Althea's POV
Mag-uumpisa na ang pasukan namin ngayon—Senior High na ako. Advance akong nag-aral dahil matalino ako; sa edad na limang taon ay nagsimula na akong mag-aral sa Grade 1.
Kaya ngayong sixteen years old ako, Senior High School na ako. Simple lang ang buhay namin. Ang tatay ko ay may sariling bukirin, samantalang si Nanay naman ay nagtatrabaho bilang isang treasurer sa munisipyo.
May isa akong kapatid na lalaki, pero bihira lang siyang umuwi dito sa amin. Ang sabi niya, nagtatrabaho raw siya sa isang kumpanya. Pero minsan, nagwawala siya—naghihingi ng pera sa aming mga magulang.
Kapag hindi siya binibigyan, minsan sinasaktan pa niya sila minsan sa akin binubuntong ang inis. Hindi siya mapigil nina Nanay at Tatay hangga’t hindi nila siya binibigyan ng pera.
Isang madaling araw, umuwi siya na nagsisigaw. Dahil inaantok ako, hinayaan ko na lang silang awatin siya. Minsan naaawa na talaga ako sa mga magulang ko dahil halatang stress na sila.
Narinig ko pa minsan si Nanay na sinabing ibenta na lang daw ang lupa namin, pero hindi pumayag si Tatay.
Napakawalang-hiya ng kapatid ko.
Marami akong pangarap sa buhay. Gusto kong makatapos ng pag-aaral, makahanap ng magandang trabaho, at maiahon ang pamilya ko sa simpleng pamumuhay.
Pero parang pabigat ang kapatid ko sa lahat ng ito. Tuwing umuuwi siya, may tensyon sa bahay. Hindi ka na makakakain nang maayos, kasi parang sasabog ang buong paligid sa ingay at sigaw niya.
“Wala ba kayong maibibigay diyan?!” sigaw niya minsang madaling araw habang hinahampas ang mesa.
“Anak, wala na talaga kaming pera. Paumanhin—” sagot ni Nanay, halos maiyak na.
“Wala?! Pero may pera kayo pang-enroll kay Althea? Ako, anak n’yo rin, ah!”
Hinila niya ang bag ni Tatay at sinubukang kunin ang laman. Hindi ko na natiis.
“Kuya, tama na. Kung talagang nagtatrabaho ka, ba’t ka laging walang pera?” tanong ko, pilit pinipigilan ang galit sa boses ko.
Lumingon siya sa akin, masama ang tingin.
“Anong alam mo, ha? Bata ka pa! Wag kang nakikisawsaw!”
Pumasok ako sa loob ng sarili kong kwarto, dahil hindi ko na kayang makita na nahihirapan ang aking mga magulang naiiyak ako.
Kahit mga magulang ko walang magawa dahil sa mga pinaggagawa ng kapated ko. Pero kahit ganoon, pamilya pa rin siya.
Minsan naiisip ko, sana bumalik siya sa dati—yung Kuya kong laging naglalambing, yung tinuturuan ako maglaro ng chess, yung tinutulungan ako sa Math.
Pero sa ngayon, wala akong magawa kundi ang mag-aral nang mabuti. Dahil balang araw, gusto kong makaalis sa ganitong buhay. Gusto kong maging dahilan ng pag-angat ng pamilya namin. Hindi ako susuko—kahit gaano kahirap.
Hindi alam ng kapatid ko ang totoo. Akala niya, bawat libro, bawat uniporme, at bawat bayarin sa paaralan ay galing sa bulsa nina Nanay at Tatay. Hindi niya alam na ako mismo ang gumagawa ng paraan para makapag-aral.
Isa akong full scholar ng munisipyo—isang biyayang ipinaglalaban ko araw-araw. Kapalit nito ang sipag, tyaga at disiplina.
Tuwing bakante ako tinutulongan ko si Nanay sa opisina, nandoon ako—nag-aayos ng mga papeles, nag-e-encode ng dokumento, o minsan ay nag-aabot lang ng tubig sa mga empleyado.
Hindi ako nagrereklamo. Masaya akong makatulong. May mga araw na nagvo-volunteer ako kahit walang bayad. May mga araw namang may kaunting honorarium.
Maliit lang ang halaga, pero sapat na iyon para makabili ng sariling gamit sa paaralan—ballpen, notebook, at minsan, pamasahe.
Ayokong maging pabigat sa mga magulang ko.
Alam kong ang bigat na pasan nila, lalo na’t halos lahat ng kinikita ni Tatay sa bukid ay napupunta kay Kuya.
Masakit man isipin, parang wala nang natitira para sa amin. Pero kahit ganoon, pinipili kong umintindi. Pinipili kong magtiis.
Pagkagising ko, agad akong nagluto ng pagkain namin dahil maaga pa lang ay pupunta na si Tatay sa bukid, at kami naman ni Nanay ay papasok sa trabaho.
Araw ngayon ng anihan, kaya alas-kuwatro pa lang ng umaga ay gising na kami ni Nanay para magluto ng babaunin ni Tatay at kakainin na rin ng mga tauhang tutulong sa pag-aani.
“Anak, mauna ka nang maligo. Pagkatapos, kumain ka na ng almusal,” sambit ni Nanay pagkatapos naming magluto ng pagkain na dadalhin ni Tatay.
Pagkatapos kong maligo, kumain na ako habang hinihintay si Nanay. Sabay kasi kaming papasok dahil may naghahatid-sundo sa aming dalawa—ang tricycle ng tiyuhin ko, na kapatid ni Nanay.
Nang matapos si Nanay, sakto namang dumating si Tito Gimo. Nauna nang umalis si Tatay, kaya kami na lang ni Nanay ang naiwan.
Paglabas ni Nanay, agad kaming sumakay sa tricycle ni Tito.
“Ate, balita ko nagwala na naman ‘yung panganay mong anak,” sambit niya.
“Noong isang gabi, nanghihingi na naman ng pera. Hindi ko na alam kung totoo ba talagang may trabaho siya. Nahihirapan na kami, Gimo,” sagot ni Nanay habang napapaluha.
“Ang pagkakaalam ko, Ate, sangkot si Nigel sa illegal na organisasyon sa San Pedro,” pahayag ni Tito.
“Ano? Totoo ba ‘yan?” tanong ni Nanay habang napakapit sa akin.
“Oo, Ate. Narinig ko lang rin sa kasamahan kong tricycle driver. Kaya mag-ingat kayo,” paalala niya sa amin.
Kinakabahan ako. Baka kung ano na naman ang gawin ni Kuya sa mga magulang namin.
Tahimik lang ako habang pinagmamasdan si Nanay. Halata sa mga mata niya ang pagod, hindi lang mula sa trabaho, kundi pati na rin sa mga iniisip niya tungkol kay Kuya.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko sa kanya, anak,” bulong ni Nanay habang nakasandal sa aking balikat. “Ang sakit. Parang hindi ko na siya kilala.”
Gusto kong magsalita, pero parang may nakabara sa lalamunan ko.
Si Kuya—si Nigel—dati siyang masayahin. Siya ang taga-protekta ko sa eskwelahan. Siya ‘yung lagi kong kasama sa palengke tuwing Sabado. Pero ngayon…
Ngayon, parang isa na siyang estranghero.
“Anak, kung sakaling… kung sakaling may masamang mangyari, magtago ka muna, ha?”
Napatingin ako kay Nanay.
“Nanay naman,” mahina kong tugon. “Wala namang mangyayari.”
Pero sa loob-loob ko, alam kong posible. Hindi mo masabi ang taong desperado, lalo na kung sangkot sa ilegal.
Si Kuya. Pamilya namin siya. Pero paano kung siya rin ang sisira sa pamilya namin?
Nang makarating ako sa paaralan, parang may mga matang nakatingin sa akin. Lumingon ako, pero wala namang tao sa likuran ko.
Dali-dali akong pumasok sa aming paaralan. Pagpasok ko pa lang, sinalubong agad ako ng matalik kong kaibigan na si Maris.
“Bes, nagluto kayo kaninang madaling-araw. Sinama mo ba ako sa baon mo?” tanong niya.
Si Maris ay isang ulila at nakatira sa kanyang Tita. Scholar din siya—pareho kami. Pero iba ang sitwasyon niya, dahil kahit nakatira siya sa kanyang Tita, madalas ay minamaltrato siya nito.
Minsan, hindi siya binibigyan ng baon, at minsan, hindi rin siya pinapakain. Sinabihan ko na nga siyang lumipat na lang sa bahay namin para maayos na ang kalagayan niya.
Sinabihan ko rin siyang magpaalam sa Tita niya, pero natatakot siya—baka raw bugbugin siya. Balak ko talaga siyang samahan sa pakikipag-usap, kasi hindi na tama ang ginagawa sa kanya. Minsan nga, sinabihan ko siyang magsumbong na sa barangay.
Ang sabi lang niya, sila na lang daw ang natitirang pamilya niya, kaya hindi niya masikmurang isumbong sila.
“Oo, marami akong binaon. Siyempre, kasama ka doon,” sagot ko.
“Magpaalam na tayo sa Tita mo. Doon ka na lang sa amin. Sabi ni Nanay, kung gusto mo, kakausapin rin niya si Tita mo,” paliwanag ko habang nag-iisip si Maris.
“Sige. Pag hindi sila pumayag, magsusumbong na ako sa pulis,” sagot niya. Sa wakas, naging matapang rin siya.
Pumasok na kaming dalawa sa aming classroom.
“May raket ka ba ngayon?” tanong niya sa akin.
“Gusto mo bang tumulong sa anihan? Mamaya pupunta ako doon para tulungan si Tatay,” sabi ko.
“Sige, sasama ako,” tugon ni Maris.
Habang nagkukwentuhan kami, pumasok na ang homeroom teacher namin, kaya tumigil ang lahat sa pag-iingay.
Habang nakaupo kami ni Maris, hindi ko maiwasang mapansin ang lungkot sa mga mata niya, kahit pilit siyang nakangiti.
“Bes, totoo ba? Magpapaalam ka na talaga?” tanong ko sa mahina kong boses habang nagbubukas ng bag.
Tumango siya, pero halatang kabado. “Oo. Ayoko na talagang doon. Kahit pagkain, pinagkakait sa akin. At minsan... sinasaktan pa ako.”
Napakuyom ako ng kamao. Gusto ko siyang protektahan, pero alam kong kailangan rin niya ng lakas ng loob para ipaglaban ang sarili niya.
“Kaya mo ‘yan, Maris. Nandito lang ako. Si Nanay din, handang tumulong. Hindi ka nag-iisa,” sabi ko habang inaabot ang baon kong tinapay.
“Salamat, Bes,” sagot niya, sabay kagat sa tinapay. “Ikaw na lang talaga ang natitirang totoo sa akin.”
Nang matapos ang klase, nag-ayos kami agad ng gamit.
“Tara na? Diretso na tayo sa bukid?” tanong niya.
“Oo. Mas okay nga ‘yun. Para makalayo ka muna sa bahay n’yo, hindi karin naman nila hinahanap” sagot ko.
At habang papalapit kami sa daan papuntang bukid, ramdam ko ang bigat na dinadala ni Maris—pero ramdam ko rin na unti-unti na siyang lumalaban.