NAPASINGHAP si Summer nang makita si Tita Sophia na naglalasing sa bar counter ng mansiyon ng mga ito gayong mataas pa naman ang sikat ng araw. Inagaw niya rito ang hawak nitong baso ng alak. “Tita Sophia, tama na ho ang pag-inom.”
Umaliwalas ang mukha nito nang makita siya kahit mapungay na ang mga mata nito dala ng kalasingan. “Summer, I’m glad you dropped by.”
Inakay niya si Tita Sophia papunta sa sofa at inupo ito ro’n. Nag-utos din siya sa mga kasambahay na ipagluto ng soup ang ginang para mahimasmasan ito.
Simula nang iwan ito ni Tito Ricky ay naging alcoholic na si Tita Sophia. Hindi man nito aminin, alam nilang depressed pa rin ito kaya nga no’ng umalis si Spring no’ng isang taon ay siniguro niyang madalas pa rin niyang mabibisita ang ginang.
“Hija, mabuti talaga at nagpunta ka rito,” pagpapatuloy ni Tita Sophia sa lasing na boses, pero alam niyang nasa huwisyo pa naman ito. “Puwede bang kausapin mo si Spring at sabihan siya na hiwalayan na si Autumn?”
Umupo siya sa tabi nito at hinawakan ang kamay nito. “Tita, bakit ho ba ayaw niyo kay Autumn para kay Spring? Alam niyo naman hong mabuting babae si Autumn dahil nasubaybayan niyo rin ang paglaki niya.”
Ngumiti ng mapait si Tita Sophia. “Autumn looks exactly like Aurora. Kapag nakikita ko ang batang iyon, nakikita ko ang mukha ng ina niya at binabalik niyon ang lahat ng sakit na idinulot sa’kin ng pang-aagaw nito sa asawa ko. Inagaw na sa’kin ni Aurora ang asawa ko. Hindi ako papayag na ang anak ko naman ang ilalayo sa’kin ng anak ng babaeng 'yon.” Hinilot nito ang sentido nito. “Kung alam ko lang na mangyayari ito, hindi na sana ako pumayag na makasama ni Spring ang walanghiya niyang ama sa Paris.”
Naramdaman niya ang sakit sa boses ni Tita Sophia. Pero bukod sa hinanakit at galit sa mga mata nito, naroon pa rin ang kalungkutan. “Pero kaibigan niyo rin ho si Tita Aurora. Hindi niyo ho ba siya kayang patawarin?”
Hinarap siya ni Tita Sophia. Pain and loneliness were written all over her face, and even her smile was lifeless. “Kaya nga mas masakit dahil kaibigan ko siya. If my best friend could hurt me, who couldn’t now? Matatanggap ko kung ibang tao ang nanakit sa’kin. Pero si Aurora 'yon. Sa totoo lang, mas masakit pa 'yong pangta-traidor niya sa’kin, kaysa sa pang-aagaw niya sa asawa ko. I lost my husband and my best friend.”
Naramdaman niya ang pagpatak ng mga luha niya. Bigla ay nakita niya ang sarili niya kay Tita Sophia. Natatakot siyang lamunin ng kalungkutan at maging tulad ng ginang.
Tita Sophia’s face softened as she gently touched her face. “Hindi ko kayang makita si Autumn na kasama ang anak ko. Pinapaalala ng batang 'yon ang lahat ng ginawa sa’kin ng mommy niya. Please, Summer. Help me.”
Tumango siya. Hindi niya alam kung dahil pa ba 'yon sa “plano” nila, o dahil iyon ang nararamdaman niya. “Ang totoo niyan, Tita, nagpunta ako rito para ibigay ang desisyon ko tungkol sa napag-usapan natin sa party.”
Bumangon ang pag-asa sa mukha nito. “Really? So, what do you think about getting back together with my son?”
“I want him back, Tita.”
Tita Sophia let out a relieved laugh. “You made the right decision, Summer!”
Pilit siyang ngumiti sa kabila ng pagkakabuhol-buhol ng kung ano sa sikmura niya. “Tita, may pabor sana akong hihingin sa inyo.”
“Kahit ano, hija.”
“Puwede niyo ho bang kumbinsihin si Spring na sumama sa’kin magbakasyon sa rancho nina Winter sa Laguna? Kailangan niya ho ng break para makapag-isip-isip siya. At para na rin ho magkaroon kami ng pagkakataon na magkasama ng kaming dalawa lang. I need your help, Tita. Kung ako lang ho, baka hindi ko siya makumbinsing sumama sa’kin,” pagsisinungaling niya.
Tumango-tango ang ginang na para bang tinitimbang ang mga sinabi niya. “Tama ka, Summer. Kailangan niyong magbakasyon ni Spring ng kayong dalawa lang, para malayo siya kay Autumn at para magkasama kayo.” Hinawakan nito ang kamay niya. “Ako’ng bahala. Kukumbinsihin ko si Spring na sumama sa’yo.”
Niyakap siya ni Tita Sophia. Mukhang gusto talaga nito na magkabalikan sila ni Spring. Kung sana iyon din ang kalooban ng anak nito, mas magiging masaya siguro siya. Pero alam naman niya na kahit gaano pa siya kagusto ni Tita Sophia para kay Spring, bale-wala iyon dahil si Spring pa rin ang masusunod kung sino ang mamahalin nito.
HINDI inasahan ni Summer na makita sina Winter at Tito Teodoro na naglalaro ng chess sa hardin ng huli matapos siyang patuluyin ng mga kasambahay. Siya dapat ang kakausap sa daddy ni Autumn para “ipagpaalam” ang dalaga sa “all-girl vacation trip” na inorganisa niya. Pero dahil pinakalma pa niya si Tita Sophia, nahuli siya ng dating. Hindi niya alam na pupunta rin pala si Winter do’n ngayon.
Close talaga si Winter kay Tito Teodoro.
Mula kasi Cebu ay bumalik na si Tito Teodoro sa Maynila kalahating taon na ang nakakalipas para bumalik sa main branch ng hotel na pinagta-trabahuan nito.
“Checkmate,” narinig niyang sabi ni Winter.
“You got me there, hijo,” naiiling na sabi naman ni Tito Teodoro. Dumako ang tingin nito sa kanya. Bahagyang umaliwalas ang mukha nito. “Nandito ka na pala, Summer.”
“Hi, Tito,” masiglang bati niya rito, saka ito hinalikan sa pisngi. Umupo naman siya sa silya sa tabi ni Winter. “Mukhang nag-e-enjoy kayo, ha?”
“I won,” pagmamalaki ni Winter na kahit hindi nakangiti ay ang yabang ng itsura ng mga sandaling iyon.
“Pinagbigyan lang kita,” halatang nagbibirong sabi naman ni Tito Teodoro. Binalingan siya nito. “Hija, nabanggit sa’kin ni Autumn kagabi ang tungkol sa vacation trip na inorganisa mo. Sa isang resort daw sa Bataan two weeks from now?”
Tumango siya. “Yes, Tito. Payagan niyo na hong sumama si Autumn sa’min.”
Dumaan ang pag-aalinlangan sa mukha nito. “Sinu-sino nga uli ang kasama niyo?”
“Sina Snow at Tella ho.”
“At si Spring?” naninigurong tanong ni Tito Teodoro.
“Spring’s with me that weekend, Tito,” sagot ni Winter para sa kanya. “Mag-ma-mountain hiking kami.”
Matagal bago muling nagsalita si Tito Teodoro. “Pumapayag na kong isama niyo si Autumn sa bakasyon na 'yan. Ipangako niyo lang na walang masamang mangyayari sa anak ko.”
“Yes, Tito,” sagot ni Summer sa pilit pinasiglang boses.
Napansin marahil ni Winter ang pagiging hindi komportable niya sa sitwasyon kaya sinalo na siya nito. Inakay na siya nito sa pagtayo nito. “Tito Teodoro, mauna na kami sa inyo ni Summer. Dadaan pa kasi kami kina Mommy.”
Tumango ang matanda. “Salamat sa pagbisita, mga bata.”
Inakay naman siya ni Winter papunta sa kotse nito na naka-parke sa garahe.
Sinulyapan siya nito habang nagmamaneho ito. “How did it go with Tita Sophia?”
May nabuhol na naman sa sikmura niya. Tumingin siya sa labas ng bintana. “Okay lang naman. Umaayon ang lahat sa plano natin.”
“May problema ba?” Nahimigan na niya ang pag-aalala sa boses ni Winter.
Umiling siya. “Saan ba natin kakatagpuin sina Spring at Autumn? Ang sabi ko kanina kay Tita Sophia, magdi-dinner kami ni Spring kaya hindi niya pauuwiin agad si Spring.”
Ayon kay Spring, simula nang malaman ni Tita Sophia ang relasyon nito kay Autumn ay naging mahigpit at “madrama” daw ang ginang. Parati raw itong dumadaing na may sakit ito kaya napipilitan si Spring na umuwi agad pagkatapos ng trabaho nito, na nagreresulta sa paglimita sa pakikipagkita nito kay Autumn.
Gano’n din naman kay Autumn. Mas naging mahigpit dito si Tito Teodoro. May pakiramdam siya na hindi masaya ang ama nito sa relasyon nito kay Spring na anak ng lalaking dahilan ng pang-iiwan ni Tita Aurora kay Tito Teodoro.
Ang komplikado ng pag-iibigan nina Spring at Autumn, at hindi niya alam kung bakit ipinasok niya ang sarili niya sa sitwasyong iyon.
“Sunduin na lang natin sila sa kanya-kanya nilang trabaho,” suhesyon ni Winter.
Tumango lang siya. Nakabalik naman sa kanya-kanyang trabaho ng mga ito sina Spring at Autumn matapos ng mahabang bakasyon ng dalawa dahil parehong nasa top ng kanya-kanyang field ang mga ito. Spring was one of the top engineers of a huge construction firm, while Autumn worked at the same architectural firm as Winter. Magkaiba lang ng department ang dalawang huli.
Nilingon niya si Winter. “Winter, hindi ka ba pumasok sa opisina mo?”
“Nag-half-day lang ako.”
“Bakit?”
“I was worried about you.”
Bumuntong-hininga siya. Ginulo niya ang buhok nito. “Huwag mo na uli gagawin 'yon, okay? Kaya ko naman ang sarili ko. 'Wag mong pababayaan ang trabaho mo.”
Iniwas nito ang ulo nito sa kanya. “Stop that. Hindi na ko bata.”
Bumungisngis lang siya. “You will always be my bunso, Winter.”
“I hate you, Summer.”