KABANATA 3.1

2061 Words
HARANDIA- Doryang Kanluran "Tama ka, Arnulfo," bulalas ni Prinsipe Leopoldo habang sila ay nasa hapag kasama ng nakababatang kapatid. "Kuya, anong tama ang sinasabi mo kay kuya Arnulfo?" habang ngumangata ng ubas. "Oo nga!" sang-ayon nito tila nagtataka rin sa ikinikilos ng panganay. "Tila tama ang sinabi mong sa ibang lugar ko mahahanap ang aking magiging kabiyak," nakangiti ang binata. Nagtawanan ang mga ito dahil sa sinabi ng prinsipe rason upang maguluhan ang panganay. "Bakit kayo natatawa?" "Paanong hindi, aking kapatid? Sinasabi mong sa ibang lugar mo nakilala ang magiging kabiyak mo, kahit hindi naman tayo pinapayagan ni amang lumampas sa--teka huwag mong sabihing?" ani Arnulfo. "Kuya, lumabas ka sa bakod ng Harandia? Sinuway mo si Ama?" nanlalaki ang mata ni Ricardo ngunit wala paring tigil sa kakangata ng sayap. Ang sayap ay isa sa mga pinakamatatamis na prutas sa mundo ng Emerit. Ito ay inaangkat mula sa bakuran ni Questas. Matatagpuan ang sayap sa kanyang mga naglalakihang ugat na ibinibenta naman ng mga maliliit na diwata sa ordinaryong pamilihan. "H-Hindi," nasamid si Prinsipe Leopoldo. "Paano mo nasabing sa ibang lugar kung hindi ka lumabas?" may pagdududa sa mga salita ni Arnulfo. "Basta, sa panaginip!" pagdadahilan nito. "Pft. Sa panaginip kuya?" halos matawa sa mga sinasabi ng binata ang mga kapatid. "Gutom lamang siguro iyan aking kapatid," susog ni Arnulfo. "Oo nga, marahil tama si kuya Arnulfo," anang isang prinsipe. "Hindi ako nagbibiro aking mga kapatid! Nanaginip akong sumakay sa dragonika at tumungo sa ordinaryong pamilihan, pagkatapos nakakilala ng isang napakagandang dilag." Muling nagtawanan ang dalawa, tila hindi naniniwala dahil miski ang prinsipe'y di makumbinse sa kanyang mga sariling rason? Maaring makisama ang mga Dugong-bughaw sa payak na Emeritian, ngunit sa loob lamang nang kanilang bakuran o sakop ng palasyo at hindi sa kahit saanmang lugar. BURGANDIA- Doryang Hilaga Sa pagkinang ng Hantala sa kalangitan, nagsimula ang piging para sa ika-labing walong kaarawan ni Maria Crex. Pababa siya sa gitnang bahagi nang malawak na hagdanan habang nakalatag ang alpombre na punung-puno ng mga talulot galing sa kamarilyo. Nagsipapalakpakan ang mga dumalong bisita habang nagtutugtugan ang orchestrang inanyayahan ng hari. Nakaupo si Pinkie sa kanyang balikat habang tuwang-tuwa sa mga Emeritian na naroon. "Prinsesa, ang daming kalalakihang dumalo!" bulong ni Pinkie malapit sa kanyang tenga. "Oo nga, Pinkie. Tiyak na inanyayahan sila ni ama para hingiin ang aking kamay," nakangiti ang dalaga upang hindi mahalatang nakikipag-usap siya sa kanyang kaibigang diwata habang dahan-dahan siyang bumababa sa hagdanan. "Masaya ako para sa'yo, prinsesa! Sana ako rin ay maisayaw ng isang makisig na engkantado sa Galadia tulad mo," anito. "Huwag kang mag-alala Pinkie, mangyayarin din saiyo 'yon sa tamang panahon." ani Maria Crex. Sa paanan ng hagdan ay naghihintay ang kanyang ama, upang anyayahan siya sa gitna ng mga panauhin. Inabot ng prinsesa ang kanyang palad saka iginiya ni Haring Buendia mula sa gitnang bahagi ng piging. Tumugtog ang orchestra at isinayaw si Maria Crex ng kanyang butihing ama. Lumipad naman sa gilid si Pinkie upang bigyang oras ang mag-ama sa napaka-espesyal na araw nito. "Ama, maraming salamat sa malaking piging na inyo pong inihanda," "Walang anuman iha, basta para sa'king nag-iisang prinsesa'y gagawin namin ng iyong ina ang lahat upang mapasaya ka," Halos maluha ang mata sa kabaitang nararanasan si Maria Crex mula sa magulang. "Salamat ama, asahan niyo pong gagawin ko ang lahat upang mapangalagaan ang mga Emeritian ng Burgandia," Nasa ganoong tagpo ang mag-amang Maria Crex at Haring Buendia, nang bumukas ang dalawang malaking pintuan ng Palasyo Burgandia. Kung kaya natigilan ang lahat sa isang estrangherong sumulpot sa gitna ng entrada dahilan upang matigilan ang mga nasa piging. Siya ay may kasunod na dama sa kanyang likuran, habang patungo sa mismong gitna ng alpombreng daanan. Nagbulungan ang mga Emeritian na nasa paligid sapagkat hindi pamilyar ang mukha ng lalaki na tila nanggaling pa sa isang malayong paglalakbay. Kalauna'y, matamang yumukod ang binata maging ang dama nito sa harap ng hari. "Anong ngalan mo at saan kang nagmula, estranghero?" "Malugod po akong nagagalak na makadalo sa kaarawan ng inyong prinsesa. Ako po si Leon, na nanggaling sa malayong lugar ng Astramos. Ito naman si Kundiman, ang aking dama," "Kakaiba ang lugar na sinasabi mo, ginoo." anang hari. "Ito po ay malapit sa kaharian ng Harandia. Maliit lamang ang aking kastilyo ngunit malinis ang aking hangarin. Nais ko pong mapabilang sa mga kalalakihang nais masungkit ang puso ng inyong prinsesa." Marami ang nagulat sa mga sinasabi ng ginoo habang si Maria Crex ay halos hindi maintindihan ang mga pinag-uusapan ng kanyang ama at nang estranghero. "Paano mo mapapatunayan ang iyong mga sinasabi?" "Bigyan niyo po ako ng pagkakataon para ipakita ang aking mga kakayahan upang maging karapat-dapat sa inyong anak," Tumayo ang estranghero sa harap ni Maria Crex saka kinuha ang kanyang palad at mabining hinalikan ngunit kaagad binawi ng dalaga ang kanyang kamay. "Nais ko sanang makasayaw ang pinakamagandang dilag na aking natagpuan," dumako ang paningin ng prinsesa sa kanyang ama tila nanghihingi ng permiso saka bahagyang tumango ang matanda. Doon napilitan si Maria Crex na makipagsayaw sa lalaki. "Napakaganda mo talaga simula noon hanggang ngayon, prinsesa." kumunot-noo ito. "Paano mo ko nakilala kung hindi kailanman naging pamilyar ang iyong mukha?" "Uh, nabalitaan ko lamang sa mga Emeritian na naninirahan sa'king sakop na palasyo." Bahagyang tumango ang prinsesa kahit hindi naniniwala sa estranghero, ngunit bilang paggalang sa mga panauhin ay ayaw niyang mapahiya ang binata. Natapos ang naturang tugtugin at tuluyang umupo ang mga panauhin maging ang binata. Ilang segundo ang lumipas, nang mag-anunsiyo ang hari ng ilang paalala sa mga dumalong prinsipe galing sa kasuluk-sulukan ng Emerit. Kapagkadaka'y, tumayo si Haring Buendia mula sa panonood sa mga nagsasayawan hudyat na mayroong sasabihin ang naturang ginoo. Naging mapaghanap ang mga mata ni Maria Crex, tila may hinahanap sa mga Emeritian na inaasahang naroroon. Gusto niyang muling makita ang lalaking nakilala sa ordinaryong pamilihan subalit parang wala roon si Leopoldo Haran. 'Ano sa tingin mo ang iisipin niya kapag nakita niya ang isang katulad mo ay prinsesa? Marahil ay lalayuan ka niya Maria' "Mayroon lamang akong kaunting sasabihin sa mga gustong tanggapin ang hamon upang makuha ang karapatang mamuno sa Burgandia kasama ang aking mahal na anak na si Maria Crex." inanyayahan ni Haring Buendia ang prinsesa sa harapan ng mga panauhin kaya lumapit ang babae saka marahang humarap sa Emeritian. "Una, kailangan niyong makipaglaban sa Yanira'ng nakatira sa kweba ng Galadia. Nang masubok ang katapangan ng susunod na mumuno sa Burgandia," nahintakutan ang mga Emeritian at tila nabagdan ng kialabot sapagkat ang Yanira ay kilalang halimaw na nagtatago sa Galadia, ngunit ni isa man ay walang gustong sumubok na pumasok sa kwebang yaon dahil maaaring hindi na makabalik dahil nilamon ng Yanira. "Pangalawang pagsubok, dito masusubok ang iyong kagitingan. Sa pamamagitan ng pagtulong sa payak na Emeritian sa burol ng Tirania. Kinakailangang patayuan ninyo nang mga kabahayan ang Emeritian sa inyong sariling mga kamay," lalong nabigla ang mga ito sapagkat malayo ang Tirania. Ang ilan sa mga nakatira roon ay sadyang hindi sanay sa pagkakaroon ng kabahayan. Kailangan umanong kumbinsehin ang mga ito sa kahit anong pamamaraan. "Ang pangatlo, at ang pinakamahirap sa lahat ay ang pasubok na kahaharapin kay Punong Questas. Ang kunin ang diyamanteng singsing sa puso ng puno." tila nagsi-atrasan ang ilang mga prinsipe sa kahilingan ni Haring Buendia sapagkat imposible ang nais ng ama ni Maria Crex. "Sinong prinsipe ang nais na gawin ang tatlong hamon? Kung mapagtagumpayan ang aking mga binigay na pagsubok, tinitiyak kong siya ang hihiranging susunod na mamumuno sa kaharian ng Burgandia." Natahimik ang lahat tila walang gustong sumubok ng mga hamon ni Haring Buendia. Hanggang sa nagtaas ng kamay ang estranghero mula sa kakaibang lugar malapit sa Harandia. "Tinatanggap ko ang hamon ninyo mahal na hari!" itinaas ang kamay ni Leon dahilan upang magulat ang mga Emeritian ngunit tila natigil ang lahat ng mayroong sumulpot na baston kung saan nakasakay ang bantay-talon. Dumaan ang engkantada sa mismong bintana ng Burgandia at mula roon ay lumapag ang bastong sakay-sakay si Haraya. Hapung-hapo ang kanyang itsura, animo hindi mapakali sa kanyang hatid na balita kay Haring Buendia. "Anong ginagawa ng bantay-talon sa'king abang palasyo?" "Nais kong magbigay babala sa buong Burgandia. Ayon saking nakita sa panaginip," "A-Anong ibig mong sabihin Haraya?" Napahawak si Reyna Crex sa kanyang asawa maging si Maria ay bahagyang naalarma. 'Bakit nangyayari ang ganito sa aking kaarawan?' "Nanaginip ako nang kaguluhan, pagdanak ng dugo sa Doryang Hilaga rason para tumungo sa punong si Questas. Nagbigay siya ng palaisipan at doon ay kinakailangan nating mag-ingat sa isang manlalakbay sapagkat si Juantorio ay malapit lamang sa'ting paligid," ani Haraya na nagbunsod upang katakutan ng mga Emeritian ang mga babala. "Anong sinasabi mo Haraya? Wala akong nakikitang banta sa palasyo ng Burgandia," pinabulaanan ng matanda. "Maniwala ka, Haring Buendia," Bahagyang nabahala ang mga Emeritian maging si Prinsesa Maria Crex sapagkat ayaw niyang mangyari ang kinatatakutang propesiya. "Tila hindi ako naniniwala at lalong hindi makapapayag na mayroong manakit kay Prinsesa Maria Crex," putol ni Leon. Dumako ang paningin ni Haraya sa lalaking pumutol sa kaganapan, hanggang tumawa ito na parang hindi naniniwala at halatang nakumbinse ang mga taga-Burgandia sa mga sinasabi ng estranghero. "At sino ka?" nangunot-noo ang engkantada. "Ako lamang naman ang magiging kabiyak ng prinsesa--" "Hindi pa, kailangan mo munang magawa ang lahat ng inuutos ni ama," tila hindi nagugustuhan ni Maria Crex ang estranghero dahil sa pagiging mahangin nito. "P-Pero maniwala kayo Haring Buendia..." pamimilit ng bantay-talon. "Haraya, mabuti pa't samahan mo kaming magsaya. Tinatawagan ko ang lahat ng iyong kasamahang diwata sa Galadia upang makisaya sa kaarawan ng aking anak," "P-Pero?" Nagsimulang tumugtog ang orchestra, dahil sinensyasan ni Leon ang mga ito na kaagad namang sumunod dahilan upang malunod sa musika ang nais na paliwanag ni Haraya. Tuluyang nagpatuloy ang kasiyahang nangyayari sa loob ng Burgandia habang ang engkantada ay bumalik sa Galadia'ng mabigat ang dinadala sa puso, dahil sa nalalapit na kapahamakan sa may hawak ng batong Elixir. Ilang sandaling nagdalawang-isip si Haraya bago tumulak pabalik sa kanyang trono at hinayaan ang mga Emeritian na magsaya, hanggang sa huling pagkakataon ay nilingon ni Haraya ang mailaw at maliwanag na palasyo ng Burgandia. 'Sana'y hindi totoo ang mga palaisipan ni Questas...' GALGOTHA- Doryang Timog Matamang nakaupo si Juantorio sa kanyang trono habang tumatawa nang pagkalakas-lakas at maging ang alagang engkanto ay talagang nakikisapagsabayan sa masamang hari. Kumakain ng itim na sayap ang binata na sadyang kakaiba kumpara sa ilang bahagi ng Emerit. "Nakita mo ba Kudyamat, kung gaano napaniwala ang haring malinis ang aking hangarin sa kanyang anak? Isa silang mga hangal!" bumunghalit ng halakhak ang lalaki. "Opo Panginoon, paniwalang-paniwala ang hari sa inyong palabas. Tiyak kong magagapi rin ang mga kutong-Emerit na iyon!" hinimas ni Kudyamat ang kanyang malaking sungay. "Tama si tandang Ulna sa kanyang mga bilin. Hindi tayo makikilala ng mga taga-Burgandia kung patuloy nating gagamitin ang kanyang ginawang mahika," dinukot ni Juantorio ang botelyang lila saka pinaglaruan sa kanyang kamay. "Paano po Panginoon kung hindi ka magtagumpay?" Napatayo ng wala sa oras ang binata dahil sa pagsalungat ng alaga sa kanyang nabubuong kahihinatnan ng buong palasyo. Hinatak niya si Kudyamat saka sinakal ng mahigpit. "Paano kung hindi magtagumpay? Sisiguruhin kong walang matitira sa Burgandia tulad ng gagawin ko sa'yo ngayon kapag hindi ka pa tumigil sa mga sinasabi mo!" "Ugh, P-Panginoon, ugh, hindi a-ako makahinga!" doon lamang binitiwan ni Juantorio ang nabibilaukang engkanto. Halos matakot si Kudyamat sa matatalim na titig ng hari kaya kaagad nagtago sa likod ng trono ang alagang engkanto. "Hindi ako makapapayag na masira ang lahat ng plano ko. Nagkakaintindinhan ba Galgotha?!" itinuktok nang mga hukbo ni Juantorio ang kanilang hawak na espada sa lupa, animo sumasang-ayon sa sinabi ng kanilang hari. Kapagkadaka'y muling tumawa ang hari kaya napuno nang nakakakilabot na kidlat ang kalangitan na sakop ng Doryang Timog. HARANDIA-Doryang Kanluran Kinabukasan ay nagising ng maaga si Prinsipe Loepoldo, ngunit pagkadilat pa lamang ng kanyang mata ay nakatunghay ang sariling dama tila tinititigan ang bawat anggulo ng kanyang mukha kaya napabalikwas ang prinsipe sa gulat. "Magandang umaga Prinsipe Leopoldo, nakahanda na po ang inyong agahan,--" Tumayo ang prinsipe at tinanggal ng lalaking dama ang kanyang roba ngunit patuloy pa rin sa pagsasalita. "Pagkatapos ay tutungo po kayo kasama nina Haring Cantor at Reyna Penelope sa Burgandia," anang dama rason para matigilan ang prinsipe. "Burgandia?" "Opo,mahal na prinsipe," Napangiti ang binata bago tumungo sa kanyang sariling banyo. "Makikita rin kita, Maria Crex Burgan...sana..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD