad sa nangyari kanina patungkol kay Klare.
Aniya ay bibigyan niya ako ng oras para umalis dahil sinabi ko rin ang sitwasyon ko. Mabuti na lang ata mabait pa daw siya.
Nagsisimula na ako mag-empake dahil si Klare na daw ang maghahatid sakin pabalik sa Korea. Sasama na lang daw ako.
Nakaramdam ako ng matinding lungkot dahil kung wala pala si River, saan talaga ako mapupunta nito?
Hindi ko kaya ng wala siya– pero kailangan ko umalis dahil nga may kasintahan ito. Tunay ngang mali na may kasamang babae ang isang lalaki sa bahay na hindi parte ng pamilya.
"Saan ka pupunta?"
Napahawak ako sa dibdib dahil sa gulat. Nilingon ko si River na mukhang kakarating lang sa trabaho.
Pumasok ito at dire-diretso sakin. Suot niya ang kulay itim na pormal niyang damit sa trabaho, bag, at salamin.
"Kakarating mo lang ata. Kumain ka na ba?"
"Hindi pa. Aayain sana kitang kumain. Pero bakit ka nag-aayos ng damit?" Seryosong tanong nito. "Sabi nila ay nagpunta dito si Klare."
"Ang tunay mong nobya," dugtong ko pa.
Nagtiim ang bagang nito sabay mariin na umiling. "Matagal na kaming hiwalay."
Kumunot ang noo ko sa sinabi nito. Ngunit iba naman ang kwento ni Klare!
"Huwag kang makinig sa sinabi ng babaeng iyon. Matagal na kaming tapos," aniya. "Kumain na tayo. Sumunod ka sa baba."
Iyon lang ang sinabi niya at umalis na.
Sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo sakanilang dalawa?
"Ma'am Adelaide," si Manang. "Pinapatawag po kayo ni Sir."
Alam kong dapat paniwalaan ko si River dahil siya ang nag-alaga sakin sa mundong hindi ako pamilyar. Ngunit, ayoko naman maging isang hadlang sa kapwa babae! Paano kung may alitan lang talaga sila?
Bakit ba ako nag-aalala sa ganitong bagay? Alam ko namang nagpapanggap lang ako– ngunit wala sa usapan iyong may tunay siyang kasintahan!
"Ma'am Adelaide?"
"Ito na po, susunod na." Sabi ko at bumangon na sa kama.
Kung susundin ko si Klare– natatakot ako sa mundong kahihinatnan ko.
Pero kung mananatili ako kay River– baka naman makasakit ako ng babae!
O pwede ding nagsisinungaling lang si River tungkol sa paghihiwalay nila ni Klare.
Noong makarating ako sa hapag ay naramdaman ko na ang malalim na titig sakin ni River.
Hindi ko sinalubong ang tingin nito at umupo sa tabi niya.
"Kumain na tayo," deklara niya.
Tahimik kong sinimulan ang pagkain.
"Nanood ka ng TV?"
"Oo."
"Anong pinanood mo?"
Napahinto ako dahil ngayon lang siya nagkaroon ng interest sa pinanood ko. Gusto ko sana ikwento ang mga palabas na pinanood ko ngayon ngunit iba talaga ang pakiramdam ko ngayon.
"Wala. Nakita ko si Klare kanina sa TV."
Tumango-tango ang lalaki at wala ng kasunod iyon pagkatapos.
"Bakit ang tahimik mo? Iniisip mo pa rin ba ang patungkol kay Klare?" Tanong ni River noong patapos na ako kumain.
Binibilisan ko rin kasi.
"Hindi." Pagsisinungaling ko.
"Okay."
Ganon lang at wala na siyang sinabi pa.
Hindi ko kinulit o kinausap si River. Hinihintay ko rin si Klare... na kausapin ako tungkol sa pag-alis ko.
Ngunit ang sama ko ba kung hinihiling ko na sana, huwag na lang sumipot si Klare at hayaan ako kay River?
"Ito ang susuotin mo sa party," si River at ipinakita sakin ang bestida.
Nandito kami ngayon sa silid ko. Napapansin ko din ang dalas na pag kausap sakin ng tahimik na si River noong nakaraang araw. Kung kailan naman wala ako sa huwisyo.
Pero pupunta pa kami sa piging?
"Bakit kailangan ko pa sumama doon? Bakit hindi mo na lang isama si Klare?"
Nawala ang maliit na ngisi nito at sumeryoso ang titig.
"Akala ko ba ay ayos na sayo? Hindi ba nagpaliwanag na ako?" Tanong niya.
"Paano kung kasinungalingan lang iyon? Hindi naman aakto ng ganon si Klare—"
"Iba ang noon sa ngayon, Adelaide. Kung ang babae noon ay hindi nagsasalita sa nararamdaman nila– ibahin mo ngayon. Ang babae ay kaya rin maghayag ng nararamdaman nila— at kayang-kaya din nila magsinungaling kahit tungkol pa iyan sa pag-ibig dahil sa ganid. Klare is a liar kaya kami naghiwalay. Tatlong buwan lang ang itinagal namin at siya na itong habol ng habol." Mahabang paliwanag nito. "Besides, she just wanted to get known more because she is dating the president's son. Huwag mong isipin na nagsisinungaling ako. Hindi kita gagawing kabit kahit pagpapanggap lang ang meron tayo."
Natahimik ako sa sinabi nito. Nakumbinsi.
"Sabi ni Klare ay dadalhin niya ako pabalik sa Korea." Dagdag ko pa.
"I'll make sure she won't be near you again. Ever." Tango niya pa. "Ikaw lang ang kasintahan ko."
Ang babaw ko talaga, ngunit sapat na iyong sinabi niya upang mapunit ang labi ko sa ngiti.
Napahinto si River sabay iling– at nakita ko ang ngisi niya sa labi.
"Hindi ka pwedeng umalis. Responsibilidad kita," aniya. Pinakita niya ulit ang bestida. "This is perfect to you. At oo nga pala, sabihin mo sakin kung ano ang iniisip mo para mapaliwanag ko agad. Huwag kang maniwala kay Klare. Baliw iyon."
Ngayon ay mas napanatag ako dahil galing sakanya mismo ang salitang ako lang.
"Ano? Pupunta ka ba sa party? Hindi mo rin na-kwento sakin kung ano ang pinanood mo sa nagdaan na araw."
Natawa ako at dinamba ang braso ni River. Yumakap ako doon at sinilip ang mukha niya.
"Akala ko talaga ay magkasintahan kayo ni Klare habang ginagamit mo ako."
Nawala ang ngiti ni River at seryoso akong nilingon– ganito ang mukha niya pag sesermunan na ako!
"Anong ginagamit?"
"Hindi ba ay nagpapanggap akong girlfriend mo?"
Tinignan niya ako ng masama. "Hindi maganda sa pandinig ang ginagamit sa panahong ito. Hindi kita ginagamit dahil wala akong nakukuha na kahit ano sayo. Ganon ang ginagamit, Adelaide."
"Narinig ko lang kay Klare." Nguso ko. "Isa pa, ang pagpayag ng isang prinsesa upang maging kasintahan mo ay isang pribilehiyo. Baka makakuha ka ng ginto."
Tumawa si River. Akala siguro niya ay nagbibiro ako.
"Manood ka pa ng TV para may malaman ka pa tungkol sa salita dito."
Tumango ako sakanya at ngumiti. "Okay! Pero alam mo na ba iyong nangyari sa pinapanood ko? Ang galing talaga ng sumulat ng kwentong 'to!"
Doon ko sinimulan ang pagkwento kagaya ng dati sakanya. Tumatango lang ito at nagbibibigay ng maliit na komento.
Sana ay ganito na lang lagi! Ako lang at si River!
"Bukas na ng gabi ang party. Huwag kang masyadong magpuyat sa panonood." Paalala nito. "Saglit lang din ako sa trabaho. At na-practice mo na kung paano ka magpapakilala, hindi ba?"
Tumango ako sakanya. "Oo! I am Adelaide Cosavelli from Korea!"
Ngumisi siya. "Good girl. Basta pag may nagtanong sayo kung tigasaan ka, sabihin mo Korea."
"Okay!" Mahabang sagot ko sakanya at humiga na sa kama. "Tabi na ba tayo matutulog?"
Kanina niya pa kasi tinititigan ang bestida. Sigurado akong pagod siya sa trabaho!
Tinignan niya ako ng masama. "Hindi ko talaga alam kung hinahamon mo ako o kung ano."
"Hindi kita hinahamon. Nagtatanong lang naman ako."
"Sa sinaunang panahon ba, kahit sinong lalaki lang ang inaaya mo?"
Nanlaki ang mata ko sa sinabi nito. "Hindi! Hindi ganon! Bawal nga iyon!"
Nanliit ang mata nito. "Kung ganon, bakit mo ako inaaya matulog katabi ka?"
"Kasi gusto kitang katabi matulog..." sagot ko sakanya habang nakanguso.