Chapter 10

1816 Words
Nang masiguro kong nakapasok na si Jela sa loob ng bahay nila ay umalis na rin ako. Araw-araw ko itong ginagawa dahil isa ito sa mga misyong iniatang sa’kin. Bata pa lang kami ay gusto ko na siya. Lahat nang pang-aasar ay ginawa ko para lang mapansin niya kahit pa nga sa kabila niyon ay wala pa rin epekto. Alam kong gusto niya si Kuya Aldrin dahil napapansin ko ang ginagawa niyang pagpapapansin dito. Mabuti na lang at hindi siya pansin ni kuya dahil alam naman nitong gusto ko siya. Nang tanggapin ako ni Tito Jerson sa kaniyang foundation bilang bahagi ng security team, pinilit kong matoka sa akin ang pagiging bantay ni Jela. Pinilit ko kahit na nga malaki ang naging kapalit niyon! Ingay ng telepono ang pumukaw sa aking pag-iisip. Nang makitang ang ama-amahan ko ang tumatawag, sinagot ko ang tawag. “Hello Jordan, hinahanap ka na ng mommy mo,” bungad na sabi nito. “Ikaw na lang ang kulang sa amin dito.” “I'm on my way, Dad!” tugon ko saka mabilis na pinaharurot ang sasakyan. Papunta ako sa bahay ni Lolo Steven dahil mayroong okasyong nagaganap. Ito kasi ang araw ng anibersaryo ng kasal nila ni Lola Jana kaya lahat ay naroon dapat. Hindi ko sila totoong kadugo ngunit itinuring nila akong tunay na apo. Ni hindi ko naramdamang ibang tao ako sa kanila kahit pa nga anak lang ako ni mommy. Dati kong guro si Daddy CJ at nang makilala si mommy ay kaniya itong niligawan. Botong-boto ako sa kaniya na maging ama ko dahil mapagmahal at mabait siya sa’kin. Tunay na anak ang turing niya sa’kin at hindi ko rin naramdamang ibang tao ako sa pamilyang binuo nila ni mommy. Sa katunayan pa nga habang lumalaki kami ng mga kapatid ko ay ilang ulit din nilang ikinuwento sa amin ang kwento ng pag-iibigan nina Lola Jana, Lolo Steven at Lolo Christian. Sila ang modelo ng tunay na pag-ibig. Mapagparaya, mapang-unawa at lahat ay kayang tanggapin sa ngalan ng pagmamahal. Weird man pakinggan pero iyon ang totoo! Sa tuwing nakakasama ko ang buong pamilya ng San Rafael at Reyes ay buo na rin ang pagkatao ko. Dala ko ang apelyidong San Rafael ‘di dahil ayaw ko sa apelyido ng sariling ama ko, kundi dahil pinamunuan ko ang ilan sa negosyo ni Daddy CJ. Ang tunay na apelyido ko pa rin naman ang dala ko sa birth certificate. “Kuya Jordan!” sigaw ni Janella mula sa may veranda ng bahay. “Baka mahulog ka riyan!” balik sigaw ko sa nakababatang kapatid. Walong taon ang tanda ko kina Jonas at Joross ang kambal na sumunod sa akin. Sinundan ng triplets na sina Catherine, Clara at Clarisse. Si Janet ang sumunod at si Janella naman ang bunso. Naiiling na ni-lock ko ang pintuan ng sasakyan bago pumasok sa loob ng bahay. Napataas ang isang kilay ko nang salubungin ako nina Catherine at Clarisse. “Anong meron?” tanong ko sa kanila. “Kuya ikinuwento ni mommy na naabutan daw nila kayo ni daddy na naghahalikan ni Ate Jela,” pabulong na sagot ni Clarisse. “God!” Naitampal ko ang kaliwang palad sa’king noo saka nagmadaling lumakad patungo sa kinaroroonan ni mommy. “Nandito na si Kuya Jordan!” malakas na bulalas ni Joyce, ang isa sa mga triplets na panganay na anak nina Tito JC at Tita Stella. Pinandilatan ko siya ng mga mata ko na tinawanan lamang niya. Hindi talaga maikakailang mag-ama sila ni Tito JC dahil parehong mahilig mang-asar. Lumingon silang lahat sa’kin na parang may nagawa akong malaking kasalanan. Ang mga mata nila ay punong-puno ng kislap nang pang-aasar. “Binata na talaga ang tiyanak kong pamangkin,” nangingiting sambit ni Tito JC. “JC!” saway ni Tita Stella sa kaniyang asawa. “Jordan pagpasensiyahan mo na sana iyang pangit mong tiyuhin,” despensa sa akin ni Tita Stella na nginitian ko lamang. “Ayos lang Tita Ganda, idol ko naman po si Tito Manong.” Kinindatan ko pa si Tito JC matapos sagutin ang kaniyang asawa. “Utang na loob, Jordan! Huwag mong gayahin ang Tito JC mo!” Malakas na tawanan ang pumalibot sa paligid ng sala dahil sa winikang iyon ni Tita Stella. “Ako talaga ang dapat niyang gayahin dahil si Jela ang kaniyang piniling ligawan,” turan ni Tito JC. “Iyan nga ang dahilan kaya dapat lang na huwag kang gayahin ni Jordan!” hindi nagpapatalong saad ni Tita Stella. Nangingiting lumapit na ako sa kanila dahil paniguradong hindi matatapos ang pagtatalong iyon. Kahit ganoon silang dalawa ay love na love nila ang isa't isa. Magkababata sila hanggang sa tuluyang na-inlove at naging mag-asawa. “Kayo talaga ang paborito kong Tito at Tita,” malambing kong sabi sa kanila saka sabay ko silang niyakap. “Aam... Na-touch ako!” Gumanti sa yakap ko si Tita Stella. “Sinasabi ko na nga ba’t dumidiskarte ka kay Jela nang abutan ko kayong dalawa sa office,” pilyong saad ni Tito JC. “Naabutan mo sila?” Sabay na bulalas nina Mommy at Tita Stella. “Yup! Parang katatapo-” Tinakpan ko ng palad ko ang bibig ni Tito JC upang huwag matuloy ang kaniyang nais sabihin. “Jordan!” Nakangiwi ang mukha kong hinarap si mommy na katabi si Daddy CJ na tawa nang tawa. “Mommy nagbibiro lang po si Tito JC.” ‘Di ko pwedeng sabihin kay mommy na may namagitan na sa amin dalawa ni Jela dahil paniguradong magagalit siya. Noon pa man ay natutuwa na siya sa dalaga at akala ko nga lang ay dahil sa anak ito ng kaibigan nila. “Siguruhin mo lang Jordan na hindi mo sasaktan si Jela dahil ako talaga ang makakalaban mo!” banta sa’kin ni mommy. “Botong-boto ka talaga para kay Jela, ibig sabihin ba niyan ay gusto mo na rin silang magsama ni Jordan?” Si Tita Stella ang nagtanong. “Nasa tamang edad na silang dalawa. Kung gusto nilang magsama ay wala naman problema. Nandito lang tayo parati para gabayan sila. Ang tanging hiling ko lang ay sana mahal nila ang isa’t isa at hindi iyong pinilit lamang,” emosyonal na pahayag ni mommy. Napalingon ako kay Lolo Steven na siyang umakbay sa’kin. Nagmano ako sa kaniya bilang pagbati. “Apo mahal na mahal ka ng mommy mo kaya huwag mo siyang biguin,” nakangiting wika nito. “Kung si Jela ang babaeng gusto mo, mahalin mo siya ng higit pa sa anumang yamang mayroon ka.” Tinapik-tapik pa nito ang balikat ko na ginantihan ko nang pagyakap sa kaniya. Sa paglingon ko sa gawi nila mommy ay nasilayan ko rin ang mapagmahal na ngiti sa labi nina Daddy CJ at Tito JC. Hinubog sila sa pagmamahal ni Lolo Steven kahit pa nga hindi nila tunay na ama. Siya ang pangalawang asawa ni Lola Jana mula nang mamatay si Lolo Christian, ang siyang tunay na ama ng aking ama-amahan. “Si Jordan ay responsableng tao at mapagkakatiwalaan. Alam ko namang naituro na natin sa kanila ang tamang gawain na dapat nilang matutunan. Si Jela man o ibang babae ang kaniyang mapangasawa, alam kong pipiliin pa rin niya ang tamang gawain. Kaya kumalma kayo!” Kumindat pa sa’kin si Lola Jana. Malawak na ngiti sa labi ang aking pinakawalan dahil sa winikang iyon ni Lola Jana. Gaya ng dati ay hindi pa rin kumukupas ang pagiging cool niya sa mga usaping ganito. “Nagugutom na ako!” reklamo ni Tita Stefania. “Kung ga’no tayo kaabala sa lovelife ni Jordan, nakalimutan naman natin iyong lovelife ng isa riyan na hindi pa rin inaamin ang tungkol sa kanilang dalawa ni Berto.” Sabay-sabay natuon kay Tita Stefania ang tingin ng lahat matapos iyon sabihin ni Daddy CJ. “Sana pala ‘di na lang ako nagsalita!” nakangiwing saad ni Tita Stefania. “Saka na natin pag-usapan ang tungkol sa lovelife ni Stefania. Halina tayo sa kusina at nang makakain. Masamang pinaghihintay ang grasya, kaya tara na!” Mula sa pagkakaupo ay tumayo na si Lola Jana upang pangunahan ang pagtungo sa may kusina. Sumunod na ang mga kapatid ko at pinsan pati na rin ang iba ko pang tiyuhin kasama ang kanilang mga asawa. Maganang pinagsaluhan namin ang mga pagkaing nakahain sa ibabaw ng hapagkainan habang masaya kaming nag-uusap. “ALAM na ba ni Jerson ang tungkol sa inyong dalawa ni Jela?” tanong sa akin ni Daddy CJ. “Sa palagay ko naman po ay alam niya. Wala namang hindi nalalaman si Tito Jerson lalo na ‘pag tungkol sa kaniyang mga anak,” tugon ko. Narito kaming dalawa sa may veranda ng bahay kung saan tahimik naming pinagmamasdan ang pagkakasiyahan ng aming mga kapamilya. “Huwag mo sanang sasaktan si Jela kung siya na talaga ang babaeng nagugustuhan mo. Alam kong ipinagkatiwala siya ni Jerson sa iyo pero hindi ibig sabihin niyon ay hindi na nito malalaman ang bawat galaw mo. Ayaw kong masira ang pagtingin nila sa iyo dahil mahalaga ka sa amin ng mommy mo higit pa sa anumang pagkakaibigan namin,” makahulugang wika ni Daddy CJ. “Hindi ko po kayang gawin iyan lalo na kay Jela.” Tumingala ako at nakita ko ang pagningning ng mga bituin sa kalangitan. “Pero nagpapahalik ka?” Marahas ang ginawa kong pagtingin sa kaniya. “Hindi ko po ginusto iyon! Nagkataon lang na nasa public kami kaya wala akong magawa,” paliwanag ko. “May tiwala ako sa iyo Jordan at alam kong alam mo kung ano ang tamang gawin. Ang maipapayo ko lamang ay gampanan mo ang tungkulin iniatang sa iyo ni Jerson. Kapag hindi mo na kaya, hayaan mong saluhin ng ibang miyembro ang gawaing iyan.” Tinapik niya ako ng ilang ulit sa aking balikat. Kasali kami sa secret agency ni Tito Jerson kung saan si Tito Benjie na ang in-charge. Hindi alam nila mommy na kasali kami roon nina Daddy CJ, Tito JC, Kuya Aldrin, Kuya Alan, at Joseph. Nagsimulang sumali sila daddy noong makilala nila si Tito Jerson at maging kaibigan. Sa pagkakaalam ko ay isang underground activity ito na idinevelop ni Lolo Benjamin upang maging legal. Ang foundation ang nakikinabang sa magandang kinikita ng secret agency dahil lahat ng trabaho namin ay alay roon. Kumakalinga ng mga batang walang mapuntahan ang foundation at upang maprotektahan sila, magiging gabay bantay kami sa kanila. Ang mga batang ipinaampon sa mga mayayaman ay binabantayan pa rin ng sinumang matotokahan sa amin para matiyak na maayos ang kanilang mga kalagayan. Naiba ang misyon ko dahil si Jela na ang itinoka sa akin ni Tito Jerson. Gusto niya lang mabago ang pag-iisip ng kaniyang anak tungkol sa pagpasok sa sariling kumpanya nila. Ngunit tuluyang nagulo ang misyon ko nang malaman ang plano ni Jela para sa gàgong Ryan na ‘yon. Hindi kasali sa misyon ko ang gabing inangkin ko siya!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD