Nalaman kong kina Ka Tonying pansamantalang maninirahan si Doc Gal dahil wala namang paupahan dito sa Agunaya, wala ring bakanteng kwarto sa facility na meron ang isla kaya't bukas-palad na pinatuloy ng matanda ang doktor. Wala rin naman daw siyang kasama, at ang maganda nga rito, makakapagtanong siya kung kailan niya gusto dahil nasa iisang bubong lang naman sila.
Nang sabihin sa akin ni Ka na hindi raw pala ako ang labanderang hinihintay niya ay para akong nabuhusan ng malamig na tubig. May nakuha na raw kasi siya kahapon at hindi naman daw niya nakausap si Nanay, bagay na ikinalungkot ko. Ngunit lalo akong nainis nang makita ang reaksyon ni Dok Gal, para bang nagbubunyi dahil hindi pala ako ang naatasang maglaba ng mga iyon.
Umuwi ako ng bahay nang bagsak ang balikat. Nakasalubong ko pa sa daan si Diana na abala sa pakikipaglaro ng patintero. Ang bastos nga sa mga kalaro dahil noong nakita ako, kabud siyang umayaw at sumama sa akin pauwi.
"Ate! 'wag mo akong isusumbong kay Tatay," pagmamakaawa niya. Umismid ako at inikutan siya ng mata.
"Ano bang mapapala ko kung magsusumbong ako? Magkakatrabaho ba ako? Hindi naman 'di ba?" Pinagpag ko ang doormat sa gilid ng pintuan at ibinalik ito sa dating puwesto. Ngunit panay pa rin ang atungal ng kapatid ko sa likod. "Ano ba?"
"Eh baka isumbong mo ako eh—"
"Kasalanan mo na 'yun kung malalaman niya," naiinis kong bulanghit saka lumabas. Pupunta na lang muna ako kila Arlet para makipagkwentuhan tungkol sa balak niyang mag-aral sa Maynila. Dati na siyang nag-aaral noon at napahinto tulad ni Kuya. Noon kasi, pinalayas ang pamlya nila sa lupang tinitirhan, napilitan silang bilhin ang titulo ng lupa sa halagang makakapagpaaral na kay Arlet. Saksi ako dati kung paano nagluksa ang aking kaibigan dahil alam ko kung gaano siya kadeterminado upang mapagtapos. Iyon nga lang, hindi rin minsan nasusunod ang nais na mangyari kahit gawin pa ang lahat.
Sa daan, hindi ko maiwasang mapalingon sa mga lalaking umaakyat sa puno ng niyog upang putulin mula sa taas ang bungkos nito. Hitik na rin kasi sa bunga ang bawat puno at panahon na ng anihan.
"Uy Ada!" paswit sa akin ni Andong na kailangan ko pang tingalain sa taas upang makita. Halos ka edad ko lang siya at tulad kong huminto rin sa pag-aaral. Ngunit iba ang dahilan niya sa dahilan ko, maaga kasi siyang nakapag-asawa. "Hindi ka ba sasama sa pagkokopra? Malaki na ang komisyon sabi ni Tatang."
Habang nakatingala ay biglang umihip ang malamig na simoy ng hangin. Bahagyang kumulimlim ang kalangitan subalit ramdam pa rin ang init. Akma na sana ang pagsagot ko nang bigla akong matigalgal nang malaman kung sino ang nasa gilid ko ngayon.
Siya na naman?
Pinasadahan ko ng tingin ang kanyang kabuuan. Ang kaninang pambahay ay kaswal na ang datingan. Jeans ang kanyang pambaba habang suot naman pang-itaas ang blue t-shirt na may tatak na DOH, sukbit niya sa balikat ang itim na shoulder bag na pansin kong lagi niyang dala tuwing lumalabas.
"Hindi ko nirerekomenda ang mabibigat na gawain sa kanya," wika niya sa mahinahong paraan. Kahit na prominente ang hinahon sa boses na iyon, sapat pa rin ang layo nila upang marinig ni Andong kung ano ang sinabi niya.
"Okay dok!" sagot ni Andong at pinagpatuloy ang pagtatabas ng bungkos na kumakapit sa niyog.
Nanliit naman ang mata ko nang sa akin niya ibaling ang tingin.
"Anong ginagawa mo rito?"
Tumawa siya nang mahina at bahagyang ngumiti. "Bakit ba ang init ng ulo mo sa'kin?"
Hindi ko siya sinagot. Tiningnan ko lang siya nang matagal at hindi naiwasang mahagip ang maliit na nunal sa kanyang leeg. Bakit ba pinagdidiskitahan ko ang nunal na 'yan?
Humarap na lang ako sa kanan at nagsimulang maglakad. Sa puntong ito ay nawala na ang kulimlim ng kalangitan at muli na namang tumirik ang araw. Oo't rinig ang ingay na gawa ng mga naghahampasang alon sa dalampasigan dahil hindi naman iyon kalayuan mula rito, ngunit hindi nakaligtas sa pandinig ko ang boses ng doktor.
"Sabihin mo lang sa akin kung anong mali ko kaya nagkakaganyan ka."
Hindi ako huminto, nagtuloy-tuloy ako hanggang sa naramdamang hindi na niya ako sinusundan pa.
At doon lang ako nakahinga nang maluwag.
Kahit itong sarili ko ay hindi ko maintindihan. Hindi ko maipaliwanag kung bakit kumukulo ang dugo ko sa kanya. Kung iisipin kong ibang tao o ibang doktor ang kaharap ko, hindi ko maitatangging hindi ako maiinis.
Malapit na kaya ang dalaw ko?
O baka naman siya ang pinaglilihian ko?
"Si Arlet po?" Nakaapat na katok muna ako bago ako pagbuksan ng pinto ng bahay. Tumambad sa akin si Tiya Sepin, siya ang nanay ni Arlet na alam kong mas mabait kaysa kay Mang Delfin na asawa niya.
Tulad ng bahay namin ay gawa rin ang kalahati ng bahay sa bato, ang iba ay gawa na sa kawayan. Hindi naman ito kalakihan dahil silang tatlo lang naman dito ang nainirahan. Only child lang kasi si Arlet.
Subalit nang lumaki ang siwang ng pinto, napansin ko na magulo ang loob nito. Nanlamig ako nang makita ang mga bubog na nagkalat sa sahig.
Sa gitna ng pag-iisip at paghihintay ng sagot ay biglang pumatak ang mga luha ni Tiya. Agad niya naman itong hinawi ngunit gayon na lamang ang bigla niyang pagkapa sa gilid ng pinto nang masuportahan ang kanyang pagtayo. Humagilap kaagad ako ng upuan at ipinuwesto ito sa kanyang tabi.
"Salamat iha." Basag na ang kanyang boses ngunit pinipilit niyang magsalita. Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha at hindi rin maitatanggi ang lungkot nito.
"Ano ho bang nangyari?"
"Si Alet.. naglayas."
Nanlaki ang mga mata ko at inalala ang tagpo noong gabing kinausap ko pa siya.
Naglayas siya para makapag-aral?
Naglayas siya para lumuwas?
"Hindi ko maintindihan ang batang 'yon iha. Pilit kong pinapaintindi ang sitwasyon kahit alam naman niyang may sakit sa bato ang tatay niya. Pero pinili niyang sumama sa babae niya."
Kay Dahlia.
Huminga ako nang malalim at pinigilan ang nagbabadyang luha. Ang makitang naluluha ang kahit na sinong magulang ay hindi ko kayang masikmura. Kahinaan ko 'to. Ayaw kong makakita ng ganito.
Ngunit sa pagdampi ng palad niya sa balikat ko ay napaiyak ako. Diyos ko, Arlet. Bakit naman iniwan mong ganito ang nanay mo?
Bigla kaming napalingon sa pinto nang marinig ang malakas na sigaw sa loob ng bahay. Boses iyon ni Mang Delfin at sa lakas nito, mahahalata roon na nasasaktan siya.
"Delfin!" sigaw ni Tiya at sumugod sa loob. Sumunod naman ako hanggang sa naabutan sa kwarto ang tagpong ngayon ko lang nakita sa buong buhay ko. Kitang-kita ng dalawa kong mata kung paano binitawan ni Mang Delfin ang duguang kustilyo habang rumaragasa ang ginilitang pulso nito!
"Tatawagin ko lang po si Dok!" nag-aalburuto kong sigaw saka kumapiras ng takbo palabas. Ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay biglang sumikip ang nararamdaman ko, kumirot nang pagkasakit-sakit ang bawat kabog sa puso ko hanggang sa dumilim ang buong paligid.
***
"Doc, she's now conscious," mahinahong sambit ng isang medical practitioner nang mamulat ako at malinaw nang nakikita ang paligid. Nakahiga ako sa isang kama at ramdam kong nakakabit ang nebulizer na dati nang ginawa sa akin.
Huminga ako nang malalim at pumikit ng mariin. Ang sakit ng dibdib ko.
Sumara ang pinto nang lumabas ang babae. Nalipat naman ang atensyon ko kay Doc Gal, na ngayon ay may suot na white coat. Lumapit siya at pinagmasdan ang mga aparatong nakapaligid sa amin.
Tumikhim siya, "Huminahon ka. You need to stay here for a week."
Hindi ako makapagsalita dahil sa mga nakakabit sa akin. Gusto kong magwala at umalis na lang upang balikan si Mang Delfin ngunit wala akong lakas na loob gawin iyon. Kahit hirap na hirap ako sa kalagayan ko ngayon, hindi ko maiwasang maisip na may ibang naghihirap liban sa'kin, ang sakit makita ng tagpong iyon, ang sakit alalahanin.
Pinagmasdan ko ang buong silid. Hindi ko alam pero hindi ito ang healthcare facility na meron ang Agunaya. Kumpara sa amin, ibang-iba ang ayos ng mga kagamitan dahil wala nito sa isla.
Kung hindi ako nagkakamali, wala kami sa center ng Agunaya. Nasa Capgahan kami, ang lugar na ilang kilometro ang layo sa amin at 'di hamak na nakikitaan ng mas maunlad na komunidad.
Mula sa pagmamasid sa mga equipments ay kumuha ng upuan si Doc Gal, ipinosisyon niya ito sa tabi ko saka umupo. Sa pagkakaupong iyon ay pinagmasdan niya ako nang matagal. Tanging tunog lang mula sa isang makina ang ingay na umiiral ngunit hindi ko magawang mabasag ang katahimikan dahil hindi ko rin naman magawang magsalita.
Pinagsalikop niya ang kanyang mga daliri at mas tiningnan pa ako nang mabuti.
"You're already diagnosed for almost 50 hours but I'm still surprised about what I found out." Umangat ang gilid ng kanyang labi matapos sabihin iyon. Yumuko siya at dahan-dahang inangat ang tingin pabalik sa akin. "Everyone here knows you..."
Umiwas ako ng tingin. Oo, dati na akong na-confine dito at noo'y pabalik-balik lalo na noong nag-aaral pa ako. Madalas akong isugod ng mga first aider dito kaya paanong hindi ako makikilala ng mga nurse?
Mga initial statement lang ang madalas na sinasabi nila tungkol sa akin dahil kulang kulang pa noon sa mga kagamitan. Tulad sa Agunaya ay hindi rin kumpleto ang pasilidad, kinakapos pa minsan sa mga espesyalista. Kaya ang tangi lang namin alam ay may deperensya ako sa puso. Hindi na specific kung ano 'yon.
Ngunit ngayon, mukhang malalaman ko na.
"Nasabi na sa akin noon ng Tatay mo na may history ang angkan mo sa heart disease, pero hindi rin makumpirma kung namana mo ito dahil hindi pa noon naaasikaso ang pasilidad dito. As of now hinihintay ko na lang ang resulta, sigurado akong bukas malalaman na kung ano ba ang kondisyon mo," paliwanag niya saka tumayo. Pumikit ako at piniling huminahon.
"Malaki ang posibilidad na mag positibo ka sa heart disease base sa background mo."
Huli kong narinig ang mahinahong pagsara ng pinto bago tuluyang maiwan akong mag-isa rito. Binaling ko ang tingin sa gawing kanan kung saan madali kong natatanaw ang bintana. Nakasara man ito subalit gawa ito sa salamin kaya nagagawa kong makita ang tanawin ng kalangitan sa labas. Maliwanag. Tirik ang araw. Tulad noong nawalan ako ng malay sa Agunaya.
Bigla kong naisip ang pamilya ko. Diyos ko, hindi ko alam kung ano na ang mangyayari kung sakaling malala na ang sakit ko. Hindi ko kakayaning isipin na pati sila madadamay, na sa huli, walang magagawa dahil kailangan ng pantustos dito sa hospital. Ang laki-laki ng pangarap nila sa akin, ganoon din ako para sa kanila. Pero bakit ganito? Para akong hinahadlangan. Para akong pinipigalan ng tadhana. Paano ang lahat kung kahit sarili ko hindi ko maisalba? Paano sila?
Sana sa paggising ko ay maayos na ang lahat. Sana.
Nagising ako sa tunog na likha ng makina sa aking gilid. Pasimple kong pinakiramdaman kung may nebulizer pa ako ngunit nang kapain ko ang aking mukha, doon ko napag-alamang hindi ko na ito suot-suot pa.
Bahagya akong nasilawan sa liwanag ng ilaw. Akma ko na sanang ia-angat ang kamay ngunit bigla akong napabaling malapit sa pinto kung saan nakaupo sina Nanay at Tatay. Kapwa sila may face mask at namumugto ang mga mata.
"Anak, kamusta? Maayos na ba ang pakiramdam mo?"
Sa tuwa ko ay hindi ko napigilang ngumiti. Bumangon ako at bahagyang napaaray nang mapansing may dextrose pa ring nakakabit sa akin.
"Dahan-dahan anak," mahinanong winika ni Tatay. Namumula ang kanyang mga mata at pasimple ang singhot. Hindi ba sila nakatulog o kagagaling lang sa iyak?
"Ayos na po ang pakiramdam ko, kumpara kahapon, mas malaki ang kinaginhawa ng dibdib ko."
Tumayo si Nanay at nilapitan ako.
"Sina Kuya at Diana po?"
"Nasa labas. Mamaya sila naman ang papasok para tingnan ka."
Tiningnan ko sa likod si Tatay na tahimik lang at nakayuko. Anong meron? Bakit para silang nagluluksa?
"Bakit yata ang lungkot niyo naman Nay?"
Mabilis na umiling si Nanay. At sa halip sagutin ang tanong ko, inangat niya mula sa ibaba ang dala-dala niyang prutas.
"Heto, pwede mo na raw ito kainin mamaya sabi ng doktor. Kailangan mo ng malakas na resistensya mula dito anak. Siya nga pala, nasa kabilang kwarto si Mang Delfin at kritikal ang kondisyon dahil maraming dugo ang nawala sa kanya."
Tumango ako at pinagsawalang bahala ang sagot na nais ko sanang marinig mula sa tanong ko. Pero ang marinig na hindi maganda ang lagay ni Mang Delfin ay ikinalungkot ko. Ang mahalaga, naisugod na siya rito.
Ngunit bakit ganoon? Nararamdaman kong alam na nila ang totoong kondisyon ko, at siguro nasabi na iyon sa kanila kanina.
Napalunok ako ngunit hindi pinahalatang nangangamba.
"Pwede na siguro papasukin ang dalawa 'di ba? Magtatanong muna ako sa nars." Tumayo si Tatay at lumabas. Sakto namang bumaling ako kay Nanay at lakas-loob muling nagtanong.
"Nay ano pong meron, bakit parang may nalalaman na kayo?"
Umiling siya, bagay na ayaw kong paniwalaan.
"Si Doc Gal na mismo ang magsasabi sa'yo para malinaw. Ang malinaw lang kasi sa amin..." napatigil siya at sa puntong ito, hindi na napigil pang lumabas ang mga luha.
"Nay naman eh."
Yumuko ako at ginamit ang kumot sa pagpalis ng sariling luha. Ilang beses ko nang nakikitang ganito si Nanay pero hindi ko talaga makontrol ang sarili kung magulang na talaga ang nakikita kong ganito. Kung kay Tiya Sepin humihina na ang loob ko, paano pa kaya sa Nanay kong umiiyak nang dahil sa akin?
"Malala raw ang sakit mo sa puso 'nak."
Humagulhol si Nanay nang masabi iyon, dahilan kung bakit tumalikod ako at humarap sa bintanang nais kong sumaksi lang sa paghikbi ko. Ang sakit makita, ang saklap marinig. Ang sakit malamang malala na nga ang sakit ko, lalo pa akong nasaktan dahil nararamdaman kong sila ang nawawalan ng pag-asa para sa akin.
Tumunog ang pagbukas ng pinto. Humarap akong muli doon, umaasang sina Diana, Kuya, o Tatay ang makikta pero sa puntong ito, si Doc Galileo na ang bumungad.
"Magandang umaga dok," bati ni Nanay habang nanginginig ang boses. Binalik niya ang tingin sa akin at sumenyas na lalabas na siya. Malakas ang kutob kong gagawin niya iyon dahil hindi niya kakayaning marinig ang balitang sasabihin sa akin ng doktor. Kaya nang sumara ang pinto matapos niyang maglaho sa silid na ito, naluluha man ay taas noo kong hinarap ang taong may hawak ng resulta sa totoong karamdaman ko.
"I felt sorry for that," sambit niya. Sinuklian ko siya ng ngiti, hudyat na handa na akong malaman ang lahat. Pagpapakita ko na handa kong harapin ang lahat kahit pa napipinto ang sarili sa bingit ng kamatayan.
Huminga ako nang malalim bago marinig ang kanyang sinabi.
"We already conducted physical tests and ordered routine blood tests. And based on electrical signals recorded by ECG, it was confirmed that..." Huminto siya at kinagat ang labi. "I'm very sorry to tell this but we found out that you have developed coronary heart disease."
Inaasahan ko nang may malala na akong kondisyon ngunit ang marinig ito mula mismo sa kanyang bibig, ang kaninang lakas ng loob ay parang kastilyong buhangin na winasak ng alon.
Nakakapanghina.