KABANATA 2.1

3007 Words
BURGANDIA- Doryang Hilaga Masiglang bumaba ng hagdan ang dalaga habang ang bawat Dama o kawal na kanyang nasasalubong ay masaya niyang binabati. "Magandang umaga po!" "Magandang umaga, prinsesa," yumuyukod ang kanyang bawat madaanan hanggang sa makarating sa dulong bahagi ng malawak na hagdan. Mas lalong natuwa ang prinsesa ng umupo sa kanyang balikat si Pinkie. "Magandang umaga prinsesa! Maligayang kaarawan. Dalaga kana talaga," nalungkot bigla ang maliit na diwata. "Bakit naman malungkot ka, Pinkie?" "Kasi baka hindi ka na makipaglaro sa'kin. Maiiwan na lamang akong mag-isa..." kumalumbaba ang kaibigan kaya dahan-dahan niyang nilagak sa kanyang palad. "At bakit mo naman naisipang hindi na kita lalaruin?" hinaplos ng daliri ang ilong nito na ikinahagikgik ni Pinkie. "Akala ko kakalimutan mo na 'ko prinsesa kasi lumalaki kana! Samantalang ako? Heto maliit pa rin. Mas malaki pa yata ang mga balitatap sa'kin," sumimangot si Pinkie. Ang mga balitaptap ay isang insektong ginagawang lampara ng mga engkantada kapag naglalakbay sila sa kagubatan ng Galadia. Ito ang nagsisilbing ilaw o liwanag sa kanila maliban sa Hantala sa kalangitan. "Pwede ba namang makalimutan ko ang pinakamatalik kong kaibigan?" paglalambing dito. Lumakad si Maria patungo sa kumedor, habang nakikipag-usap sa kanyang kaibigan. Hindi siya mapakali sapagkat may nais siyang gawin kahit isang beses sa kanyang buhay. "Uhm, Pinkie..." "Ano 'yon, prinsesa?" abala ang diwata sa pag-sasaayos ng kanyang pakpak. "Uh, Pinkie...." "Ano ba iyon, Prinsesa?" "Kasi..." Tumayo ang diwata saka nameywang at matamang humarap sa kanya. Ang maliit na diwata'y kinukuyakoy ang isang paa habang hinihintay ang kanyang sasabihin. "Hindi ba kaarawan ko naman ngayon?" "Oo," "Ang sabi mo kaibigan kita," "Oo?" "Pwede bang humiling sa'yo ng regalo," "Anong regalo? Gusto mo bang ibigay ko sayo ang nakuha kong pilik-mata ng vedak?" "Hindi 'yon," "Ah alam ko na! Mayroon din akong piraso ng liwanag na nanggaling sa isang balitatap o kaya gintong pampataba--" "Wala sa lahat ng sinasabi mo ang gusto ko, Pinkie," Nag-isip ang maliit na diwata saka nagpalakad-lakad sa kanyang palad. Hanggang sa bumuntong-hininga saka naupo sa dulo ng kanyang daliri. "Wala akong maisip, prinsesa." patuloy ito sa paggapang. "Ang gusto ko sana ay masubukang tumungo sa ordinaryong pamilihan bago magtakip-silim para maranasang makisalamuha sa mga Emeritian," mahinang usal sa kaibigan. Natigilan sa ginagawang paggapang si Pinkie saka napahawak sa kanyang bibig. "Prinsesa, hindi maari 'yang hinihiling mong regalo. Baka mapagalitan tayo ng mga magulang mo," "Nakikiusap ako Pinkie, gusto ko lamang naman maranasan ang lumabas sa palasyo. Hahayaan mo bang maging malungkot ako sa kaarawan ko? Hahayaan mo bang--" "Prrrrt, prrrt! Sige na pumapayag na 'ko, pero sandali lamang tayo prinsesa dahil aayusan ka pa ng iyong mga Dama," napipilitang saad nito. "Talaga, Pinkie?!" "Oo nga!" umirap ang maliit na diwata. Nagtatalon si Maria habang pumagaspas ang kaibigang diwata saka bumulong ng kanilang dapat gawin upang makalusot sa mga kawal. HARANDIA-Doryang Kanluran Nakasandal sa mismong loob ng kusina sa palasyo. Hindi maipaliwanag ang kasabikan sa pamamasyal na magaganap. Tumingin ang kusinero sa gawi niya hanggang sa sinita nang mismong pinakamataas na kusinero sa Harandia. "Anong digmaan ang pinaghahandaan mo, kawal? Bakit kailangang nakasuot ka ng Armor?" Nagtawanan ang mga Dama dahil sa mga sinabi ni Mauricio. Siya ang pinakamataas ang posisyon sa lahat ng aming mga katiwala. "Aalis na po ba tayo?" "Mamaya pang alas-kwatro mili segundo, iho," Mababakas ang pananabik sa boses ngunit tinitiyak na walang makahahalata dahil sa kanyang bihis-kawal. Ilang segundo ang lumipas nang magpasyang ihanda ang dragonika sa mismong likod ng palasyo. Ang pangalan ng pinakamaliit na dragonika'y si Jedo. Siya ang pinakamatulin sa lahat kahit may angking kaliitan. Di katagalan ay sumunod kay Mauricio patungong sasakyan saka sumampa sa unahang upuan kasunod ang kusinero. Nagsimulang lumipad ang kinalululanan ng binata, at talagang libang na libang sa mga tanawing makikita lalo't si Jedo ay talagang bumababa sa mga makikitang karagatan. Napakagandang tignan ang kulay dilaw na tubig mula sa himpapawid, kaya hindi mapigilang matuwa sa mga nakikita. "Ang ganda namang mamasyal rito,Mauricio!" di sinasadyang matawag ang kusinero sa kanyang pangalan dahilan upang mabilis tumingin sa direksyon ng binata ang matandang kababakasan nang pagkabigla. "Anong tinawag mo sa'kin, kawal?" "A-Ang ibig kong sabihin uh, napakaganda rito!" iniba ang timbre ng boses. "Bakit parang unang beses mo pa lamang tumungo rito? Tila kaiba ka yata sa mga kawal na halos dito tumatambay pagkatapos ng kanilang mahabang segundo sa palasyo?" "Talagang unang beses ko pa lamang-- ang ibig kong sabihin talagang unang beses na nakapapanabik makita ang dilaw na karagatan ng Harandia," napaubo sa mga pagsisinungaling sa butihing si Mauricio. Hindi na lamang kumibo ang matanda saka umiling-iling animo hindi makapaniwala sa mga sinasabi ni Leopoldo. Maya-maya'y muli itong nagbilin ukol sa mga gagawin habang namimili ang ginoo. "Siya nga pala, pagkarating natin sa ordinaryong pamilihan ay maari ka munang maglibot sapagkat ayokong mayroong umiistorbo kapag namimili ng mga sangkap." "Salamat!" natuptop bigla ang bibig. "Ano?" "Uh, wala ho ginoo." tumikhim ang binata. Ang prinsipe ay nagagalak dahil makakapamasyal siya sa payak na pamilihan sa pagitan ng Harandia at Burgandia. Malayo sa mga matang halos nakamasid sa kanya sa loob ng palasyo. Ilang sandaling tumigil si Jedo mula sa aplaya upang mamahinga kasama ang mga unicorns at ilang dragonika. Ang kulay ng mga transportasyon ay base sa bawat katayuan sa kanilang lipunan. Mayroon ding sasakyan para sa mga mamamayan na walang sariling unicorns o dragonika, habang ang mga diwata'y may mga pakpak o bastong gamit. Tila manghang-mangha sa mga nakikita sa paligid kaya medyo nagtagal sa kinatatayuan. "Kawal, anong tinatayo mo diyan? Babantayan mo ba si Jedo?" "Huh?" "Halika't pumasok sa loob..." may pagdududang saad nito. "O-Opo," nagpatangay sa kusinero papasok. Mangha ang lumarawan sa kanyang nakaawang na bibig na kung walang armor ay tiyak kakatwa ang reaksyong makikita sa mukha. Inilibot ang paningin sa sari-saring tindahan. Ang mga diwatang bumibili ng gintong pataba, nagkikilo ng mga balitaptap na karamihan ay taga-Galadia. Mayroon ding may hawak ng mga supot at sari-saring pagkain o minatamis na prutas. "Tabi! Tabi!" nakasakay ang lalaki sa unicorn habang may hawak na basket, tila nagmamadali kaya dali-daling tumabi sa gilid. "Aray!" hiyaw ng maliit na boses rason para mapalingon sa bandang likuran. "Pasensiya na, maliit na diwata," nasagi yata ang pobre. "Sa susunod mag-iingat ka estranghero," umismid ito saka lumipad sa ibang direksyon. "Kawal!" putol ni Mauricio. "Bakit?" "Dito na lamang tayo magkita mamayang ala-sais mili segundo. Nagkakaintindihan ba tayo, Prinsipe Leopoldo?" malinaw ang narinig mula sa ginoo dahilan nang kanyang pagkagulat. "Paanong--" Bumuntong-hininga ang kusinero tila hindi makapaniwala sa nagawang pagtakas sa palasyo. "Prinsipe Leopoldo, maari niyo na hong tanggalin ang armor, magmula kanina'y nagtataka na 'ko sa inyong mga kilos ngunit hindi maaring magkamali lalo't kitang-kita ang inyong singsing na diyamante," Napilitang tanggalin ang armor saka doon pa lamang nakahinga ng malalim. "Kahanga-hanga ka talaga Mauricio," tinapik ang balikat nito upang ilihis ang nagawang paglabag sa batas ng palasyo. "Prinsipe, sa susunod na uulitin niyo po ang ganitong pagkukunwari'y mapipilitan akong sabihin sa hari ang inyong pagtakas,"seryoso ang lalaki dahil delikado nga naman ang kanyang ginawa. "Huwag kang mag-alala ito ang una't huling beses, Mauricio. Salamat!" Umiling-iling ang kusinero bago siya napangiti dahil sa kapilyuhan ni prinsipe Leopoldo. Pinayuhan ng matanda ang binatang bumalik sa parehong lugar kung saan sila naghiwalay, bago mag-alasais mili-segundo, na kaagad namang sinang-ayunan ng lalaki. Mabait sa binata ang kusinero kung kaya alam niyang hindi nito sasabihin ang ganitong insidente. Tuluyang dumiretso si Mauricio sa kabilang bahagi, habang siya ay nagsimulang tuntunin ang kaliwang dako, kung saan makikita ang ilang naggagandahang damit. Halos magulat sa mga murang presyo ng bilihin at ilang mga pagkaing nakalatag sa unahan. Mayroong kumuha sa atensyon ng prinsipe mula sa gitnang bahagi ng pamilihan. Ito'y mga grupo ng mga Emeritian na nagtatanghal sa kalsada at may mga palarong handa sa mga mamimili. Makukulay ang kanilang kasuotan kung kaya nakaka-engganyong panoorin. "Dalawang tupaz lamang para sa mga gustong sumubok sa laro!" sigaw ng mama. Marami ang nanonood sa kanya dahil sa kakaibang barahang hawak ng matanda. "Sinong gustong subukan ang aking palaro sa halagang dalawang tupaz!?" "Ako!" taas-kamay ni Prinsipe Leopoldo. Nagkatinginan ang mga naroroon saka natuwa sa kanyang pagboboluntaryo. Binaba niya saglit ang armor na dala kapagkadaka'y lumapit sa lalaki. "Binata, mukhang malakas ang iyong loob sa mga ganitong palaro." "Anong gagawin?" "Bayad muna, iho," Dumukot ang prinsipe nang kahit anong gamit na suot saka ipinakita sa lalaki. "Maari na bang pambayad ito?" anang binata kaya nagulat ang ilang Emeritian. "P-Pwedeng-pwede, binata," pinakita niya ang kanyang maliit na brilyanteng nakasuot sa daliri. Hindi maaring ibigay ang diyamante dahil iyon ay regalo ng kanyang ina. Nagmamadaling binalasa ng lalaki ang kanyang mahiwagang baraha, kung saan gumagalaw ang mga nakaguhit o naka-imprinta. "Ibabalasa ko ang aking buhay na baraha saka aakto ang mga nakaguhit rito. Kailangan mo lamang hulaan ang kanilang ginagawa," "Anong aking premyo kung mahulaan ko?" "Isang Tupaz sa bawat mahulaan mo!" "Sige simulan mo na kaibigan," anas ng prinsipe. Binalasa ng lalaki ang kanyang kakaibang baraha hanggang lumabas ang isang nakadekwatrong diwata sa baraha at pinanood ng bahagya ang sunod na gagawin ng nakaguhit na diwata. Nagsaboy ito ng ginto sa talon kaya napangiti dahil alam na alam ang seremonyang ginagawa nito. "Napakadali kaibigan. Iyan ang tradisyon--" "Tradisyon ni Haraya para sa mga diwata tuwing kanilang ani!" masiglang dalaga ang sumagot mula sa kumpol ng mga tao kaya lumingon sa likuran. "I-Iyon sana ang isasagot ko," ani Leopoldo. "Ang galing naman niyang baraha mo mama, nakakabighani!" napa-palakpak ang dalagang hindi mawari kung saan sumulpot. Napakainosente ng kanyang mga mata at simple ang damit ngunit kababakasan ng kakaibang ganda. Para siyang pang-umagang sigla sa mga mata ng kalalakihan, lalo ang kanyang mga ngiting nakabibighani. Hindi nag-alinlangan ang dalagang lumapit sa lalaki upang sipatin ang kakaibang baraha. Para siyang nakalaya at hindi alam na maraming matang nakatunghay sa kanya. "Ah-eh iha, mawalang galang na, ha? Naglalaro kasi ang binatang hinaharangan mo." putol ng ginoo. "P-Pasensiya na..." tumabi ito tila napahiya. Tumingin ang prinsipe sa dalaga ngunit ipinagpatuloy ang muling pagbalasa ng ginoo sa mahikal na baraha hanggang sa tumapat sa isang dragonika. Kapagkadaka'y, hinintay gumalaw ang nakaguhit sa baraha. Natuwa sa mga sumunod na ikinilos nito dahil kilalang-kilala ang dragonikang iyon. "Maari na bang sumagot?" Tumango ito. "Iyan ang drago--" "Alam ko ang sagot! Siya ang pinakamatuling dragonika sa Harandia. Ayon sa'king ama ang pangalan niya ay Jeho." muling sabi nito rason upang matawa sa pagiging biba ng babae. "Tama ka sana kaso, hindi Jeho ang pangalan niya kundi Jedo." "Tsk! Sayang akala ko pa naman makukuha mo ang premyo." kinakausap ng dalaga na tila isa lamang ordinaryong Emeritian, marahil kung malaman niya ang katayuan ng kausap ay magulat siya o baka hindi makapagsalita. 'Oo nga pala, isa ka lamang kawal sa araw na ito' "Nanalo naman ako ng dalawang tupaz binibini," saad ng prinsipe. "Naku talaga? Napakaswerte mo!" masiglang tugon nito. "At dahil 'yan sayo, kaya ibibigay ko sa'yo ang isang tupaz," anito sa dalaga. Binigay ang premyo sa prinsipe saka nagpaalam ang lalaking pupwesto marahil sa ibang bahagi ng pamilihan. Doon nagsipulasan ang mga manonood na tila bumalik sa kani-kanilang normal na gawain. Maging ang dalaga ay naglakad na palayo subalit tinawag ni Leopoldo. "Sandali lamang, binibini." "Bakit?" nakangiti ang babae. "Heto ang isang tupaz gaya ng pangako ko," "Naku, ayos lamang ako..." "Sige na tanggapin mo na, nakikiusap ako." Nangingimi ang dalaga bago tinanggap ang binibigay nitong tupaz kalaunan ay ngumiti ng matamis. "Salamat!" "Ako nga pala si Leopoldo Haran-" "Haran?" "O-Oo, Haran," anas nito. "Muntik nang maging Harandia, ginoo," gumikgik ang dalaga kaya napakamot sa batok ang prinsipe. "Ako naman si Maria Crex Burgan--" natigilan din. "Burgan?" "Oo eh," pilyang tugon niya. "Edi muntik na'ring maging Burgandia" sabay silang natawa sa isa't-isa. "Palagi ka ba rito sa ordinaryong pamilihan?" tanong ni Leopoldo. "Uh, ah, oo p-paminsan?" "A-Ako rin paminsan," ngumisi. "Mukhang kawal ka ng Harandia dahil sa simbolo ng iyong tarheta," anang dalaga na ikinakunot-noo dahil mukhang maraming alam ang dalaga sa mga bagay na tanging kilalang pamilya lamang ang nakakaalam. "Paano mo nalaman?" "Ayon sa'king ama, ang Haring Cantor at Reyna Penelope ang nagdesisyon sa magiging itsura ng inyong tarheta. Parang sa kastilyo ng Burgandia, ganyan din ang ginawa ng aking ama." "Mukhang maraming alam ang iyong ama ukol sa mga matataas na Emeritian, binibini. Ano nga palang katungkulan ng iyong ama kung gano'n?" "Ha? Ah sastre! Tama sastre! Siya kasi ang gumagawa ng kanilang tarheta maging sa aming palasyo este sa palasyo." "Sinisiguro kong magaling na sastre ang iyong ama--" anang binata "Prinse--" napalingon si Leipoldo sa maliit na diwatang umupo sa balikat ng babae, animo kakatwa ang naging kilos ng dalaga dahil isinilid niya sa supot ang diwata. "May kaibigan kang diwata?" "O-Oo." Halos magulo ang buhok ng pobre matapos makaalpas sa dala-dalang supot ni Maria Crex. "Bakit mo ba ginawa iyon?" nakasimangot na tugon ng diwata imbis magsalita'y sumenyas lamang ang dalaga. "Ah-eh Maria Crex, bakit mo ba kasi ako sinilid sa supot? Tapos na nga pala akong mamili ng gintong pataba, kaya kailangan na nating makabalik sa uh, ah, sa bahay ninyo." nauutal ang nilalang. "Ganun ba? Siya nga pala ginoo, nais ko ipakilala ang aking kaibigang si Pinkie." Yumukod ang maliit na diwata saka tuluyang sumuot sa supot na dala-dala ni Maria Crex. "Naku pasensiya kana kay Pinkie, ha? Medyo mahiyain lamang siya," "Anong pinagsasabi mo? Hindi ako mahiyain," anito sa maliit na boses saka muling sumuot sa supot kaya magkaparehang natawa ang dalawa. "Aalis na kami dahil kinakailangan ko nang bumalik sa pala-- uhm sa bahay," paalam sa kanyang bagong kaibigan. "Sana magkita pa tayo Maria," "Malay mo?" Tumalikod ang dalaga at may pagmamadaling tumungo pahilaga. Ibig sabihin ang tinitirhan nila'y nasa Doryang hilaga: Ang Burgandia. Kumaway ang binibining mayumi bago tuluyang nawala sa kumpol ng mga namimili. Naestatwa sandali hanggang sa mayroong pumutol sa pagkatulala ng prinsipe. "Mahal na prinsipe..." "Mauricio!" tinakpan ang bibig ng kusinero. "Baka may makarinig sa'yo," anang binata. "Pasensiya na mahal na prin este kawal, tapos na 'kong mamili kaya kanakailangan na nating bumalik sa Harandia. Baka hinahanap ka na sa palasyo," anang katiwala dahilan upang kaagad namang sumang-ayon dito. Tumungo kami sa pinaradahan kay Jedo saka nagmamadaling lumulan sa dragonika, kalauna'y matamang naglalakbay sa himpapawid ngunit tulad nang mataas na paglipad ng dragon ay siya ring pagkahulog sa malalim na pag-iisip ang prinsipe dahil sa binibining kanyang nakilala kanina. "Mukhang tama ang sinabi ni Arnulfo. Wala nga sa Harandia ang hanap ko, kundi nasa Doryang Hilaga," usal sa sarili. BURGANDIA- Doryang Hilaga Eksaktong alas-singko mili segundo ng makabalik silang dalawa ni Pinkie sa palasyo ng walang nakahahalatang pumuslit ang mga ito. Ginamit ng diwata ang kanyang nakolektang butil ng Galexia upang makaalpas sila nang hindi nakikita ninuman. Ang Galexia ay kakaibang halaman sa Galadia na may malapad na dahon at ang bawat katas na manggagaling rito ay iniipon ng mga diwata upang gawing butil. May kakayahan ito na maaaring kainin para hindi makita ng mga Emeritian nang kahit ilang segundo depende sa bawat bilang ng iyong nagamit. "Buti na lamang nakauwi tayo ng eksakto Prinsesa. Kinakabahan ako dahil baka hindi tayo makaabot," ani Pinkie kapagkadaka. "Sabi ko naman sa'yo hindi tayo mahuhuli eh," paakyat na sila sa silid kung saan naghihintay ang damang si Wanda upang ayusan para sa mamayang piging. Nang makapasok ay tinakluban ng kumot ang ilang pinamili dahil baka makahalata si Wanda'ng tumungo nga sa ordinaryong pamilihan. "Kumusta, Wanda?" masiglang anas ni Maria Crex ng pumasok ang dama. "Mabuti prinsesa, buong maghapon yata kitang hindi nakitang sumilip sa baba," "Ha? K-kailangan kasing magpahinga dahil pinaghahandaan ko ang gabing ito. Hindi ba, Pinkie?" kumindat ang dalaga sa diwata. "Uh, O-oo tama yan prinsesa." pagsang-ayon ni Pinkie saka makahulugang ngumiti. "Mabuti naman po at sinunod niyo ako prinsesa," masuyong ngumiti si Wanda. Nagkatawanan na lamang ang dalawa habang nagtataka naman ang dama sa kanilang kakaibang kilos. Habang inaayusan si Maria Crex ay sumagi sa isip ang lalaking nakilala kanina. Si Leopoldo na maaring taga-Harandia dahil sa tarhetang nakita sa kanyang kasuotan. 'Ano't bigla kang naging interesado sa estrangherong kawal ng Harandia?' anas sa isip. Sandaling naglaho ang gumugulo sa balintataw pagkatapos humarap sa salamin. Hindi makapaniwalang babagay ang pinagawa ni Ina. "Napakaganda talaga ng aking anak," anang ginang mula sa bungad ng pinto. Sumilip ito upang tingnan kung anong lagay ng kabuuan saka niyakap ng mahigpit. "Ina..." nakangiti sa reyna. "Hindi lamang ako makapaniwalang dalaga kana iha. Sana makapili ka mamaya ng iyong mapapangasawa," hindi lingid kay Maria Crex ang tungkulin sa Burgandia bilang tatawid na sa pagkadalaga. Ang makahanap ng prinsipeng magiging katuwang sa kung anumang unos ang kahaharapin ng buong palasyo. "Mukhang may napili na 'ko ina, ngunit hindi ko lamang alam kung taga-Burgandia o Harandia," kumislap ang mata ng dalaga. "Mabuti kung gano'n, isa ba sa mga anak ni Penelope? Ang kanyang panganay ay makisig at maabilidad. Tila naghahanap ng mapapangasawa ang kanilang anak." "Wala po sa kanila, ina," "Kung wala sa kanyang mga anak, sino ang napupusuan mo?" nagtataka ang reyna. "Isa pong kawal ng Harandia!" simpleng saad sa ina. Napasapo sa dibdib ang ina ni Maria Crex sa kanyang pagiging bokal sa nais niyang makasama. "Saan mo nakilala ang kawal na iyong binabanggit?" "Ah-eh sa, sa ano ina, tama sa gilid ng Galadia noong pumunta ako roon kung naaalala niyo," GALADIA-Doryang Silangan Mula sa hinuha ay nasa gitnang bahagi na si Haraya sa kanyang paglalakbay. Malapit na'ring magtakip-silim, kung kaya kinakailangang mas pursigihin ang paglipad. Mula sa himpapawid ay tanaw na tanaw ang nagniningning na palasyo, tila nagsasaayos ang mga ito mamaya para sa gaganaping piging. "Bilisan mo baston, kailangan nating makarating doon bago kuminang ang Hantala." Umilaw ang kanyang sinasakyang baston animo naiintindihan ang mahinang bulong. Kaagad tumulin ang paglipad nito, ngunit pagkarating sa gitnang bahagi ng ika-pitong bundok ay nahati ang temperatura. Biglang umanggi ang mga puno sa hating dimensyon ng Galadia. Hindi mawari ang klima sa bahaging iyon ng burol, kung kaya kinakailangang suungin ang panganib ng malakas na hangin. Kapag nalampasan ang gitnang bahagi ng Galadia'y maibabalik naman sa ayos ang lahat. "Mahiwagang baston huwag kang titigil!" anas ni Haraya kahit hindi na masyadong makita ang daan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD