***JELLA***
“Bakit hindi ka pumasok?” agad-agad ay sita sa kanya ni Eyrna pagkasagot na pagkasagot niya sa kanyang cellphone. “Alam mo bang hinahanap ka sa akin ni manager? Hindi ka raw nagpaalam na hindi papasok. Ilang beses niya akong pinatawag sa ’yo pero nakapatay ang phone mo. Ang daming costumers pero bakit ba parang wala ka earth kanina, ah?”
Bukas ang bar! Hindi ipinasarado ng Ryver Raveza?
She smiled to herself. Naginhawaan siya. Kagabi ay natakot siyang pumasok at baka makita na lamang niya na sarado na ang Pegasus Bar na kung ituring niya ay bahay na niya. Inaamin niyang natakot siya sa banta sa kanya ni Ryver.
Bilyonaryo na si Ryver. May-ari ng LOFTY Canning Food Company. Naisip niya na puwedeng-puwede na gawin nga iyon ng binata.
Isa pa ay natakot din siya na ipapulis siya dahil sa pagsuntok niya. Oo nga’t ex niya ito, pero malay ba niya kung wala na iyon sa mukong na iyon at pairalin ang pera.
“May sakit ako.” She gave the usual trite reason.
“Uminom ka ba ng gamot?” Na pinaniwalaan naman ni Eyrna.
“Oo. Okay na ako. Wala na akong lagnat.”
“Mabuti naman. Pero sana sinabi mo kay Manager. Papayagan ka naman niyon na um-absent, eh.”
“Papasok naman sana ako, kaso dahil nga sa masama ang pakiramdam ko ay nakatulog ako kaya kahit ang tumawag ay hindi ko nagawa,” tamad niyang pagsisinungaling pa.
“Okay. Sabagay mabait naman si manager. Sabihin mo na lang ‘yan mamaya. Anyway, gusto mo ba puntahan kita ngayon diyan sa apartment mo?”
“Hindi na. Ayos na ako. Matulog ka na lang at puyat ka. Magkita na lang tayo mamaya sa bar.”
Nagpaalaman na sila ni Eyrna bago nito pinatay ang tawag.
Kasabay ng pagbaba niya sa kanyang cellphone mula sa kanyang tenga ay ang malalim niyang buntong-hininga. Matamlay niya iyong inilagay sa side table ng kanyang single bedroom. Sa totoo lang, nanamlay talaga siya, at hindi niya alam kung bakit. Ang alam lang niya ay hindi na maalis sa kanyang isip mula kagabi si Ryver Raveza. Sa kanilang muli pagkikita, inaamin niyang nagulo ang kanyang sistema.
Ah, malamang dahil ikinasasama ng aking loob ang hindi ko nagawang pagtuklap isa-isa ng mga kuko ng ogag na iyon. Tama! nasabi niya sa loob-loob niya para lang mapanatag ang kanyang kalooban.
Kasabay ng kanyang pagtayo ay ang bahagyang pagtampal-tampal ni Jella sa kanyang magkabilang pisngi upang buhayin naman ang kanyang mga dugo.
Erase! Erase! Erase! Erase na ang Ryver na iyon! Okay na kahit hindi niya natuklap isa-isa ang kuko nito, at least nasuntok naman niya. At kung hindi nito nagawa na ipasara ang bar ay malamang hindi na iyon magpapakita sa kanya, lalo’t tinanggihan naman niya ang offer nito. Sa lagay ni Ryver ngayon ay malamang madami pa iyong maalok sa nakakalokang trabaho na sinasabi. Kung trabaho nga ba iyon na matatawag.
Teka. Natigilan siya sa paglakad pababa sa kusina. Ngayon lang niya naisip na ibig sabihin ay niloloko pala ni Ryver ang asawa nito. Ibig sabihin ay may kabit ang mukong na iyon.
“Aba’y g*go nga!” nainis na naibulalas niya. Napasinghap at napahalukipkip. “Isumbong ko kaya iyon kay Eusha?”
Eusha Javier Raveza, ang pangalan ng naging asawa ni Ryver. Ang babaeng dahilan kung bakit naputol ang ugnayan nila noon ni Ryver. Bigla-bigla ay nalaman na lang niya na nagpakasal na ang dalawa sa Canada. At dahil ni pamasahe sa jeep ay wala siya, pamasahe pa kaya papuntang Canada, ay wala siyang nagawa kundi ang umiyak na lamang noon. Iyak na kulang na lang ay ikamatay niya dahil halos walang tigil.
Sobra siyang nasaktan ni Ryver sa puntong muntik na siyang magpakamatay. Pasalamat niya at nakayanan niya noon ang matinding sakit.
“Bahala sila sa buhay nila. Ipagdadasal ko lang na sana mabuking agad ni Eusha ang Ryver na iyon,” sa huli ay pasya niya.
Nagpakawala ulit siya ng napakalalim na buntong-hininga. Tinuloy ang pagpunta sa maliit niyang kusina. Nagugutom na siya. Simula kagabi ay wala pa siyang kain kakaisip sa nangyari. Totoong kinabahan siya sa ginawa niyang pagsuntok kay Ryver.
Nagluluto na siya ng scrambled egg nang makarinig siya ng katok sa may pinto. Wala siyang inaasahang bisita kaya medyo napakunot-noo siya. Imposibleng si Eyrna dahil sinabi naman niyang itulog na lang ng kaibigan kaysa puntahan siya. Wala rin naman siyang kasama sa inuupahang apartment dahil simula naging maayos ang trabaho niya sa Pegasus Bar ay nagsarili na siya. Umalis na siya sa poder ng kanyang tiyahin. Ang mga magulang naman niya ay nasa probinsya at hindi mga magpupunta ang mga iyon sa Maynila nang hindi nagpapasabi sa kanya.
Boyfriend? Lalong wala siyang boyfriend na aasahan dahil simula naghiwalay sila ni Ymar na last boyfriend niya isang taon na ang nakakalipas ay hindi na siya nag-entertain pa ng lalaki sa buhay niya. Mga costumer na lang niya ang itinuring niyang mga lalaki sa mundo. Mas mahalaga na ang pera para sa kanya kaysa ang love life.
“Can I come in?” tanong agad ng lalaking may kagagawan ng katok nang buksan niya ang pinto.
Literal na nalaglag ang panga ni Jella. Walang iba kundi si Ryver ang lalaki. Devil nga dahil speaking. Kung paanong natunton nito ang kanyang apartment ay alam na niya ang sagot. Pera’t impluwensya. Ano pa nga ba?
“Para namang nakakatakot ang mukha ko sa reaksyon mo na iyan,” nakangiting saad ng demonyo. At kahit hindi pa niya sinasabi na puwede na itong pumasok ay pumasok na.
“Hoy!” Huli na para pigilan niya ito.
“Nagtitiis ka sa ganito kaliit na bahay? Mas malaki pa ang kuwarto ng mga katulong namin kaysa rito,” painsultong wika ni Ryver habang inii-scan nito ng tingin ang kabuuan ng unit.
She opened her mouth to say something scathing, but words didn’t come out, at gawa nang sobrang inis niya malamang. Napasinghap na lamang siya ng hangin. Ramdam niya na pagkulo ng kanyang dugo. Sino ito para maliitin ang kanyang tirahan?!
“Kung tatanggapin mo ang offer ko ay makakabili ka na ng bahay agad. Malaki at maganda. Hindi mo na kailangang mangupahan sa masikip na apartment na ito,” sabi pa ni Ryver. Napakayabang ng depungal.
“Wala akong pakialam kahit kaya mo pa akong ibilhan ng mansyon! Umalis ka na rito dahil hinding-hindi ko tatanggapin ang napaka-imoral na inaalok mo! Alis! Hindi welcome sa tirahan ko ang aroganteng katulad mo!” sa wakas ay nagawa na rin niyang pagtataboy rito. Galit na itinuro niya ang pintuan. “Higit sa lahat ng lalaking manloloko at paasa!” muntik pa niyang maidagdag. Mabuti na lamang at napigilan niya ang sarili.
“Immoral? Really, Jella? Immoral ang tawag mo roon, pero ang trabaho mo sa bar ay hindi immoral sa tingin mo?” panunuya nga lang nito na tinakpan ng nakangiti nitong guwapo na mukha.
“Sige! Laitin mo na ang lahat sa akin! Go!” Sumabog na talaga siya. Kay lakas ng boses niya.
Ang hudyo ay nagkibit-balikat lang habang nangingiti pa rin. Hindi man lang natinag o ano pa man.
“Utang na loob umalis ka na,” ulit niya sa naghihirap na tinig nang hindi naman na nagsalita pa ng mga panlalait ang lalaki. “Nanahimik na ang buhay ko. Huwag mo nang guluhin ulit,” at hindi niya napigil ang sariling hindi idugtong.
Unti-unting nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Ryver. Mula sa mapang-insulto ay naging seryoso. Isang malalim na buntong-hininga ang hinugot nito. “Iyan ba ang tingin mo? Ang guguluhin ko ang buhay mo kaya hindi mo matanggap ang offer ko?”
“Ano pa ba?” she said harshly.
“Okay, I’m sorry I behaved childishly yesterday. Sorry kung parang nag-aalok lang ako ng candy. Pero para sabihin ko sa iyo ay seryoso iyon. I need you for that job. Purely job. Walang halong kahit ano. Masamang intensyon or whatever you’re thinking.”
“Bakit ako?”
“Dahil pinagkakatiwalaan kita,” mabilis na sagot nito.
“Pwes ako, hindi kita mapagkakatiwalaan.”
Napaungol si Ryver. “Oh, come on, Jella.”
“Alis na kung ayaw mong tumawag ako ng pulis!” babala na niya.
Hindi pinansin iyon ni Ryver. “Bakit ba ang taray mo? Nakikipag-usap ang tao sa iyo ng matino.”
“Walang kang pake! Sabing alis na! Isa!” pagtataboy niya pa rin dito.
Parang batang napanguso si Ryver, and that made him cute. “You haven’t changed a bit, Jella. Ikaw pa rin ang Jella na nakilala ko noon ten years ago. Masungit. Mataray, and I bet makulit pa rin.”
“Iyon ang akala mo. Hindi mo na ako kilala ngayon, Ryver. Madami ang nagbago sa akin at isa na roon ang hindi na ako nagtitiwala basta-basta sa kahit na sino,” matigas na pagtatama niya rito. But the pain in her heart was all came back and it was unbearable again.
“Is that so?” Bumaba-pataas sa kanyang kabuuan ang tingin ni Ryver. Hindi naniniwala. “Parang hindi naman, dahil sa aking pag-oobserba sa iyo sa loob ng isang buwan ay parang ikaw pa rin naman ang kakilala ko noon na si Jella Galacio.”
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
“Hindi mo alam pero lagi na kitang sinusundan simula nakita kita sa isang grocery ng mall noong nakaraang buwan habang nag-i-inspect ako ng mga product namin. Bumibili noon ang kaibigan mo ng LOFTY meat loaf at natawa pa ako dahil pinipigilan mo. Naisip ko na ganoon ang galit mo sa akin. Pati product ng company ko ay bini-boycott mo.”
Kung pwede lang ay sana kainin siya ng lupa ng mga sandaling iyon. Naalala niya ang sinabi niya kay Eyrna noong time na iyon.
“Huwag ka ngang bumibili ng ganyang tatak. Kumukulo ang dugo ko kapag nababasa ko ang Lofty na ‘yan. Kita mo ‘yang logo nila? Mukha ng gagong iyon ang nakikita ko. Saka hindi masarap ang de-lata nila. Lasang ipis. Kadiri.”
“Aissst!” Pinamulahan siya ng mukha. Bakit ba hindi niya napansin na naroon si Ryver?
“Hindi mo ako nakita dahil nasa kabilang side ako tapos ay madami akong kasama. Nainis lang ako kaya tiningnan ko ang nagsabi niyon. Ang lakas kasi ng boses mo. Nagulat na lang ako nang nakita kong ikaw pala. Gusto kong magpakita pero nagdalawang isip ako noon,” paliwanag ni Ryver na animo’y narinig ang himutok ng utak niya.
Kahit hiyang-hiya ay hindi niya ipinahalata. “Eh, sa totoo naman na hindi masarap!” taas-noong paninindigan niya.
“Nauunawaan ko. Iba-iba naman talaga ang panlasa ng mga tao.”
She rolled her eyes heavenward. Ayaw talaga magpatalo ng gunggong.
“Sir, we have to go. Your meeting with the shareholders is near time. Baka ma-late po kayo,” nang singit sa usapan ng isang lalaking may edad na. Secretary malamang dahil may hawak itong itim na note taking notebook at jotter pen. Typical na ready sa anumang isusulat kung sakali na sasabihin ng boss nito.
Tinanguan ni Ryver ang tauhan. Tapos ay tingin ulit sa kanya. “Babalik ako.”
“Huwag na!” mataray niyang sabi.
Humakbang ng sobrang lapit ito sa kanya, ngumiti, at anong gulat na lamang niya nang halikan siya nito sa labi. Mabilis lang iyon pero sapat na iyon para maging istatuwa siya sa kinatatayuan. Kung paanong naging mag-isa ulit siya sa kanyang apartment ay hindi na niya alam.