Abala ang mga embalsamador sa kanilang mga gawain, kasunod na rin ang katawan ni Kath para sa gagawin nila rito.
“Kung asawa man niya ang nagdala sa kaniya rito, wala siyang puso. Dalawang buhay ang kinuha niya sa isang iglap lang.” Saad ng isa sa mga lalaking nasa morgue habang nakatingin sa katawan ni Kath malapit sa kaniya.
“May mga lalaki talagang iresponsable, sarap na sarap kapag gumawa pero hindi naman kayang panindigan ang pinaghirapan nila.” Nang matapos na ang ginagawa nila sa isang bangkay ay isinunod na rin nila ang katawan ni Kath. Pinagmasdan pa muna nila ito at sabay pang nailing. Aalisin na sana ng isang lalaki ang kasuotan ni Kath ng bigla itong mapasigaw sa gulat.
“Tang-*na buhay pa yata!” sigaw na saad ng lalaki ng tawanan siya ng kasama.
“Hindi ka na ba nasanay, ganiyan naman talaga ang katawan ng mga taong patay na. Minsan hahawakan ka nila hindi dahil buhay pa, madalas talagang mangyari yan. Ituloy mo na lang ginagawa mo para namang bago ka pa rito para umakto ng ganiyan.” Iiling-iling na saad ng lalaki. Humugot naman muna ng malalim na hininga ang isa bago muling lumapit sa katawan ni Kath. Dahan dahan niya ng inaalis ang mga butones ng damit ng dalaga ng bigla nitong imulat ang kaniyang mga mata na nakapagpalaki ng mata ng lalaki.
“Tulungan mo ako,” mahina niyang usal pero sapat na para marinig nilang dalawa. Nagkatinginan ang dalawa at tila nagkaintindihan.
“Hindi pa ito patay pre, buhay pa ito eh.” Usal ng lalaki, mabilis nilang ibinalik ang butones ng kaniyang damit at mabilis na inilabas sa morgue.
“Tulong, buhay pa ang pasyenteng ito!!” sigaw nila at mabilis naman silang dinaluhan ng mga Doctor at nurse, pinulsuan nila si Kath at nanlaki na lamang din ang mata ng Doctor ng maramdaman ang mahinang pulso ng dalaga. Mabilis nilang inihanda ang pagdadalhan nilang kwarto kay Kath maging ang mga gagamiting gamit. Maraming mga apparatus ang ikinabit sa kaniyang katawan, tiningnan na rin nila ang kalagayan ng bata kung naapektuhan ba ito dahil kung patay na ang bata habang ang ina naman ay buhay pa kailangan nilang tanggalin ang bata para mabuhay si Kath ngunit katulad ng ina ay nakita rin nila na maayos ang pagtibok ng puso nito. Inasikaso nila si Kath, ibinigay nila rito ang pangangailangan nilang mag-ina. Kailangan nilang imonitor maya’t-maya ang kalagayan ng mag-ina.
“Isang malaking himala ang nangyari sa kanilang dalawa, paanong nangyaring buhay pa sila gayong mag-iisang oras na sila sa morgue?” nagtatakang saad ng isang Doctor.
“Yun din ang ipinagtataka ko, ng pulsuan ko siya kanina ay wala man lang akong maramdaman kaya nakaramdam ako ng awa sa kanilang mag-ina. Yung lalaking nagdala sa kaniya rito, hindi ko alam kung asawa niya ba yun o biktima siya ng karahasan.” Sabay na napabuntong hininga ang dalawang Doctor at sabay na ring umalis.
Ilang araw din ang lumipas bago muling bumalik ang lakas ni Kath. Mabilis siyang tumayo sa kaniyang kinahihigaan at kinapa ang kaniyang tiyan. Napahinga na lamang siya ng maluwag ng maramdaman ang kaniyang anak sa kaniyang sinapupunan. Inasikaso naman siya ng mga Doctor at nurse, hindi naman na muna nila ito kinausap at binigyan na muna nila ito ng kaniyang makakain at maiinom sapagkat ilang araw din itong tulog.
Nang matapos siyang kumain ay umalis na rin ang ibang Doctor at may isang nurse na lamang ang naiwan para asikasuhin siya.
“Maaari ba akong magtanong?” mahinang tanong ni Kath sa nurse na nag-aayos ng kaniyang pinagkainan. Naupo naman muna ang nurse sa gilid nito saka tumango. “Gusto ko sanang malaman kung paano ako nakapunta rito? Saka kung ilang araw na?”
“Ayon sa mga nakakita at sa ipinakita ng cctv ng hospital ay may isang lalaking nakaitim ang nagdala sayo rito, saka limang araw ka na ring nandito. Nung una akala namin patay ka na kasi wala ka ng pulso, idinala ka sa morgue pero pagkaraan ng isang oras ay nagulat na lang kami ng sumisigaw ng tulong ang mga embalsamador dahil buhay ka pa raw kaya tiningnan ka ng mga Doctor kaya nagulat na lang din kami ng maramdaman ang mahina mong pulso ganun na rin sa baby. Ang swerte mo dahil isang malaking himala ang nangyari sayo.” nakangiting saad ng nurse, pilit lang namang ngumiti si Kath at napapakuyom na lamang niya ang kaniyang kamao sa tuwing naalala ang mga nangyari sa kaniya.
Pagkaraan ng ilang oras ay inaalis na ni Kath ang mga nakakabit sa kaniyang mga apparatus ng makita siya ng nurse.
“Ano bang ginagawa mo? hindi ka pa masyadong okay kaya kailangan ka muna naming imonitor.”
“Wala akong pambayad ng hospital bills dito, kung limang araw na akong nandito paniguradong malaki na ang babayaran ko at wala akong sapat na pera para bayaran kayo.”
“Maupo ka nga muna, kung inaalala mo yung mga bayaran huwag kang mag-alala dahil bayad na lahat.” kumunot naman ang noo ni Kath sa sinabi ng nurse sa kaniya.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Noong gabing dalhin ka rito may iniwan ding card yung lalaki at saka note, dalawang note yun, yung isa tungkol sa mga bayarin mo, yung isa naman nakapangalan sayo kaya hindi namin binubuklat.” Tumayo yung nurse at tila may hinahanap sa isang maliit na drawer, nang makita niya na ang kaniyang hinahanap ay muli siyang humarap kay Kath at iniabot ang maliit na papel.
To the woman,
Unang basa niya sa unahan ng papel. Inalis niya naman na yung nakadikit sa papel at binuklat iyun.
I know it’s hard to forget what we have done to you and to your baby, I’m really sorry about that. I hope someday you’ll forgive me, hindi ko sinasadya ang mga nangyari. Wala naman akong magawa kundi ang sumunod lang. Pamilya ko rin ang nakataya sa trabaho namin kaya ayaw ko mang gawin ay wala akong magagawa. Hindi ko kayang patayin ang isang batang hindi pa lamang nasisilayan kung gaano kaganda ang mundo. Pilitin mong mabuhay Kath, pilitin mong buhayin ang baby mo dahil balang araw malaki ang magiging parte ng anak mo. Hindi bastang bata ang magiging anak mo, ilayo mo na siya ngayon pa lamang, ilayo mo siya sa pamilya niyang magulo. Hindi ikaw ang pakay ng nag-utos sa amin kundi ang anak mo, gusto niyang painumin ka ng gamot na pangpalaglag at hindi ko hinayaang mangyari yun, pinainom kita ng gamot na pangpatulog. Kung nababasa mo man ito ngayon, lumayo ka na, lumayo ka na sa Manila.
Nalukot niya na lamang ang hawak niyang papel dahil sa matinding galit na nararamdaman niya.
“Pagbabayaran niyo ang lahat ng ito mga Montesso, hindi ko kayo mapapatawad.” Gigil niyang aniya, lumabas naman na muna ang nurse at hinayaang makapag-isip si Kath. “Kahit kailan hindi mo makikita at mahahawakan ang anak mo Xandro, ito ang daang pinili mo. Iniwan mo kami at ibinasura, darating ang araw na ako naman ang magbabasura sayo.” tuluyan niya ng nalukot ang hawak-hawak niyang papel saka itinapon sa basurahan.
Ngayon naiintindihan niya na ang sinabi ni Kevin na magpakalayo na siya dahil hindi siya sa mga hospital ng Manila dinala kundi sa labas na ng Manila.
Lumipas ang ilang araw at tuluyan ng bumalik ang lakas niya. Lumabas na rin siya ng hospital, may kakaunti pang natira sa kaniya. Hindi naman kalakihan ang perang iniwan sa kaniya ni Kevin.
KATHRYN POV
Bumili na muna ako ng isang itim na sombrero at itim na facemask, kailangan ko munang kunin ang mga gamit ko sa Manila. Kung ang alam naman na nila ay tagumpay ang ginawa nila sa akin hindi naman na siguro nila ako hahanapin. Sa Manila ako galing pero sa Bulacan na ako nagising. Isa man sa mga naging kidnapper ko si Kevin ay maswerte na rin akong naging isa siya mga lalaking yun dahil hindi ko alam kung saan ako patutungo kung nagkataong nagtagumpay sila sa balak nilang gawin sa anak ko.
Ilang oras ang ginugol ng byahe hanggang sa makarating ako sa terminal bus malapit na sa bahay ko. Panay ang lingon ko sa paligid dahil baka nasa paligid lang ang tauhan ng mga Montesso. Kunot-noo akong napatingin sa mga gamit kong nasa labas na ng tinutuluyan ko. Maingat akong tumakbo papalapit sa gamit ko saka nagtago sa gilid ng makita ko si Aling Marie na siyang may-ari ng tinutuluyan ko.
“Saan daw ba siya nagpunta para kunin niya ang mga gamit niya rito ng wala man lang paalam?” rinig kong tanong niya sa lalaking nakaitim na hindi ko man lang napansin kanina. Napahawak na lamang ako sa tiyan ko ng maramdaman ko ang pananakit.
“Nakahanap na kasi siya ng ibang trabaho kaya inutusan niya na lang akong kunin ang mga gamit niya” muli kong sinilip ang kinaroroonan nilang dalawa at kita ko pa si Aling Marie na ibinababa ang iba ko pang mga gamit.
“Oh siya may magagawa pa ba ako kapag yun na ang gusto niya.”
“Iwan mo na lang dito ang mga gamit na yan at may darating dito para kunin yan lahat.” tumango na lamang si Aling Marie saka nag-abot ng pera ang nakaitim na lalaki bago umalis. Mabilis naman akong pumara ng taxi at sumakay.
“Pakihinto na lang po sa tapat ng mga gamit na nasa labas saka pakilagay na lang din po sana sa trunk.” Sinunod naman ng driver ang sinabi ko, inilagay niya lahat ng gamit ko sa trunk ng taxi at umalis kami. Hindi ko alam kung saan ako magpapalipas ng gabi ngayon, kung mananatili naman ako sa inuupahan kong bahay baka balikan ako ng mga tauhan ng mga Montesso, ayaw ko ng ilagay sa panganib ang anak ko.
Mahihirapan na rin ako dahil kaunti na lamang ay lalabas na rin siya. Huminto ako sa isang parke at dun na muna ako nanatili. Bumili naman ako ng pagkain ko sa isang karenderya at sa parke na rin kumain.
Tandaan niyo ito, hindi rito magtatapos ang lahat. Magkikita at magkikita pa rin tayo at ipinapangako kong kapag nagkita tayo hindi ako magpapakita ng kahit na anong awa kapag ako na ang gumanti sa inyo.
Nanggigil kong saad, hindi ako makakapayag na ipagsasawalang bahala ko ang ginawa niyo sa anak ko lalo ka na Xandro. Ipatitikim ko sayo ang impyerno.
Ilang araw akong nanatili sa parke, mabuti na lamang at hindi nila ako pinapaalis kahit papaano ay may natutuluyan ako. Mabuti na lamang at hindi pa naman naulan. Kung mangunguha ako ng uupahan ko ay baka wala ng matira para sa anak ko.
Isang buwan ang lumipas, hirap na hirap akong ilabas ang anak ko. Ilang oras na rin ako naglalabor at sumasakit ang tiyan ko. Butil-butil na ang pawis ko sa mukha ko, kahit na hirap na hirap na ako ay hindi man lang ako inasikaso ng mga Doctor, hindi pa rin daw kasi lalabas ang anak ko. Habang hirap na hirap ako kasama ng mga ibang pasyente sa kwartong ito ay inuna nila ang isang babaeng kararating lang. Base sa pananamit ng kasama nitong lalaki ay may kaya siya. Ilang Doctor ang sumalubong sa kaniya, nakagat ko na lamang ang pang-ibaba kong labi dahil sa sakit na nararamdaman ko.
“May isa ring manganganak dito kanina pa ito hirap na hirap!” sigaw ng isang babae sa mga Doctor na nag-aasikaso sa nahihirapan na ring babae subalit ni isa sa kanila ay walang pumansin sa sigaw ng babae. Nanghihina na ang katawan ko, hindi ko alam kung magagawa ko pa ba siyang ilabas ng maayos.
“May mga ganito talagang hospital, kung sino ang may kaya yun ang uunahin kahit na alam nilang nahihirapan na ang iba nilang pasyente.” Rinig ko pa ang mga sinasabi nila pero dahan-dahan na rin ang paghinga ko dahil sa panghihina. Magagawa ko pa nga ba? Magagawa ko pa bang ilabas ka ng maayos?
Gusto ko ng ipikit ang aking mga mata at matulog na lamang subalit sa tuwing iniisip ko na hindi ko na magagawa ang paghihiganti ko sa kanila kung dito pa lamang ay susuko na ako.
“AAAHHHHHHH.” Malakas kong sigaw ng maramdaman ko ang pilit na paglabas na ng ulo ng anak ko. Hindi na alam ng mga kasama ko sa kwartong ito ang gagawin dahil sa sunod-sunod kong pagsigaw. Ramdam ko na ang ulo niya kaya hindi ako susuko, lalaban ako gayong lumalaban ang anak ko. Huli ko na lamang natandaan ay ang dinaluhan ako ng mga bantay ng ibang pasyente. Napangiti na lamang ako bago ako mawalan ng malay.
***
Nagising akong may dalawang babae sa tabi ko at nakangiti sa akin.
“Ang gwapo ng anak mo at malusog. Maswerte ka dahil nanganak ka ng maayos kahit na walang asikaso ng hospital na ito. Pwede mo silang kasuhan kung gugustuhin mo.” saad sa akin ng babaeng siyang may hawak ng anak ko, kinuha ko naman sa kaniya ang bata at tinitigan. Napakagwapo niyang bata at malusog. Hindi ko na lamang pinansin ang sinabi ng babae at hinaplos ang mukha ng anak ko, ayaw ko ng palakihin pa ang gulo, maayos na sa aking nailabas ko siya ng maayos at pareho kaming nasa maayos.
Nanghihina pa lamang ako ng makita ko ang ilang mga doctor na nasa unahan ko. Gumilid naman ang mga babae sa pagkakaalam na ichecheck ang kalagayan ko pero nagkamali kami ng sapilitang kinuha ang baby ko.
“Ano bang gagawin niyo sa amin?! Akina ang baby ko!” sigaw ko pero maging ako ay sapilitang inialis sa kinahihigaan ko.
“Anong klaseng hospital ba ito at ganiyan niyo na lang ituring ang pasyente niyo!! Hindi niyo na nga inasikaso sapilitan niyo pang papaalisin!!” sigaw ng isang babae, gusto ko mang manlaban subalit hindi ko magawa dahil hindi ko pa naibabalik ang lakas ko.
“Hindi niya kayang bayaran ang mga bayaran dito sa hospital kaya kailangan silang paalisin.”
“Wala naman kayong hirap diyan!!” hinayaan ko na lamang ang ginawa sa amin ng baby ko. Naiiyak na lang ako sa kalagayan naming dalawa. Masyado kaming pinagmalupitan ng mundo, binigyan siya ng ama na kaya siyang ipapatay. Hindi na ako nagsalita pa hanggang sa itapon ako sa labas ng hospital saka ibinigay sa akin ang anak ko, inihagis din nila ang iilang mga dala kong gamit.
Napahagulgol na lamang ako habang yakap-yakap ang anak ko. Pagbabayaran niyo ang lahat ng ginawa niyo sa akin, magsisisi kayo! Babalikan ko kayong lahat na nagpahirap sa buhay ko. Wala akong nagawa kundi ang umiyak ng umiyak, niyakap ko na lamang ang anak ko dahil sa malamig na simoy ng hangin. Ramdam ko na rin ang malamig na tubig na nanggagaling sa ulan. Napatingin na lamang ako sa labas dahil sa lakas ng ulan.
Hinalikan ko ang noo ng anak ko, pagbabayaran niyo ang lahat ng ito.
Napatingin na lamang ako sa dalawang pares ng paa na nasa harapan ko.
“What are you doing here? Nasa loob ka dapat at nagpapahinga. Kapapanganak mo pa lang.” Usal ng isang babae. “Masyadong malamig dito sa labas para sayo at lalo na sa bata—“ hindi ko na maintindihan ang sumunod niyang mga sinabi ng makaramdam na ako ng hilo. Mahigpit kong niyakap ang baby ko bago ako tuluyang muling mawalan ng malay.