“Here.” Inabot niya sa akin ang tissue at marahan kong kinuha iyon. Nakaramdam ako ng hiya lalo na’t narito kami sa loob ng department store at todo pa rin ang agos ng mga luha ko.
Nakakainis. Bakit ba ang traydor ng luha?
“Pasensya na. Ang drama ko,” nanginginig kong sagot habang binabalik sa dating ayos ang namumulang mata. Hindi nakatingin sa akin si Dok Gal dahil sa mga item nakakatutok ang kanyang atensyon.
Masaya akong nakalabas na ng hospital. Halos dalawang linggo rin kasi ang nilagi ko roon upang mas masuri pa ang kalagayan ko. May mga oras kasing sinusumpong ng sakit itong dibdib ko, lalo na kung sasabayan din ng sakit ng ulo at dalaw, hindi ko talaga alam kung kakayanin ko pang mabuhay sa mga oras na iyon.
Sila Nanay, Tatay, at ang dalawa kong kapatid ay bumalik na sa isla noong maka-isang linggo na ako roon. Kinailangan na rin kasi nilang kumita upang may maipantustos sa mga bills. Heto nga at ibinilin na lang ako kay Dok dahil hindi naman pwedeng bantayan ako sa loob ng maraming araw nang tuloy-tuloy. Hindi ko na alam kung ano pang napag-usapan nila basta ngayon ang alam ko, uuwi na kami pagtapos dito sa grocery.
“Just cry, wala namang pumipigil,” malamig niyang sabi habang sinusuri ang mga sabon. Umirap ako. Suplado talaga.
Binulsa ko ang tissue at tumabi sa cart na halos mapuno na ng mga goods. Halos kalahating oras na kaming paikot-ikot dito at kung ano-ano na rin ang aming nailalagay sa cart. Maraming canned goods, mayroon ding tinapay. Marami na ring nahablot na kakanin at wala ni isa sa mga ‘yon ang mga maaalat.
“Sa’yo ‘to? Ang dami naman,” pag-iiba ko sa usapan. Tumingala ako nang saglit at sinigurong huli na ang singhot na ginawa. Tulak-tulak niya ngayon ang cart at abala sa pagsusuri ng mga items samantalang ako ay parang pusa na sumusunod-sunod.
Pinilit ko rin namang sumama rito sa loob dahil alam kong minsan lang ito. Para sa tulad kong residente ng Agunaya, ang simpleng paglisan sa isla ay mapupunan ng nag-uumapaw na pagkasabik. Sino naming hindi ma-eexcite? Kumpara sa amin, ang asensadong kumunidad dito sa Capgahan ay malayo sa progreso ng bayan namin. Tulad nito, wala pa yata sa kalahati ng department store na ito ang laki at lawak ng pinagsamang grocery store sa Agunaya.
Huminto kami mula sa marahang paglalakad at tiningala si Doc Gal. Malamig ang mga mata niya sa akin at tikom lamang ang kanyang labi.
“Para sa inyo ‘to,” wika niya at muling binalik ang atensyon sa mga bilihin. Nanlaki ang mga mata ko.
“Wow talaga? Nag-abala ka pa?”
Hindi siya sumagot sa sinabi ko kaya napairap ako. Suplado!
Mataman kong tinitigan ang kanyang likod habang naglalakad. Tulak pa rin ng kanang kamay niya ang karitela habang ang kaliwa ay may hawak na bote ng liquid detergent. Bahagya pang lumitaw ang litid ng ugat nito sa braso. Nakakapagtaka lang kung nagagawa niya pang mag exercise gayong sobrang busy niya sa trabaho.
Madalas din niyang suot ang t-shirt na may tatak na DOH sa likod. Sa bawat araw ay iba-iba ang kulay ngunit pinakapaborito ko ang kulay asul dahil preskong tingnan. Well, sa loob ng ilang linggo, halos imahe lang naman niya ang nakikita ko sa ICU noon. Napaisip nga rin ako kung nakabibisita siya sa Agunaya sa loob ng mga linggong narito ako sa Capgahan. Posible kayang priority niya muna kami nina Mang Delfin?
Sa kabilang dako, mas nauna pang na-discharge si Mang Delfin. Nagawan naman kasi kaagad ng paraan ang kakulangan niya sa dugo. Madali ring naagapan ang kanyang pulso at base sa sinabi sa akin noon ni Doc Gal, hindi naman gaano napuruhan ang malaking parte ng kanyang ugat. Mga minor vessels lang ang muli nilang ibinalik sa ayos.
Sinulit ko ang mga sandali habang nasa loob pa kami nitong department store. Ang bawat minuto ay namamangha kong niyakap. Nagmumukha na rin akong tanga pero minsan lang naman.
Nang makapagbayad at makalabas nang tuluyan ay kaagad na pumara ng tricycle si Doc. Kaming dalawa lang ang sasakay pati na rin ang mga binili. Nagulat pa nga ako nang makitang halos limang libo ang nagastos niya rito. Ganon ata siya kayaman kaya ganoon na lang ang pagiging galante.
Sa loob ako ng side car umupo kasama ng mga purchased items. Nasa likod naman ng driver nakaupo si Doc at prente ang kapit sa hawakan ng bubong. Bago pumadyak ang driver ay kinamusta niya ang lagay ko rito. Tumango lang ako at binaling sa labas ang atensyon.
Nang umusad ang sasakyan, sumalubong ang marahas na ragasa ng hangin. Maingay ang likhang tunog nito sa tainga ko ngunit naging sabik ako sa puntong ito. Pinagmasdan ko ang mga establishments at ilang mga fast food restaurants na napuntahan namin kanina para sa tanghalian. Hindi ko alam kung kailan pa mauulit ang mga sandaling iyon. Baka ‘pag na-hospital ulit ako?
Sa bawat araw, unti-unting gumagaan ang pakiramdam ko. Ni hindi ko rin mapapansin kahit sa sarili ko na ganoon na pala kalala ‘yong sakit ko. Noon, masyado akong winasak ng ideya, ngunit sa paglipas, unti-unti ko ring natanggap sa sarili ko na kailangan kong lumaban hindi lang para sa sarili ko, kundi para na rin sa pamilya.
“Bayad po kuya,” malalim na usal ni Doc nang marating na namin ang kalsada na katapat lang ng dalampasigan. Tanaw ko mula rito ang malawak na tanawin ng karagatan at ilang mga karatig-isla. Napasinghap akong muli dahil sa nakita. Sa wakas, makakauwi na ako sa amin.
Lalabas na sana ako nang kusa nang bigla kong namatyagan ang paglipat ni Doc. Ngayon ay nasa b****a na siya ng sasakyan, malamig ang matang nakatingin sa akin at dahan-dahang inilahad ang kamay. Napatingin ako sa kamay na iyon at ibinalik ang atensyon sa kanya.
“Anong gagawin ko diyan? Hahalikan?”
Napansin kong nag-angat ang kanyang labi dahil sa aking tanong. Simple akong tumawa at mag-isang lumabas.
“I can’t believe it,” rinig kong sinabi niya. Kumunot ang noo ko at sinapo iyon.
“Hindi na ako pasyente kaya ‘di mo na ako kailangan alalayan,” sagot ko. Narinig ko rin ang hagikhik ng tricycle driver na abala ngayon sa paglabas ng mga binili namin. Nahinto lang siya at ibinalik ang seryosng mukha nang mapansin ang iritasyon ng supladong doctor.
Tahimik naming tinahak ang daan patungo sa dalampasigan. Ang mainit na araw ngayong hapon ay mahapding dumampi sa aking balat. Binaling ko kay Doc ang tingin habang naglalakad. Pinakitaan ko siya ng hilaw na ngisi nang mapansing hindi pa rin nawawala ang pagkainis na nakaguhit sa kanyang mukha.
“Don’t play with me, kid,” sabi niya, seryoso at matalim na ngayon ang mga mata. Hindi ko alam kung bakit ako natuwa sa reaksyong iyon. Siguro ay nagustuhan ko kung paano ko siya naasar.
Mula sa dalampasigan ay nagsimulang magkarerahan ang malamig na hangin, dahilan kung bakit nawala ang bisa ng init na hatid ng araw. Habang nalalapit kami ay mas nagiging malinaw ang imahe ng malinis na dagat. Mahina lamang ang hampas ng mga alon at kapansin-pansin ang nag-aabang na bangka. Siguro rito kami magsasakay.
Sumunod ako sa paglusong sa dagat. Malamig na yumakap sa binti ko ang tubig-alat at dinama ang matagal kong hinahanap-hanap. Sa likuran ako ni Dok at ng driver kaya nang mapansin kong nailagay na nila sa bangka ang mga napamili, nagmadli na rin ako sa paglakad at nahinto sa tapat nito kung saan hanggang hita ko na ang lalim ng tubig.
‘Pagkat sanay sa bangka, mag-isa ko itong inakyat at umupo sa pwesto kung saan mas madaling matanaw ang mga tanawin. Ilang sandali pa’y umupo na rin sa tabi ko si Dok. Hindi ko na iyon ikinagulat dahil sa liit ng espasyo nitong bangka, hindi niya pwedeng sakupin ang pwesto ng magmamando nito.
Sa pag-andar ng sinasakyan namin, dahan-dahang humaplos ang hanging gumagala sa ibabaw nitong dagat. Unti-unting lumiliit sa paningin ko ang isla ng Capgahan habang nalalapit kami sa iba pang mga isla na amin ngayong madadaanan.
Kumusta na kaya ang Agunaya? Sila Nanay? Tatay? Si Diana? Si Kuya? Nanggilid ang mga luha ko. Miss na miss ko na sila.
“Dalawang taon ka sa Agunaya, ‘di ba?” tanong ko upang maiwaksi ang lungkot. Mapatingin lang kasi ako sa doctor na ito, nakakalimutan ko na ang iniisip ko.
Tumango siya habang ang mga mata ay seryosong nakatitig sa kawalan. Kahit maingay ang makina nitong bangka at nilalabanan din ng sumasalubong na hangin, sapat pa rin ang hina ng boses niya dahil magkatabi lang naman kami.
“M-mainam…” sagot ko at nilipat ang tingin sa kung saan ang kanyang mga mata. Nadaanan na namin ang unang isla kaya ngayon ay patungo na sa pangalawa. “Sa loob ba ng dalawang taon na iyon, hindi ka aalis?”
Umiling siya. Tumango ako.
Gumaan ang pakiramdam ko. Ang sarap sa pakiramdam dahil batid ko kung gaano kahalaga sa amin iyon. Sa mga nagdaang mga buwan, naging saksi ako kung paano naghirap sa aspetong medikal ang aming isla kaya ngayong alam namin na may umaantabay na, natupad na rin ang dati ko pang pinaglalaban.
Nakatutuwang isipin. Sana, sa loob ng dalawang taon na iyon ay marami siyang maagapan.
“Baka mangulila sa’yo ang girlfriend mo nyan Dok, ang tagal rin ng dalawang taon ah,” pabiro kong sabi at natawa. Sa puntong iyon ay natigilan na ako, lalo’t ibinaling na niya ang tingin sa akin.
Nang magtama ang aming mga mata, kinabahan ako sa seryoso nitong dala. Hala, na offend ko ba siya? Ano ba ‘yan Ada! Ang daldal mo kasi eh!
“Wala akong girlfriend.”
Lalo akong natigilan. Ang namuong kaba ay napalitan kaagad ng paghanga. Wow!
“Sa edad mong ‘yan? Seryoso Dok? Wala ka pang girlfriend?”
Umangat ang dulo ng kanyang labi at ngumisi, napanganga ako.
“Bakit? May irereto ka ba?”
Natawa ako at hinawi ang buhok. “Pero seryoso? Wala ka pa talagang girlfriend?”
“Dapat ba may girlfriend na kung doctor?”
Umirap ako, nagtaray. Tinanong ko lang naman dahil curious. Dalawang taon din naman siya sa amin, ‘di ba’t mas mainam kung kilala namin kung sino siya sa kanila?
Tumikhim ako at muling tumingala sa kanya. “Aba’y shempre. Matagal ka sa Isla Agunaya, kung sakaling may girlfriend ka, edi mababantayan kita! As simple as that.”
“Tss.”
“Anyway, seryoso ba ‘yon? Wala ka talagang girlfriend?”
“Ang kulit. Wala nga.”
“Ilang taon ka na ba?” tanong ko pa. Hindi ko alam kung nainis ba siya roon ngunit tumaas na ang isa niyang kilay. Natulala ako.
“Why are you interested?”
Umiling ako at huminga nang malalim. “Masama ba? Shempre para makilala naman namin kung sino ang doctor namin. Hindi naman pwedeng pangalan mo lang at eme emeng doctor to the barrio chuchu---“
“Ikaw? Ilang taon ka na ba?” putol niya sa sinasabi ko. Kaagad ko rin naming sinagot iyon.
“I’m proud 18!”
“Oh, a ten-year gap.”
Nanlaki ang mga mata ko. Talaga? Twenty eight na siya?
“Twenty eight ka na pero wala ka pang girlfriend?” Tumawa ako. Nahagip ng mga mata ko sa gilid ang ikalawang isla. Ngayon, isa na lang at mararating na namin ang Agunaya.
“Mukhang dadaigin pa yata kita ah,” dugtong ko pa, inaasar siya.
“May balak kang mag-boyfriend?” kalmado niyang tanong. Kumpara kasi kanina ay mataas ang boses niya, halatang nagtitimpi. Ngunit ngayon, napansin kong kumalma na siya.
At bakit naman siya kakalma kung ganon?
Tumango ako bilang sagot sa tanong niya. “Oo naman.”
Namataan kong kumunot ang noo niya. “And why? Ang bata mo pa para sa ganyan.”
This time, nawala na ang ngiti kong mapang-asar. Biglang bumigat ang nadarama ko at binaling ang tingin sa asul na dagat. Mula dito ay tanaw ko na ang gatuldok na imahe ng Agunaya.
Bigla akong nanghina.
Sa totoo lang, hindi naman ako nalungkot dahil sa sinabi niya. Nalungkot ako dahil sumagi sa isipan kong may sakit ako. Paano nga ba iyon? May tatanggap kaya sa akin? May lalaki kayang magmamahal sa akin? Magkakaboyfriend nga kaya ako kung nasa tamang edad na ako?
Tumawa ako nang mapait dahil tuluyan na ngang tumulo ang nanggigilid kong luha. Hinayaan ko na lang kahit pa nakikita ako ng doctor na ito.
“Ni hindi ko nga alam kung may manliligaw sa akin.”
Hindi ko alam kung ano ang naging reaksyon niya sa sinabi ko dahil mataman kong pinagmamasdan ang paglapit namin sa Agunaya. Ang kaninang tuldok lamang ay unti-unti nang lumalaki. Lumilitaw na rin ang imahe ng punong niyog at ang mapuputing buhangin na nakapaligid sa aming isla.
“Ni hindi ko rin alam kung mamamatay akong hindi nadidiligan.” Natawa ako sa sarili kong turan. Kusang bumaling ang ulo ko kay Dok Gal dahil narinig ko ang mahina niyang mura.
Napansin ko ang pag-awang ng kanyang bibig nang ibalik ko nang dahan-dahan ang buhok mula sa pagkatalikwas. Humagikhik ako at mapang-asar na ngumiti.
“I never thought it was coming,” bulong niya. Gayunpaman, narinig ko pa rin. “What do you mean by that?”
Lalo akong tumawa at bahagyang sumulyap kay manong sa likod. Abala siya sa kanyang trabaho kaya hindi yata nakasunod sa aming usapan. Bumaling na lang ako sa harapan at mas tumawa pa nang malakas.